Add parallel Print Page Options

Nais kong malaman ninyong gayon na lamang ang pagsisikap ko para sa inyo, gayundin para sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang personal. Ginagawa ko ito upang palakasin ang kanilang loob at upang mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, mararanasan nila ang ganap na pagpapala ng tunay na pagkaunawa at kaalaman tungkol sa hiwaga ng Diyos, na walang iba kundi si Cristo.[a] Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng nakatagong kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos.

Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng mga mapang-akit na pananalita. Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo.

Ang Ganap na Pamumuhay kay Cristo

Yamang tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo na may pakikipag-isa sa kanya. Magpakatatag kayo at isalig ninyo sa kanya ang inyong buhay. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.

Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhang karunungan at pandaraya na ayon sa mga tradisyon ng mga tao at mga alituntunin ng mundong ito, at ang mga ito ay hindi ayon kay Cristo. Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao. 10 Kaya't nalubos ang inyong buhay sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala.

11 Dahil sa pakikipag-isa kay Cristo, kayo'y tinuli hindi sa laman kundi sa pagwawaksi ng masamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. 12 Sa(A) pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. 13 Kayong(B) dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi saklaw ng pagtutuli ayon sa Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at 14 pinawalang-bisa(C) ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. 15 Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay.

16 Kaya't(D) huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. 17 Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. 18 Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa kanilang mga pangitain. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. 19 Hindi(E) sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Nakaugnay sa kanya ang mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

20 Namatay na kayo na kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng 21 “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyan,” “Huwag gagalawin iyon”? 22 Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. 23 Sa kaanyuan, para ngang ayon sa karunungan ang ganoong uri ng pagsamba, pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay walang silbi sa pagpigil sa hilig ng laman.

Footnotes

  1. Colosas 2:2 hiwaga…kundi si Cristo: Sa ibang manuskrito'y hiwaga ng Diyos na Ama ni Cristo, at sa iba pang mga manuskrito'y hiwaga ng Diyos, at ng Ama, at ni Cristo .