Amos 4
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
4 Pakinggan ninyo ito, mga babae sa
Samaria na naglalakihang gaya ng mga baka ng Bashan,
na nang-aapi sa mahihina, nangingikil sa mahihirap,
at nag-uutos sa inyong mga asawa upang dalhan kayo ng inumin.
2 Ang Panginoong Yahweh ay banal, at kanyang ipinangako:
“Darating ang araw na kayo'y huhulihin ng pamingwit.
Bawat isa sa inyo'y matutulad sa isdang nabingwit.
3 Ilalabas kayo sa siwang ng pader
at kayo'y itatapon sa Harmon.”
Ang Pagmamatigas ng Israel
4 “Mga mamamayan ng Israel,” sabi ng Panginoong Yahweh,
“Pumunta kayo sa Bethel at doo'y gumawa ng kasalanan!
Pumunta rin kayo sa Gilgal at dagdagan pa ang inyong mga kasalanan!
Magdala kayo ng mga hayop na ihahandog tuwing umaga;
magdala kayo ng ikasampung bahagi tuwing ikatlong araw.
5 Maghandog kayo ng tinapay bilang pasasalamat;
ipagyabang ninyo ang inyong mga kusang-loob na handog!
sapagkat ito ang gustung-gusto ninyong gawin.
6 “Ginutom(A) ko kayo sa bawat lunsod;
walang tinapay na makain sa bawat bayan,
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin.
7 Hindi ko rin pinapatak ang ulan
na kailangan ng inyong halaman.
Nagpaulan ako sa isang lunsod ngunit sa iba'y hindi.
Dinilig ko ang isang bukirin ngunit ang iba'y hinayaang matuyo.
8 Kaya't naghanap ang mga tao mula sa dalawa o tatlong lunsod
ng tubig sa karatig-lunsod ngunit di rin napatid ang kanilang uhaw.
Gayunman, hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.
9 “Sinira ko ang inyong pananim,
sa pamamagitan ng mainit na hangin at amag.
Kinain ng mga balang ang inyong mga halaman, pati ang mga puno ng ubas, igos at olibo,
gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.
10 “Pinadalhan ko kayo ng salot tulad ng aking ginawa sa Egipto.
Pinatay ko sa digmaan ang inyong kabinataan;
inagaw ko ang inyong mga kabayo.
Bumaho ang inyong mga kampo dahil sa mga nabubulok na bangkay; halos hindi kayo makahinga,
subalit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.
11 “Pinuksa(B) ko ang ilan sa inyong lunsod tulad ng Sodoma at Gomorra.
Kayo'y parang nagbabagang kahoy na inagaw sa apoy,
ngunit ayaw pa rin ninyong manumbalik sa akin,” sabi ni Yahweh.
12 “Mga taga-Israel, gagawin ko ito sa inyo,
kaya humanda kayong humarap sa inyong Diyos!”
13 Siya ang lumikha ng mga bundok at ng hangin,
at ang nagpapahayag sa mga tao ng kanyang kaisipan.
Ginagawa niyang gabi ang araw;
siya ang naghahari sa buong sanlibutan.
Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang pangalan!
Amos 4
Ang Biblia, 2001
4 “Pakinggan ninyo ang salitang ito, O mga baka ng Basan,
na nasa bundok ng Samaria,
na umaapi sa mga dukha,
na dumudurog sa mga nangangailangan,
na nagsasabi sa kanilang mga asawang lalaki, ‘Dalhin ninyo ngayon, upang kami'y makainom!’
2 Ang Panginoong Diyos ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang kabanalan:
Ang mga araw ay tiyak na darating sa inyo,
na kanilang tatangayin kayo sa pamamagitan ng mga bingwit,
pati ang kahuli-hulihan sa inyo sa pamamagitan ng mga pamingwit.
3 At kayo'y lalabas sa mga butas,
na bawat isa'y tuluy-tuloy sa harapan niya.
at kayo'y itatapon sa Harmon,” sabi ng Panginoon.
Ang Pagmamatigas ng Israel
4 “Pumunta kayo sa Bethel, at sumuway kayo;
sa Gilgal, at paramihin ninyo ang pagsuway,
dalhin ninyo ang inyong mga handog tuwing umaga,
at ang inyong mga ikasampung bahagi tuwing ikatlong araw;
5 kayo'y maghandog ng alay ng pasasalamat na may pampaalsa,
at kayo'y maghayag ng mga kusang handog at inyong ipamalita ang mga iyon,
sapagkat gayon ang nais ninyong gawin,
O bayan ng Israel!” sabi ng Panginoong Diyos.
6 “At binigyan ko naman kayo ng kalinisan ng mga ngipin sa lahat ninyong mga lunsod,
at kakulangan ng tinapay sa lahat ninyong mga dako;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
7 “At pinigil ko rin ang ulan sa inyo,
nang tatlong buwan na lamang at pag-aani na;
ako'y nagpaulan sa isang bayan, at hindi ko pinaulan sa kabilang bayan:
ang isang bukid ay inulanan, at ang bukid na hindi inulanan ay natuyo.
8 Sa gayo'y dalawa o tatlong bayan ang gumala sa isang bayan
upang uminom ng tubig, at hindi napawi ang uhaw;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
9 “Aking sinalot kayo ng pagkalanta at ng amag.
Sinira ko ang inyong mga halamanan at ang inyong mga ubasan;
ang inyong mga puno ng igos at mga puno ng olibo ay nilamon ng balang;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
10 “Aking pinarating sa gitna ninyo ang salot na gaya ng sa Ehipto;
ang inyong mga binata ay pinatay ko ng tabak,
kasama ang inyong mga kabayong nabihag;
at aking pinaalingasaw ang baho ng inyong kampo hanggang sa mga butas ng inyong ilong;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
11 “Ibinuwal(A) ko kayo
gaya nang ibinuwal ng Diyos ang Sodoma at Gomorra,
at kayo'y naging gaya ng nagniningas na kahoy na inagaw sa apoy;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
12 “Kaya't ganito ang gagawin ko sa iyo, O Israel;
sapagkat aking gagawin ito sa iyo,
humanda ka sa pagsalubong sa iyong Diyos, O Israel!”
13 Sapagkat, narito, siyang nag-aanyo ng mga bundok, at lumilikha ng hangin,
at nagpapahayag sa tao kung ano ang kanyang iniisip;
na nagpapadilim ng umaga,
at yumayapak sa matataas na dako ng lupa—
ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo, ang kanyang pangalan!
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.