Add parallel Print Page Options

27 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi:

At ikaw, anak ng tao, panaghuyan mo ang Tiro;

At sabihin mo sa Tiro, Oh ikaw na tumatahan sa pasukan sa dagat, na ikaw ang mangangalakal sa mga bansa sa maraming pulo, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw, Oh Tiro, nagsabi, Ako'y sakdal sa kagandahan.

Ang iyong mga hangganan ay nangasa kalaliman ng mga dagat, ang nagsipagtayo sa iyo ay nangagpasakdal ng iyong kagandahan.

Ang ginawa nilang makakapal mong tabla ay mga puno ng abeto na mula sa Senir: sila'y nagsikuha ng cedro mula sa Libano, upang gawing palo ng sasakyan mo.

Ginawa nilang iyong mga saguwan ang mga encina sa Basan; ang kanilang ginawang mga bangko mong garing na nalalapat sa kahoy na boj ay mula sa mga pulo ng Chittim.

Manipis na kayong lino na yaring may burda na mula sa Egipto ang iyong layag, upang maging sa iyo'y isang watawat; kulay asul at morado na mula sa mga pulo ng Elisah ang iyong kulandong.

Ang mga nananahan sa Sidon at Arvad ay iyong mga mananaguwan: ang iyong mga pantas, Oh Tiro, ay nangasa iyo, sila ang iyong mga tagaugit.

Ang mga matanda sa Gebal at ang mga pantas niyao'y pawang tagapagpasak mo: ang lahat na sasakyan sa dagat sangpu ng mga tao ng mga yaon ay nangasa iyo upang pangasiwaan ang iyong kalakal.

10 Ang Persia, ang Lud, at ang Phut ay nangasa iyong hukbo, na iyong mga lalaking mangdidigma: kanilang ibinitin ang kalasag at ang turbante sa iyo; nagpapaganda sa iyo.

11 Ang mga lalake sa Arvad na kasama ng iyong hukbo ay nangasa ibabaw ng iyong mga kuta sa palibot, at ang mga matatapang ay nasa iyong mga moog; kanilang isinabit ang kanilang mga kalasag sa iyong mga kuta sa palibot; kanilang pinasakdal ang iyong kagandahan.

12 Ang Tarsis ay iyong mangangalakal dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan; na ang pilak, bakal, lata, at tingga, ay ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.

13 Ang Javan, ang Tubal, at ang Mesec, mga mangangalakal mo: kanilang kinakalakal ang mga tao at ang mga sisidlang tanso na ipinapalit nila sa iyong mga kalakal.

14 Ang sangbahayan ni Togarma ay nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga kabayo at ng mga kabayong pangdigma at ng mga mula.

15 Ang mga tao sa Dedan ay iyong mangangalakal: maraming pulo ay nangagdadala ng kalakal sa iyong kamay: kanilang dinadala sa iyo na pinakapalit ay mga sungay na garing at ebano.

16 Naging mangangalakal mo ang Siria dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay: sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga esmeralda, kulay ube, at yaring may burda, at manipis na kayong lino, at gasang at mga rubi.

17 Naging mga mangangalakal mo ang Juda, at ang lupain ng Israel: sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng trigo ng Minith, at ng pannag, at ng pulot, at ng langis, at ng balsamo.

18 Mangangalakal mo ang Damasko dahil sa karamihan ng iyong mga gawang kamay, dahil sa karamihan ng sarisaring kayamanan, sangpu ng alak sa Helbon, at maputing lana.

19 Nakikipagpalitan ang Vedan at Javan sa iyong mga kalakal ng sinulid na lana: ang makinang na bakal, ang kasia, at ang kalamo, ay ilan sa iyong mga kalakal.

20 Naging iyong mangangalakal ang Dedan sa mga mahalagang kayo na ukol sa pangangabayo.

21 Ang Arabia, at lahat na prinsipe sa Cedar, mga naging mangangalakal ng iyong kamay; sa mga cordero, at mga lalaking tupa, at mga kambing, sa mga ito'y naging mga mangangalakal mo sila.

22 Ang mga mangangalakal sa Seba at sa Raama, mga naging mangangalakal mo; kanilang ipinapalit sa iyong mga kalakal ang mga pinakamainam na especia, at lahat na mahalagang bato, at ang ginto.

23 Ang Haran at ang Canneh at ang Eden, na mga mangangalakal sa Seba, ang Assur at ang Chilmad ay naging mga mangangalakal mo.

24 Ang mga ito ang iyong mga mangangalakal sa mga piling kalakal sa mga balutan ng mga yaring asul at may burda, at sa mga baul na may mainam na hiyas, natatalian ng mga sintas, at yaring cedro, na ilan sa iyong mga kalakal.

25 Ang mga sasakyan sa Tarsis ay iyong mga pulutong sa iyong kalakal: at ikaw ay napuno at naging totoong maluwalhati sa kalagitnaan ng mga dagat.

