Add parallel Print Page Options

Ang Gintong Baka(A)

32 Nang mainip ang mga tao sa tagal ni Moises na bumaba ng bundok, nagtipon sila kay Aaron at sinabi, “Igawa mo kami ng dios[a] na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Egipto.” Sumagot si Aaron, “Kunin nʼyo ang mga hikaw na ginto na suot ng mga asawaʼt anak ninyo, at dalhin ninyo sa akin.” Kaya kinuha nilang lahat ang gintong mga hikaw at dinala ito kay Aaron. Tinipon ni Aaron ang mga ito tinunaw, at hinugis na baka. Sinabi ng mga Israelita, “Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.”

Pagkakita ni Aaron na sumaya ang mga tao, nagpagawa siya ng altar sa harap ng baka at ipinaalam sa kanila, “Bukas, magdaraos tayo ng pista para sa karangalan ng Panginoon.” Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Kumain sila at uminom at nilubos ang pagsasaya sa pagsamba sa dios-diosan.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Egipto. Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng dios-diosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa dios-diosang ito at sinabi, ‘Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.’ ”

At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito. 10 Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Ikaw na lang at ang mga angkan mo ang gagawin kong dakilang bansa.”

11 Pero nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan? 12 Ano na lang po ang sasabihin ng mga Egipcio? Na kinuha po ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto para patayin sa kabundukan at mawala sila sa mundo? O, Panginoon, huwag po ninyong ituloy ang matinding galit ninyo sa kanila, huwag ninyo silang papatayin. 13 Alalahanin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa inyong lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob[b] na pararamihin ninyo ang lahi nila na kasindami ng bituin sa langit, at ibibigay ninyo sa lahi nila ang lahat ng lupaing ipinangako ninyo sa kanila, at magiging kanila ito magpakailanman.” 14 Kaya hindi na itinuloy ng Panginoon ang plano niyang pagpatay sa kanyang mga mamamayan.

15 Bumaba si Moises ng bundok na dala ang dalawang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Nakasulat ang mga utos sa harap at likod ng bato. 16 Ang Dios mismo ang gumawa at sumulat nito.

17 Nang marinig ni Josue ang kaguluhan ng mga tao, sinabi niya kay Moises, “Parang may ingay ng digmaan sa kampo.” 18 Sumagot si Moises, “Hindi ingay ng digmaan ang naririnig ko kundi ingay ng mga awitan.”

19 Nang malapit na si Moises sa kampo, nakita niya ang dios-diosang baka at ang pagsasayaw ng mga tao, kaya nagalit siya nang matindi. Inihagis niya sa paanan ng bundok ang malalapad na bato na dala niya, at nabiyak ang mga ito. 20 Pagkatapos, kinuha niya ang dios-diosang baka na ginawa nila, at sinunog ito. Dinurog niya ito nang pinong-pino at inihalo sa tubig, at ipinainom sa mga mamamayan ng Israel.

21 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ano ba ang ginawa ng mga tao sa iyo at pinabayaan mo silang magkasala?”

22 Sumagot si Aaron, “Huwag po kayong magalit sa akin. Alam nʼyo kung gaano sila kadaling gumawa ng kasamaan. 23 Sinabi nila sa akin, ‘Igawa mo kami ng dios na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari sa taong si Moises na naglabas sa atin sa Egipto.’ 24 Kaya sinabi ko sa kanila na dalhin nila sa akin ang mga alahas nilang ginto. Nang madala nila ito sa akin, inihagis ko ito sa apoy at mula roon, nabuo itong baka.”

25 Nakita ni Moises na nagwawala ang mga tao at pinababayaan lang sila ni Aaron. Dahil dito, naging katawa-tawa sila sa mga kaaway nila sa palibot. 26 Kaya tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Sinuman sa inyo na pumapanig sa Panginoon, lumapit sa akin!” At nagtipon sa kanya ang lahat ng mga Levita.

