Add parallel Print Page Options

Kahilingang Panalangin

Bilang pangwakas, mga kapatid, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at pahalagahan ng lahat, tulad ng nangyari sa inyo. Idalangin din ninyong mailigtas kami mula sa mga taong masasama at makasalanan. Hindi naman lahat ay sumasampalataya. Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapalakas sa inyo at magbabantay sa inyo laban sa Masama. Nagtitiwala kami sa Panginoon na ginagawa ninyo at patuloy na sinusunod ang mga iniutos namin. Gabayan nawa ng Panginoon ang inyong kalooban tungo sa pag-ibig ng Diyos at pagpupunyagi ni Cristo.

Babala Laban sa Katamaran

Mga kapatid, inuutusan namin kayo sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo na umiwas sa sinumang kapatid na tamad at hindi namumuhay ayon sa itinuro namin sa inyo. Alam naman ninyong dapat ninyo kaming tularan. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama ninyo. Hindi kami kumain ng tinapay ng sinuman nang hindi nagbabayad. Nagtrabaho kami gabi't araw upang hindi kami makabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang bigyan kayo ng halimbawang dapat ninyong sundan. 10 Noon pa mang kasama ninyo kami'y ganito na ang iniutos namin sa inyo: Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho. 11 Binanggit namin ito dahil nabalitaan namin na ang ilan sa inyo'y tamad at ayaw magtrabaho. Wala silang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. 12 Alang-alang sa Panginoon, inuutusan namin ang mga ganoong tao na magtrabaho nang maayos para sa sarili nilang ikabubuhay. 13 Para sa inyo, mga kapatid, huwag kayong mapapagod sa paggawa ng mabuti. 14 Tandaan ninyo ang sinuman na ayaw sumunod sa tagubilin namin sa sulat na ito. Iwasan ninyo siya upang siya'y mapahiya. 15 Ngunit huwag naman ninyo siyang ituring na kaaway; sa halip ay paalalahanan ninyo siya bilang kapatid.

Pagpapala

16 Ang Panginoon na bukal ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon. Sumainyong lahat ang Panginoon.

17 Ako mismong si Pablo ang sumulat ng pagbating ito. Ito ang tanda sa lahat ng aking mga liham. Ganito akong sumulat. 18 Ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Cristo ang sumainyong lahat.

Pagbati

Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pag-asa.

Kay Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya:

Sumaiyo ang kagandahang-loob, habag, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Mga Babala Laban sa Maling Doktrina

Gaya ng tagubilin ko sa iyo noong ako'y papunta ng Macedonia, ibig kong manatili ka sa Efeso upang pagsabihan mo ang ilang tao na huwag magturo ng maling aral, at huwag pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Nagiging dahilan lamang ang mga iyan ng mga pagtatalo at hindi nakatutulong kaninuman na magawa ang plano ng Diyos, na magagawa lamang sa pamamagitan ng pananampalataya. Layunin ng tagubiling ito ay pag-ibig na nagmumula sa isang pusong dalisay, malinis na budhi at taos-pusong pananampalataya. Tinalikuran na ng ilan ang mga bagay na ito at bumaling sa mga usaping walang-saysay. Nais nilang maging mga tagapagturo ng Kautusan kahit hindi nila nauunawaan ang kanilang mga sinasabi ni ang mga bagay na buong tiwala nilang ipinapangaral.

Alam nating mabuti ang Kautusan kung gagamitin ito sa tamang paraan. Alalahanin nating hindi ginawa ang Kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga sumusuway sa batas, sa mapanghimagsik, sa mga hindi maka-Diyos at sa mga makasalanan; para ito sa mga masasama at lapastangan; para sa mga pumapatay ng ama o ina, sa mga mamamatay-tao. 10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga imoral, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki o babae, para sa mga sapilitang kumukuha ng tao upang ibenta bilang alipin; para sa mga sinungaling at bulaang saksi. Ang Kautusan ay para sa lahat na sumasalungat sa mabuting aral 11 na naaayon sa maluwalhating ebanghelyo ng mapagpalang Diyos. Ito ang balitang ipinagkatiwala sa akin.

