Mga Awit 126
Ang Biblia, 2001
Awit ng Pag-akyat.
126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
tayo ay gaya ng mga nananaginip.
2 Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
“Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
3 Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
kami ay natutuwa.
4 Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
5 Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
6 Siyang lumalabas na umiiyak,
na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.
Footnotes
- Mga Awit 126:1 o ibinalik ang mga nagsiuwi sa Zion .
- Mga Awit 126:4 o kayamanan .
- Mga Awit 126:4 o Timog .
Salmo 126
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Dalangin para Iligtas
126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[a] parang itoʼy panaginip lang.
2 Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
“Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
3 Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
at punong-puno tayo ng kagalakan.
4 Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
5 Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
6 Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.
Footnotes
- 126:1 mga nabihag: o, kaunlaran at katahimikan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®