Ezekiel 40
Ang Biblia, 2001
Pangitain tungkol sa Bahay
40 Nang ikadalawampu't limang taon ng aming pagkabihag, nang pasimula ng taon, nang ikasampung araw ng buwan, nang ikalabing-apat na taon pagkatapos na ang bayan ay masakop, nang araw na iyon, ang kamay ng Panginoon ay sumaakin.
2 Sa(A) mga pangitaing mula sa Diyos ay dinala niya ako sa lupain ng Israel, at pinaupo ako sa isang napakataas na bundok, na kinaroroonan ng parang isang lunsod sa timog.
3 Nang kanyang(B) madala ako roon, mayroong isang lalaki na ang anyo ay nagliliwanag na parang tanso, na may pising lino at isang panukat na tambo sa kanyang kamay at siya'y nakatayo sa pintuang-daan.
4 At sinabi ng lalaki sa akin, “Anak ng tao, tingnan mo ng iyong mga mata, pakinggan mo ng iyong mga pandinig, at ilagak mo ang iyong isipan sa lahat ng aking ipapakita sa iyo; sapagkat ikaw ay dinala rito upang aking maipakita ito sa iyo. Ipahayag mo ang lahat ng iyong nakita sa sambahayan ni Israel.”
Ang Tarangkahan sa Gawing Silangan
5 At(C) narito, may pader sa palibot sa dakong labas ng lugar ng bahay, at ang haba ng panukat na tambo sa kamay ng tao ay anim na siko, na tig-isang siko at isang dangkal ang luwang ng bawat isa. Kaya't kanyang sinukat ang kapal ng pader, isang tambo; at ang taas, isang tambo.
6 Pumasok siya sa pintuang-daan na nakaharap sa silangan, sa mga baytang niyon at kanyang sinukat ang pasukan ng pintuan, isang tambo ang luwang; ang kabilang pasukan ay isang tambo ang luwang.
7 Ang mga silid ng bantay ay isang tambo ang haba, at isang tambo ang luwang; at ang pagitan ng mga silid ng bantay ay limang siko; at ang pasukan ng pintuan sa tabi ng patyo ng pintuan sa pinakadulo ng daanan ay isang tambo.
8 Kanya rin namang sinukat ang bulwagan sa pintuang-daan, walong siko.
9 At ang mga haligi niyon, dalawang siko; at ang bulwagan sa pintuang-daan ay nasa pinakadulo ng daanan.
10 Mayroong tatlong silid ng bantay sa magkabilang dako ng pintuan sa silangan; ang tatlo ay iisang sukat; at ang mga haligi sa magkabilang panig ay iisang sukat.
11 Kanyang sinukat ang luwang ng pasukan ng pintuang-daan, sampung siko; at ang haba ng pintuang-daan, labintatlong siko.
12 May harang sa harapan ng mga silid ng bantay, isang siko sa magkabilang panig. Ang mga silid ng bantay ay anim na siko sa magkabilang panig.
13 At kanyang sinukat ang pintuang-daan mula sa likuran ng isang silid ng bantay hanggang sa likuran ng kabila, may luwang na dalawampu't limang siko, mula sa pintuan hanggang sa isa pang pintuan.
14 Sinukat din niya ang bulwagan, dalawampung siko; at sa paligid ng bulwagan ng pintuang-daan ay ang patyo.
15 Mula sa harapan ng pintuan sa pasukan hanggang sa dulo ng pinakaloob na bulwagan ng pintuan ay limampung siko.
16 May mga bintana sa palibot ang mga pintuang-daan na papaliit sa mga pintuan sa gilid. Ang bulwagan ay mayroon ding mga bintana sa palibot at sa mga haligi ay may puno ng palma.
Ang Bulwagan sa Labas
17 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa labas ng bulwagan, at narito, may mga silid at may batong daanan sa palibot ng bulwagan; tatlumpung silid ang nakaharap sa nalalatagan ng bato.