Pasasalamat sa Kagandahang-loob ng Diyos

12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Cristo Jesus na nagbigay sa akin ng lakas para dito, sapagkat itinuring niya akong karapat-dapat at hinirang na maglingkod sa kanya. 13 Bagama't ako noon ay lapastangan, nang-uusig, at marahas na tao, kinahabagan niya ako sapagkat nagawa ko ang mga bagay na iyon dahil sa aking kamangmangan nang hindi pa ako sumasampalataya. 14 Sumagana sa akin ang kagandahang-loob ng Panginoon, kasama ang pananampalataya at pag-ibig na nakay Cristo Jesus. 15 Mapagkakatiwalaan ang salitang ito at nararapat tanggapin ng lahat: Dumating si Cristo Jesus sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan, at ako ang pinakamasama sa lahat. 16 Ngunit ito mismo ang dahilan kung bakit niya ako kinahabagan, upang sa pamamagitan ko na pinakamasama ay maipakita ni Cristo Jesus kung gaano siya katiyaga at maging halimbawa ito sa mga sasampalataya at bibigyan ng walang-hanggang buhay. 17 Ngayon, sa Haring walang-hanggan, walang-kamatayan at di nakikita, ang iisang Diyos, sumakanya ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanpaman. Amen.

18 Timoteo, anak ko, itinatagubilin ko sa iyo ang mga bagay na ito ayon sa mga propesiya noon ukol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay masigla kang makipaglaban gaya ng mabuting kawal, 19 tumitibay sa pananampalataya at nagtataglay ng malinis na budhi. Tinalikuran ito ng iba, kaya naman natulad sa isang barkong nawasak ang kanilang pananampalataya. 20 Kasama sa mga ito ay sina Himeneo at Alejandro na mga ipinaubaya ko na kay Satanas upang sila ay maturuang huwag nang lumapastangan.

Mga Tagubilin tungkol sa Pananalangin

Una sa lahat, hinihimok ko kayong ipanalangin ang lahat ng tao. Idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, dalangin, pagsamo at pasasalamat para sa kanila. Ipanalangin ninyo ang mga hari at ang lahat ng may mataas na tungkulin, upang tayo ay mamuhay nang tahimik, payapa, marangal at may kabanalan. Ito'y mabuti at kinalulugdan ng Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ay maligtas at makaalam sa katotohanan. Iisa ang Diyos at iisa ang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. Ibinigay niya ang kanyang sarili bilang pantubos para sa lahat; isang patotoong pinatunayan sa takdang panahon. Ito ang dahilan kung bakit ako'y hinirang na maging tagapangaral at apostol, tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi kong ito, at hindi ako nagsisinungaling!

Ibig kong ang mga lalaki sa lahat ng dako ay manalangin nang may malinis na puso,[a] walang sama ng loob at galit sa kapwa. Nais ko rin na ang mga babae'y magdamit nang maayos, marangal at nararapat. Hindi kinakailangang sila'y maging marangya sa kanilang pananamit at ayos ng buhok, o kaya nama'y nasusuotan ng mamahaling alahas na gawa sa ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging gayak nila ay mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang babae'y dapat matahimik na tumanggap ng aral at lubos na magpasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang babae na magturo o mamuno sa lalaki. Dapat siyang manatiling tahimik. 13 Sapagkat si Adan ang unang nilalang bago si Eva. 14 At hindi si Adan ang nadaya. Ang babae ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pamamagitan ng pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.

Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapangasiwa ng Iglesya

Mapagkakatiwalaan ang salitang ito: “Ang nagnanais maging tagapangasiwa[b] ay naghahangad ng marangal na gawain.” Kaya nga, dapat walang maipipintas sa isang tagapangasiwa, asawa ng iisang babae, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, may magandang loob sa panauhin, at may kakayahang magturo. Hindi siya dapat naglalasing, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi. Dapat ay mahusay siyang mamahala sa kanyang sariling sambahayan, tinitiyak niyang sinusunod at iginagalang siya ng kanyang mga anak. Kung hindi siya marunong mamahala sa kanyang sariling sambahayan, paano niya mapapangasiwaan nang maayos ang iglesya ng Diyos? Dapat ay hindi siya baguhang mananampalataya; sapagkat baka siya'y yumabang at mapahamak gaya ng sinapit ng diyablo. Kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi mananampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.

Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapaglingkod ng Iglesya

Ang mga tagapaglingkod[c] naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat sa kanyang salita, hindi naglalasing at hindi sakim sa salapi. Kailangang matibay ang kanilang paninindigan sa pananampalataya nang may malinis na budhi. 10 Kailangang patunayan muna nila ang kanilang sarili, at saka hahayaang maging tagapaglingkod kung mapatunayang karapat-dapat. 11 Ang mga kababaihan nama'y dapat maging kagalang-galang, hindi tsismosa, kundi mapagtimpi at mapagkakatiwalaan sa lahat ng mga bagay. 12 Ang tagapaglingkod ay asawa ng iisang babae, at maayos na mamahala ng kanyang mga anak at sariling sambahayan. 13 Igagalang ng mga tao ang mga tagapaglingkod na tapat sa kanilang tungkulin, kasama na ang kanilang pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng ating Pananampalataya

14 Umaasa akong makapupunta ako sa iyo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko sa iyo ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung paano ang dapat maging ugali ng bawat kaanib sa sambahayan ng Diyos, na siyang iglesya ng buháy na Diyos, haligi at sandigan ng katotohanan. 16 Sadyang dakila ang hiwaga ng ating sinasampalatayanan:

Siya'y inihayag bilang[d] tao,
    pinatunayang matuwid ng Espiritu,[e] nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa mga bansa,
    sinampalatayanan sa sanlibutan, at iniakyat sa kaluwalhatian.

Babala tungkol sa Pagtalikod

Maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay iiwan ng iba ang pananampalataya at susunod sa mga mapanlinlang na espiritu at mga turo ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito ay pinalalaganap ng mga taong mapagkunwari, sinungaling at may manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa, gayundin ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang tanggaping may pasasalamat ng mga sumasampalataya at nakauunawa ng katotohanan. Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat tanggihan, sa halip ay dapat tanggapin na may pasasalamat, dahil ito ay nagiging malinis sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Kung ituturo mo nang malinaw ang mga ito sa mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting tagapaglingkod ni Cristo Jesus, isang tagapaglingkod na patuloy na sinasanay sa katuruan ng pananampalataya at mabuting aral na iyong sinusunod. Huwag mong bigyang pansin ang mga walang kabuluhang alamat at mga sabi-sabi, sa halip, magsanay ka sa banal na pamumuhay. Mahalaga ang pagpapalakas ng katawan, ngunit higit ang pakinabang sa banal na pamumuhay. Mapapakinabangan ito sa lahat ng bagay sapagkat may pangako ito hindi lamang sa buhay ngayon, kundi maging sa panahong darating. Mapagkakatiwalaan ang salitang ito at nararapat tanggapin ng lahat. 10 Dahil dito, tayo'y nagsisikap at nagpupunyagi, at umaasa sa buháy na Diyos, ang tagapagligtas ng lahat, lalo na ng mga sumasampalataya.

11 Iutos mo at ituro mo ang mga bagay na ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka ng lahat ng mga mananampalataya sa iyong salita, ugali, pag-ibig, pananampalataya at dalisay na pamumuhay. 13 Habang hindi pa ako dumarating, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa madla, sa pangangaral[f] at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob ng Espiritu na nasa iyo, na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang mga kamay. 15 Pag-ukulan mo ng panahon ang pagsasagawa ng mga ito upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Bantayan mong mabuti ang iyong pamumuhay at pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga ito sapagkat sa paggawa mo nito, ililigtas mo ang iyong sarili gayundin ang mga nakikinig sa iyo.

Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya

Huwag mong pagsasalitaan nang magaspang ang nakatatandang lalaki. Sa halip, pakiusapan mo siya na parang sarili mong ama. Ituring mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki, ang mga nakatatandang babae na parang sariling ina, at ang mga nakababatang babae na para mong kapatid—nang buong kalinisan.

Bigyan mo ng pagkilala ang mga biyudang talagang nangangailangan. Ngunit kung ang isang biyuda ay may mga anak o mga apo, dapat muna nilang matutuhan ang kanilang banal na tungkulin na pangalagaan ang kanilang sariling sambahayan at tumanaw ng utang na loob sa kanilang mga magulang. Ito ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Ang biyudang tunay na nangangailangan at naiwang nag-iisa ay tanging sa Diyos na lamang umaasa. Kaya patuloy ang kanyang dalangin araw at gabi. Subalit ang biyudang namumuhay sa karangyaan ay maituturing nang patay kahit buháy pa. Iutos mo ang mga ito upang hindi sila mapintasan. Ang sinumang hindi nangangalaga sa kanyang mga kamag-anak at lalo na sa kanyang kasambahay ay tumalikod na sa pananampalataya at masahol pa siya sa hindi sumasampalataya.

