Exodo 7
Magandang Balita Biblia
7 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gagawin kitang parang Diyos sa harapan ng Faraon, at ang kapatid mong si Aaron ang magiging tagapagsalita mo. 2 Lahat ng sabihin ko sa iyo ay sasabihin mo kay Aaron; siya naman ang magsasabi sa Faraon na payagan na kayong umalis ng Egipto. 3 Ngunit(A) patitigasin ko ang puso ng Faraon, at gumawa man ako ng maraming kababalaghan sa Egipto 4 ay hindi siya makikinig sa iyo. Kung magkagayon ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay. Paparusahan ko ang buong Egipto at ilalabas ko mula roon ang aking mga hukbo, ang aking bayan, ang mga Israelita. 5 Makikilala ng mga Egipcio na ako si Yahweh kapag natikman nila ang bigat ng aking kamay at inilabas ko na sa Egipto ang mga Israelita.” 6 At ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng iniutos ni Yahweh. 7 Walumpung taon si Moises at walumpu't tatlo naman si Aaron nang makipag-usap sila sa Faraon.
Ang Tungkod ni Aaron
8 Sinabi pa ni Yahweh kina Moises at Aaron, 9 “Kapag sinabi sa inyo ng Faraon na magpakita kayo ng kababalaghan bilang katunayan ng pagkasugo ko sa inyo, sabihin mo kay Aaron na ihagis ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at magiging ahas iyon.” 10 Nagpunta nga sila sa Faraon tulad ng sinabi ni Yahweh. Pagdating doon, inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito. At naging ahas nga ang tungkod. 11 Kaya ipinatawag ng Faraon ang mga matatalinong tao at mga salamangkero at sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan ay ipinagaya ang ginawa ni Aaron. 12 Inihagis nila sa lupa ang kanilang mga tungkod at naging ahas din, ngunit ang mga ito'y nilulon ng tungkod ni Aaron. 13 Gayunma'y nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ni Yahweh.
Ang Unang Salot: Naging Dugo ang Tubig
14 Sinabi(B) ni Yahweh kay Moises, “Nagmamatigas ang Faraon. Ayaw pa ring paalisin ang mga Israelita. 15 Kaya, bukas ng umaga, dalhin mo ang tungkod na naging ahas, at hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa tabing ilog. 16 Sabihin mo sa kanya ang ganito, ‘Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang. Hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring sumunod. 17 Ngunit(C) tiyak na kikilalanin mo si Yahweh sa pamamagitan nitong gagawin niya. Tingnan mo, ihahampas ko sa Ilog Nilo ang tungkod na ito at magiging dugo ang tubig 18 at mamamatay ang mga isda. Dahil dito, babaho ang ilog at hindi maiinom ng mga Egipcio ang tubig nito.’”
19 Idinugtong pa ni Yahweh, “Pagkatapos, sabihin mo kay Aaron na itaas ang kanyang tungkod at sumpain ang lahat ng tubig sa Egipto. Ang lahat ng tubig sa mga ilog, kanal at lawa ay magiging dugo, pati ang nasa mga batya at tapayan.”
20 Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos sa kanila ni Yahweh. Sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito ay inihampas ni Aaron sa tubig ang kanyang tungkod at naging dugo nga ang tubig. 21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya't hindi mainom ng mga Egipcio ang tubig nito. Naging dugo rin ang lahat ng tubig sa buong Egipto. 22 Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkerong Egipcio sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan kaya't lalong nagmatigas ang Faraon. Ayaw pa rin niyang pakinggan sina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh. 23 Ang ginawa nila'y hindi pinansin ng Faraon, umuwi na lang ito sa palasyo. 24 Samantala, ang mga Egipcio ay humukay sa tabing ilog upang kumuha ng inumin sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.
25 At lumipas ang pitong araw mula nang hampasin ni Yahweh ang tubig.
Exodo 7
Ang Biblia (1978)
Ang paksa sa pagkasugo ni Moises at Aaron.
7 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Tingnan mo, ginawa kitang (A)dios kay Faraon: at si Aaron na iyong kapatid ay magiging (B)iyong propeta.
2 Iyong sasalitaing lahat ang aking iniuutos sa iyo: at sasalitain kay Faraon ni Aaron na iyong kapatid upang kaniyang pahintulutan ang mga anak ni Israel ay lumabas sa kaniyang lupain.