18 At ang nalalatagan ng bato ay hanggang sa gilid ng mga pintuan, ayon sa haba ng mga pintuan; ito ang mas mababang nalalatagan ng bato.
19 Nang magkagayo'y kanyang sinukat ang pagitan mula sa harapan ng mas mababang pintuan hanggang sa harapan ng pinakaloob na bulwagan sa labas, isandaang siko, kahit sa silangan o kahit sa kanluran.
Ang Tarangkahan sa Gawing Hilaga
20 At siya'y umuna sa akin patungo sa hilaga, at may pintuang nakaharap sa hilaga na kabilang sa panlabas na bulwagan. Sinukat niya ang haba at luwang niyon.
21 Ang mga silid niyon sa gilid ay tatlo sa bawat panig, at ang mga haligi at mga patyo ay ayon sa sukat ng unang pintuan. Ang haba niyon ay limampung siko, at ang luwang ay dalawampu't limang siko.
22 Ang mga bintana at bulwagan niyon, at ang mga puno ng palma niyon ay ayon sa sukat ng pintuang-daan na nakaharap sa silangan. Pitong baytang ang paakyat doon at ang bulwagan niyon ay nasa loob.
23 At sa tapat ng pintuan sa gawing hilaga, gaya ng sa silangan, ay may pintuan sa pinakaloob na bulwagan. Kanya itong sinukat mula sa pintuan hanggang sa pintuan, isandaang siko.
Ang Tarangkahan sa Gawing Timog
24 Dinala niya ako patungo sa timog, at may isang pintuan sa timog; at kanyang sinukat ang mga haligi niyon at ang bulwagan niyon. Ang sukat ng mga iyon ay gaya rin ng iba.
25 May mga bintana sa palibot nito at sa bulwagan, gaya ng mga bintana ng iba. Ang haba nito ay limampung siko, at ang luwang ay dalawampu't limang siko.
26 At may pitong baytang paakyat doon, at ang bulwagan niyon ay nasa loob, at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig.
27 May pintuan sa looban sa dakong timog; at kanyang sinukat mula sa pintuan hanggang sa pintuan sa dakong timog, isandaang siko.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Timog
28 Dinala niya ako sa pinakaloob na bulwagan sa tabi ng pintuan sa timog, at kanyang sinukat ang pintuan sa timog; ang sukat nito ay gaya ng iba.
29 Ang mga silid ng bantay, ang mga haligi at ang bulwagan ay kasukat ng iba. May mga bintana sa palibot niyon at sa bulwagan. Ang haba nito ay may limampung siko at dalawampu't limang siko ang luwang.
30 May mga bulwagan sa palibot, na dalawampu't limang siko ang haba at limang siko ang luwang.
31 Ang mga bulwagan niyon ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, at ang hagdan nito ay may walong baytang.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Silangan
32 Dinala niya ako sa panloob na patyo sa dakong silangan, at sinukat niya ang pintuan—iyon ay kagaya ng sukat ng iba.
33 Ang mga silid ng bantay, ang mga haligi niyon, at ang mga bulwagan niyon ay kagaya ng sukat ng iba; at may mga bintana sa palibot at sa mga bulwagan niyon. Limampung siko ang haba at dalawampu't limang siko ang luwang niyon.
34 Ang mga bulwagan ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. Ang hagdan nito ay may walong baytang.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Hilaga
35 At dinala niya ako sa pintuang-daan sa hilaga, at sinukat niya iyon. Ang sukat nito ay gaya rin ng sa iba.
36 Ang mga silid ng bantay nito, ang mga haligi niyon at mga bulwagan niyon ay may sukat na gaya rin ng iba at may mga bintana sa palibot. Ang haba nito ay limampung siko at ang luwang ay dalawampu't limang siko.