26 Dinala ka ng iyong mga manggagaod sa malawak na dagat: binagbag ka ng hanging silanganan sa kalagitnaan ng dagat.

27 Ang iyong kayamanan, at ang iyong mga kalakal, ang iyong tinda, at ang iyong mga manggagaod, at ang iyong mga tagaugit, ang iyong mga tagapagpasak, at ang nagsisipamahala ng iyong mga kalakal, at ang lahat mong lalaking mangdidigma na nangasa iyo, sangpu ng iyong lahat na pulutong na nangasa gitna mo, mangalulubog sa kalagitnaan ng dagat sa kaarawan ng iyong pagkasira.

28 Sa lakas ng hiyaw ng iyong mga tagaugit, ang mga nayon ay mangayayanig.

29 At lahat na nagsisihawak ng gaod, ang mga tao sa sasakyan, at lahat ng tagaugit sa dagat, ay magsisibaba sa kanilang mga sasakyan; sila'y magsisitayo sa ibabaw ng lupain,

30 At iparirinig ang kanilang tinig sa iyo, at hihiyaw ng kalagimlagim, at mangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, sila'y magsisigumon sa mga abo:

31 At mangagpapakakalbo dahil sa iyo, at mangagbibigkis ng kayong magaspang, at kanilang iiyakan ka ng kapanglawpanglaw sa kalooban, na may mapanglaw na pananangis.

32 At sa kanilang pagtangis ay pananaghuyan ka nila, at tatangisan ka, na sasabihin, Sino ang gaya ng Tiro na gaya niya na nadala sa katahimikan sa gitna ng dagat?

33 Pagka ang iyong mga kalakal ay inilalabas sa mga dagat, iyong binubusog ang maraming bayan; iyong pinayaman ang mga hari sa lupa ng karamihan ng iyong mga kayamanan at ng iyong mga kalakal.

34 Sa panahon na ikaw ay bagbag sa tabi ng mga dagat sa kalaliman ng tubig, ang iyong kalakal at ang iyong buong pulutong ay lumubog sa gitna mo.

35 Lahat ng mananahan sa mga pulo ay nangatitigilan dahil sa iyo, at ang kanilang mga hari ay nangatakot ng di kawasa, sila'y nangamanglaw sa kanilang mukha.

36 Pinagsutsutan ka ng mga mangangalakal sa gitna ng mga bayan; ikaw ay naging kakilakilabot, at hindi ka na mabubuhay pa.

Book name not found: Ezekiel for the version: Słowo Życia.
'Ezekiel 27 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Awit Punebre para sa Tiro

27 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“At ikaw, anak ng tao, managhoy ka para sa Tiro;

at sabihin mo sa Tiro na naninirahan sa pasukan sa dagat, ang mangangalakal ng mga bansa sa maraming pulo, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“O Tiro, sinabi mo,
    ‘Ako'y sakdal sa kagandahan.’
Ang iyong mga hangganan ay nasa kalaliman ng mga dagat;
    ginawang sakdal ang iyong kagandahan ng iyong mga tagapagtayo.

Ang lahat mong mga tabla

    ay mula sa mga puno ng abeto na mula sa Senir;
sila'y nagsikuha ng sedro mula sa Lebanon,
    upang gumawa ng palo para sa iyo.
Ginawa nilang iyong mga sagwan
    ang mga ensina sa Basan;
kanilang ginawang mga bangko
    ang mga puno ng pino mula sa mga pulo ng Chittim na balot ng garing.
Pinong telang lino na may burda mula sa Ehipto
    ang iyong layag
    na nagsisilbing iyong watawat;
kulay asul at ube mula sa mga pulo ng Elisha
    ang iyong karang.
Ang mga naninirahan sa Sidon at Arvad
    ay iyong mga tagasagwan;
ang iyong mga pantas na lalaki, O Tiro, ay nasa iyo,
    sila ang iyong mga piloto.
Ang matatanda sa Gebal at ang kanyang mga pantas na lalaki ay nasa iyo,
    na inaayos ang iyong mga dugtungan;
ang lahat ng sasakyan sa dagat at lahat ng mga tauhan nito ay nasa iyo,
    upang ipangalakal ang iyong paninda.

10 “Ang Persia, Lud, at Put ay nasa iyong hukbo bilang iyong mga mandirigma. Kanilang ibinitin ang kalasag at helmet sa iyo; binigyan ka nila ng kariktan.

11 Ang mga lalaki ng Arvad at ang iyong hukbo ay nasa ibabaw ng iyong mga pader sa palibot, at ang mga lalaki ng Gamad ay nasa iyong mga muog. Kanilang isinabit ang kanilang mga kalasag sa iyong mga kuta sa palibot; kanilang pinasakdal ang iyong kagandahan.

12 “Ang Tarsis ay nangalakal sa iyo dahil sa napakalaki mong kayamanan na iba't-ibang uri; ang pilak, bakal, lata, at tingga, ay ipinagpalit nila sa iyong mga kalakal.

