Add parallel Print Page Options

Nais kong malaman ninyong gayon na lamang ang pagsisikap ko para sa inyo, gayundin para sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang personal. Ginagawa ko ito upang palakasin ang kanilang loob at upang mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, mararanasan nila ang ganap na pagpapala ng tunay na pagkaunawa at kaalaman tungkol sa hiwaga ng Diyos, na walang iba kundi si Cristo.[a] Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng nakatagong kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos.

Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng mga mapang-akit na pananalita. Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo.

Ang Ganap na Pamumuhay kay Cristo

Yamang tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo na may pakikipag-isa sa kanya. Magpakatatag kayo at isalig ninyo sa kanya ang inyong buhay. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.

Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhang karunungan at pandaraya na ayon sa mga tradisyon ng mga tao at mga alituntunin ng mundong ito, at ang mga ito ay hindi ayon kay Cristo. Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao. 10 Kaya't nalubos ang inyong buhay sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala.

Read full chapter

Footnotes

  1. Colosas 2:2 hiwaga…kundi si Cristo: Sa ibang manuskrito'y hiwaga ng Diyos na Ama ni Cristo, at sa iba pang mga manuskrito'y hiwaga ng Diyos, at ng Ama, at ni Cristo .