Add parallel Print Page Options

Ang Paghahati ng Lupain

48 Ito ang magiging ayos ng partihan ng bawat lipi: mula sa dulong hilaga, sa gawi ng Hetlon hanggang Lebohamat at Hazar-enan sa gawing timog ng Damasco, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Dan. Kahangga ng lipi ni Dan, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Asher. Kahangga ng lipi ni Asher mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Neftali. Kahangga ng lipi ni Neftali mula sa silangan hanggang kanluran, isang bahagi para sa lipi ni Manases. Kahangga ng lipi ni Manases mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Efraim. Kahangga ng lipi ni Efraim, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Ruben. Kahangga ng lipi ni Ruben, mula sa silangan hanggang kanluran, ay para naman sa lipi ni Juda.

Ang Gitnang Bahagi ng Lupain

Ang bahaging nasasakupan ng lipi ni Juda ay ibubukod; ang sukat nito ay 12.5 kilometro parisukat. Sa loob nito itatayo ang templo.

Ang iuukol ninyo kay Yahweh ay 12.5 kilometro ang haba at 10 kilometro ang luwang. 10 Ganito naman ang gagawing hati sa bahaging iniukol kay Yahweh: ang inilaang bahagi ay mauuwi sa mga pari: 12.5 kilometro ang haba, at limang kilometro naman ang luwang. Ang templo ni Yahweh ay sa gitna nito itatayo. 11 Ang bahaging ito ay para sa mga pari, sa mga anak ni Zadok pagkat patuloy nilang sinunod ang aking mga utos kahit noong tumalikod sa akin ang Israel. Di nila tinularan ang mga Levita. 12 Ang bahaging ito ng lupaing itatalaga kay Yahweh ay tanging para sa kanila. 13 Katabi nito sa gawing timog ay para naman sa mga Levita; 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro naman ang luwang. 14 Hindi nila ito maaaring ipagbili o ipagpalit; ni hindi nila ito maaaring isalin sa iba pagkat itinalaga kay Yahweh.

15 Ang natitirang 2.5 kilometro sa luwang, at 12.5 kilometro sa haba ay para sa lahat. Maaari itong tirhan at gamitin ng kahit sino at sa gitna nito ang lunsod. 16 Ito naman ang sukat ng lunsod: 2,250 metro ang haba, gayon din ang luwang. 17 Sa paligid nito ay mag-iiwan kayo ng bakanteng 125 metro. 18 Ang natitira pa sa magkabilang dulo na humahangga sa bahaging iniukol kay Yahweh na tiglimang kilometro ang haba at dalawa't kalahating kilometro ang luwang ay para naman sa mga mag-aasikaso ng lunsod; lahat ng aanihin dito ay ukol sa kanila. 19 Ang mga manggagawang ito sa lunsod ay mula sa iba't ibang lipi ng Israel. 20 Lahat-lahat ng inyong ibubukod ukol kay Yahweh at sa lunsod ay 12.5 kilometrong parisukat.

Ang Kaparte ng Pinuno

21 Ang natitira sa magkabilang panig ng itinalaga kay Yahweh at ng bahagi para sa lunsod ay ukol naman sa pinuno. Ang ukol kay Yahweh 22 at sa lunsod ay nasa gitna ng dalawang bahagi ukol sa pinuno at ito naman ay nakapagitan sa bahaging ukol sa lipi nina Juda at Benjamin.

Ang Kaparte ng Ibang Lipi

23 Ito naman ang para sa iba pang lipi: mula rin sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Benjamin. 24 Karatig ng bahagi ng lipi ni Benjamin ang bahagi naman ukol sa lipi ni Simeon. 25 Karatig ng lipi ni Simeon ang ukol sa lipi ni Isacar; 26 karatig ng lipi ni Isacar ang ukol sa lipi ni Zebulun; 27 karatig ng lipi ni Zebulun ang ukol sa lipi ni Gad. 28 Sa timog, ang hangganan ng ukol sa lipi ni Gad ay mula sa Tamar hanggang sa may bukal ng Kades, sa hangganan ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo. 29 Ganyan ang magiging paghahati ng lupain sa mga lipi ng Israel.

