Add parallel Print Page Options

At pinisan uli ni David ang lahat na piling lalake sa Israel, na tatlong pung libo.

At bumangon si David at yumaon na kasama ng buong bayan na nasa kaniya, mula sa Baale Juda, upang iahon mula roon ang kaban ng Dios, na tinatawag sa Pangalan, sa makatuwid baga'y sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa gitna ng mga querubin.

At kanilang inilagay ang kaban ng Dios sa isang bagong karo, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol: at si Uzza at si Ahio, na mga anak ni Abinadab, ay siyang nagpatakbo ng bagong karo.

At kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab, na nasa burol, pati ng kaban ng Dios: at si Ahio ay nagpauna sa kaban.

At si David at ang buong sangbahayan ni Israel ay nagsitugtog sa harap ng Panginoon ng sarisaring panugtog na kahoy na abeto, at ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta, at ng mga kastaneta at ng mga simbalo.

At nang sila'y magsidating sa giikan ni Nachon, iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay sa kaban ng Dios, at hinawakan; sapagka't ang mga baka ay nangatisod.

At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Uzza; at sinaktan siya ng Dios doon dahil sa kaniyang kamalian; at doo'y namatay siya sa siping ng kaban ng Dios.

At hindi minagaling ni David, sapagka't nagalit ang Panginoon kay Uzza: at kaniyang tinawag ang dakong yaon na Perez-uzza hanggang sa araw na ito.

At natakot si David sa Panginoon sa araw na yaon; at kaniyang sinabi, Paanong madadala rito ang kaban ng Panginoon sa akin?

10 Sa gayo'y hindi inilipat ni David ang kaban ng Panginoon sa kaniya sa bayan ni David, kundi iniliko ni David sa bahay ni Obed-edom na Getheo.

11 At ang kaban ng Panginoon ay natira sa bahay ni Obed-edom na Getheo na tatlong buwan: at pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kaniyang buong sangbahayan.

12 At nasaysay sa haring kay David, na sinasabi, Pinagpala ng Panginoon ang sangbahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol sa kaniya, dahil sa kaban ng Dios. At yumaon si David at iniahon ang kaban ng Dios mula sa bahay ni Obed-edom, hanggang sa bayan ni David, na may kagalakan.

13 At nagkagayon na nang yaong mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghain ng isang baka at isang pinataba.

14 At nagsayaw si David ng kaniyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay nabibigkisan ng isang epod na lino.

15 Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sangbahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon, na may hiyawan, at may tunog ng pakakak.

16 At nagkagayon, sa pagpapasok ng kaban ng Panginoon sa bayan ni David, na si Michal na anak ni Saul ay tumitingin sa dungawan, at nakita na ang haring si David ay naglulukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kaniyang niwalan ng kabuluhan siya sa kaniyang puso.

17 At kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kaniyang dako, sa gitna ng tolda na itinayo ni David: at naghandog si David ng mga handog na susunugin at mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon.

18 At nang makatapos si David na maghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, kaniyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.

19 At kaniyang binahagi sa buong bayan, sa makatuwid baga'y sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalake at gayon din sa mga babae, sa bawa't isa ay isang tinapay at isang bahaging lamang kati, at isang binilong pasas. Sa gayo'y ang buong bayan ay yumaon bawa't isa sa kaniyang bahay.

20 Nang magkagayo'y bumalik si David upang basbasan ang kaniyang sangbahayan. At si Michal na anak ni Saul ay lumabas na sinalubong si David, at sinabi, Pagkaluwalhati ngayon ng hari sa Israel, na siya'y naghubad ngayon sa mga mata ng mga babaing lingkod ng kaniyang mga lingkod, na gaya ng naghuhubad na kahiyahiya ang isang walang kabuluhang tao.

21 At sinabi ni David kay Michal, Yao'y sa harap ng Panginoon, na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at sa buong sangbahayan niya, upang ihalal ako na prinsipe sa bayan ng Panginoon, sa Israel: kaya't ako'y tutugtog sa harap ng Panginoon.

22 At ako'y magpapakawalang kabuluhan pa kay sa yaon, at ako'y magpapakababa sa aking sariling paningin: nguni't sa mga babaing lingkod na iyong sinalita, ay pararangalan ako.

