Add parallel Print Page Options

Ang mga Huling Araw

Unawain mo ito: Magkakaroon ng mga panahon ng kapighatian sa mga huling araw. Ang mga tao'y magiging makasarili, sakim sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mapagmalabis, suwail sa mga magulang, walang utang na loob, at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging malupit, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, at namumuhi sa mabuti. Sila'y magiging taksil, pabaya, mapusok, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y magkukunwaring maka-Diyos, ngunit tinatanggihan naman ang kapangyarihan nito. Layuan mo ang ganitong uri ng mga tao. May ilan sa kanila ang gumagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga tahanan at makabihag ng mga mahihinang kababaihan, mga kababaihang pinahihirapan ng kasalanan at ng iba't ibang uri ng pagnanasa. Sila'y laging tinuturuan, ngunit hindi nila natututuhan ang katotohanan. Kung (A) paanong sinalungat nina Janes at Jambres si Moises, kalaban din ng katotohanan ang mga taong ito, mga taong masasama ang pag-iisip at hindi tunay ang pananampalataya. Ngunit hindi magtatagal ang kanilang kasamaan, sapagkat mahahayag sa lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.

Mga Huling Habilin

10 Sinunod mong mabuti ang aking itinuro sa iyo, ang aking pamumuhay at layunin. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig, at pagtitiis. 11 Nasaksihan (B) mo ang mga pag-uusig at pagdurusang dinanas ko sa Antioquia, Iconio, at Listra. Ganoon na lang ang mga pag-uusig na tiniis ko! Ngunit sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Totoo ngang ang lahat ng ibig mabuhay bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. 13 Samantalang ang masasama at mandaraya ay lalong magpapakasama; sila'y manlilinlang at malilinlang. 14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutuhan mo at matibay mong pinaniwalaan, yamang kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa iyong pagkabata ay alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nagbigay sa iyo ng karunungan upang matutuhan ang kaligtasang makakamit sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng mga kasulatan ay ihininga ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at pagsasanay sa katuwiran, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging karapat-dapat at lubusang maihanda sa lahat ng mabubuting gawa.

Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buháy at sa mga patay sa kanyang pagdating bilang hari, itinatagubilin ko ito sa iyo: ipangaral mo ang salita; pagsikapan mo iyan umaayon man ang panahon o hindi. Ituwid mo ang mga tao, sawayin sila, palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng iyong matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahon na hindi makikinig ang mga tao sa wastong aral. Sa halip, upang masunod ang kanilang kagustuhan, maghahanap sila ng mga gurong magtuturo sa kanila ng mga gusto nilang marinig. Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan at babaling sa pakikinig ng mga alamat. Kaya magpakahinahon ka, tiisin mo ang mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, at pagbutihin mo ang iyong paglilingkod.

Dumating na ang panahon ng aking pagpanaw. Ibinuhos na ang aking buhay tulad ng isang inuming-handog. Nakipaglaban ako nang mabuti, natapos ko na ang aking takbuhin, nanatili ako sa pananampalataya. Ngayon ay nakalaan na sa akin ang koronang inilaan sa mga matuwid, na sa araw na iyon ay igagawad sa akin ng Panginoon, ang makatarungang hukom. Ngunit ito'y hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang muling pagdating.

Mga Personal na Tagubilin

Sikapin mong makapunta rito sa akin sa lalong madaling panahon. 10 Iniwan (C) na ako ni Demas, dahil sa kanyang pag-ibig sa kasalukuyang buhay. Pumunta siya sa Tesalonica. Si Crescente nama'y nagtungo sa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia. 11 Si (D) Lucas na lamang ang kasama ko. Himukin mong sumama sa iyo si Marcos papunta rito, sapagkat malaking tulong siya sa aking gawain. 12 Pinapunta (E) ko si Tiquico sa Efeso. 13 Dalhin (F) mo rito ang aking balabal na iniwan ko kay Carpo sa Troas. Dalhin mo rin ang aking mga aklat, lalo na iyong mga yari sa balat. 14 Napakasama (G) ng ginawa sa akin ng panday-tansong si Alejandro. Ang Panginoon na ang bahalang gumanti sa kanyang ginawa. 15 Mahigpit ang pagtutol niya sa ating ipinapangaral, kaya mag-ingat ka sa kanya. 16 Sa unang paglilitis ay walang sumama sa akin; pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawa itong ibilang ng Panginoon laban sa kanila. 17 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon! Sinamahan niya ako at binigyan ng lakas upang maipahayag ang mensahe at mapakinggan ito ng lahat ng mga Hentil. At gaya ng pagkaligtas mula sa bibig ng leon, ako'y naligtas mula sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa bawat masamang gawa at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Huling Pagbati at Basbas

