Add parallel Print Page Options

Naganap ang Pagpaparusa sa Jerusalem

Kupas na ang kinang ng ginto,
    nagkalat sa lansangan ang mga bato ng Templo!

Ang mga ipinagmamalaking kabinataan ng Jerusalem ay kasinghalaga ng lantay na ginto,
    ngunit ngayon ay para na lamang putik na hinugisan ng magpapalayok.

Kahit mga asong-gubat ay nagpapasuso ng kanilang mga tuta,
    subalit ang aking bayan ay naging malupit, gaya ng mga ostrits sa kanilang mga inakay.

Namamatay sa gutom ang mga batang pasusuhin;
    namamalimos ang mga bata, ngunit walang magbigay ng pagkain.

Ang mga taong dati'y sagana sa pagkain dahil sa gutom ay namatay na rin.
    Ang dating mayayaman ay naghahalungkat, umaasang sa basurahan ay may mabubulatlat.

Ang(A) pagpaparusa sa aking bayan ay higit pa sa sinapit ng Sodoma
    na sa isang kisap-mata'y winasak ng Diyos.

Dati, ang aming mga pinuno[a] ay matuwid at sindalisay ng yelo;
    sila'y matipuno, malakas at malusog.

Ngayo'y mukha nila'y sing-itim ng alkitran, kanilang mga bangkay sa Jerusalem ay naghambalang.
    Nangulubot na ang kanilang balat, parang kahoy na natuyo ang kanilang mga buto.

Mabuting di hamak ang masawi ka sa digmaan kaysa naman sa gutom ikaw ay mamatay;
    at dahil walang makain, labis kang nanghina.

10 Kalagim-lagim(B) ang naging bunga ng kapahamakang sinapit ng aking bayan.
    Upang ang ina ay may makain, kanilang supling ang siyang isinaing.

11 Ibinuhos ni Yahweh ang kanyang matinding poot,
    sa lunsod ng Zion, lahat kanyang tinupok.

12 Hindi naniniwala ang lahat ng hari sa sanlibutan, ni ang kanilang mga nasasakupan
    na mapapasok ng kaaway ang lunsod ng Jerusalem.

13 Ngunit ito'y naganap dahil sa kasalanan ng mga propeta, at sa kasamaan ng mga pari
    na nagpapatay sa mga walang sala.

14 Ang mga pinuno'y parang bulag na palabuy-laboy sa lansangan
    at natitigmak ng dugo, kaya walang mangahas lumapit sa kanila.

15 “Lumayo kayo, kayong marurumi! Huwag kayong lalapit sa amin!” sabi ng mga tao;
    kaya't sila'y naging pugante't palabuy-laboy, ni isang bansa'y walang nais tumanggap sa kanila.

16 Hindi na sila pinahalagahan ni Yahweh, kaya sila'y pinangalat niya.
    Hindi na niya kinilala ang mga pari at ang mga pinuno.

17 Nanlabo na ang aming paningin sa paghihintay sa tulong na hindi na dumating;
    naghintay kami sa isang bansang wala namang maitulong.

18 Ang kaaway ay laging nakabantay kaya't hindi kami makalabas sa lansangan;
    nabibilang na ang aming mga araw, malapit na ang aming wakas.

19 Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabilis kaysa mga agila sa himpapawid;
    tinugis nila kami sa mga kabundukan, maging sa ilang ay inaabangan.

20 Nabihag nila ang aming tagapagtanggol, ang itinalaga ni Yahweh,
    na inaasahan naming mangangalaga sa amin laban sa mga kaaway.

21 Magalak ka't matuwa, bayan ng Edom at Uz;
    subalit ang kapahamakang ito'y inyo ring mararanasan, malalagay ka rin sa lubos na kahihiyan.

22 Pinagdusahan na ng Zion ang kanyang mga kasalanan kaya't lalaya na siya mula sa pagkabihag;
    ngunit paparusahan ni Yahweh ang Edom dahil sa kanyang kalikuan, at ibubunyag ang kanyang mga kasalanan.

Footnotes

  1. Panaghoy 4:7 mga pinuno: o kaya'y mga Nazareo .
'Panaghoy 4 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang Parusa sa Zion

Malabo na ang ginto, nabago na ang dalisay na ginto!
Ang mga banal na bato ay nakakalat sa dulo ng bawat lansangan.

Ang mahahalagang anak ng Zion,
    na kasimbigat ng dalisay na ginto,
ano't pinapahalagahan na waring mga sisidlang lupa,
    na gawa ng mga kamay ng magpapalayok!