23 At si Michal na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(A)

Muling tinipon ni David ang pinakamagagaling na sundalo ng Israel at umabot ito sa 30,000. Lumakad sila papuntang Baala na sakop ng Juda para kunin doon ang Kahon ng Dios,[a] kung saan naroon ang presensya[b] ng Panginoong Makapangyarihan. Nakaluklok ang Panginoon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. 3-4 Kinuha nina David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios na nandoon sa bahay ni Abinadab sa burol at isinakay ito sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio na anak ni Abinadab ang umaalalay sa kariton; si Ahio ang nasa unahan. Buong kagalakang nagdiwang si David at ang buong Israel sa presensya ng Panginoon nang buong kalakasan. Umaawit sila[c] at tumutugtog ng mga alpa, lira, tamburin, kastaneta at pompyang.

Nang dumating sila sa may giikan ni Nacon, natisod ang mga baka at hinawakan ni Uza ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil sa ginawa niya. Kaya pinatay siya ng Dios doon sa tabi ng Kahon. Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[d] Nang araw na iyon, natakot si David sa Panginoon at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon?” 10 Kaya nagdesisyon siyang huwag na lang dalhin sa lungsod niya[e] ang Kahon ng Panginoon. Iniwan na lang niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 11 Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala siya ng Panginoon, maging ang buo niyang sambahayan.

12 Ngayon, nabalitaan ni Haring David na pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed Edom at ang lahat ng pag-aari nito dahil sa Kahon ng Dios. Kaya pumunta siya sa bahay nito at kinuha ang Kahon ng Dios at dinala sa Jerusalem nang may kagalakan. 13 Nang makaanim na hakbang na ang mga nagbubuhat ng Kahon ng Panginoon, pinahinto sila ni David at naghandog siya ng isang toro at isang pinatabang guya. 14 At sumayaw si David nang buong sigla sa presensya ng Panginoon na nakasuot ng espesyal na damit[f] na gawa sa telang linen. 15 Habang dinadala ni David at ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, nagsisigawan sila at umiihip ng trumpeta.

16 Nang papasok na ng lungsod ang Kahon ng Panginoon, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niyang nagtatatalon at nagsasasayaw si Haring David sa presensya ng Panginoon, at ikinahiya niya ang ginawa nito. 17 Inilagay nila ang Kahon ng Panginoon sa loob ng toldang ipinatayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay siya sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[g] 18 Pagkatapos niyang maghandog, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan. 19 Binigyan niya ng tinapay, karne[h] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae. Pagkatapos, umuwi sila sa kani-kanilang mga bahay.

20 Nang umuwi si David para basbasan ang sambahayan niya, sinalubong siya ni Mical na anak ni Saul at kinutya, “Napakadakila ng araw na ito para sa kagalang-galang na hari ng Israel! Sumasayaw kang halos hubad na, sa harap ng mga babaeng alipin ng mga opisyal mo, hindi ka man lang nahiya!” 21 Sinabi ni David kay Mical, “Ginawa ko iyon sa presensya ng Panginoon na pumili sa akin kapalit ng iyong ama o ng kahit sino pa sa angkan niya. Pinili niya akong mamahala sa mga mamamayan niyang Israelita kaya ipagpapatuloy ko ang pagsasaya sa presensya ng Panginoon. 22 At kahit na nakakahiya pa ang gagawin ko para sa pagdiriwang ng Panginoon, gagawin ko pa rin ito. Kahiya-hiya ako sa paningin mo[i] pero marangal ako sa paningin ng mga babaeng alipin na sinasabi mo.”

23 Dahil dito, hindi nagkaanak si Mical hanggang sa mamatay siya.

Footnotes

  1. 6:2 Kahon ng Dios: Ang Kahon ng Kasunduan.
  2. 6:2 presensya: sa literal, tinatawag na pangalan.
  3. 6:5 nang buong kalakasan. Umaawit sila: Itoʼy ayon sa Dead Sea Scrolls, Septuagint at 1 Cro. 13:8. Sa tekstong Masoretic, sa pamamagitan ng mga instrumento na gawa sa kahoy na sipres.
  4. 6:8 Perez Uza: Ang ibig sabihin, biglang pagparusa kay Uza.
  5. 6:10 lungsod niya: sa Hebreo, lungsod ni David. Ganito rin sa talatang 12 at 16.
  6. 6:14 espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
  7. 6:17 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  8. 6:19 karne: Ito ang nasa tekstong Septuagint at sa Syriac, pero sa Hebreo hindi malinaw.
  9. 6:22 sa paningin mo: Ito ang nasa tekstong Septuagint. Sa Hebreo, sa paningin ko.
'2 Samuel 6 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.