13 Ang Javan, Tubal, at Meshec ay nakipagkalakalan sa iyo; kanilang ipinagpalit ang mga tao at ang mga sisidlang tanso sa iyong mga kalakal.

14 Ipinagpalit ng Bet-togarmah sa iyong mga kalakal ang kanilang mga kabayo at mga kabayong pandigma at mga mola.

15 Ang mga tao sa Dedan ay nakipangalakal sa iyo. Ang maraming pulo ay naging iyong tanging pamilihan. Kanilang dinala bilang kabayaran ang mga sungay na garing at ebano.

16 Nakipagkalakalan sa iyo ang Aram dahil sa dami ng iyong mga paninda. Sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga esmeralda, kulay-ube, bagay na may burda, pinong telang lino, koral, at mga rubi.

17 Nakipagkalakalan sa iyo ang lupain ng Juda at Israel. Sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng trigo, olibo, pulot, langis, at balsamo.

18 Nakipagkalakalan sa iyo ang Damasco dahil sa dami ng iyong mga paninda, dahil sa napakalaki mong kayamanan na iba't ibang uri; alak ng Helbon, at maputing lana.

19 Nakikipagpalitan ang Vedan at Javan sa iyong mga kalakal ng sinulid na lana; ng pundidong bakal, kasia, at ng kalamo.

20 Nakipagkalakalan sa iyo ang Dedan ng telang upuan para sa pangangabayo.

21 Ang Arabia at lahat ng prinsipe ng Kedar ay naging iyong mga mamimili ng mga kordero, mga lalaking tupa, at mga kambing. Sa mga ito'y nakipagkalakalan sila sa iyo.

22 Ang mga mangangalakal ng Seba at Raama ay nakipagkalakalan sa iyo. Kanilang ipinagpalit sa iyong mga kalakal ang pinakamabuting uri ng lahat ng pabango, at lahat ng mahahalagang bato at ginto.

23 Ang Haran, Canneh, at Eden, Ashur at ang Chilmad ay nakipagkalakalan sa iyo.

24 Ang mga ito ay nakipagkalakalan sa iyo ng mga piling pananamit, mga damit na kulay asul at may burda, at mga alpombrang may kulay na natatalian ng mga sintas at ginawang matibay. Sa mga ito'y nakipagkalakalan sila sa iyo.

25 Ang(A) mga sasakyan sa Tarsis ay naglakbay para sa iyong kalakal.

“Kaya't ikaw ay napuno at naging totoong maluwalhati
    sa kalagitnaan ng mga dagat.
26 Dinala ka ng iyong mga mananagwan
    sa malawak na dagat.
Winasak ka ng hanging silangan
    sa kalagitnaan ng dagat.
27 Ang iyong kayamanan, ang iyong mga kalakal, ang iyong paninda,
    ang iyong mga mananagwan, at ang iyong mga piloto,
ang iyong mga taga-ayos ng dugtong, at ang tagapagtinda ng iyong mga kalakal,
    at ang lahat mong mandirigma na nasa iyo,
at ang lahat ng pangkat
    na nasa gitna mo,
ay lulubog sa kalagitnaan ng dagat
    sa araw ng iyong pagkawasak.
28 Sa lakas ng sigaw ng iyong mga piloto,
    ang mga nayon ay nayayanig,
29 at pababa sa kanilang mga sasakyan
    ay dumating ang lahat ng humahawak sa sagwan.
Ang mga marino at lahat ng mga piloto ng dagat
    ay nakatayo sa pampang,
30 at tumataghoy nang malakas sa iyo
    at umiiyak na mainam.
Binuhusan nila ng alabok ang kanilang mga ulo,
    at naglubalob sa mga abo;
31 nagpakalbo sila dahil sa iyo,
    at nagbigkis ng sako,
at kanilang iniyakan ka na may kapaitan ng kaluluwa,
    at matinding pananangis.
32 Bukod dito sa kanilang pagtangis ay nananaghoy sila para sa iyo,
    at tinangisan ka:
‘Sino ang kagaya ng Tiro
    na tulad niyang tahimik sa gitna ng dagat?
33 Kapag ang iyong mga kalakal ay dumating mula sa mga dagat,
    iyong binubusog ang maraming bayan;
iyong pinayaman ang mga hari sa lupa
    ng karamihan ng iyong mga kayamanan at mga kalakal.
34 Ngayo'y nawasak ka sa karagatan,
    sa kalaliman ng mga tubig;
ang iyong kalakal at ang lahat mong mga tauhan
    ay lumubog na kasama mo.
35 Lahat ng naninirahan sa mga pulo
    ay natitigilan dahil sa iyo;
at ang kanilang mga hari ay tunay na natakot,
    sila'y nabagabag sa kaanyuan.
36 Pinagsutsutan ka ng mga mangangalakal sa gitna ng mga bayan;
    ikaw ay dumating sa isang kakilakilabot na wakas,
    at hindi ka na mabubuhay pa magpakailanman.’”