Add parallel Print Page Options

Ang Mamuhay Ayon sa Liwanag

Kaya bilang mga minamahal na anak, tularan ninyo ang Diyos. (A) Mamuhay kayo sa pag-ibig, kung paanong inibig tayo ni Cristo at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang isang mabangong handog at alay sa Diyos. Tulad ng nararapat sa mga banal, hindi dapat mabanggit man lamang tungkol sa inyo ang pakikiapid at anumang uri ng karumihan, o kasakiman. Hindi rin dapat magkaroon sa inyo ng kalaswaan, ni hangal na usapan, o magagaspang na birong wala sa lugar, sa halip ay ang pagpapasalamat. Sapagkat alam na alam ninyo ito na walang mapakiapid, o taong marumi ang pamumuhay, o sakim, na isang uri ng taong sumasamba sa mga diyus-diyosan, ang tatanggap ng pamana sa kaharian ni Cristo at ng Diyos. Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga suwail na anak. Kaya't huwag kayong makikibahagi sa kanila. Sapagkat kayo noon ay kadiliman, ngunit ngayon sa Panginoon kayo ay liwanag. Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag.— Sapagkat ang bunga ng liwanag ay matatagpuan sa mga bagay na mabuti, matuwid at totoo. 10 Alamin ninyo kung ano ang kaaya-aya sa Panginoon. 11 At huwag kayong makibahagi sa mga walang kapakinabangang gawa ng kadiliman, sa halip ay ilantad ninyo ang mga ito. 12 Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga patagong ginagawa ng mga taong ito. 13 Lahat ng mga bagay na inilantad ng liwanag ay makikita. 14 Sapagkat anumang bagay na nakikita ay nagiging liwanag. Kaya nga't sinasabi,

“Gumising ka, ikaw na natutulog,
    bumangon ka mula sa mga patay,
at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”

15 Kaya't mag-ingat kayo sa uri ng inyong pamumuhay, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong. 16 (B) Lubos ninyong gamitin ang pagkakataon, sapagkat ang mga araw ay masasama. 17 Kaya't huwag kayong maging mga hangal, sa halip ay unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 Huwag kayong magpakalasing sa alak, na sanhi ng kahalayan, sa halip ay mapuspos kayo ng Espiritu. 19 Mag-usap-usap kayo (C) sa pamamagitan ng mga awit, ng mga himno at ng mga awiting espirituwal; mag-awitan kayo at mag-alay ng himig mula sa inyong mga puso sa Panginoon. 20 Sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, lagi kayong magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa Diyos na ating Ama.

Ang Relasyong Mag-asawa

21 Magpasakop kayo sa isa't isa bilang bunga ng inyong paggalang kay Cristo. 22 Mga (D) asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong mga asawa, tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, kung paanong si Cristo ang ulo ng iglesya, at siya mismo ang tagapagligtas ng katawan. 24 Ngayon, kung paanong nagpapasakop kay Cristo ang iglesya, gayundin ang mga asawang babae ay dapat pasakop sa lahat ng bagay sa kani-kanilang asawa. 25 Mga (E) asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, kung paanong inibig ni Cristo ang iglesya at inialay ang kanyang sarili para dito, 26 upang pakabanalin niya ito, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may kalakip na salita, 27 upang maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, walang dungis o kulubot o anumang tulad nito, sa halip ang iglesya ay maging banal at walang kapintasan. 28 Sa gayunding paraan, dapat ibigin ng asawang lalaki ang kanyang sariling asawa tulad ng sarili niyang katawan. Ang umiibig sa sarili niyang asawa ay umiibig sa kanyang sarili. 29 Sapagkat walang sinumang namuhi sa sarili niyang katawan, sa halip ay inaaruga niya ito at iniingatan, gaya ng ginagawa ni Cristo sa iglesya; 30 sapagkat tayo ay mga bahagi ng kanyang katawan. 31 Dahil (F) dito ay iiwan ng isang tao ang kanyang ama at ina, at pipisan siya sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman. 32 Napakalalim ng hiwagang ito, ngunit ang sinasabi ko ay tungkol kay Cristo at sa iglesya. 33 Gayunman, dapat ibigin ng bawat lalaki sa inyo ang sarili niyang asawa gaya ng kanyang sarili, at dapat igalang ng babae ang kanyang asawa.

Kayo nga'y magsitulad sa Dios, na gaya ng mga anak na minamahal;

At magsilakad kayo sa pagibig, gaya rin naman ng pagibig ni Cristo sa inyo, at ibinigay dahil sa atin ang kaniyang sarili, na hain at handog sa Dios upang maging samyo ng masarap na amoy.

Nguni't ang pakikiapid, at ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag man lamang masambit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal;

O ang karumihan man, o mga mangmang na pananalita, o ang mga pagbibiro, na di nangararapat: kundi kayo'y magpasalamat.

Sapagka't talastas ninyong lubos, na sinomang mapakiapid, o mahalay, o masakim, na isang mapagsamba sa mga diosdiosan, ay walang anomang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios.

Huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan: sapagka't dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Dios sa mga anak ng pagsuway.

Huwag kayong makibahagi sa kanila;

Sapagka't noong panahon kayo'y kadiliman, datapuwa't ngayon kayo'y kaliwanagan sa Panginoon: magsilakad kayong gaya ng mga anak ng kaliwanagan:

(Sapagka't ang bunga ng kaliwanagan ay nabubuo ng kabutihan at katuwiran at katotohanan),

10 Na inyong pinatutunayan ang kinalulugdan ng Panginoon;

11 At huwag kayong makibahagi sa mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman, kundi bagkus inyong sawatain;

12 Sapagka't ang mga bagay na ginagawa nila sa lihim ay mahalay na salitain man lamang.

13 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay pagka sawata ay itinatanyag ng kaliwanagan: sapagka't ang lahat ng mga bagay na itinatanyag ay kaliwanagan.

14 Kaya sinasabi niya, Gumising kang natutulog, at magbangon ka sa gitna ng mga patay, at liliwanagan ka ni Cristo.

15 Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong;

16 Na inyong samantalahin ang panahon, sapagka't ang mga araw ay masasama.

17 Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

18 At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu;

19 Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon;

20 Na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Dios na ating Ama;

21 Na pasakop kayo sa isa't isa sa takot kay Cristo.

22 Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong sariling asawa, na gaya ng sa Panginoon.

23 Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.

24 Datapuwa't kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani-kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay.

25 Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya;

26 Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita,

27 Upang ang iglesia ay maiharap sa kaniyang sarili na maluwalhati, na walang dungis o kulubot o anomang gayong bagay; kundi ito'y nararapat maging banal at walang kapintasan.

28 Gayon din naman nararapat ibigin ng mga lalake ang kani-kaniyang sariling asawa, na gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kaniyang sariling asawa ay umiibig sa kaniyang sarili:

29 Sapagka't walang sinoman na napoot kailan man sa kaniyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal, gaya naman ni Cristo sa iglesia;

30 Sapagka't tayo ay mga sangkap ng kaniyang katawan.

31 Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman.

32 Ang hiwagang ito ay dakila: datapuwa't sinasalita ko ang tungkol kay Cristo at tungkol sa iglesia.

33 Gayon man ay umibig naman ang bawa't isa sa inyo sa kani-kaniyang sariling asawa gaya ng sa kaniyang sarili; at ang babae ay gumalang sa kaniyang asawa.