Mga Awit 87
Ang Biblia, 2001
Awit ng mga Anak ni Kora. Isang Awit.
87 Ang kanyang saligan ay nasa mga banal na bundok,
2 minamahal ng Panginoon ang sa Zion na mga pintuan,
higit kaysa lahat ng kay Jacob na tahanan.
3 Maluluwalhating bagay ang ibinabalita tungkol sa iyo,
O lunsod ng Diyos. (Selah)
4 Kabilang sa mga nakakakilala sa akin ay binabanggit ko si Rahab at ang Babilonia,
narito, ang Filistia at Tiro, kasama ng Etiopia—
“Ang isang ito ay ipinanganak doon.”
5 At tungkol sa Zion ay sasabihin,
“Ang isang ito at ang isang iyon ay ipinanganak sa kanya;”
sapagkat mismong ang Kataas-taasan ang magtatatag sa kanya.
6 Ang Panginoon ay magbibilang habang kanyang itinatala ang mga bayan,
“Ang isang ito ay ipinanganak doon.” (Selah)
7 Ang mga mang-aawit at mananayaw ay kapwa nagsasabi,
“Lahat ng aking mga bukal ay nasa iyo.”
Salmo 87
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Papuri sa Jerusalem
87 1-2 Itinayo ng Panginoon ang lungsod ng Jerusalem[a] sa banal na bundok.
Mahal niya ang lungsod na ito kaysa sa lahat ng lugar sa Israel.[b]
3 Magagandang bagay ang kanyang sinasabi tungkol sa lungsod na ito.
4 Sabi niya, “Kung ililista ko ang mga bansang kumikilala sa akin,
isasama ko ang Egipto,[c] ang Babilonia, pati na ang Filistia, Tyre at Etiopia.
Ibibilang ko ang kanilang mga mamamayan na tubong Jerusalem.”
5 Ito nga ang masasabi sa Jerusalem, na maraming tao ang ibibilang na tubong Jerusalem.
At ang Kataas-taasang Dios ang siyang magpapatatag ng lungsod na ito.
6 Ililista ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan
at isasama rin niya ang maraming taong ibibilang niyang mga tubong Jerusalem.
7 Silang lahat ay magsisiawit ng, “Ang lahat ng ating mga pagpapala ay sa Jerusalem nagmula!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.