19 Ikumusta (H) mo ako kina Priscila at Aquila at sa sambahayan ni Onesiforo. 20 Nanatili (I) si Erasto sa Corinto, si Trofimo naman ay iniwan kong maysakit sa Mileto. 21 Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig. Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia, at ng lahat ng mga kapatid. 22 Sumaiyo nawa ang Panginoon.[a] Sumainyo ang lahat ng biyaya ng Diyos.[b]

Pagbati

Mula kay Pablo, alipin ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo. Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos at kanilang malaman ang katotohanang aakay sa kabanalan, upang sila'y magkaroon ng pag-asa sa buhay na walang hanggan, na bago pa nagsimula ang mga panahon ay ipinangako na ng Diyos, ang Diyos na hindi nagsisinungaling. At sa takdang panahon ay ipinahayag niya ang kanyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na ipinagkatiwala sa akin ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas. Para (J) kay Tito na tunay kong anak sa iisang pananampalatayang aming pinagsasamahan: Sumaiyo ang kagandahang-loob at kapayapaan buhat sa ating Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Tagapagligtas.

Ang Gawain ni Tito sa Creta

Iniwan kita sa Creta upang ayusin doon ang mga bagay at upang pumili ka ng matatandang pinuno sa iglesya sa bawat bayan. Gaya ng ipinagbilin ko sa iyo, (K) ang pipiliin mo ay mga taong walang kapintasan, iisa lang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, hindi nanggugulo at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa,[c] hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi marahas, at hindi sakim. Sa halip ay bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, makatarungan, maka-Diyos, at marunong magpigil sa sarili. Dapat na matibay ang kanyang paninindigan sa mga pagkakatiwalaang aral na natutuhan niya, upang maipangaral niya ang wastong aral sa iba at masaway ang mga sumasalungat dito.

10 Sapagkat marami ang ayaw magpasakop, mapagsalita ng walang kabuluhan, at mga mandaraya, lalung-lalo na ang mga nasa panig ng pagtutuli. 11 Kailangan na silang patahimikin sapagkat winawasak nila ang mga sambahayan sa pagtuturo ng mga bagay na di dapat ituro para lang sa pansariling pakinabang. 12 Isa na rin sa mga propetang taga-Creta ang nagsabi,

‘Ang mga taga-Creta ay sinungaling, asal-hayop, batugan, at matatakaw.’ 13 Totoo ang salitang ito. Kaya't buong tapang mo silang sawayin upang maituwid sila sa pananampalataya 14 at huwag nang makinig sa mga kathang-isip ng mga Judio, at sa mga turo ng mga taong tumalikod na sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa taong malinis, ngunit sa marurumi at di sumasampalataya, walang bagay na malinis dahil marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Sinasabi nilang kilala nila ang Diyos ngunit ikinakaila naman ng kanilang gawain ang Diyos. Sila'y kasuklam-suklam sa Diyos, mga suwail, at hindi nararapat para sa anumang mabuting gawa.

Ang Wastong Aral

Subalit ikaw naman, magturo ka nang ayon sa tamang aral. Turuan mo ang matatandang lalaki na maging mahinahon, marangal, mapagpigil sa sarili, at maging matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa pagtitiis. Sabihan mo rin ang matatandang babae na mamuhay na kagalang-galang, huwag maninirang-puri at huwag maging mahilig sa alak. Dapat silang magturo ng kabutihan upang maturuan nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang asawa at mga anak, maging mahinahon at dalisay, mahusay mamahala ng kanyang tahanan, mabait, masunurin sa kani-kanilang asawa upang hindi mapulaan ang salita ng Diyos. Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na magpigil sa sarili. Sa lahat ng bagay ay maging halimbawa ka ng kabutihan. Maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. Angkop na salita ang dapat mong gamitin upang hindi mapintasan ang itinuturo mo. Sa gayo'y mapapahiya ang mga kumakalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin. Turuan mo ang mga alipin na magpasakop at maging kalugud-lugod sa kanilang mga panginoon. Hindi rin sila dapat nakikipagtalo sa mga ito, 10 at hindi dapat pagnakawan. Sa halip, ipakita nilang mapagkakatiwalaan sila sa lahat ng pagkakataon upang maipakita nila sa kanilang ginagawa na kaakit-akit ang turo tungkol sa Diyos na ating Tagapagligtas.

