Add parallel Print Page Options

Ang Dati at ang Bagong Buhay

Kaya patayin nʼyo na ang anumang kamunduhang nasa inyo: ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga dios-diosan. Parurusahan ng Dios ang mga taong gumagawa ng mga bagay na iyon. Ganoon din ang pamumuhay ninyo noon. Pero ngayon, dapat na ninyong itakwil ang lahat ng ito: galit, poot, sama ng loob, paninira sa kapwa, at mga bastos na pananalita. Huwag kayong magsinungaling sa isaʼt isa, dahil hinubad nʼyo na ang dati ninyong pagkatao at masasamang gawain, 10 at isinuot na ninyo ang bagong pagkatao. Ang pagkataong itoʼy patuloy na binabago ng Dios na lumikha nito, para maging katulad niya tayo at para makilala natin siya nang lubusan. 11 Sa bagong buhay na ito, wala nang ipinagkaiba ang Judio sa hindi Judio, ang tuli sa hindi tuli, ang naturuan sa hindi naturuan, at ang alipin sa malaya dahil si Cristo na ang lahat-lahat, at siyaʼy nasa ating lahat.

12 Kaya bilang mga banal at minamahal na mga pinili ng Dios, dapat kayong maging mapagmalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis. 13 Magpasensiyahan kayo sa isaʼt isa at magpatawaran kayo kung may hinanakit kayo kaninuman, dahil pinatawad din kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, magmahalan kayo, dahil ito ang magdudulot ng tunay na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa mga puso nʼyo ang kapayapaan ni Cristo. Sapagkat bilang mga bahagi ng iisang katawan, tinawag kayo ng Dios upang mamuhay nang mapayapa. Dapat din kayong maging mapagpasalamat.

16 Itanim ninyong mabuti sa mga puso nʼyo ang mga aral ni Cristo. Paalalahanan at turuan nʼyo ang isaʼt isa ayon sa karunungang kaloob ng Dios. Umawit kayo ng mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espiritwal na may pasasalamat sa Dios sa mga puso ninyo.

Read full chapter

Kaya't patayin ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa lupa: ang pakikiapid, kahalayan, kapusukan, masamang pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga diyus-diyosan. Dahil sa mga ito, ang poot ng Diyos ay dumarating sa mga suwail na anak.[a] Ganitong mga landas ang tinatahak ninyo noon, nang kayo'y namumuhay pa sa mga ito. Ngunit ngayon ay talikuran ninyo ang mga bagay tulad ng poot, galit, maruruming pag-iisip, paninirang-puri, at mahalay na pananalita mula sa inyong bibig. Huwag (A) kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga gawain nito, 10 at (B) kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na patuloy na ginagawang bago tungo sa kaalaman ayon sa larawan ng lumikha sa bagong pagkatao. 11 Dito'y wala nang pagkakaiba ang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scita, alipin, at malaya. Sa halip, si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat at nasa lahat!

12 Kaya't bilang (C) mga pinili ng Diyos, mga banal at minamahal, isuot ninyo sa inyong pagkatao ang pagkamahabagin, kabaitan, kababaang-loob, kaamuan, at tiyaga. 13 Magparaya kayo (D) sa isa't isa, at kung ang sinuman ay may sama ng loob sa kanino man, magpatawad kayo sa isa't isa. Magpatawad kayo kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pag-ibig na siyang nagbubuklod sa lahat sa lubos na pagkakaisa. 15 At hayaan ninyong maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na siyang dahilan kaya't tinawag kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat. 16 Manirahan (E) nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo. Kalakip ang buong karunungan ay turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo, ng mga himno at ng mga awiting espirituwal, habang umaawit kayo na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso.

Read full chapter

Footnotes

  1. Colosas 3:6 Sa ibang mga kasulatan walang mga suwail na anak.