27 Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na isukbit ng bawat isa sa inyo ang mga espada ninyo, libutin ninyo ang buong kampo, at patayin ninyo ang masasamang taong ito kahit na kapatid pa ninyo, kaibigan o kapitbahay.” 28 Sinunod ng mga Levita ang iniutos sa kanila ni Moises, at nang araw na iyon 3,000 ang taong namatay. 29 Sinabi ni Moises sa mga Levita, “Ibinukod kayo ng Panginoon sa araw na ito, dahil pinagpapatay ninyo kahit mga anak ninyo at mga kapatid. Kaya binasbasan niya kayo sa araw na ito.”

30 Nang sumunod na araw, sinabi ni Moises sa mga tao, “Nakagawa kayo ng malaking kasalanan. Pero aakyat ako ngayon sa bundok, doon sa Panginoon; baka matulungan ko kayong mapatawad sa inyong mga kasalanan.”

31 Kaya bumalik si Moises sa Panginoon at sinabi, “O Panginoon, malaking kasalanan po ang nagawa ng mga taong ito. Gumawa sila ng dios na ginto. 32 Pero ngayon, patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na lang ninyo ang aking pangalan sa aklat na sinulatan nʼyo ng pangalan ng inyong mga mamamayan.”

33 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kung sino ang nagkasala sa akin, ang pangalan niya ang buburahin ko sa aklat ko. 34 Lumakad ka na at pangunahan ang mga tao papunta sa lugar na sinabi ko sa iyo, at pangungunahan kayo ng anghel ko. Pero darating ang panahon na paparusahan ko sila sa mga kasalanan nila.”

35 At nagpadala ang Panginoon ng mga karamdaman sa mga Israelita dahil sinamba nila ang dios-diosang baka na ginawa ni Aaron.

Footnotes

  1. 32:1 dios: o, mga dios. Ito rin ay nasa mga talatang 4, 8, 23 at 31.
  2. 32:13 Jacob: sa Hebreo, Israel.
'Exodo 32 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

32 At nang makita ng bayan na nagluluwat si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagpipisan ang bayan kay Aaron, at nagsabi sa kaniya, Tumindig ka at igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin; sapagka't tungkol sa Moises na ito, na lalaking nagsampa sa amin mula sa lupain ng Egipto, ay hindi namin maalaman kung anong nangyari sa kaniya.

At sinabi ni Aaron sa kanila, Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto, na nasa tainga ng inyo-inyong asawa, ng inyong mga anak na lalake, at babae, at dalhin ninyo sa akin.

At inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nangasa kanilang mga tainga, at dinala kay Aaron.

At kaniyang tinanggap sa kanilang kamay, at niyari sa pamamagitan ng isang buril, at ginawang isang guyang binubo, at kanilang sinabi, Ang mga ito ang maging iyong mga dios, Oh Israel, na nagsampa sa iyo mula sa lupain ng Egipto.

At nang makita ito ni Aaron, ay nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyaon: at itinanyag ni Aaron at sinabi, Bukas ay pista sa Panginoon.

At sila'y bumangong maaga nang kinabukasan, at naghandog ng mga handog na susunugin, at nagdala ng mga handog tungkol sa kapayapaan; at ang bayan ay umupong kumain at uminom, at tumindig upang magkatuwa.

At sinalita ng Panginoon kay Moises, Yumaon ka, bumaba ka, sapagka't ang iyong bayan, na iyong isinampa mula sa lupain ng Egipto ay nangagsisama:

Sila'y humiwalay na madali sa daan na aking iniutos sa kanila: sila'y gumawa ng isang guyang binubo, at kanilang sinamba, at kanilang hinainan, at kanilang sinabi, Ang mga ito'y iyong maging mga dios, Oh Israel, na nagsampa sa iyo mula sa lupain ng Egipto.

At sinabi ng Panginoon kay Moises, Aking nakita ang bayang ito, at, narito, isang bayang may matigas na ulo;

10 Ngayo'y bayaan mo nga ako upang ang aking pagiinit ay magalab laban sa kanila, at upang aking lipulin sila: at ikaw ay aking gagawing dakilang bansa.

11 At dumalangin si Moises sa Panginoon niyang Dios, at sinabi, Panginoon, bakit ang iyong pagiinit ay pinapagaalab mo laban sa iyong bayan, na iyong inilabas sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?

12 Bakit sasalitain ng mga Egipcio, na sasabihin, Dahil sa kasamaan, inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila sa balat ng lupa? Iurong mo ang iyong mabangis na pagiinit, at pagsisihan mo ang kasamaang ito laban sa iyong bayan.

