Awit 61
Ang Dating Biblia (1905)
61 Dinggin mo ang aking daing, Oh Dios; pakinggan mo ang aking dalangin.
2 Mula sa wakas ng lupa ay tatawag ako sa iyo, pagka nanglupaypay ang aking puso: patnubayan mo ako sa malaking bato na lalong mataas kay sa akin.
3 Sapagka't ikaw ay naging aking kanlungan, matibay na moog sa kaaway.
4 Ako'y tatahan sa iyong tabernakulo magpakailan man: ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak. (Selah)
5 Sapagka't dininig mo, Oh Dios, ang aking mga panata: ibinigay mo ang mana sa nangatatakot sa iyong pangalan.
6 Iyong pahahabain ang buhay ng hari: Ang kaniyang mga taon ay magiging parang malaong panahon.
7 Siya'y tatahan sa harap ng Dios magpakailan man: Oh maghanda ka ng kagandahang-loob at katotohanan, upang mapalagi siya.
8 Sa gayo'y aawit ako ng pagpuri sa iyong pangalan magpakailan man. Upang maisagawa ko araw-araw ang aking mga panata.
Salmo 61
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Panalangin para Ingatan ng Dios
61 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin.
2 Mula sa dulo ng mundo,
tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa.
Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,[a]
3 dahil kayo ang aking kanlungan,
tulad kayo ng isang toreng matibay
na pananggalang laban sa kaaway.
4 Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman
at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
5 Dahil napakinggan nʼyo, O Dios, ang aking mga pangako sa
at binigyan nʼyo ako ng mga bagay na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.
6 Pahabain nʼyo ang buhay ng hari at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.
7 Sanaʼy maghari siya magpakailanman na kasama nʼyo, O Dios,
at ingatan nʼyo siya sa inyong pag-ibig at katapatan.
8 At akoʼy palaging aawit ng papuri sa inyo,
at tutuparin kong lagi ang aking mga pangako sa inyo.
Footnotes
- 61:2 sa lugar na ligtas sa panganib: sa literal, sa bato na mas mataas kaysa sa akin.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®