Ang mga Pintuan ng Jerusalem

30 Ganito(A) naman ang tungkol sa mga pintuan ng lunsod: Sa hilaga—ang luwang ay 2,250 metro— 31 ay tatlong pinto para sa lipi nina Ruben, Juda at Levi. Ang pangalan ng mga pintong ito ay isusunod sa pangalan ng mga lipi ng Israel. 32 Sa gawing silangan—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin para naman sa lipi nina Jose, Benjamin at Dan. 33 Sa gawing timog—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlo rin ang pinto at para naman sa lipi nina Simeon, Isacar at Zebulun. 34 Sa gawing kanluran—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin at para naman sa lipi nina Gad, Asher at Neftali. 35 Ang sukat sa paligid ng lunsod ay 9,000 metro. Mula ngayon, ang ipapangalan sa lunsod ay, ‘Naroon si Yahweh.’

'Ezekiel 48 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang mga bahagi ng pitong lipi.

48 Ang mga ito nga ang mga pangalan ng (A)mga lipi: Mula sa dulong hilagaan, sa tabi ng daan ng Hethlon hanggang sa pasukan sa Hamath, Hasar-enan, sa hangganan ng Damasco, na dakong hilagaan sa gawing yaon ng Hamath; (at mga magkakaroon ng mga dakong silanganan at kalunuran), ang (B)Dan, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Dan, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Aser, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Aser, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Nephtali, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Nephtali, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, (C)ang Manases, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Manases, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Ephraim, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Ephraim, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Ruben, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Ruben, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Juda, isang bahagi.

Ang bahagi ng mga saserdote.

At sa tabi ng hangganan ng Juda, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, (D)malalagay ang alay na inyong ihahandog, dalawang pu't limang libong tambo ang luwang, at ang haba ay gaya ng isa sa mga bahagi, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran; at ang santuario ay malalagay sa gitna niyaon.

Ang alay na inyong ihahandog sa Panginoon ay magiging dalawang pu't limang libong tambo ang haba, at sangpung libo ang luwang.

10 At magiging sa mga ito, sa makatuwid baga'y sa mga saserdote, ang banal na alay; sa dakong hilagaan ay dalawang pu't limang libo ang haba, at sa dakong kalunuran ay sangpung libo ang luwang, at sa dakong silanganan ay sangpung libo ang luwang, at sa dakong timugan ay dalawang pu't limang libo ang haba: at ang santuario ng Panginoon ay maglalagay sa gitna niyaon.

11 Ito'y magiging sa mga saserdote na mga pinapaging banal (E)sa mga anak ni Sadoc, (F)na nagsisiganap ng katungkulan sa akin na hindi nangagpakaligaw nang mangagpakaligaw ang mga anak ni Israel, na gaya (G)ng mga Levita na nangagpakaligaw.

12 At sa kanila'y magiging alay na mula sa alay ng lupain, bagay na kabanalbanalan sa tabi ng hangganan ng mga Levita.

Ang bahagi ng mga Levita.

13 (H)At ayon sa hangganan ng mga saserdote, ang mga Levita ay mangagkakaroon ng dalawang pu't limang libo ang haba, at sangpung libo ang luwang: ang buong haba ay magiging dalawang pu't limang libo, at ang luwang ay sangpung libo.

14 At hindi nila ipagbibili, (I)o ipagpapalit man, (J)o ipagkakaloob sa iba man ang mga unang bunga ng lupain; sapagka't ito'y banal sa Panginoon.

Ang bahagi para sa lahat upang gawing bayan, at mga nayon.

15 At ang (K)limang libo na naiwan sa naluwangan, sa tapat ng dalawang pu't limang libo, magiging sa karaniwang kagamitan na ukol sa bayan, sa tahanan at sa mga (L)nayon; at ang bayan ay malalagay sa gitna niyaon.

