Ezra 4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sinalungat ang Pagpapatayo ng Templo
4 Nabalitaan ng mga kaaway ng mga taga-Juda at taga-Benjamin na muling ipinapatayo ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang templo ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 2 Kaya pumunta sila kay Zerubabel at sa mga pinuno ng mga pamilya, at nagsabi, “Tutulungan namin kayo sa pagpapatayo ng templo dahil sinasamba rin namin ang Dios nʼyo kagaya ng ginagawa ninyo. Matagal na kaming naghahandog sa kanya, mula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.” 3 Ngunit ito ang sagot nina Zerubabel, Jeshua, at ng mga pinuno ng mga pamilya: “Inutusan kami ni Haring Cyrus ng Persia na muling ipatayo ang templo. Ngunit hindi kayo kasama sa pagpapatayo nito para sa aming Dios. Kami lang ang magpapatayo nito para sa Panginoon, ang Dios ng Israel.”
4 Kaya pinahina ang loob at tinakot ng mga taong dati nang nakatira sa lupaing iyon[a] ang mga tao sa Juda para hindi nila maipagpatuloy ang pagpapagawa nila ng templo. 5 Sinuhulan nila ang mga opisyal ng gobyerno ng Persia para salungatin ang mga plano ng mga tao sa Juda. Patuloy nila itong ginagawa mula nang panahon na si Cyrus ang hari ng Persia hanggang sa panahong si Darius na ang hari ng Persia.
Ang Pagsalungat sa Pagpapatayo ng Templo nang Panahon ni Haring Artaserses
6 Nang maging hari si Ahasuerus, ang mga kalaban ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng iba pang mga nakatira sa Juda ay sumulat ng mga paratang laban sa kanila. 7 At kahit na noong si Artaserses na ang hari ng Persia, sumulat din sila sa kanya. Sila ay sina Bishlam, Mitredat, Tabeel, at ang iba pa nilang mga kasama. Isinulat nila ito sa wikang Aramico at isinalin ito sa wika ng mga taga-Persia.
8-11 Sumulat din kay Haring Artaserses si Rehum na gobernador at si Shimsai na kalihim laban sa mga taga-Jerusalem. Ito ang nilalaman ng sulat nila:
“Mahal na Haring Artaserses,
“Una po sa lahat nangungumusta kami sa inyo, kaming mga lingkod nʼyo rito sa lalawigan ng kanluran ng Eufrates. Kasama po sa mga nangungumusta ay ang mga kasama naming mga pinuno at opisyal, ang mga tao sa Tripolis, Persia, Erec, Babilonia, at ang mga tao sa Susa sa lupain ng Elam. Kinukumusta rin po kayo ng mga taong pinaalis sa kanilang mga lugar ni Osnapar,[b] ang tanyag at makapangyarihan na hari ng Asiria. Itong mga mamamayan ay pinatira niya sa lungsod ng Samaria at sa ibang mga lugar sa kanluran ng Eufrates.
12 “Mahal na Hari, gusto po naming malaman nʼyo na muling ipinapatayo ng mga Judio ang lungsod ng Jerusalem. Ang mamamayan nito ay masasama at rebelde. Dumating ang mga ito sa lungsod mula sa mga lugar na inyong nasasakupan. Inaayos na nga nila ang mga pader pati na po ang mga pundasyon nito.[c] 13 Mahal na Hari, kapag muli pong naipatayo ang lungsod na ito at naayos na ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis at ng iba pang bayarin ang mga tao, at liliit na ang kita ng kaharian.
14 “Dahil nga po may tungkulin kami sa inyo, Mahal na Hari, at hindi namin gustong mapahiya kayo, ipinapaalam namin ito sa inyo 15 para saliksikin po ninyo ang kasulatang itinago ng mga ninuno ninyo. Sa ganoong paraan, malalaman nʼyo po na ang mga nakatira sa lungsod ng Jerusalem ay rebelde mula pa noon. Kaya nga nilipol ang lungsod na ito dahil naging problema ito ng mga hari at ng mga lugar na gustong sumakop dito. 16 Ipinapaalam lang po namin sa inyo, Mahal na Hari, na kung muling maipatayo ang lungsod na ito at maiayos na ang mga pader nito, mawawala sa inyo ang lalawigan na nasa kanluran ng Eufrates.”
