Exodo 4:22-31
Magandang Balita Biblia
22 Kung magkagayon, ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Ipinapasabi ni Yahweh, Ang Israel ay aking anak na panganay. 23 Payagan(A) mo siyang umalis para sumamba sa akin. Kapag hindi mo pinayagan, papatayin ko ang iyong panganay.’”
24 Isang gabi, samantalang namamahinga sina Moises sa kanilang paglalakbay patungong Egipto, nilapitan siya ni Yahweh at pinagtangkaang patayin. 25 Kaya't kumuha si Zipora ng isang matalim na bato at tinuli ang kanyang anak. Pagkatapos, ipinahid niya sa mga paa[a] ni Moises ang pinagtulian, saka sinabi, “Tunay ngang asawa na kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.” 26 Dahil dito, hinayaan ni Yahweh na mabuhay pa si Moises. Kaya, sinabi ni Zipora kay Moises, “Naging asawa kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.”
27 Samantala, sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Salubungin mo sa ilang si Moises.” Sinalubong nga niya si Moises sa Bundok ng Diyos at hinagkan niya nang sila'y magkita. 28 Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, pati ang mga kababalaghang ipinagagawa sa kanya. 29 At magkasama silang lumakad upang tipunin ang mga pinuno ng Israel. 30 Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Moises ay sinabi ni Aaron sa kanila. Pagkatapos, gumawa si Moises ng kababalaghan sa harapan nila 31 at naniwala ang buong bayan. Nang marinig nilang sila'y dinalaw ni Yahweh at hindi lingid sa kanya ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio, yumuko sila at sumamba kay Yahweh.
Read full chapterFootnotes
- Exodo 4:25 PAA: Sa panitikang Hebreo, karaniwang ginagamit ang salitang “paa” upang tukuyin ang ari ng lalaki.
Exodo 4:22-31
Ang Biblia (1978)
22 At iyong sasabihin kay Faraon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang (A)Israel ay aking anak, (B)aking panganay:
23 At aking sinabi sa iyo, Pahintulutan mong ang aking anak ay yumaon, upang siya'y makapaglingkod sa akin; at ayaw mo siyang payaunin, narito, aking (C)papatayin ang iyong anak, ang iyong panganay.
24 At nangyari sa daan, sa dakong (D)panuluyanan, na sinalubong ng Panginoon (E)siya, at pinagsikapang patayin siya.
25 Nang magkagayo'y sumunggab si Sephora ng isang batong matalim, at pinutol ang balat ng masama ng kaniyang anak, at inihagis sa kaniyang paanan; at kaniyang sinabi, Tunay na ikaw sa akin ay isang asawang mabagsik.
26 Sa gayo'y kaniyang binitiwan siya. Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Isang asawa kang mabagsik, dahil sa pagtutuli.
Sinalubong ni Aaron si Moises.
27 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, (F)Pumaroon ka sa ilang na salubungin mo si Moises. At siya'y pumaroon, (G)at nasalubong niya sa bundok ng Dios, at kaniyang hinagkan.
28 At isinaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng Panginoon, na ipinagbilin sa kaniyang sabihin, (H)at ang lahat ng tandang ipinagbilin sa kaniyang gawin.
29 (I)At si Moises at si Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matanda sa mga anak ni Israel:
30 At sinalita ni Aaron ang lahat ng salita na sinalita ng Panginoon kay Moises, at ginawa ang mga tanda sa paningin ng bayan.
31 (J)At ang bayan ay naniwala: at nang kanilang marinig na (K)dinalaw ng Panginoon ang mga anak ni Israel, at kaniyang nakita ang kanilang kapighatian, ay (L)iniyukod nga nila ang kanilang mga ulo at sumamba.
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