37 Ang mga bulwagan niyon ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. Ang hagdan nito ay may walong baytang.
Ang mga Gusali sa Tabi ng Tarangkahan sa Hilaga
38 May isang silid na ang pintuan ay nasa bulwagan ng pintuan, na doon huhugasan ang handog na sinusunog.
39 Sa bulwagan ng pintuan ay may dalawang mesa sa magkabilang panig, na doon kakatayin ang handog na sinusunog at ang handog pangkasalanan at ang handog para sa budhing nagkasala.
40 Sa labas ng bulwagan sa pasukan ng pintuan sa dakong hilaga ay may dalawang mesa; at sa kabilang dako ng bulwagan ng pintuan ay may dalawang mesa.
41 Apat na mesa ang nasa magkabilang dako sa tabi ng pintuan; o walong mesa ang kanilang pinagkakatayan ng mga handog.
42 Mayroon ding apat na mesa na batong tinabas para sa handog na sinusunog, na isang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang, at isang siko ang taas; na kanilang pinaglagyan ng mga kasangkapan na kanilang ginagamit sa pagkatay sa handog na sinusunog at sa mga alay.
43 Ang mga kawit na isang lapad ng kamay ang haba ang nakakabit sa loob sa palibot. At sa ibabaw ng mga mesa ay ilalagay ang laman ng handog.
44 Dinala niya ako mula sa labas patungo sa panloob na patyo. May dalawang silid sa panloob na patyo. Ang isa ay nasa tabi ng pintuang nakaharap sa timog at ang isa ay sa tabi ng pintuan sa silangan na nakaharap sa hilaga.
45 Kanyang sinabi sa akin, Ang silid na ito na nakaharap sa timog ay sa mga pari na namamahala sa templo,
46 ang silid na nakaharap sa hilaga ay para sa mga pari na namamahala sa dambana. Ang mga ito ay mga anak ni Zadok, na sa mga anak ni Levi ay sila lamang ang makakalapit sa Panginoon upang maglingkod sa kanya.
47 Sinukat niya ang bulwagan; ito'y isandaang siko ang haba, at isandaang siko ang luwang, parisukat; at ang dambana ay nasa harapan ng templo.
Ang Bulwagan sa Loob at ang Bahay
48 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa bulwagan ng bahay at sinukat niya ang haligi ng bulwagan. Ito'y limang siko sa magkabilang panig. Ang luwang ng pintuan ay labing-apat na siko. Ang tagilirang pader ng pintuan ay tatlong siko sa magkabilang panig.
49 Ang haba ng bulwagan ay dalawampung siko, at ang luwang ay labing-isang siko, at ang hagdanan ay paakyat dito. Mayroon ding mga tukod sa tabi ng mga haligi sa magkabilang panig.
Ezekiel 40
Ang Dating Biblia (1905)
40 Nang ikadalawang pu't limang taon ng aming pagkabihag, nang pasimula ng taon, nang ikasangpung araw ng buwan, nang ikalabing apat na taon pagkatapos na ang bayan ay masaktan nang kaarawang yaon, ang kamay ng Panginoon ay sumaakin, at dinala niya ako roon.
2 Sa mga pangitain na mula sa Dios ay dinala niya ako sa lupain ng Israel, at inilagay ako sa totoong mataas na bundok, na kinaroroonan ng parang isang bayan sa timugan.
3 At dinala niya ako roon; at, narito, may isang lalake na ang anyo ay parang anyo ng tanso, na may pising lino sa kaniyang kamay, at isang panukat na tambo; at siya'y natayo sa pintuang-bayan.
4 At sinabi ng lalake sa akin, Anak ng tao, tumingin ka ng iyong mga mata, at makinig ka ng iyong mga pakinig, at ilagak mo ang iyong puso sa lahat na aking ipakikita sa iyo; sapagka't sa haka na aking mga maipakikita sa iyo ay dinala ka rito: ipahayag mo ang lahat na iyong nakikita sa sangbahayan ni Israel.