17 Ito ang sagot na ipinadala ng hari:
“Nangungumusta ako sa iyo Gobernador Rehum, kay Shimsai na kalihim, at sa inyong mga kasama na nakatira sa Samaria at sa iba pang mga lugar sa kanluran ng Eufrates.
“Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan.
18 “Ang sulat na inyong ipinadala ay isinalin sa wika namin at binasa sa akin. 19 Nag-utos akong saliksikin ang mga kasulatan, at napatunayan na ang mga dating naninirahan sa Jerusalem ay kumakalaban nga sa mga hari. Nakasanayan na nga ng lugar na iyan ang pagrerebelde laban sa gobyerno. 20 Nalaman ko rin sa pamamagitan ng mga kasulatan na ang Jerusalem ay pinamahalaan at pinagbayad ng buwis at ng iba pang bayarin ng mga makapangyarihang hari, na namuno sa buong lalawigan sa kanluran ng Eufrates.
21 “Ngayon, ipag-utos nʼyong itigil ng mga taong iyan ang muling pagpapatayo ng lungsod hanggaʼt hindi ko iniuutos. 22 Gawin nʼyo agad ito para hindi mapahamak ang kaharian ko.”
23 Pagkatapos basahin kina Rehum, Shimsai, at sa mga kasama nila ang liham ni Haring Artaserses, pumunta agad sila sa Jerusalem at pinilit ang mga Judio na itigil ang muling pagpapatayo ng lungsod.
24 Kaya natigil ang pagpapatayo ng templo ng Dios sa Jerusalem hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia.
Ezra 4
Ang Biblia (1978)
Ang mga salungat ay sumulat kay Artajerjes.
4 Nang mabalitaan nga ng mga (A)kaaway ng Juda at Benjamin na ang mga anak sa pagkabihag ay nangagtatayo ng templo na ukol sa Panginoon, sa Dios ng Israel;
2 Nagsilapit nga sila kay Zorobabel, at sa mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, at nangagsabi sa kanila, Papagtayuin ninyo kami na kasama ninyo: sapagka't aming hinahanap ang inyong Dios, na gaya ng inyong ginagawa; at kami ay nangaghahain sa kaniya mula ng mga (B)kaarawan ni Esar-haddon na hari sa Asiria, na nagahon sa amin dito.
3 Nguni't si Zorobabel, at si Jesua, at ang nalabi sa mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, ay nangagsabi sa kanila, Kayo'y walang ipakikialam sa amin sa pagtatayo ng isang bahay na ukol sa aming Dios; kundi kami rin na magkakasama ay aming ipagtatayo ang Panginoon, ang Dios ng Israel, gaya ng iniutos sa amin ni Ciro na (C)hari sa Persia,
4 Nang magkagayo'y pinahina ng bayan ng lupain ang mga kamay ng bayan ng Juda, at binagabag sila sa pagtatayo.
5 At umupa ng mga tagapayo laban sa kanila, upang iurong ang kanilang akala, sa lahat ng kaarawan ni Ciro na hari sa Persia, hanggang sa paghahari ni Dario na hari sa Persia.
6 At sa paghahari ni (D)Assuero, sa pasimula ng kaniyang paghahari, nagsisulat sila ng isang sakdal laban sa mga taga Juda at Jerusalem.
7 At sa mga kaarawan ni Artajerjes, nagsisulat si Bislam, si (E)Mitridates, si Tabeel at ang nalabi sa kaniyang mga kasama kay Artajerjes na hari sa Persia; at ang pagkasulat ng sulat ay nasusulat ng sulat Siria, at ang laman niyaon ay wikang (F)Siria.
