Add parallel Print Page Options
'Amos 9 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Aking nakita ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng dambana: at kaniyang sinabi, Hampasin mo ang mga kapitel, upang ang mga tungtungan ay mauga; at mangagkaputolputol sa ulo nilang lahat; at aking papatayin ng tabak ang huli sa kanila: walang makatatakas sinoman sa kanila, at walang makatatanang sinoman sa kanila.

Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol, mula roo'y kukunin sila ng aking kamay; at bagaman sila'y sumampa hanggang sa langit, mula roo'y ibababa ko sila.

At bagaman sila'y magsipagtago sa taluktok ng Carmelo, aking hahanapin at kukunin sila mula roon; at bagaman sila'y magsikubli sa aking paningin sa gitna ng dagat, mula roo'y uutusan ko ang ahas, at tutukain niyaon sila.

At bagaman sila'y magsipasok sa pagkabihag sa harap ng kanilang mga kaaway, mula roon ay aking uutusan ang tabak, at papatayin niyaon sila: at aking itititig ang aking mga mata sa kanila sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti.

Sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay siyang humihipo ng lupain at natutunaw, at lahat na nagsisitahan doon ay magsisitangis; at babangong samasama na gaya ng Ilog, at lulubog uli, na gaya ng Ilog ng Egipto;

Siya na gumawa ng kaniyang mga silid sa langit, at kumatha ng kaniyang balantok sa lupa; siya na tumatawag ng tubig sa dagat at ibinubugso sa ibabaw ng lupa; Panginoon ang kaniyang pangalan.

Di baga kayo'y parang mga anak ng mga taga Etiopia sa akin, Oh mga anak ni Israel? sabi ng Panginoon. Hindi ko baga pinasampa ang Israel mula sa lupain ng Egipto, at ang mga Filisteo, ay mula sa Caphtor, at ang mga taga Siria ay sa Chir?

Narito, ang mga mata ng Panginoong Dios ay nasa makasalanang kaharian, at aking ipapahamak mula sa ibabaw ng lupa; liban na hindi ko lubos na ipapahamak ang sangbahayan ni Jacob, sabi ng Panginoon.

Sapagka't, narito, ako'y maguutos, at aking sasalain ang sangbahayan ni Israel sa gitna ng lahat na bansa, gaya ng trigo na nabithay sa isang bithay, gayon ma'y hindi malalaglag sa lupa ang pinakamaliit na butil.

10 Lahat na makasalanan sa aking bayan ay mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, na nangagsasabi, Ang kasamaan ay hindi aabot sa atin o mauuna man sa atin.

11 Sa araw na yaon ay ibabangon ko ang tabernakulo ni David na buwal, at tatakpan ko ang mga sira niyaon; at ibabangon ko ang mga guho niyaon, at aking itatayo na gaya ng mga araw ng una;

12 Upang kanilang ariin ang nalabi sa Edom, at ang lahat na bansa na mga tinatawag sa aking pangalan, sabi ng Panginoon na gumagawa nito,

13 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aabutan ng mangaararo ang mangaani, at ng mamimisa ng ubas ang magtatanim ng binhi; at ang mga bundok ay papatak ng matamis na alak, at lahat na burol ay mangatutunaw.

14 At akin uling ibabalik ang nangabihag sa aking bayang Israel, at kanilang itatayo ang mga wasak na bayan, at tatahanan nila; at sila'y mangaguubasan, at magsisiinom ng alak niyaon; magsisigawa rin sila ng mga halamanan, at magsisikain ng bunga ng mga yaon.

15 At aking itatatag sila sa kanilang lupain; at hindi na sila mabubunot pa sa kanilang lupain, na aking ibinigay sa kanila, sabi ng Panginoon mong Dios.

Ang mga Hatol ng Panginoon

Nakita ko ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng dambana, at kanyang sinabi:

“Hampasin mo ang mga kapitel,
    upang ang mga tuntungan ay mauga;
    at basagin mo sila sa ulo nilang lahat,
at aking papatayin ng tabak ang nalabi sa kanila;
    hindi sila magkakaroon ng takas na makakaalis,
    o sinuman na makakatakas.

“Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol,
    mula roo'y kukunin sila ng aking kamay;
bagaman sila'y umakyat hanggang sa langit,
    mula roo'y ibababa ko sila.
At bagaman sila'y magtago sa tuktok ng Carmel,
    mula roo'y hahanapin ko sila at kukunin,
at bagaman sila'y magkubli sa aking paningin sa kailaliman ng dagat,
    mula roo'y uutusan ko ang ahas, at tutuklawin sila niyon.
At bagaman sila'y mapunta sa pagkabihag sa harapan ng kanilang mga kaaway,
    doon ay aking uutusan ang tabak, at papatayin sila niyon.
at aking itititig ang aking mga mata sa kanila
    sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti.”

Ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo,
na siyang humihipo ng lupain at natutunaw,
    at lahat ng naninirahan doon ay tatangis;
at lahat niyon ay tumataas na gaya ng Nilo,
    at lulubog uli, na gaya ng Nilo ng Ehipto;
siya na gumagawa ng kanyang mga silid sa langit,
    at inilagay ang kanyang pabilog na bubong sa lupa;
siya na tumatawag ng tubig sa dagat
    at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa—
Panginoon ang kanyang pangalan.

“Di ba kayo'y parang mga anak ng Etiopia para sa akin,
    O mga anak ni Israel?” sabi ng Panginoon.
“Hindi ko ba pinaahon ang Israel mula sa lupain ng Ehipto,
    at ang mga Filisteo, mula sa Caftor, at ang mga taga-Siria mula sa Chir?
Ang mga mata ng Panginoong Diyos ay nasa makasalanang kaharian,
    at wawasakin ko iyon mula sa ibabaw ng lupa;
    gayunman hindi ko lubos na wawasakin ang sambahayan ni Jacob,” sabi ng Panginoon.
“Sapagkat narito, ako'y mag-uutos,
    at aking liligligin ang sambahayan ni Israel sa gitna ng lahat ng bansa,
gaya ng pagliliglig sa pamamagitan ng isang bithay,
    subalit hindi malalaglag sa lupa ang pinakamaliit na butil.
10 Lahat ng makasalanan sa aking bayan ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak,
    sila na nagsasabi, ‘Ang kasamaan ay hindi aabot sa atin o sasalubong sa atin.’

Manunumbalik ang Israel

11 “Sa(A) araw na iyon ay ibabangon ko
    ang tabernakulo ni David na bumagsak,
at lalagyan ko ng bakod ang mga sira niyon;
    at ibabangon ko ang mga guho niyon,
    at muli kong itatayo na gaya ng mga araw nang una;
12 upang kanilang angkinin ang nalabi ng Edom,
    at ang lahat ng bansa na tinatawag sa aking pangalan,”
    sabi ng Panginoon na gumagawa nito.

13 “Ang mga araw ay dumarating,” sabi ng Panginoon,
    “na aabutan ng nag-aararo ang nag-aani,
    at ng tagapisa ng ubas ang nagtatanim ng binhi;
ang mga bundok ay magpapatulo ng matamis na alak,
    at lahat ng mga burol ay matutunaw.
14 At aking ibabalik ang kapalaran ng aking bayang Israel,
    at kanilang muling itatayo ang mga wasak na bayan, at titirahan nila iyon,
at sila'y magtatanim ng ubasan, at iinom ng alak niyon;
    gagawa rin sila ng mga halamanan, at kakain ng bunga ng mga iyon.
15 At aking ilalagay sila sa kanilang lupain;
    at hindi na sila palalayasin pa sa kanilang lupain,
    na ibinigay ko sa kanila,” sabi ng Panginoon mong Diyos.

Walang Makakatakas sa Parusa ng Dios

Sinabi ni Amos: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa altar at sinabi niya, “Hampasin mo ang itaas na bahagi ng mga haligi ng templo upang mawasak ang bubong[a] at nang mabagsakan ang mga tao. Ang matitirang buhay ay mamamatay sa digmaan. Wala ni isa mang makakatakas o makakaligtas. Kahit magtago pa sila sa ilalim ng lupa, sa lugar ng mga patay, kukunin ko pa rin sila. Kahit na umakyat pa sila sa langit, hihilahin ko pa rin sila pababa. Kahit na magtago pa sila sa tuktok ng Bundok ng Carmel, hahanapin ko sila roon at huhulihin. Magtago man sila sa kailaliman ng dagat, uutusan ko ang ahas na tuklawin sila. Kahit na bihagin sila ng kanilang mga kaaway, ipapapatay ko pa rin sila. Dahil desidido na akong lipulin sila at huwag nang tulungan.”

