Add parallel Print Page Options

Ang Pangitain ni Amos tungkol sa Balang, Apoy at Hulog

Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita kong nagtipon siya ng napakaraming balang. Nangyari ito matapos maibigay sa hari ang kanyang parte mula sa unang ani sa bukid. At nang magsisimula na ang pangalawang ani,[a] nakita kong kinain ng mga balang ang lahat ng tanim at walang natira. Kaya sinabi ko, “Panginoong Dios, nakikiusap po ako na patawarin nʼyo na ang mga lahi ni Jacob. Paano sila mabubuhay kung parurusahan nʼyo sila? Mahina po sila at walang kakayahan.” Kaya nagbago ang isip ng Panginoon at kanyang sinabi, “Hindi na mangyayari ang nakita mo.”

May ipinakita pa ang Panginoong Dios sa akin: Nakita kong naghahanda siya upang parusahan ang kanyang mga mamamayan sa pamamagitan ng apoy. Pinatuyo ng apoy ang pinanggagalingan ng tubig sa ilalim ng lupa, at sinunog ang lahat ng nandoon sa lupain ng Israel. Kaya sinabi ko, “Panginoong Dios, nakikiusap po ako sa inyo na huwag nʼyong gawin iyan. Paano mabubuhay ang mga lahi ni Jacob kung gagawin nʼyo po iyan? Mahina po sila at walang kakayahan.” Kaya nagbago ang isip ng Panginoon at sinabi niya, “Hindi na mangyayari ang nakita mo.”

Ito pa ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa pader at may hawak na hulog[b] na ginagamit para malaman kung tuwid ang pagkagawa ng pader. Tinanong ako ng Panginoon, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Hulog po.” Sinabi niya sa akin, “Batay sa aking panukat, hindi matuwid ang buhay ng mga mamamayan kong Israelita. Kaya ngayon hindi ko na sila kaaawaan. Gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar[c] na sinasambahan ng mga Israelita na lahi ni Isaac. At ipapasalakay ko sa mga kaaway ng Israel ang kaharian ni Haring Jeroboam.”

Si Amos at si Amazia

10 Si Amazia na pari sa Betel ay nagpadala ng mensahe kay Haring Jeroboam ng Israel. Sinabi niya, “May binabalak na masama si Amos laban sa iyo rito mismo sa Israel. Hindi na matiis ng mga tao ang kanyang mga sinasabi. 11 Sinasabi niya, ‘Mamamatay si Jeroboam sa labanan, at tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”

12 Sinabi ni Amazia kay Amos, “Ikaw na propeta, umalis ka rito at bumalik sa Juda. Doon mo gawin ang iyong hanapbuhay bilang propeta. 13 Huwag ka nang magpahayag ng mensahe ng Dios dito sa Betel, sapagkat nandito ang templong sinasambahan ng hari, ang templo ng kanyang kaharian.” 14 Sumagot si Amos kay Amazia, “Hindi ako propeta noon at hindi rin ako tagasunod[d] ng isang propeta. Pastol ako ng tupa at nag-aalaga rin ng mga punongkahoy ng sikomoro. 15 Pero sinabi sa akin ng Panginoon na iwan ko ang aking trabaho bilang pastol at ipahayag ko ang kanyang mensahe sa inyo na mga taga-Israel na kanyang mamamayan. 16-17 Ngayon, ikaw na nagbabawal sa akin na sabihin ang mensahe ng Dios sa mga taga-Israel na lahi ni Isaac, pakinggan mo ang sinasabi ng Panginoon laban sa iyo: ‘Ang iyong asawa ay magiging babaeng bayaran sa lungsod at ang iyong mga anak ay mamamatay sa digmaan. Ang iyong lupain ay paghahati-hatian ng iyong mga kaaway, at mamamatay ka sa ibang bansa. At tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”

Footnotes

  1. 7:1 magsisimula na ang pangalawang ani: o, tumutubo na naman ang mga tanim.
  2. 7:7 hulog: isang bagay na mabigat na may tali na ginagamit para malaman kung tuwid o hindi.
  3. 7:9 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  4. 7:14 tagasunod: sa literal, anak.
'Amos 7 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Si Amos ay binintangan ng pagtataksil sa bayan.

