Add parallel Print Page Options

Mga Patay na Binuhay

Kayo(A) noo'y mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,

na dati ninyong nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.

Tayong lahat ay dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kapootan, gaya naman ng mga iba.

Ngunit ang Diyos, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin,

maging noong tayo'y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo—sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas,

at tayo'y muling binuhay na kasama niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus,

upang kanyang maipakita sa mga panahong darating ang di-masukat na kayamanan ng kanyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Sapagkat sa biyaya kayo'y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos;

hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.

10 Sapagkat tayo'y kanyang pinakamahusay na gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos nang una pa upang siya nating lakaran.

Iisa kay Cristo

11 Kaya nga, alalahanin ninyo na noong una, kayo'y mga Hentil sa laman, tinatawag na di-tuli ng mga tinatawag na tuli sa laman, na ginawa ng mga kamay ng tao,

12 na nang panahong iyon, kayo ay walang Cristo, hiwalay sa pagiging mamamayan ng Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.

13 Subalit ngayon ay na kay Cristo Jesus, kayo na noong una ay malayo, ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan, na kanyang pinag-isa ang dalawa, at sa pamamagitan ng kanyang laman ay giniba ang gitnang pader ng alitang humahati.

15 Kanyang(B) pinawalang-bisa ang kautusang mga batas sa mga alituntunin upang siya ay lumalang sa kanyang sarili ng isang bagong tao, kapalit ng dalawa, sa gayo'y gumagawa ng kapayapaan,

16 at(C) kanyang papagkasunduin ang dalawa sa isang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na sa pamamagitan niyon ay pinatay ang alitan.

17 At(D) siya'y dumating at ipinangaral ang kapayapaan sa inyo na malalayo, at kapayapaan sa mga malalapit.

18 Sapagkat sa pamamagitan niya, kapwa tayong makakalapit sa isang Espiritu patungo sa Ama.

19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo'y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos,

20 na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok.

21 Sa kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon;

22 na sa kanya kayo rin ay magkasamang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu.

Mula Kamatayan Tungo sa Buhay

Kayo (A) noon ay mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at mga pagkakasala. Namuhay[a] kayo noon ayon sa takbo ng sanlibutang ito at sumunod sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ang espiritung kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway. Tayong lahat ay kasama nila noon na namuhay sa mga pagnanasa ng laman at pinagbibigyan natin ang mga hilig ng laman at ng pag-iisip. Tayo noon ayon sa kalikasan ay katulad ng iba na kabilang sa mga taong kinapopootan ng Diyos. Ngunit ang Diyos, na mayaman sa awa, dahil sa kanyang dakilang pag-ibig sa atin, kahit noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating mga pagsuway, ay binuhay niyang kasama ni Cristo. Dahil sa biyaya tayo'y iniligtas. At dahil kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya, at iniluklok na kasama niya sa kalangitan, upang sa mga panahong darating ay kanyang maipakita ang walang kapantay na kayamanan ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng kanyang kabutihan sa atin na matatagpuan kay Cristo Jesus. Dahil sa biyaya kayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; ito'y kaloob ng Diyos, hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang walang sinumang makapagmalaki. 10 Sapagkat tayo ang kanyang gawa, na nilikha kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos noong una pa man upang ating ipamuhay.

Iisa kay Cristo

11 Kaya nga, alalahanin ninyong noon kayo ay mga Hentil nang kayo'y ipinanganak.[b] Tinatawag kayong “di-tuli” ng mga tinatawag na “tuli”. Ang pagtutuli sa laman ay ginagawa ng mga kamay ng tao. 12 Nang panahong iyon, kayo'y hiwalay kay Cristo, hindi kabilang sa sambayanang Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, at sa mundo ay walang pag-asa at hiwalay sa Diyos. 13 Subalit ngayon kayo ay nakay Cristo Jesus; kayong dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan; sa pamamagitan ng kanyang laman, ang dalawa ay kanyang pinag-isa at giniba ang pader ng alitan na naghihiwalay sa pagitan natin. 15 Kanyang (B) pinawalang-bisa ang kautusang may mga batas at tuntunin upang mula sa dalawa ay lumikha siya sa kanyang sarili ng isang bagong katauhan. Sa ganitong paraan ay nakakamit ang kapayapaan, 16 at (C) upang ipagkasundo sila sa Diyos sa isang katawan sa pamamagitan ng krus. Sa pamamagitan nito'y tinapos na ang alitan. 17 Dumating (D) nga si Cristo at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong mga nasa malayo, at kapayapaan din sa mga nasa malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan niya, tayo'y kapwa makalalapit sa Ama sa pamamagitan ng isang Espiritu. 19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, kundi kayo'y kabilang sa sambayanan ng mga banal at mga kaanib sa sambahayan ng Diyos. 20 Tulad sa gusali, kayo'y itinayo na ang saligan ay ang mga apostol at ang mga propeta, at ang batong-panulukan ay mismong si Cristo Jesus. 21 Dahil sa kanya, ang lahat ng mga bahagi ng gusaling nakalapat nang mabuti ay lumalaki upang maging isang banal na templo sa Panginoon. 22 At sa kanya, kayo rin naman ay sama-samang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.

Footnotes

  1. Efeso 2:2 Namuhay, sa Griyego, lumakad
  2. Efeso 2:11 Sa Griyego,sa laman.