3 At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at aking (C)pararamihin ang aking mga tanda at ang aking mga kababalaghan sa lupain ng Egipto.
4 Nguni't si Faraon ay hindi makikinig sa inyo, at aking ipapatong sa Egipto ang aking kamay at ilalabas ko ang aking mga hukbo, ang aking bayan, na mga anak ni Israel, sa lupaing Egipto sa pamamagitan ng mga (D)dakilang kahatulan.
5 (E)At malalaman ng mga taga Egipto na ako ang Panginoon, pagka iniunat ko sa Egipto ang aking kamay, at pagka inilabas ko ang mga anak ni Israel sa gitna nila.
6 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron: kung paanong iniutos ng Panginoon sa kanila, ay gayon ginawa nila.
7 At si Moises ay may (F)walong pung taong gulang, at si Aaron ay may walong pu't tatlong taong gulang nang sila'y magsalita kay Faraon.
Tanda ng tungkod ni Aaron.
8 At nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
9 Pagsasalita ni Faraon sa inyo, na sasabihin, Magpakita kayo ng isang kababalaghan sa ganang inyo; ay iyo ngang sasabihin kay Aaron: Kunin mo ang iyong tungkod, at ihagis mo sa harap ni Faraon, na magiging isang ahas.
10 At si Moises at si Aaron ay naparoon kay Faraon, at kanilang ginawang gayon gaya ng iniutos ng Panginoon, at inihagis ni Aaron ang kaniyang tungkod sa harap ni Faraon at sa harap ng kaniyang mga lingkod at naging ahas.
11 (G)Nang magkagayo'y tinawag naman ni Faraon ang mga marunong at ang mga manghuhula, at (H)sila naman na mga mahiko sa Egipto, ay gumawa sa gayon ding paraan ng kanilang mga pag-enkanto.
12 Sapagka't inihagis ng bawa't isa ang kanikaniyang tungkod, at nangaging ahas: nguni't nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila.
13 At ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.
Pinatigas ni Faraon ang kaniyang puso.
14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang puso ni Farao'y nagmatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan.
15 Pumaroon ka kay Faraon kinaumagahan; narito, siya'y pasasa tubig; at ikaw ay tatayo sa tabi ng ilog upang matagpuan mo siya; at ang (I)tungkod na naging ahas ay iyong tatangnan sa iyong kamay.
16 At iyong sasabihin sa kaniya, Sinugo ako sa iyo ng (J)Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, na sinasabi, Pahintulutan mong ang aking bayan ay yumaon, upang sila'y makapaglingkod sa akin sa ilang (K)at, narito, hanggang ngayo'y hindi mo dininig.
17 Ganito ang sabi ng Panginoon, Dito mo makikilala, na ako ang Panginoon: narito, aking papaluin ng tungkod, na nasa aking kamay, ang tubig, na nasa ilog (L)at magiging (M)dugo.
18 At ang mga isda, na nasa ilog ay mamamatay, at ang ilog ay babaho; at ang mga Egipcio ay masusuklam na uminom ng tubig sa ilog.
19 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron, Kunin mo ang iyong tungkod, (N)at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Egipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bangbang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang mga maging dugo; at magkakadugo sa buong lupain ng Egipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato.
Ang tubig ay naging dugo.
20 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron, gaya ng iniutos ng Panginoon; at kaniyang itinaas ang tungkod, at pinalo ang tubig, na nasa ilog, sa paningin ni Faraon, at sa paningin ng kaniyang mga lingkod; (O)at ang lahat ng tubig, na nasa ilog ay naging dugo.
21 At ang isda, na nasa tubig ay namatay; at ang ilog ay bumaho (P)at ang mga Egipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkadugo sa buong lupain ng Egipto.
22 (Q)At ang mga mahiko sa Egipto ay gumawa ng gayon din, sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto; at ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; (R)gaya ng sinalita ng Panginoon.
23 At si Faraon ay pumihit at umuwi sa kaniyang bahay, na hindi man lamang nabagbag ang kaniyang puso.
24 At lahat ng mga Egipcio ay humukay sa palibot ng ilog, upang makasumpong ng tubig na mainom; sapagka't sila'y hindi makainom ng tubig sa ilog.
25 At naganap ang pitong araw, pagkatapos na masalot ng Panginoon ang ilog.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