5 At, narito; isang kuta sa dakong labas ng bahay sa palibot, at sa kamay ng lalake ay isang panukat na tambo na may anim na siko ang haba, na tigisang siko at isang dangkal ang luwang ng bawa't isa: sa gayo'y kaniyang sinukat ang luwang ng bahay, na isang tambo; at ang taas, isang tambo.
6 Nang magkagayo'y naparoon siya sa pintuang-daan, na nakaharap sa dakong silanganan, at sumampa sa mga baytang niyaon: at kaniyang sinukat ang pasukan sa pintuang-daan, isang tambo ang luwang; at ang kabilang pasukan, isang tambo ang luwang.
7 At bawa't silid ng bahay ay isang tambo ang haba, at isang tambo ang luwang; at ang pagitan ng mga silid ng bantay ay limang siko; at ang pasukan sa pintuang-daan sa tabi ng portiko sa pintuang-daan sa dako ng bahay ay isang tambo.
8 Kaniya rin namang sinukat ang portiko sa pintuang-daan sa dakong bahay, isang tambo.
9 Nang magkagayo'y sinukat niya ang portiko sa pintuang-daan, walong siko; at ang mga haligi niyaon, dalawang siko; at ang portiko sa pintuang-daan ay nasa dako ng bahay.
10 At ang mga silid ng bantay ng pintuang-daan sa dakong silanganan ay tatlo sa dakong ito, at tatlo sa dakong yaon; ang tatlo ay iisang sukat: at ang mga haligi ng pintuan ay iisang sukat sa dakong ito, at sa dakong yaon.
11 At kaniyang sinukat ang luwang ng pasukan ng pintuang-daan, sangpung siko; at ang haba ng pintuang-daan, labing tatlong siko;
12 At ang pagitan sa harap ng mga silid ng bantay, isang siko sa dakong ito, at ang isang pagitan, isang siko sa dakong yaon; at ang mga silid ng bantay, anim na siko sa dakong ito, at anim na siko sa dakong yaon;
13 At kaniyang sinukat ang pintuang-daan mula sa bubungan ng isang silid ng bantayan hanggang sa bubungan ng kabila, may luwang na dalawang pu't limang siko; pintuan sa tapat ng pintuan.
14 Gumawa naman siya ng mga haligi ng pintuan, na anim na pung siko; at ang looban ay hanggang sa haligi, ang pintuang-daan ay sa palibot.
15 At mula sa harap ng pintuang-daan sa pasukan hanggang sa harap ng pinakaloob na portiko sa pintuang-daan ay limang pung siko.
16 At may makikipot na dungawan sa mga silid ng bantay, at sa mga haligi ng mga yaon sa loob ng pintuang-daan sa palibot, at gayon din sa mga hubog; at ang mga dungawan ay nangasa palibot sa dakong loob; at sa bawa't haligi ay may mga puno ng palma.
17 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa loob ng looban sa labas; at, narito, may mga silid at may isang lapag na ginawa sa palibot ng looban: tatlong pung silid ang nasa lapag.
18 At ang lapag ay nasa tabi ng mga pintuang-daan, ayon sa haba ng mga pintuang-daan, sa makatuwid baga'y ang lalong mababang lapag.
19 Nang magkagayo'y kaniyang sinukat ang luwang mula sa harap ng lalong mababang pintuang-daan hanggang sa harap ng pinakaloob na looban sa may labas, na isang daang siko, sa dakong silanganan at gayon din sa dakong hilagaan.
20 At ang pintuang-daan ng looban sa labas na nakaharap sa dakong hilagaan, kaniyang sinukat ang haba niyaon at ang luwang niyaon.
21 At ang mga silid ng bantay niyaon ay tatlo sa dakong ito at tatlo sa dakong yaon; at ang mga haligi niyaon at ang mga hubog niyaon ay ayon sa sukat ng unang pintuang-daan: ang haba niyaon ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko.
