Add parallel Print Page Options

Binalak ni Haman na Lipulin ang mga Judio

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita. Ginawa niya itong punong ministro. Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod at lumuluhod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod at lumuluhod. Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?” Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman para malaman kung pagbibigyan siya ni Haman, sapagkat sinasabi ni Mordecai na siya'y isang Judio. Nang mapatunayan ni Haman na hindi nga yumuyukod at lumuluhod si Mordecai, sumiklab ang galit nito. Nang malaman niyang Judio si Mordecai, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Xerxes.

Nang unang buwan ng ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, ginawa sa harapan ni Haman ang palabunutang tinatawag na Pur upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumama ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan na kung tawagi'y Adar.

Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat pong panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po kung pababayaan ninyo silang ganito. Kung inyong mamarapatin, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong yaon. Magbibigay po ako ng 350,000 kilong pilak sa mga pinuno at ito'y ilalagak sa kabang-yaman ng hari.”

10 Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata, ang Agagitang kaaway ng mga Judio. 11 At sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na ang bahala sa salapi at gawin mo ang gusto mong gawin sa mga taong iyon.”

12 Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang mga kalihim ng hari. Pinagawa niya sila ng liham para sa mga gobernador ng lahat ng lalawigan at sa mga pinuno ng bayan, sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. Ang liham ay ginawa sa pangalan ni Haring Xerxes at tinatakan ng singsing nito. 13 Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian, na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio, maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. 14 Bawat lalawiga'y padadalhan ng sipi ng utos upang makapaghanda ang lahat sa araw na nabanggit. 15 At ipinahayag nga sa lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia, ang utos ng hari. Ang mga lalawigan naman ay kaagad pinadalhan ng mga sipi nito. Kaya't samantalang masayang nag-iinuman ang hari at si Haman, ang lunsod naman ng Susa ay gulung-gulo.

'Ester 3 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Si Mardocheo ay ayaw gumalang kay Aman.

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay dinakila ng haring Assuero si Aman na anak ni Amedatha na (A)Agageo, at pinataas siya, at inilagay ang kaniyang upuan na mataas kay sa lahat na prinsipe na kasama niya.

At lahat ng mga lingkod ng hari na (B)nangasa pintuang-daan ng hari, ay nagsiyukod at nagsigalang kay Aman; sapagka't iniutos na gayon ng hari tungkol sa kaniya. Nguni't si Mardocheo ay hindi yumukod, o gumalang man sa kaniya.

Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na nangasa pintuang-daan ng hari kay Mardocheo: Bakit mo sinasalangsang ang (C)utos ng hari?

Nangyari nga, nang sila'y mangagsalita araw-araw sa kaniya, at hindi niya dinggin sila, na kanilang sinaysay kay Aman, upang makita kung mangyayari ang bagay ni Mardocheo: sapagka't sinaysay niya sa kanila na siya'y Judio.

At nang makita ni Aman na si Mardocheo ay hindi yumuyukod, o gumagalang man sa kaniya, napuspos nga ng pagkapoot si Aman.

Nguni't inakala niyang walang kabuluhan na pagbuhatan ng kamay si Mardocheo na magisa; sapagka't ipinakilala nila sa kaniya ang bayan ni Mardocheo: kaya't inisip ni Aman na lipulin ang lahat na Judio na nangasa buong kaharian ni Assuero, sa makatuwid baga'y ang bayan ni Mardocheo.

Nang unang buwan, na siyang buwan ng (D)Nisan, nang ikalabing dalawang taon ng haring Assuero, (E)kanilang pinagsapalaran nga ang Pur sa harap ni Aman sa araw-araw, at sa buwan-buwan, hanggang sa ikalabing dalawang buwan, na siyang buwan ng (F)Adar.

At sinabi ni Aman sa haring Assuero, May isang bayang nakakalat at nakasabog sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng iyong kaharian at ang (G)kanilang kautusan ay kaiba sa bawa't bayan; na hindi man lamang iniingatan nila ang mga kautusan ng hari; kaya't hindi mapakinabang sa hari na sila'y tiisin.

Kung kalugdan ng hari, masulat na sila'y lipulin: at ako'y magbabayad ng sangpung libong talentong pilak sa mga kamay niyaong mga may katungkulan sa mga gawain ng hari, upang dalhin sa mga ingatang-yaman ng hari.

10 Nang magkagayo'y (H)hinubad ng hari ang kaniyang singsing sa kaniyang kamay, at ibinigay kay Aman na anak ni Amedatha na Agageo, na (I)kaaway ng mga Judio.

11 At sinabi ng hari kay Aman, Ang pilak ay nabigay sa iyo at gayon din ang bayan upang gawin mo sa mga yaon kung ano ang inaakala mong mabuti.

Inisip ni Aman na lipulin ang mga Judio.

12 (J)Nang magkagayo'y tinawag ang mga kalihim ng hari sa (K)unang buwan, nang ikalabing tatlong araw niyaon; at nangasulat ayon sa lahat na iniutos ni Aman sa mga (L)satrapa ng hari, at sa mga tagapamahala na nangasa bawa't lalawigan, at sa mga prinsipe ng bawa't bayan, sa bawa't lalawigan ayon sa sulat niyaon, at sa bawa't bayan ayon sa kanilang wika; (M)sa pangalan ng haring Assuero nasulat, at tinatakan ng singsing ng hari.

13 At nagpadala ng mga sulat (N)sa pamamagitan ng mga sugo sa lahat ng mga lalawigan ng hari, upang ipahamak, upang patayin, at upang lipulin ang lahat na Judio, ang bata at gayon din ang matanda, ang mga bata at ang mga babae (O)sa isang araw, sa makatuwid baga'y sa ikalabing tatlong araw ng ikalabing dalawang buwan, na siyang buwan ng (P)Adar, at (Q)upang kumuha ng samsam sa kanila na pinakahuli.

14 (R)Isang salin ng sulat ay ibigay sa bawa't lalawigan upang ang pasiya ay mahayag sa lahat na bayan, na sila'y magsihanda sa araw na yaon.

15 Ang mga sugo ay nagsilabas na madalian sa utos ng hari, at ang pasiya ay natanyag sa Susan na bahay-hari. At ang hari at si Aman ay naupo upang uminom; nguni't (S)ang bayan ng Susan ay natitigilan.