Kapag hinipo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan ang lupa, mayayanig ito at mag-iiyakan ang lahat ng naninirahan dito. Ang pagyanig nito ay parang pagtaas at pagbaba ng tubig sa Ilog ng Nilo sa Egipto.

Ang Dios ang gumawa ng kanyang sariling tirahan sa langit.
    At siya ang gumawa ng kalawakan sa itaas ng lupa.
    Siya rin ang nag-iipon ng tubig-dagat sa mga alapaap at pinauulan ito sa lupa.
    Ang pangalan niyaʼy Panginoon.

Sinabi ng Panginoon, “Ang turing ko sa inyo na mga taga-Israel ay katulad lang sa mga taga-Etiopia.[b] Totoong inilabas ko kayo sa Egipto, pero inilabas ko rin ang mga Filisteo sa Caftor[c] at ang mga Arameo[d] sa Kir. Ako, ang Panginoong Dios ay nagmamanman sa inyong makasalanang kaharian. At lilipulin ko kayo hanggang sa mawala kayo ng lubusan sa mundo. Pero may ilang matitira sa inyo na mga lahi ni Jacob. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Tingnan ninyo! Mag-uutos na ako; sasalain ko kayong mga mamamayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa, tulad ng pagsala sa mga butil. At kung paanong hindi nakakalusot ang maliliit na bato sa salaan, 10 hindi rin makakalusot sa akin ang masasama sa inyo, kundi mamamatay silang lahat sa digmaan, silang mga nagsasabi na wala raw masamang mangyayari sa kanila.

Muling Itatayo ang Israel

11 “Darating ang araw na muli kong itatayo ang kaharian ni David na tulad sa kubong nawasak. Aayusin ko ito sa kanyang pagkakagiba at itatayong muli kagaya noong una, 12 upang masakop ng mga Israelita ang natitirang lupain ng Edom at ang iba pang mga bansa na sinakop nila noon, na itinuring kong akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ang mga bagay na ito.”

13 Sinabi pa ng Panginoon tungkol sa mga taga-Israel, “Darating ang araw na magiging masagana ang kanilang ani, hindi pa nga nila natatapos ang pag-aani, sinisimulan na naman ang pag-aararo. At hindi pa natatapos ang pagpisa ng ubas, panahon na naman ng pagtatanim nito. Kung titingnan ang napakaraming ubas na namumunga sa mga bundok at burol, para bang dumadaloy ang matamis na bagong katas nito.[e] 14 Pababalikin ko ang mga mamamayan kong Israelita sa kanilang lupain mula sa pagkakabihag.[f] Muli nilang itatayo ang kanilang mga nasirang bayan at doon na sila maninirahan. Magtatanim sila ng ubas at iinom ng katas nito. Magtatanim sila sa kanilang mga halamanan, at kakainin nila ang mga bunga nito. 15 Patitirahin ko silang muli sa lupaing ibinigay ko sa kanila at hindi na muling paaalisin.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios.

Footnotes

  1. 9:1 mawasak ang bubong: o, mayanig ang pundasyon.
  2. 9:7 taga-Etiopia: sa literal, taga-Cush.
  3. 9:7 Caftor: o, Crete.
  4. 9:7 Arameo: o, taga-Syria.
  5. 9:13 Ang panahon ng pag-ani ng trigo sa Israel ay sa buwan ng Abril at Mayo, at ang panahon ng pagtatanim naman ay sa buwan ng Oktubre at Nobyembre. Ang panahon ng pagpisa ng ubas para gawing alak ay sa buwan ng Septyembre, at ang pagtatanim naman ng ubas ay sa buwan ng Nobyembre at Disyembre.
  6. 9:14 Pababalikin … pagkakabihag: o, Ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng mga mamamayan kong Israelita.