22 At ang mga dungawan niyaon, at ang mga hubog niyaon, at ang mga puno ng palma niyaon ay ayon sa sukat ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at kanilang sinampa ng pitong baytang; at ang mga hubog niyaon ay nangasa harap nila.
23 At may pintuang-daan sa lalong loob na looban sa tapat ng kabilang pintuang-daan, sa dakong hilagaan at gayon din sa dakong silanganan; at kaniyang sinukat mula sa pintuang-daan hanggang sa pintuang-daan na isang daang siko.
24 At dinala niya ako sa dakong timugan; at, narito, ang isang pintuang-daan sa dakong timugan: at kaniyang sinukat ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon ayon sa mga sukat na ito.
25 At may mga dungawan doon at sa mga hubog niyaon sa palibot, gaya ng mga dungawang yaon: ang haba ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko.
26 At may pitong baytang na sampahan, at ang mga hubog niyaon ay nangasa harap ng mga yaon; at may mga puno ng palma; sa dakong ito, at isa sa dakong yaon, sa mga haligi niyaon.
27 At may pintuang-daan sa lalong loob na looban sa dakong timugan: at kaniyang sinukat mula sa pintuang-daan hanggang sa pintuang-daan sa dakong timugan na isang daang siko.
28 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa lalong loob na looban sa tabi ng pintuang-daan sa timugan: at kaniyang sinukat ang pintuang-daang timugan ayon sa mga sukat ding ito;
29 At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga hubog niyaon, ay ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan yaon, at gayon din sa mga hubog niyaon sa palibot; may limang pung siko ang haba, at dalawang pu't limang siko ang luwang.
30 At may mga hubog sa palibot, na dalawang pu't limang siko ang haba, at limang siko ang luwang.
31 At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon: at ang sampahan ay may walong baytang.
32 At dinala niya ako sa lalong loob na looban sa dakong silanganan; at sinukat niya ang pintuang-daan ayon sa mga sukat na ito.
33 At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon, ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan sa loob at sa mga hubog niyaon sa palibot: may limang pung siko ang haba, at dalawang pu't limang siko ang luwang.
34 At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.
35 At dinala niya ako sa pintuang-daang hilagaan: at sinukat niya ayon sa mga sukat na ito;
36 Ang mga silid ng bantay niyaon, ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon: at may mga dungawan sa loob sa palibot; ang haba ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko.
37 At ang mga haligi niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.
38 At isang silid na may pintuan ay nasa tabi ng mga haligi sa mga pintuang-daan; doon sila naghugas ng handog na susunugin.
39 At sa portiko ng pintuang-daan ay may dalawang dulang sa dakong ito, at dalawang dulang sa dakong yaon, upang patayin doon ang handog na susunugin, at ang handog dahil sa kasalanan at ang handog dahil sa pagkakasala.
40 At sa isang dako sa labas na gaya ng kung sasampa sa pasukan ng pintuang-daan sa dakong hilagaan ay may dalawang dulang; at sa kabilang dako, na ukol sa portiko ng pintuang-daan, ay may dalawang dulang.
41 Apat na dulang sa dakong ito, at apat na dulang sa dakong yaon sa tabi ng pintuang-daan; walong dulang ang kanilang pinagpatayan ng mga hain.
42 At may apat na dulang na ukol sa handog na susunugin, na batong tinabas, na isang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang, at isang siko ang taas; na kanilang pinaglapagan ng mga kasangkapan na kanilang ipinagpatay sa handog na susunugin at sa hain.
43 At ang mga pangipit na may isang lapad ng kamay ang haba, ay natitibayan sa loob sa palibot; at nasa ibabaw ng mga dulang ang laman na alay.
44 At sa labas ng lalong loob na pintuang-daan ay may mga silid na ukol sa mga mangaawit sa lalong loob na looban, na nasa tabi ng pintuang-daang hilagaan; at mga nakaharap sa timugan; isa sa dako ng silanganang daan na nahaharap sa dakong hilagaan.
