Awit 34
Ang Dating Biblia (1905)
34 Aking pupurihin ang Panginoon sa buong panahon: ang pagpuri sa kaniya ay laging sasa aking bibig.
2 Ang aking kaluluwa ay maghahambog sa Panginoon: maririnig ng maamo at masasayahan.
3 Oh dakilain ninyo na kasama ko ang Panginoon, at tayo'y mangagbunyi na magkakasama ng kaniyang pangalan.
4 Aking hinanap ang Panginoon, at sinagot niya ako, at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga katakutan.
5 Sila'y nagsitingin sa kaniya, at nangaliwanagan: at ang kanilang mukha ay hindi malilito kailan man.
6 Itong abang tao'y dumaing, at dininig siya ng Panginoon. At iniligtas siya sa lahat niyang mga kabagabagan.
7 Ang anghel ng Panginoon ay humahantong sa buong palibot ng nangatatakot sa kaniya, at ipinagsasanggalang sila.
8 Oh inyong tikman at tingnan ninyo na ang Panginoon ay mabuti: mapalad ang tao na nanganganlong sa kaniya.
9 Oh mangatakot kayo sa Panginoon, kayong mga banal niya: sapagka't walang kakulangan sa kanila na nangatatakot sa kaniya.
10 Ang mga batang leon ay kinakapos at nagtitiis ng gutom. Nguni't silang nagsisihanap sa Panginoon ay hindi kukulangin ng anomang mabuting bagay.
11 Magsiparito kayo, kayong mga anak, dinggin ninyo ako: aking tuturuan kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Sinong tao ang nagnanasa ng buhay, at umiibig sa maraming kaarawan upang makakita siya ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama. At ang iyong mga labi sa pagsasalita ng karayaan.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; hanapin mo ang kapayapaan at habulin mo.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay nakatitig sa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa kanila na nagsisigawa ng kasamaan, upang ihiwalay ang alaala sa kanila sa lupa.
17 Ang matuwid ay nagsidaing, at dininig ng Panginoon, at iniligtas sila sa lahat nilang mga kabagabagan.
18 Ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at inililigtas ang mga may pagsisising diwa.
19 Marami ang kadalamhatian ng matuwid; nguni't inililigtas ng Panginoon sa lahat.
20 Kaniyang iniingatan ang lahat niyang mga buto: wala isa man sa mga yaon na nababali.
21 Papatayin ng kasamaan ang masama: at silang nangagagalit sa matuwid na tao ay kikilanling may sala.
22 Tinutubos ng Panginoon ang kaluluwa ng kaniyang mga lingkod: at wala sa nagsisipagkanlong sa kaniya ay kikilanling may sala.
Mga Awit 34
Ang Biblia, 2001
Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
9 O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.
11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(C) tao ang nagnanasa ng buhay,
at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.
19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(D) nitong mga buto ay iniingatan niya,
sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.
Salmo 34
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Kabutihan ng Dios
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
2 Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
3 Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
4 Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
5 Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
6 Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
at ipinagtatanggol niya sila.
8 Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon.
Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
9 Kayong mga hinirang ng Panginoon,
matakot kayo sa kanya,
dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.
19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.
Footnotes
- 34:8 naghahanap ng kaligtasan: sa Hebreo: nanganganlong.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®