8 Si Rehum na kasangguni at si Simsai na kalihim, sumulat ng isang sulat laban sa Jerusalem kay Artajerjes na hari ng ganitong paraan:
9 Nang magkagayo'y nagsisulat si Rehum na tagapayo at si Simsai na kalihim, at ang nalabi sa kanilang mga kasama; ang mga Dinaita, at ang mga Apharsacita, ang mga Tharphelita, ang mga Apharsita, ang mga Archevita, ang mga Babilonio, ang mga Susanchita, ang mga Dehaita, ang mga Elamita.
10 At ang nalabi sa mga bansa na itinawid ng dakila at marangal na si (G)Asnappar, at inilagay sa bayan ng Samaria, at sa nalabi sa lupain, na nasa dako roon ng Ilog, at sa iba pa.
11 Ito ang salin ng sulat na kanilang ipinadala kay Artajerjes na hari: Ang iyong mga lingkod na mga lalake sa dako roon ng Ilog, at iba pa.
12 Talastasin ng hari, na ang mga Judio na nagsiahong galing sa iyo ay nagsiparoon sa amin sa Jerusalem; kanilang itinatayo ang mapanghimagsik at masamang bayan, at nayari ang mga kuta, at isinauli ang mga tatagang-baon.
13 Talastasin ngayon ng hari, na, kung ang bayang ito ay matayo, at ang mga kuta ay mayari, sila'y hindi mangagbabayad ng (H)buwis, kabayaran, o upa, at sa wakas ay ikapapahamak ng mga hari.
14 Sapagka't aming kinakain nga ang asin ng bahay-hari, at hindi marapat sa amin na aming makita ang ikasisirang puri ng hari, kaya't kami ay nangagsugo at nangagpatotoo sa hari;
15 Upang ang pagsaliksik ay maisagawa sa aklat ng mga alaala ng iyong mga magulang: sa gayo'y iyong masusumpungan sa aklat ng mga alaala, at malalaman na ang bayang ito ay mapanghimagsik na bayan, at mapangpahamak sa mga hari at mga lalawigan, at sila'y nagsipanghimagsik doon nang unang panahon: na siyang ikinagiba ng bayang ito.
16 Aming pinatototohanan sa hari, na, kung ang bayang ito ay matayo, at ang mga kuta ay mayari, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa dako roon ng Ilog sa kadahilanang ito.
Nagutos si Artajerjes na itigil ang pagtatayo.
17 Nang magkagayo'y nagpadala ang hari ng kasagutan kay Rehum na kasangguni, at kay Simsai na kalihim, at sa mga nalabi sa kanilang mga kasama na nagsisitahan sa Samaria, at sa nalabi sa lupain sa dako roon ng Ilog: Kapayapaan, at iba pa.
18 Ang sulat na inyong ipinadala sa amin, ay nabasa na maliwanag sa harap ko.
19 At ako'y nagpasiya, at ang pagsaliksik ay naisagawa at nasumpungan na ang bayang ito nang una ay gumawa ng panghihimagsik laban sa mga hari, at ang panghihimagsik at pagbabanta ay nagawa roon.
20 Nagkaroon naman doon ng mga may kayang hari sa Jerusalem, na (I)nagpuno sa buong lupain sa dako roon ng Ilog; at buwis, kabayaran, at upa, ay nabayad sa kanila.
21 Magpasiya kayo ngayon na inyong patigilin ang mga taong ito, at upang ang bayang ito ay huwag matayo, hanggang sa ang pasiya ay magawa ko.
22 At kayo'y mangagingat na huwag kayong magpabaya dito: bakit ang pagkapahamak ay mangyayari sa ikapapahamak ng mga hari?
23 Nang mabasa nga ang salin ng sulat ng haring Artajerjes sa harap ni Rehum, at ni Simsai na kalihim, at ng kanilang mga kasama, sila'y nangagmadaling nagsiparoon sa Jerusalem sa mga Judio, at pinatigil nila sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan.
24 Nang magkagayo'y natigil ang gawa sa bahay ng Dios na nasa Jerusalem; at natigil hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario, na hari sa Persia.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