Dapat isama sa listahan ang isang biyuda kung siya ay animnapung taong gulang pataas, naging asawa ng iisang lalaki, 10 at kilala sa paggawa ng mabuti, gaya ng maayos na pagpapalaki ng mga anak, may magandang loob sa mga panauhin, naglilingkod sa mga kapatid sa Panginoon, tumutulong sa mga nangangailangan, at naglalaan ng sarili sa paggawa ng mabuti.

11 Huwag mong isasama sa listahan ang mga batang biyuda, sapagkat maaaring ilayo sila kay Cristo ng kanilang maalab na pagnanasa at sila'y mag-asawang muli. 12 Dahil dito, nagkakasala sila dahil sa hindi nila pagtupad sa una nilang pangako. 13 Natututo rin silang maging tamad at nagsasayang ng panahon sa pangangapitbahay. Nagiging tsismosa rin sila, pakialamera at madaldal. 14 Kaya't para sa akin, mas mabuti pa sa mga batang biyuda na mag-asawang muli, magkaanak at mamahala sa kanilang tahanan, upang hindi magkaroon ng pagkakataon ang kaaway na tayo'y mapintasan. 15 Sapagkat ang iba nga'y tumalikod na at sumunod kay Satanas. 16 Kung ang babaing mananampalataya ay may mga kamag-anak na biyuda, siya ang dapat mangalaga sa kanila nang hindi na sila makadagdag sa pasanin ng iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang talagang nangangailangan.

17 Ang mga matatandang pinuno na mahusay mamahala sa iglesya ay karapat-dapat sa dobleng parangal lalo na ang mga nagsisikap sa pangangaral at pagtuturo. 18 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang ito'y gumigiik.” (A) Nasusulat din, “Ang manggagawa ay nararapat sa kanyang sahod.” 19 Huwag kang tatanggap ng anumang paratang laban sa matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. (B)

20 Ang nagpapatuloy naman sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat upang matakot ang iba. 21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng mga piniling anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga tagubiling ito nang walang kinikilingan at huwag gumawa ng anuman na may pagtatangi.

22 Huwag kang kaagad-agad na magpapatong ng kamay kung kani-kanino. Ingatan mong hindi ka makibahagi sa kasalanan ng iba. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili.

23 Mula ngayon, huwag tubig na lamang ang iyong inumin. Uminom ka rin ng kaunting alak para sa iyong sikmura at madalas na pagkakasakit.

24 May mga taong hayag na ang pagkakasala bago pa man humarap sa hukuman. Ngunit ang kasalanan naman ng iba'y huli na kung mahayag. 25 Ganoon din sa mabuting gawain. May mabubuting gawa na madaling mapansin, ngunit kung di man madaling mapansin, ang mga ito nama'y hindi mananatiling lihim.

Dapat igalang nang lubusan ng mga alipin ang kanilang panginoon upang hindi lapastanganin ang pangalan ng Diyos at ang mga aral. At kung ang amo nila'y kapwa mananampalataya, hindi dapat mawala ang kanilang paggalang dahil sila ay magkapatid sa pananampalataya. Dapat pa nga nilang mas paghusayin ang kanilang paglilingkod dahil ang pinaglilingkuran nila'y mga minamahal na kapatid.

Maling Katuruan at Tunay na Kayamanan

Ang mga ito ang dapat mong ituro at bigyang-diin sa mga tao. Sinumang nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa tunay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo at katuruang naaayon sa banal na pamumuhay, siya ay nagyayabang at walang nalalaman. Mahilig siya sa mga pagtatalo tungkol sa mga salita, na nauuwi sa inggitan, alitan, panlalait, masamang hinala, sa pag-aaway ng mga taong marumi ang pag-iisip, ayaw kumilala sa katotohanan, at nag-aakalang ang banal na pamumuhay ay paraan ng pagpapayaman. Subalit ang banal na pamumuhay na may kasiyahan ay malaking pakinabang. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at pag-alis dito'y wala rin tayong madadalang anuman. Kung tayo'y may pagkain at damit, sa mga ito'y dapat na tayong masiyahan. Subalit ang mga naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag ng kahangalan at nakapipinsalang pagnanasa. Ang mga ito ang magtutulak sa tao ng kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalayo sa pananampalataya at nasadlak sa maraming kapighatian.