45 At kaniyang sinabi sa akin, Ang silid na ito na nakaharap sa dakong timugan, ay sa mga saserdote, sa mga namamahala sa bahay;
46 At ang silid na nakaharap sa dakong hilagaan ay sa mga saserdote, na mga namamahala sa dambana: ang mga ito ay mga anak ni Sadoc, na sa mga anak ni Levi ay nagsilapit sa Panginoon upang magsipangasiwa sa kaniya.
47 At sinukat niya ang looban na isang daang siko ang haba, at isang daang siko ang luwang, parisukat; at ang dambana ay nasa harap ng bahay.
48 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa portiko ng bahay, at sinukat niya ang bawa't haligi ng portiko na limang siko sa dakong ito, at limang siko sa dakong yaon: at ang luwang ng pintuang-daan ay tatlong siko sa dakong ito, at tatlong siko sa dakong yaon.
49 Ang haba ng portiko ay dalawang pung siko, at ang luwang ay labing isang siko: kahit sa pamamagitan ng mga baytang na kanilang sinampahan: at may mga haligi, isa sa dakong ito, at isa sa dakong yaon.
Ezekiel 40
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Bagong Templo
40 1-2 Noong ikasampung araw ng unang buwan, nang ika-25 taon ng aming pagkabihag at ika-14 na taon mula nang wasakin ang Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at ipinakita sa akin ang isang pangitain. Sa pangitaing iyon, dinala niya ako sa mataas na bundok ng Israel. Nang tumingin ako sa timog ay may nakita akong parang isang lungsod. 3 Dinala ako roon ng Panginoon at may nakita akong isang tao na ang mukha ay parang kumikinang na tanso. Nakatayo siya malapit sa pintuan ng bayan at may hawak na panukat. Ang isa ay lubid na gawa sa telang linen at ang isa ay kahoy. 4 Sinabi sa akin ng taong iyon, “Anak ng tao, makinig ka at tingnan mong mabuti ang ipapakita ko sa iyo dahil ito ang dahilan kung bakit kita dinala rito. Pagkatapos, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel ang lahat ng nakita mo.”
Ang Pintuan sa Gawing Silangan
5 Nakita ko ang templo na napapaligiran ng pader. Kinuha ng tao ang panukat niyang kahoy, na ang haba ay sampung talampakan, ayon sa umiiral na sukatan ay sinukat niya ang pader. Sampung talampakan ang taas nito at ganoon din ang kapal. 6 Pagkatapos, pumunta ang tao sa daanan sa templo na nakaharap sa silangan. Umakyat siya sa mga baitang at sinukat niya ang pasukan ng daanan, at sampung talampakan ang luwang nito. 7 Sa bawat gilid ng daanang ito ay may tatlong silid na may guwardyang nagbabantay. Ang bawat silid na itoʼy may sukat na sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang, at ang kapal ng pader sa pagitan ay walong talampakan. Sa kabila ng mga silid ay may daanang papunta sa balkonahe na nakaharap sa templo. Ang daanang ito ay sampung talampakan din ang haba.
8-9 Sinukat din ng tao ang bulwagan at 14 na talampakan ang haba nito. Ang kapal ng dingding sa magkabilang daanan ng balkonahe ay tatlong talampakan.
10 Ang tatlong silid na kinaroroonan ng mga bantay ay pare-pareho ang luwang at ang mga pader sa pagitan nito ay pare-pareho rin ang kapal. 11 Sinukat din ng tao ang taas ng daanan papunta sa bakuran sa labas at itoʼy 22 talampakan. Ngunit ang taas ng pintuan nito ay 17 talampakan. 12 Sa harap ng bawat silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay ay may mababang pader na 20 pulgada ang taas at 20 pulgada rin ang kapal. At ang mga silid na itoʼy sampung talampakan ang haba at ganoon din ang luwang.