11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at mga pagnanasang makasanlibutan, upang mabuhay tayong may pagpipigil sa sarili, matuwid at maka-Diyos sa kasalukuyang panahon, 13 habang hinihintay natin ang katuparan ng ating mapagpalang pag-asa, ang maluwalhating pagdating ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Siya (L) ang naghandog ng kanyang sarili para sa atin upang tayo'y palayain sa lahat ng kasamaan, at linisin upang maging sambayanang kanyang pag-aari at masigasig sa paggawa ng mabuti. 15 Ituro mo ang lahat ng ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan upang magpalakas ng loob ng tao at sa pagsaway. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.

Ang Mabuting Pamumuhay

Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at maykapangyarihan, maging masunurin, at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. Turuan mo rin silang huwag manira ng kapwa, huwag makipag-away, maging mahinahon, at maging magalang sa lahat. Tayo rin noong una ay mga hangal, mga suwail, naliligaw, at naging alipin ng sari-saring pagnanasa at layaw. Namuhay tayo sa kasamaan at inggit. Kinapootan tayo ng iba at sila nama'y kinapootan natin. Ngunit nang mahayag ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag. Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng paglilinis ng muling kapanganakan at pagbabagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu, na masaganang ibinuhos ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas. Nangyari ito upang tayo'y maging tagapagmana ayon sa pag-asa sa walang hanggang buhay, yamang tayo'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob. Mapagkakatiwalaan ang salitang ito kaya't nais kong bigyang-diin mo ito sa iyong pagtuturo sa mga mananampalataya sa Diyos upang italaga nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siya namang kapaki-pakinabang sa mga tao. Iwasan mo ang mga walang-kabuluhang pagtatalo, ang mga talaan ng mga salinlahi, at ang mga pagtatalo't alitan tungkol sa Kautusan. Walang halaga at walang kabutihang maidudulot ang mga iyan. 10 Pagkatapos mong bigyan ng una at pangalawang babala, iwasan mo na ang sinumang lumilikha ng pagkakampi-kampi. 11 Alam mong ang ganyang uri ng tao ay marumi ang pag-iisip, masama at hayag sa kanilang ginagawa na sila'y hinatulan.

Mga Tagubilin at Basbas

12 Pagkasugo (M) ko riyan kay Artemas o kay Tiquico, sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis sapagkat ipinasya kong doon magpalipas ng taglamig. 13 Gawin (N) mo ang iyong makakaya upang tulungan sa paglalakbay sina Apolos at si Zenas na dalubhasa sa batas. Tiyakin mong sapat ang kanilang mga dadalhin sa paglalakbay. 14 Dapat matutuhan ng ating mga kapatid na iukol ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga pangangailangan, at maging kapaki-pakinabang.

15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko rito. Batiin mo ang mga nagmamahal sa atin sa pananampalataya.

Sumainyong lahat ang biyaya ng Diyos.[d]

Pagbati

Mula kay Pablo, bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid,

Para kay Filemon na minamahal naming kaibigan at kamanggagawa, at (O) kay Apia na kapatid nating babae, at kay Arquipo na ating kapwa kawal, at sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay: Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon

Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking mga dalangin, sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng mga banal at ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong ang pamamahagi mo ng iyong pananampalataya ay maging mabisa upang lubos mong maunawaan ang mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Kapatid, nagdulot sa akin ng malaking kagalakan at aliw ang iyong pag-ibig, sapagkat dahil sa iyo'y nabuhayan ng loob ang mga banal.

Nakiusap si Pablo para kay Onesimo

Kaya naman, bagama't dahil kay Cristo ay maaari kitang utusan ng dapat mong gawin, mas minabuti kong makiusap sa iyo dahil sa pag-ibig. Akong si Pablo, ngayo'y matanda na at nakabilanggo pa dahil kay Cristo Jesus, 10 ay (P) nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na naging anak ko nang ako'y nasa bilangguan. 11 Noon ay hindi ka nakinabang sa kanya, ngunit ngayo'y malaking tulong siya sa iyo at sa akin. 12 Pinababalik ko siya sa iyo, kasama ang aking sariling kalooban. 13 Ibig ko sanang manatili siya dito sa piling ko upang maglingkod sa akin bilang iyong kapalit habang ako'y nakabilanggo dahil sa ebanghelyo. 14 Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot, upang maging bukal sa loob ang iyong kabutihan, at hindi sapilitan. 15 Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang sandali, upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, 16 hindi na bilang alipin kundi higit pa sa isang alipin, bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo, hindi lang bilang tao kundi bilang kapatid sa Panginoon.