(A)Ganito nagpakita sa akin ang Panginoong Dios: at, narito, siya'y lumikha ng mga balang sa pasimula ng huling pagsibol ng suwi; at, narito, na siyang huling suwi pagkatapos ng mga gapas para sa hari.

At nangyari, na nang kanilang matapos makain ang pananim sa lupain, akin ngang sinabi, Oh Panginoong Dios, isinasamo ko sa iyo, na magpatawad ka: paanong tatayo ang Jacob? sapagka't siya'y maliit.

Ang Panginoo'y nagsisi tungkol dito, (B)Hindi mangyayari, sabi ng Panginoon.

Ganito nagpakita sa akin ang Panginoong Dios: at, narito, ang Panginoong Dios ay tumawag, upang humatol sa pamamagitan ng apoy; at sinupok ang malaking kalaliman, at susupukin sana ang lupain.

Nang magkagayo'y sinabi ko, Oh Panginoong Dios, itigil mo, isinasamo ko sa iyo: paanong makatatayo ang Jacob? sapagka't siya'y maliit.

Ang Panginoo'y nagsisi tungkol dito: Ito'y hindi rin mangyayari, sabi ng Panginoong Dios.

(C)Ganito siya nagpakita sa akin: at, narito, ang Panginoon ay nakatayo sa tabi ng isang kuta na ang pagkayari ay ayon sa pabatong tingga, na may pabatong tingga sa kaniyang kamay.

At sinabi ng Panginoon sa akin, Amos, anong iyong nakikita? At aking sinabi, Isang pabatong tingga. Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon, Narito, (D)ako'y maglalagay ng pabatong tingga sa gitna ng aking bayang Israel; hindi na ako magdadaan pa sa kanila;

At ang mga mataas na dako ng Isaac ay magiging sira, at ang mga santuario ng Israel ay mangahahandusay na wasak; at ako'y babangon na may tabak laban sa (E)sangbahayan ni Jeroboam.

10 Nang magkagayo'y nagsugo si (F)Amasias na saserdote sa (G)Beth-el kay (H)Jeroboam na hari sa Israel, na nagsasabi, Si Amos ay nagbanta laban sa iyo sa gitna ng sangbahayan ni Israel: hindi mababata ng lupain ang lahat niyang mga salita.

11 Sapagka't ganito ang sabi ni Amos, Si Jeroboam ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, at ang Israel ay walang pagsalang dadalhing bihag mula sa kaniyang lupain.

12 Sinabi rin ni Amasias kay Amos, Oh ikaw na (I)tagakita, yumaon ka, at tumakas ka sa lupain ng Juda, at doo'y (J)kumain ka ng tinapay, at manghula ka roon:

13 Nguni't huwag ka nang manghula pa sa Beth-el: (K)sapagka't siyang santuario ng hari, at siyang bahay-hari.

14 Nang magkagayo'y sumagot si Amos, at nagsabi kay Amasias, Ako'y hindi propeta, o (L)anak man ng propeta; (M)kundi ako'y pastor, at manggagawa sa mga puno ng sikomoro:

15 At kinuha ako ng Panginoon mula sa pagsunod sa kawan, at sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, manghula ka sa aking bayang Israel.

16 Kaya't ngayo'y dinggin mo ang salita ng Panginoon, Iyong sinasabi, Huwag kang manghula laban sa Israel, at huwag mong ihulog ang iyong salita laban sa sangbahayan ni Isaac:

17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, (N)Ang iyong asawa ay magiging patutot sa bayan, at ang iyong mga anak na lalake at babae ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at (O)ang iyong lupain ay mababahagi sa pamamagitan ng pising panukat; at ikaw ay mamamatay sa isang lupaing marumi, at ang Israel ay walang pagsalang dadalhing bihag mula sa kaniyang lupain.