13 Alalahanin mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod, na silang iyong mga sinumpaan sa iyong sarili, at mga pinagsabihan, Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking sinalita ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin magpakailan man.

14 At pinagsisihan ng Panginoon ang kasamaan na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kaniyang bayan.

15 At si Moises ay pumihit, at bumaba sa bundok, na dala ang dalawang tapyas ng patotoo sa kaniyang kamay; mga tapyas na may sulat sa dalawang mukha niyaon; sa isang mukha at sa kabilang mukha ay may sulat.

16 At ang mga tapyas ay gawa ng Dios, at ang sulat ay sulat ng Dios, na nakaukit sa mga tapyas.

17 At ng marinig ni Josue ang ingay ng bayan na humihiyaw, ay sinabi kay Moises, May ingay ng pagbabaka sa kampamento.

18 At kaniyang sinabi, Hindi ingay ng pagtatagumpay, o ingay man ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig.

19 At nangyari paglapit niya sa kampamento, na kaniyang nakita ang guya at ang sayawan; at ang galit ni Moises ay naginit at kaniyang inihagis ang mga tapyas na nasa kaniyang mga kamay at nangasira sa paanan ng bundok.

20 At kaniyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, at sinunog ng apoy, at giniling hanggang sa naging alabok, at isinaboy sa ibabaw ng tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel.

21 At sinabi ni Moises kay Aaron, Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking sala?

22 At sinabi ni Aaron, Huwag maginit ang galit ng aking panginoon: iyong kilala ang bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan.

23 Sapagka't kanilang sinabi sa akin, Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin: sapagka't tungkol sa Moises na ito, na lalaking nagsampa sa amin mula sa lupain ng Egipto ay hindi namin maalaman kung anong nangyari sa kaniya.

24 At aking sinabi sa kanila, Sinomang may ginto, ay magalis; na anopa't kanilang ibinigay sa akin: at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito.

25 At nang makita ni Moises na ang bayan ay nakakawala; sapagka't pinabayaan ni Aarong makawala ng maging isang kabiruan sa gitna ng kanilang mga kaaway:

26 Ay tumayo nga si Moises sa pintuang-daan ng kampamento, at nagsabi, Sinomang sa Panginoon ang kiling ay lumapit sa akin. At lahat ng mga anak ni Levi ay nagpipisan sa kaniya.

27 At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Ipatong ng bawa't lalake ang kaniyang tabak sa kaniyang hita, at yumaon kayong paroo't parito sa mga pintuang-daan, sa buong kampamento, at patayin ng bawa't lalake ang kaniyang kapatid na lalake, at ng bawa't lalake ang kaniyang kasama, at ng bawa't lalake ang kaniyang kapuwa.

28 At ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises: at nabuwal sa bayan ng araw na yaon, ang may tatlong libong katao.

29 At sinabi ni Moises, Italaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa Panginoon, oo, bawa't lalake laban sa kaniyang anak na lalake, at laban sa kaniyang kapatid na lalake, upang kaniyang ipagkaloob sa inyo ang pagpapala sa araw na ito.

30 At nangyari ng kinabukasan, na sinabi ni Moises sa bayan, Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan: at ngayo'y sasampahin ko ang Panginoon; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan.

31 At bumalik si Moises sa Panginoon, at nagsabi, Oh, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan, at gumawa sila ng mga dios na ginto.

32 Gayon ma'y ngayon, kung iyong ipatatawad ang kanilang kasalanan; at kung hindi, ay alisin mo ako, isinasamo ko sa iyo, sa iyong aklat na sinulat mo.

33 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang magkasala laban sa akin ay siya kong aalisin sa aking aklat.

34 At ngayo'y yumaon ka, iyong patnubayan ang bayan sa dakong aking sinalita sa iyo: narito, ang aking anghel ay magpapauna sa iyo: gayon ma'y sa araw na aking dalawin sila ay aking dadalawin ang kanilang kasalanang ipinagkasala nila.

35 At sinaktan nga ng Panginoon ang bayan, sapagka't kanilang ginawa ang guya na ginawa ni Aaron.