17 Kaya't kung itinuturing mo ako bilang katuwang, tanggapin mo siya na parang ako ang tinatanggap mo. 18 Kung siya ma'y nagkasala sa iyo, o may anumang pagkakautang, ako na lang ang singilin mo. 19 Kamay ko mismo ang sumusulat nito: akong si Pablo ang magbabayad sa iyo. Alalahanin mo lamang na utang mo sa akin ang iyong sarili. 20 Oo, kapatid ko, nais kong tulungan mo ako alang-alang sa Panginoon. Pasiglahin mo naman ang loob ko alang-alang kay Cristo.

21 Sinulatan kita dahil nagtitiwala akong gagawin mo ang hinihiling ko, at maaaring higit pa roon ang gagawin mo! 22 Ipaghanda mo na rin ako ng matutuluyan, sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay maibabalik ako sa inyo.

Pangwakas na Pagbati

23 Binabati (Q) ka ni Epafras na kasama kong bilanggo dahil kay Cristo Jesus. 24 Binabati (R) ka rin nina Marcos, Aristarco, Demas, at Lucas na aking mga kamanggagawa. 25 Ang biyaya ng Diyos ang sumainyong lahat. Amen.

Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak

Noong unang panahon, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan. Ngunit sa mga huling araw na ito, nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak. Siya ang hinirang ng Diyos na maging tagapagmana ng lahat ng bagay, at sa pamamagitan niya'y ginawa ng Diyos ang buong sanlibutan. Ang Anak ang maningning na sinag ng kaluwalhatian ng Diyos at tunay na larawan ng kanyang kalikasan bilang Diyos. Siya ang nagpapanatili sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Matapos niya tayong linisin sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kaitaasan sa kanan ng Diyos na makapangyarihan sa lahat. Higit na mataas ang Anak kaysa mga anghel, kung paanong binigyan siya ng pangalang higit na mataas kaysa kanilang lahat.

Higit na Dakila ang Anak kaysa mga Anghel

Sinabi (S) ba ito ng Diyos kailanman kahit kaninong anghel,

“Ikaw ang aking Anak,
    naging Ama mo ako ngayon”?

o kaya nama'y,

“Ako'y magiging Ama niya,
    at siya'y magiging Anak ko”?

At muli, (T) nang kanyang isinugo sa daigdig ang kanyang panganay na Anak ay sinabi niya,

“Sumamba kayo sa kanya, kayong mga anghel ng Diyos.”

Tungkol (U) naman sa mga anghel ay sinabi niya,

“Ang mga anghel ay ginagawa niyang hangin,
    at ang kanyang mga lingkod ay ningas ng apoy.”

Ngunit, (V) tungkol naman sa Anak ay sinabi niya,

“Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanman;
    at ang setro ng katarunga'y ang setro ng iyong kaharian.
Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan ang kasamaan;
    kaya't ang Diyos, na iyong Diyos, ang humirang sa iyo na may langis ng kagalakang higit pa sa iyong mga kasamahan.”

10 Sinabi (W) rin niya,

“Ikaw, Panginoon, ang sa simula pa'y nagtatag ng sandigan ng sanlibutan,
    at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay.
11 Ang mga ito'y mawawalang lahat, ngunit mananatili ka kailanman.
    Maluluma silang lahat gaya ng kasuotan;
12 ibabalumbon mo silang parang balabal,
    at papalitan silang tulad ng kasuotan.
Ngunit ikaw ay hindi nagbabago,
    at hindi magwawakas ang mga taon mo.”

13 Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa kahit sinong anghel,

“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang maipailalim ko sa iyong mga paa ang iyong mga kaaway.”

14 Hindi ba ang lahat ng anghel ay mga espiritung naglilingkod at sinugo upang tumulong sa mga magmamana ng kaligtasan?

Ang Dakilang Kaligtasan

Kung gayo'y dapat nating mas bigyang pansin ang mga bagay na narinig natin upang hindi tayo maligaw. Napatunayang totoo ang mensaheng ipinahayag ng mga anghel at sinumang lumabag dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. Kaya paano tayo makakaiwas sa parusa kung ipagwawalang-bahala natin ang ganito kadakilang kaligtasan? Ang Panginoon ang nagpahayag nito noong una, at pinatunayan din sa atin ng mga nakarinig sa kanya. Lalo pa itong pinatunayan ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda, ng mga kababalaghan at iba't ibang himala gayundin sa pamamagitan ng mga kaloob ng Banal na Espiritu, na ipinamahagi ayon sa kanyang kapasyahan.

