Add parallel Print Page Options

17 Bukod dito'y sinabi ni Achitophel kay Absalom, Papiliin mo ako ng labing dalawang libong lalake, at ako'y titindig at aking hahabulin si David sa gabing ito:

At ako'y darating sa kaniya samantalang siya'y pagod at may mahinang kamay, at akin siyang tatakutin: at ang buong bayan na nasa kaniya ay tatakas; at ang hari lamang ang aking sasaktan:

At aking ibabalik sa iyo ang buong bayan: ang lalake na iyong inuusig ay parang kung ang lahat ay nagbabalik: sa gayo'y ang buong bayan ay mapapayapa.

At ang sabi ay nakalugod na mabuti kay Absalom, at sa lahat ng matanda sa Israel.

Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, Tawagin mo naman ngayon si Husai na Arachita, at atin ding dinggin ang kaniyang sasabihin.

At nang dumating si Husai kay Absalom, ay sinalita ni Absalom sa kaniya, na sinasabi, Nagsalita si Achitophel ng ganitong paraan: atin bang gagawin ang ayon sa kaniyang sabi? Kung hindi, magsalita ka.

At sinabi ni Husai kay Absalom, Ang payo na ibinigay ni Achitophel ngayon ay hindi mabuti.

Sinabi ni Husai bukod sa rito, Iyong kilala ang iyong Ama at ang kaniyang mga lalake, na sila'y makapangyarihang lalake at sila'y nagngingitngit sa kanilang mga pagiisip na gaya ng isang oso na ninakawan sa parang ng kaniyang mga anak: at ang iyong ama ay lalaking mangdidigma, at hindi tatahan na kasama ng bayan.

Narito, siya'y nagkukubli ngayon sa isang hukay o sa ibang dako: at mangyayari, na pagka ang ilan sa kanila ay nabuwal sa pasimula, sinomang makarinig ay magsasabi, May patayan sa bayang sumusunod kay Absalom.

10 At pati ng matapang, na ang puso ay gaya ng puso ng leon, ay lubos na manglulupaypay: sapagka't kilala ng buong Israel na ang iyong ama ay makapangyarihang lalake, at sila na nasa kaniya ay matatapang na lalake.

11 Nguni't aking ipinapayo na ang buong Israel ay mapisan sa iyo, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat ang dami; at ikaw ay pumaroon sa pagbabaka ng iyong sariling pagkatao.

12 Sa gayo'y aabutin natin siya sa ibang dako na kasusumpungan natin sa kaniya, at tayo'y babagsak sa kaniya na gaya ng hamog na lumalapag sa lupa: at sa kaniya at sa lahat ng mga lalake na nasa kaniya ay hindi tayo magiiwan kahit isa.

13 Bukod dito, kung siya'y umurong sa isang bayan, ang buong Israel ay magdadala nga ng mga lubid sa bayang yaon, at ating babatakin sa ilog, hanggang sa walang masumpungan doon kahit isang maliit na bato.

14 At si Absalom at ang lahat na lalake sa Israel ay nagsipagsabi, Ang payo ni Husai na Arachita ay lalong mabuti kay sa payo ni Achitophel. Sapagka't ipinasiya ng Panginoon na masansala ang mabuting payo ni Achitophel, upang dalhin ng Panginoon ang kasamaan kay Absalom.

15 Nang magkagayo'y sinabi ni Husai kay Sadoc at kay Abiathar na mga saserdote. Ganito't ganito ang ipinayo ni Achitophel kay Absalom at sa mga matanda sa Israel; at ganito't ganito ang aking ipinayo.

16 Ngayon nga'y magsugo kang madali, at saysayin kay David, na sabihin, Huwag kang tumigil ng gabing ito sa mga tawiran sa ilang, kundi sa anomang paraan ay tumawid ka: baka ang hari ay mapatay at ang buong bayan na nasa kaniya.

17 Si Jonathan at si Ahimaas nga ay nagsitigil sa tabi ng Enrogel; at isang alilang babae ang pinaparoon at pinapagsaysay sa kanila; at sila'y nagsiparoon, at isinaysay sa haring kay David: sapagka't sila'y hindi makapakitang pumasok sa bayan.

18 Nguni't nakita sila ng isang bata, at isinaysay kay Absalom: at sila'y kapuwa lumabas na nagmadali, at sila'y nagsiparoon sa bahay ng isang lalake sa Bahurim, na may isang balon sa kaniyang looban; at sila'y nagsilusong doon.

