Pahayag 6:9-14
Magandang Balita Biblia
9 Nang alisin ng Kordero ang panlimang selyo, nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa pagpapatotoo nila rito. 10 Sumigaw sila nang malakas, “O Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat! Gaano pa katagal bago ninyo hatulan at parusahan ang mga tao sa daigdig na pumatay sa amin?” 11 Binigyan ng puting kasuotan ang bawat isa sa kanila, at sinabi sa kanilang magpahinga nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa mga lingkod, na papatayin ding tulad nila.
12 Nang(A) alisin ng Kordero ang pang-anim na selyo, lumindol nang malakas, ang araw ay nagdilim na kasing itim ng damit panluksa at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo. 13 Nalaglag(B) mula sa langit ang mga bituin na parang mga bubot na bunga ng igos kapag hinahampas ng malakas na hangin. 14 Naglaho(C) ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga isla.
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.