Ang Nagpasimula ng Kaligtasan

Sapagkat hindi sa mga anghel ipinasakop ng Diyos ang sanlibutang darating, na siyang tinutukoy namin. Ngunit (X) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,

“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
    O ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?
Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
    siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
    at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[e]
Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa kanyang mga paanan.”

Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay, kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.

10 Sapagkat nararapat na ang Diyos na lumikha sa lahat at siyang patutunguhan ng lahat ng mga bagay ay nagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, at gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa. 11 Sapagkat iisa ang pinagmulan ng gumagawang banal at ng mga ginawang banal. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus na tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(Y) niya,

“Ipahahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
    aawitan kita ng mga himno sa gitna ng kapulungan.”

13 At (Z) muli,

“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”

Sinabi din niya,

“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”

14 Kaya, yamang nakikibahagi ang mga anak sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo, 15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay nasa ilalim ng pagkaalipin sa buong buhay nila. 16 Sapagkat (AA) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang mga nagmula sa binhi ni Abraham. 17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na Kataas-taasang Pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao. 18 Palibhasa'y naranasan niyang tuksuhin, siya'y may kakayahang tumulong sa mga tinutukso.

Higit na Dakila si Jesus kay Moises

Kaya, mga kapatid kong banal, mga kabahagi sa makalangit na pagkatawag, isaalang-alang ninyo si Jesus, ang Apostol at Kataas-taasang Pari ng ating ipinapahayag. Tapat (AB) siya sa nagtalaga sa kanya, gaya ni Moises na tapat sa buong sambahayan ng Diyos. Sapagkat si Jesus ay itinuring na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises, yamang ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa sa bahay. Sapagkat ang bawat bahay ay may nagtayo, subalit ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos. Si Moises, bilang lingkod ng buong sambahayan ng Diyos, ay naging tapat upang magpatotoo sa mga bagay na sasabihin. Subalit si Cristo, bilang isang anak ay tapat sa sambahayan ng Diyos, at tayo ang sambahayang iyon, kung ating iingatang matibay hanggang sa katapusan ang pagtitiwala at pagmamalaki natin dahil sa ating pag-asa.

Kapahingahan para sa Bayan ng Diyos

Kaya't (AC) gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu,

“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso tulad noong sila’y naghimagsik,
    noong araw na sila’y subukin sa ilang,
kung saan sinubok ako ng inyong mga magulang,
    bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng

10 apatnapung taon.

Kaya't nagalit ako sa lahing ito,
at aking sinabi, ‘Ang puso nila'y laging lumalayo sa akin,
    at ang mga daan ko'y ayaw nilang alamin.’
11 Kaya sa aking galit ay isinumpa ko,
‘Hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.’ ”

12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, baka mayroon sa inyo na magkaroon ng pusong masama at walang pananampalataya, na ito’y naglalayo sa buháy na Diyos. 13 Palakasin ninyo ang loob ng isa't isa araw-araw, habang matatawag pa itong “araw na ito,” baka sinuman sa inyo ay patigasin ng pandaraya ng kasalanan. 14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung matatag nating panghahawakan hanggang katapusan ang pagtitiwalang ipinakita natin noong una pa man. 15 Gaya (AD) ng sinasabi,

“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso, tulad noong sila’y naghimagsik.”

16 Sapagkat (AE) sino ba ang mga naghimagsik bagaman sila’y nakarinig? Hindi ba silang lahat na umalis sa Ehipto sa pangunguna ni Moises? 17 Kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala na ang mga bangkay ay kumalat sa ilang? 18 At sino ba ang tinukoy niya noong siya’y sumumpa na sila’y hindi makakapasok sa kanyang kapahingahan? Hindi ba't ang mga matitigas ang ulo? 19 Kaya't nakikita natin na hindi sila nakapasok dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.

Footnotes

  1. 2 Timoteo 4:22 Sa Griyego, sumaiyong Espiritu.
  2. 2 Timoteo 4:22 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.
  3. Tito 1:7 Sa Griyego, obispo.
  4. Tito 3:15 Sa ibang manuskrito mayroong Amen.
  5. Mga Hebreo 2:7 Ang pangungusap na ito ay wala sa ilang matatandang manuskrito.