16 At ang mga ito ang magiging mga sukat niyaon: sa dakong (M)hilagaan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong timugan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong silanganan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong kalunuran ay apat na libo at limang daan.

17 At ang bayan ay magkakaroon ng mga nayon: sa dakong hilagaan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong timugan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong silanganan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong kalunuran ay dalawang daan at limang pu.

18 At ang labis sa haba, na nauukol sa banal na alay, magiging sangpung libo sa dakong silanganan, at sangpung libo sa dakong kalunuran; at magiging ukol sa banal na alay; at ang bunga niyaon ay magiging pinakapagkain sa nagsisigawa sa bayan.

19 At tatamnan nilang nagsisigawa sa bayan sa lahat ng mga lipi ng Israel.

20 (N)Buong alay ay magiging dalawang pu't limang libong tambo at dalawang pu't limang libo: inyong ihahandog na parisukat ang banal na alay, sangpu ng pagaari ng bayan.

Ang bahagi ng mga prinsipe.

21 At ang labis ay magiging (O)sa prinsipe, sa isang dako at sa kabilang dako ng banal na alay at sa pagaari ng bayan; sa tapat ng dalawang pu't limang libo sa alay sa dako ng silanganang hangganan, at sa dakong kalunuran sa tapat ng dalawang pu't limang libo sa dako ng kalunurang hangganan, na ukol sa mga bahagi, magiging sa prinsipe: at ang banal na alay at ang santuario ng bahay ay malalagay sa gitna niyaon.

22 Bukod dito'y mula sa pagaari ng mga Levita, at mula sa pagaari ng bayan na nasa gitna ng sa prinsipe, sa pagitan ng hangganan ng Juda at ng hangganan ng Benjamin, magiging sa prinsipe.

Ang bahagi ng limang lipi.

23 At tungkol sa nalabi sa mga lipi: mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Benjamin, isang bahagi.

24 At sa tabi ng hangganan ng Benjamin, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Simeon, isang bahagi.

25 At sa tabi ng hangganan ng Simeon, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Issachar, isang bahagi.

26 At sa tabi ng hangganan ng Issachar, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Zabulon, isang bahagi.

27 At sa tabi ng hangganan ng Zabulon mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Gad, isang bahagi.

28 At sa tabi ng hangganan ng Gad, sa dakong timugan na gawing timugan, ang hangganan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat.

29 Ito ang lupain na (P)inyong babahagihin sa sapalaran sa mga lipi ng Israel na pinakamana, at ang mga ito ang kanilang mga iba't ibang bahagi, sabi ng Panginoong Dios.

Mga pintuang-daan ng bayan.

30 At ang mga ito ang mga (Q)labasan sa bayan: Sa dakong hilagaan ay apat na libo at limang daang tambo sa sukat;

31 At ang mga pintuang-daan ng (R)bayan ay magiging ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng Israel, tatlong pintuang-daan sa dakong hilagaan: (S)ang pintuang-daan ng Ruben, isa; ang pintuang-daan ng Juda, isa; ang pintuang-daan ng Levi, isa.

32 At sa dakong silanganan ay apat na libo at limang daang tambo, at tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Jose, isa; ang pintuang-daan ng Benjamin, isa; ang pintuang-daan ng Dan, isa:

33 At sa dakong timugan ay apat na libo at limang daang tambo sa sukat, at tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Simeon, isa; ang pintuang-daan ng Issachar, isa; ang pintuang-daan ng Zabulon, isa:

34 Sa dakong kalunuran ay apat na libo at limang daang tambo, na may kanilang tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Gad, isa; ang pintuang-daan ng Aser, isa; ang pintuang-daan ng Nephtali, isa.

35 Magkakaroon ng labing walong libong tambo ang sukat sa palibot: at ang magiging pangalan ng bayan mula sa araw na yaon ay, (T)Ang Panginoon ay naroroon.