13 Pagkatapos, sinukat ng tao ang luwang ng daanan papunta sa bakuran sa labas, at itoʼy 42 talampakan. Ang sukat nitoʼy mula sa likod ng pader ng kwartong kinaroroonan ng guwardyang nagbabantay, papunta sa kabilang pader ng silid ding iyon. 14 Sinukat niya ang pader mula sa pintuan papunta sa bulwagang nakaharap sa bakuran sa labas, at 100 talampakan ang haba nito. 15 Ang haba naman ng daanan mula sa pintuan hanggang sa dulo ng bulwagan ay 85 talampakan. 16 May maliit na bintana sa bawat silid, kung saan naroon ang nagbabantay at sa pader sa gitna ng mga silid. Ang mga pader na ito ay may palamuting nakaukit na puno ng palma.
Ang Bakuran sa Labas ng Templo
17 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa labas ng templo. Nakita ko roon ang 30 silid na nakahilera sa daanang bato na nakapaikot sa bakuran. 18 Ang daanang bato na ito sa bandang ibaba ay umaabot hanggang sa gilid ng mga daanang papasok sa bakuran. Ang lawak ng daanang bato ay kapantay ng haba ng mga daanang iyon. 19 Pagkatapos, sinukat ng tao ang layo mula sa daanang papasok sa bakuran sa labas ng templo hanggang sa daanang papunta sa loob ng bakuran ng templo at ang layo ay 170 talampakan.
Ang Daanan sa Hilaga
20 Pagkatapos, sinukat ng tao ang haba at taas ng daanan sa hilaga. Ang daanang ito ay papunta sa labas ng patyo. 21 Ang bawat gilid ng daanan ay may tatlo ring silid na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang luwang ng mga silid na ito at ang pader sa pagitan, pati ang mga balkonahe nito ay katulad din ng daanan sa silangan. Ang haba ng daanan sa hilaga ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 22 Ang mga bintana, balkonahe at palamuting palma ay katulad din ng nasa silangang daanan. May pitong baitang pataas sa daanan at may balkonahe sa dulo nito. 23 Mayroon ding daanan papunta sa bakuran sa loob, sa gawing hilagang daanan katulad ng daanan sa silangan. Sinukat din ng tao ang layo ng dalawang daanan, at itoʼy 170 talampakan.
Ang Daanan sa Timog
24 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa dakong timog at may nakita akong daanan doon. Sinukat niya ang balkonahe at ang magkabilang pader nito at ang sukat nito ay katulad din ng mga una niyang sinukat. 25 May mga bintana rin ito sa paligid ng daanan, at balkonahe katulad ng iba. Ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 26 Pito ang baitang nito paakyat sa daanan at may balkonahe sa dulo nito. Ang mga pader sa gilid ng daanan ay may mga palamuting palma. 27 Mayroon ding daanan ang bakuran sa loob, na nakaharap sa timog. Sinukat ito ng tao at ang layo mula sa daanang ito hanggang sa daanan sa labas sa timog ay 170 talampakan.
Ang mga Daanan Papunta sa Bakuran sa Loob
28 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa loob. Doon kami dumaan sa daanang nasa timog. Sinukat niya ang daanan at katulad din ito ng iba. 29 Mayroon din itong mga silid na kinaroroonan ng mga guwardya na nagbabantay. Ang laki ng mga silid nito at ang mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe ay katulad din ng iba. Mayroon ding mga bintana sa palibot ng daanan at ng balkonahe. Ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang naman ay 42 at kalahating talampakan. 30 (Ang mga balkonahe ng mga daanan na nakapaligid sa bakuran sa loob ay may habang walong talampakan at may luwang na 42 at kalahating talampakan.) 31 Ang balkonahe ng daanan sa bandang timog ay nakaharap sa bakuran sa labas, at napapalamutian ito ng puno ng palma na nakaukit sa mga pader. May walong baitang paitaas sa daanang ito.