Maging ang mga asong-gubat ay naglalabas ng dibdib
    at nagpapasuso sa kanilang mga anak,
ngunit ang anak na babae ng aking bayan ay naging malupit,
    parang mga avestruz sa ilang.

Ang dila ng sumususong bata ay dumidikit
    sa ngalangala ng kanyang bibig dahil sa uhaw.
Ang mga bata ay humihingi ng tinapay,
    ngunit walang taong nagpuputol nito sa kanila.

Silang nagpapakasawa sa pagkain
    ay namamatay sa mga lansangan.
Silang pinalaki sa kulay-ube ay nagsisihiga sa mga tapunan ng dumi.

Sapagkat(A) ang kasamaan ng anak na babae ng aking bayan ay higit na mabigat
    kaysa parusa sa Sodoma,
na nagapi sa isang sandali,
    at walang mga kamay na humawak sa kanya.
Ang kanyang mga pangunahing tao ay higit na dalisay kaysa niyebe,
    higit na maputi kaysa gatas;
ang kanilang katawan ay higit na matipuno kaysa coral,
    ang ganda ng kanilang anyo ay parang zafiro.

Ang kanilang anyo ngayon ay higit na maitim kaysa uling;
    sila'y hindi makilala sa mga lansangan.
Ang kanilang balat ay naninikit sa kanilang mga buto;
    ito'y naging gaya ng tuyong kahoy.

Mabuti pa ang mga pinatay sa tabak
    kaysa sa mga pinatay sa gutom,
sapagkat ang mga ito ay nanghihina at nagkakasakit
    dahil sa kawalan ng mga bunga ng lupain.

10 Niluto(B) ng mga kamay ng mga mahabaging babae
    ang kanilang sariling mga anak;
sila'y naging mga pagkain nila, dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan.

11 Nilubos ng Panginoon ang kanyang poot,
    ibinuhos niya ang kanyang matinding galit.
At siya'y nagpaningas ng apoy sa Zion,
    na tumupok sa mga pundasyon nito.

12 Ang mga hari sa lupa ay hindi naniwala,
    o sinuman sa mga naninirahan sa sanlibutan,
na ang kaaway at ang kalaban ay makakapasok
    sa mga pintuan ng Jerusalem.

13 Ito'y dahil sa mga kasalanan ng kanyang mga propeta,
    at sa mga kasamaan ng kanyang mga pari,
na nagpadanak sa gitna niya ng dugo ng mga matuwid.

14 Sila'y nagpagala-gala na mga bulag sa mga lansangan,
    na lubhang nadungisan ng dugo
kaya't walang makahawak sa kanilang kasuotan.

15 “Lumayo kayo, Marurumi!” ang sigaw ng mga tao sa kanila;
    “Lumayo kayo! Lumayo kayo! Huwag ninyo kaming hahawakan!”
Kaya't sila'y naging mga takas at pagala-gala;
    sinabi ng mga tao sa gitna ng mga bansa,
    “Hindi na sila mamamalaging kasama natin.”

16 Pinangalat sila ng Panginoon, sila ay hindi na niya pahahalagahan
Hindi nila iginalang ang mga pari
    hindi nila nilingap ang matatanda.

17 Nanlabo na ang aming mga mata
    sa paghihintay ng tulong na hindi naman dumating,
sa aming pagbabantay ay naghihintay kami
    sa isang bansang hindi makapagliligtas.

18 Inaabangan nila ang aming mga hakbang,
    upang huwag kaming makalakad sa aming mga lansangan,
malapit na ang aming wakas, tapos na ang aming mga araw;
    sapagkat dumating na ang aming wakas.

19 Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabibilis
    kaysa mga buwitre sa himpapawid:
hinabol nila kami sa mga bundok,
    inabangan nila kami sa ilang.

20 Ang hininga ng mga butas ng aming ilong, ang pinahiran ng Panginoon
    ay kinuha sa kanilang mga hukay;
na tungkol sa kanya ay aming sinasabi, “Sa kanyang mga lilim
    ay mabubuhay kami na kasama ng mga bansa.”

21 Magalak at matuwa ka, O anak na babae ng Edom,
    na naninirahan sa lupain ng Uz.
Ngunit ang kopa ay darating din sa iyo;
    ikaw ay malalasing at maghuhubad.

22 Ang parusa sa iyong kasamaan ay naganap na, O anak na babae ng Zion,
    hindi ka na niya pananatilihin pa sa pagkabihag.
Ngunit ang iyong kasamaan, O anak na babae ng Edom; ay kanyang parurusahan,
    ilalantad niya ang iyong mga kasalanan.