Ang Mabuting Laban ng Pananampalataya

11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Pagsikapan mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan. 12 Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na siyang dahilan ng pagkatawag sa iyo nang maipahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming saksi. 13 Inuutos ko sa iyo, sa (C) harap ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay, at ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti at may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Ipapakita siya ng Diyos sa takdang panahon, ang Diyos na mapagpala at tanging Makapangyarihan, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan at nananahan sa liwanag na di-malapitan! Walang taong nakakita o makakakita sa kanya. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.

17 Utusan mo ang mayayaman sa kapanahunang ito na huwag silang magmataas o magtiwala sa kayamanang lumilipas at pansamantala lamang. Sa halip ay magtiwala sila sa Diyos na masaganang nagkakaloob ng lahat ng bagay para sa ating kasiyahan. 18 Turuan mo silang gumawa ng kabutihan at maging mayaman sa mabuting gawa, maging bukas-palad at namamahagi sa nangangailangan. 19 Sa ganitong paraan sila makapag-iipon ng kayamanan para sa matatag na bukas upang magkamit ng tunay na buhay.

20 Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pangangatwiran ng huwad na kaalaman. 21 Dahil sa kanilang pagmamarunong, may mga taong nalihis sa pananampalataya.

Pagpalain nawa kayo ng Diyos.[g]

Pagbati

Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus, sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na matatagpuan kay Cristo Jesus, Kay (D) Timoteo na minamahal kong anak: Sumaiyo ang biyaya, habag, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Katapatan sa Ebanghelyo

Nagpapasalamat ako sa Diyos, na pinaglingkuran ko nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno, tuwing inaalala kita sa aking mga panalangin araw at gabi. Naaalala ko ang iyong mga pagluha, kaya sabik na sabik na akong makita ka, upang malubos ang aking kagalakan. Naaalala (E) ko ang iyong tapat na pananampalataya, na unang tinaglay ng iyong Lola Loida at ng iyong inang si Eunice. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito. Dahil dito, ipinaaalala ko sa iyo na lalo mong pag-alabin ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili. Kaya't huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikahiya na kanyang bilanggo. Sa halip, makiisa ka sa aking paghihirap alang-alang sa ebanghelyo. Magagawa ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Siya ang nagligtas at tumawag sa atin tungo sa banal na pamumuhay. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob na ibinigay niya sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang panahon. 10 Nahayag na ito ngayon nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Ginapi niya ang kamatayan at ang liwanag ng buhay na walang kamatayan sa pamamagitan ng ebanghelyo. 11 Dahil (F) sa ebanghelyong ito, ako'y itinalagang tagapangaral, apostol at guro.[h] 12 Ito rin ang dahilan ng aking mga pagdurusa. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan, at ako'y nagtitiwalang maiingatan niya hanggang sa araw na iyon ang aking ipinagkatiwala sa kanya.[i] 13 Gawin mong halimbawa ang mga aral na narinig mo sa akin, at magpatuloy ka sa pamumuhay sa pananampalataya at pag-ibig na bunga ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 14 Ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo sa tulong ng Banal na Espiritung nananahan sa atin.

15 Alam mong iniwan ako ng lahat ng nasa Asia, kabilang sa kanila sina Figello at Hermogenes. 16 Pagpalain nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo, sapagkat maraming pagkakataong dinamayan niya ako, at hindi niya ako ikinahiya kahit na ako'y isang bilanggo. 17 Noong siya'y dumating sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang matagpuan niya ako. 18 Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.

Ang Mabuting Kawal ni Cristo Jesus

Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa pamamagitan ng biyaya na nakay Cristo Jesus. Ang mga bagay na narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ipagkatiwala mo rin sa mga mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo sa iba. Makihati ka sa mga paghihirap tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus. Hindi pinag-aabalahan ng isang kawal ang mga bagay na walang kinalaman sa pagiging kawal, upang mabigyan niya ng kasiyahan ang kanyang pinuno. Gayundin naman, hindi magwawagi ang isang manlalaro kung hindi siya susunod sa mga alituntunin. Ang masipag na magsasaka ang siyang dapat unang makinabang sa kanyang ani. Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sapagkat tutulungan ka ng Panginoon na maunawaan ang lahat.