32 Pagkatapos, muli akong dinala ng tao sa bakuran sa loob. Sa gawing silangan kami dumaan. Sinukat niya ang daanan at katulad din ito ng iba. 33 May mga silid din ito na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang laki ng mga silid nito, at mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe nito ay katulad din ng sa iba. Mayroon ding mga bintana sa paligid ng daanan at ng balkonahe. Ang haba naman ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 34 Ang balkonahe nito ay nakaharap sa bakuran sa labas, at may mga palamuting palma na nakaukit sa magkabilang pader. May walong baitang din pataas sa daanang ito.
35 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa daanan sa hilaga. Sinukat niya ang daanang ito at katulad din ito ng iba. 36 May mga silid din ito na kinaroroonan ng mga guwardyang nagbabantay. Ang luwang ng mga silid na ito, at ang mga pader sa gitna, pati ang mga balkonahe ay katulad din ng iba. May mga bintana rin ito sa paligid ng daanan. At ang haba ng daanan ay 85 talampakan at ang luwang ay 42 at kalahating talampakan. 37 Ang balkonahe nito ay nakaharap sa bakuran sa labas, at may mga palamuting puno ng palma na nakaukit sa pader. May walong baitang pataas sa daanang ito.
Ang Silid na Pinaghahandaan ng mga Handog
38 Pagkatapos, may nakita akong silid na may pintuan, sa tapat ng balkonahe sa daanang nasa hilaga. Doon sa silid na iyon hinuhugasan ang mga handog na sinusunog. 39 Sa magkabilang panig ng balkonahe ay may dalawang mesa na pinagkakatayan ng mga hayop na handog na sinusunog, handog sa paglilinis at handog na pambayad ng kasalanan.[a] 40 Mayroon pang dalawang mesa sa magkabilang tabi ng hagdan bago umakyat sa daanan sa hilaga. 41 Kaya walong lahat ang mesa na pinagkakatayan ng mga handog. Apat sa balkonahe at apat sa tabi ng daan. 42 Mayroon ding apat na mesa roon na gawa sa tinapyas na bato. Doon inilalagay ang mga kagamitan na pangkatay ng hayop na handog na sinusunog, at iba pang mga handog. Itoʼy 20 pulgada ang taas, ang luwang at haba ay parehong 30 pulgada. 43 Sa palibot ng dingding ng balkonahe ay may mga sabitan na tatlong pulgada ang haba. At naroon sa mga mesa ang mga karneng ihahandog.
Ang mga Silid ng mga Pari
44 May dalawang silid doon sa bakuran sa loob. Ang isa ay nasa tabi ng daanan sa hilaga, nakaharap sa timog at ang isa naman ay nasa tabi ng daanan sa timog, nakaharap sa hilaga. 45 Sinabi sa akin ng tao, “Ang silid na nakaharap sa timog ay para sa mga paring namamahala sa templo, 46 at ang silid na nakaharap sa hilaga ay para sa mga paring namamahala sa altar. Ang mga ito ay mga anak ni Zadok, at sila lang na mga Levita ang pinayagang makalapit at maglingkod sa harap ng Panginoon.” 47 Sinukat ng tao ang luwang ng bulwagan at itoʼy 170 talampakan at ganoon din ang haba. Ang altar ay nasa harap ng templo.
48 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa balkonahe ng templo at sinukat niya ang magkabilang pader ng daanan ng balkonahe, at ang bawat pader ay may taas na walong talampakan at limang talampakan ang kapal. Ang luwang ng daanan ng balkonahe ay 24 na talampakan. 49 Ang haba ng balkonahe ay 35 na talampakan at ang luwang ay 20 talampakan. May sampung baitang ito pataas papunta sa balkonahe at may haligi sa magkabilang tabi.
Footnotes
- 40:39 handog na … kasalanan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
