Amos 1
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Amos, isang pastol na taga-Tekoa. Ang mga bagay na tungkol sa Israel ay ipinahayag sa kanya ng Diyos dalawang taon bago lumindol. Si Uzias noon ang hari ng Juda, at si Jeroboam namang anak ni Joas ang hari ng Israel.
2 Sinabi(B) ni Amos,
“Dumadagundong mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh,
mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig.
Natutuyo ang mga pastulan,
nalalanta pati ang mga damo sa Bundok Carmel.”
Paghatol sa mga Karatig-bansa ng Israel
Sa Siria
3 Ganito(C) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Damasco,
kaya sila'y paparusahan ko.
Pinagmalupitan nila ang Gilead,
dinurog nila ito sa giikang bakal.
4 Susunugin ko ang palasyo ni Hazael,
at tutupukin ko ang mga tanggulan ni Ben-hadad.
5 Wawasakin ko ang pintuan ng Lunsod ng Damasco;
pupuksain ko ang mga taga libis ng Aven,
pati ang may hawak ng setro sa Beth-eden;
ang mga taga-Siria naman ay dadalhing-bihag sa Kir.”
Sa Filistia
6 Ganito(D) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Gaza,
kaya sila'y paparusahan ko.
Binihag nila ang isang bansa
at ipinagbili sa mga taga-Edom.
7 Susunugin ko ang mga pader ng Gaza;
tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
8 Aalisin ko ang mga pinuno ng Asdod,
at ang may hawak ng setro sa Ashkelon.
Hahanapin ko ang Ekron,
at lilipulin ko ang mga Filisteo roon.”
Sa Tiro
9 Ganito(E) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Tiro,
kaya sila'y paparusahan ko.
Ipinagbili nila sa Edom ang libu-libo nilang bihag;
sinisira nila ang kasunduan ng pagkakapatiran.
10 Susunugin ko ang mga pader ng Tiro;
tutupukin ko ang mga palasyo roon.”
Sa Edom
11 Ganito(F) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Edom,
kaya sila'y paparusahan ko.
Hinabol nila ng tagâ ang mga kapatid nilang Israelita
at hindi sila naawa kahit bahagya.
Hindi naglubag ang kanilang poot kailanman.
12 Susunugin ko ang Teman,
tutupukin ko naman ang mga tanggulan sa Bozra.”
Sa Ammon
13 Ganito(G) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Ammon,
kaya sila'y paparusahan ko.
Sa labis nilang kasakiman sa lupain,
nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead.
14 Susunugin ko ang mga pader sa Rabba;
tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
Magsisigawan sila sa panahon ng labanan;
mag-aalimpuyo ang labanan tulad ng isang bagyo.
15 Mabibihag ang kanilang hari,
gayundin ang kanyang mga tauhan.”
Amos 1
Ang Biblia (1978)
Ang hatol ng Panginoon sa mga kalapit bansa.
1 Ang mga salita ni Amos, (A)na nasa gitna ng mga pastor sa (B)Tecoa, na nakita niya tungkol sa Israel, nang mga kaarawan ni (C)Uzzia na hari sa Juda, at nang mga kaarawan ni (D)Jeroboam na anak ni Joas na hari sa Israel, na dalawang taon bago (E)lumindol.
2 At kaniyang sinabi, Ang Panginoon ay aangal mula sa Sion, at sisigaw ng kaniyang tinig mula sa Jerusalem; at ang mga pastulan ng mga pastor ay mananambitan, at ang taluktok ng Carmelo ay matutuyo.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon: (F)Dahil sa tatlong pagsalangsang ng (G)Damasco, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; (H)sapagka't kanilang giniik ang Galaad ng panggiik na bakal.
4 Nguni't aking susuguin ang isang apoy sa loob ng bahay ni Hazael, at susupukin niyaon ang mga palacio ni (I)Ben-hadad.
5 At aking iwawasak ang (J)halang ng Damasco, at aking ihihiwalay ang mananahan mula sa libis ng Aven, at siyang humahawak ng cetro mula sa bahay ng Eden; at ang bayan ng Siria ay papasok sa pagkabihag hanggang sa Chir, sabi ng Panginoon.
6 Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang (K)ng Gaza, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; (L)sapagka't kanilang dinalang bihag ang buong bayan, (M)upang ibigay sa Edom.
7 Nguni't ako'y magsusugo ng isang apoy sa kuta ng Gaza, at susupukin niyaon ang mga palacio niyaon:
8 At aking ihihiwalay ang mananahan mula sa Asdod, at siyang humahawak ng cetro mula sa Ascalon; at aking ipipihit ang aking kamay laban sa Ecron, at (N)ang nalabi sa mga Filisteo ay malilipol, sabi ng Panginoong Dios.
9 Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng (O)Tiro, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; (P)sapagka't kanilang ibinigay ang buong bayan sa Edom, at hindi inalaala ang (Q)tipan ng pagkakapatiran.
10 Nguni't ako'y magsusugo ng isang apoy sa kuta ng Tiro, at susupukin niyaon ang mga palacio niyaon.
11 Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng (R)Edom, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagka't hinabol niya ng (S)tabak ang kaniyang kapatid, at ipinagkait ang buong habag, at ang kaniyang galit ay laging nanglilipol, at taglay niya ang kaniyang poot magpakailan man.
12 Nguni't magsusugo ako ng isang apoy sa Teman, at susupukin niyaon ang mga palacio sa Bozra.
13 Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng (T)mga anak ni Ammon, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kanila; sapagka't (U)kanilang pinaluwa ang bituka ng mga babaing nagdadalang tao sa Galaad, upang kanilang mapalapad ang kanilang hangganan.
14 Nguni't aking papagniningasin ang isang apoy sa kuta ng (V)Rabba, at susupukin niyaon ang mga palacio niyaon, na may hiyawan sa kaarawan ng pagbabaka, na may bagyo sa kaarawan ng ipoipo;
15 At ang kanilang hari ay papasok sa pagkabihag, siya at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama, sabi ng Panginoon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978