Alalahanin mo si Jesu-Cristo na muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa ebanghelyong ipinapangaral ko. Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkabilanggo, na parang ako'y isang kriminal. Ngunit hindi maaaring ibilanggo ang salita ng Diyos. 10 Dahil dito, tinitiis ko ang lahat alang-alang sa mga hinirang, upang makamit nila ang kaligtasan na matatagpuan kay Cristo Jesus na nagdudulot ng kaluwalhatiang walang hanggan. 11 Mapagkakatiwalaan ang salitang ito:

Kung tayo'y namatay na kasama niya, mabubuhay rin tayong kasama niya;
12 kung (G) tayo'y makapagtitiis, maghahari naman tayong kasama niya;
    kapag siya'y ating ikakaila, ikakaila rin niya tayo;
13 kung tayo ma'y hindi nanatiling tapat, siya'y nananatiling tapat;
    sapagkat hindi niya magagawang ikaila ang kanyang sarili.

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga ito, at sa harap ng Diyos[j] ay pagbilinan mo sila na umiwas sa pagtatalo tungkol sa kahulugan ng mga salita. Wala itong ibinubungang mabuti at sa halip ay nagpapahamak lamang sa mga nakikinig.

Ang Manggagawa ng Diyos

15 Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Diyos, isang manggagawang walang anumang dapat ikahiya, at matapat sa pagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan, sapagkat lalo lang magtutulak ito sa mga tao sa higit pang kasamaan. 17 Ang mga salita ng mga gumagawa nito'y gaya ng kanser na kumakalat sa katawan. Kasama sa mga ito sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at sinasabing ang muling pagkabuhay ay naganap na. Sinisira nila ang pananampalataya ng iba. 19 Ngunit (H) matibay ang saligang itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sino ang sa kanya,” at, “Lumayo sa kasamaan ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon.” 20 Sa isang malaking bahay ay may mga sisidlang yari sa ginto at pilak, ngunit mayroon din namang yari sa kahoy at putik. Ang iba'y para sa marangyang paggagamitan, at ang iba'y para sa karaniwan. 21 Sinumang naglilinis ng kanyang sarili mula sa kasamaan ay tulad ng mga sisidlang natatangi, malinis, at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabuting gawain. 22 Layuan mo ang masasamang pagnanasa ng kabataan. Pagsikapan mong mabuhay ka sa katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon mula sa pusong dalisay. 23 Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo. Alam mo namang nagbubunga lang ang mga iyan ng pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip, dapat siyang mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang pinapangaralan ang mga sumasalungat sa kanya, sa pag-asang pagkakalooban sila ng Diyos ng pagkakataong magsisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan. 26 Sa gayon, matatauhan sila at makakawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban.[k]

Footnotes

  1. 1 Timoteo 2:8 manalangin...malinis na puso: Sa Griyego, manalanging nakataas ang banal na kamay.
  2. 1 Timoteo 3:1 o obispo, nangangahulugang “tagapangasiwa ng iglesya”.
  3. 1 Timoteo 3:8 Sa Griyego, “diakono” nangangahulugang, “tagapaglingkod” o “tagasilbi ng iglesya”.
  4. 1 Timoteo 3:16 Siya'y: Sa ibang matatandang manuskrito Ang Diyos ay.
  5. 1 Timoteo 3:16 pinatunayang matuwid ng Espiritu: o kaya'y pinatunayang matuwid sa espiritu.
  6. 1 Timoteo 4:13 nangangahulugang “panghihikayat ng mga tao upang siya ay lumakas ang loob”.
  7. 1 Timoteo 6:21 Sa ibang manuskrito mayroong Amen.
  8. 2 Timoteo 1:11 Sa ibang mga kasulatan ay may karugtong na ng mga Hentil.
  9. 2 Timoteo 1:12 aking ipinagkatiwala sa kanya o ipinagkatiwala sa akin.
  10. 2 Timoteo 2:14 Sa ibang matandang kasulatan, Panginoon.
  11. 2 Timoteo 2:26 upang gawin ang kanyang kalooban o sa pamamagitan niya, upang gawin ang kalooban ng Diyos.