19 At ang babae ay kumuha ng isang panakip at inilatag sa bunganga ng balon, at nilagyan ng mga trigo na giniik; at walang bagay na naalaman.

20 At ang mga bataan ni Absalom ay nagsidating sa babae sa bahay; at kanilang sinabi, Saan nandoon si Ahimaas at si Jonathan? At sinabi ng babae sa kanila, Sila'y tumawid sa batis ng tubig. At nang kanilang mahanap at hindi nila masumpungan ay bumalik sila sa Jerusalem.

21 At nangyari, pagkatapos na sila'y makaalis, na sila'y nagsilabas sa balon, at nagsiyaon at isinaysay sa haring kay David: at kanilang sinabi kay David, Kayo'y magsibangon, at magsitawid na madali sa tubig: sapagka't ganito ang ipinayo ni Achitophel laban sa inyo.

22 Nang magkagayo'y nagsibangon si David, at ang buong bayan na kasama niya, at sila'y tumawid sa Jordan; sa pagbubukang liwayway ay walang naiwan kahit isa sa kanila na hindi tumawid sa Jordan.

23 At nang makita ni Achitophel na ang kaniyang payo ay hindi sinunod, kaniyang siniyahan ang kaniyang asno, at bumangon, at umuwi siya sa bahay, sa kaniyang bayan at kaniyang inayos ang kaniyang bahay, at nagbigti; at siya'y namatay, at nalibing sa libingan ng kaniyang ama.

24 Nang magkagayon ay naparoon si David sa Mahanaim. At si Absalom ay tumawid sa Jordan, siya at ang lahat na lalake ng Israel na kasama niya.

25 At inilagay ni Absalom si Amasa sa hukbo na kahalili ni Joab. Si Amasa nga ay anak ng isang lalake na ang pangalan ay Itra, na Israelita, na sumiping kay Abigal na anak na babae ni Naas, na kapatid ni Sarvia, na ina ni Joab.

26 At ang Israel at si Absalom ay nagsihantong sa lupain ng Galaad.

27 At nangyari, ng si David ay dumating sa Mahanaim, na si Sobi na anak ni Naas na taga Rabba sa mga anak ni Ammon, at si Machir na anak ni Ammiel na taga Lodebar, at si Barzillai na Galaadita na taga Rogelim.

28 Ay nangagdala ng mga higaan, at mga mangkok, at mga sisidlang lupa, at trigo, at sebada, at harina, at butil na sinangag, at habas, at lentehas, at pagkain na sinangag.

29 At pulot pukyutan, at mantekilya, at mga tupa, at keso ng baka para kay David, at sa bayan na kasama niya, upang kanin; sapagka't kanilang sinabi, Ang bayan ay gutom, at pagod, at uhaw sa ilang.

'2 Samuel 17 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

17 Sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Payagan nʼyo po akong pumili[a] ng 12,000 tauhan para hanapin sina David ngayong gabi. Sasalakayin namin sila habang pagod sila at nanghihina. Matataranta sila at magsisitakas ang mga tauhan niya. Si David lang po ang papatayin ko, at pababalikin ko sa inyo ang lahat ng tauhan niya gaya ng pagbabalik ng asawa sa kabiyak nito.[b] Kapag napatay si David, hindi na makakalaban ang mga tauhan niya.” Mukhang mabuti naman ang payo na ito para kay Absalom at sa lahat ng tagapamahala ng Israel.

Pero sinabi ni Absalom, “Tawagin natin si Hushai na Arkeo, at nang malaman natin kung ano ang masasabi niya.” Kaya nang dumating si Hushai, sinabi sa kanya ni Absalom ang payo ni Ahitofel. Pagkatapos, nagtanong si Absalom, “Gagawin ba natin ang sinabi niya? Kung hindi, ano ang dapat nating gawin?” Sumagot si Hushai, “Sa ngayon, hindi maganda ang ipinayo ni Ahitofel. Kilala nʼyo ang ama nʼyo at ang mga tauhan niya; magigiting silang mandirigma at mababangis tulad ng oso na inagawan ng mga anak. Bukod pa riyan, bihasa ang ama nʼyo sa pakikipaglaban, at hindi siya natutulog na kasama ng mga tauhan niya. Maaaring sa oras na ito, nagtatago siya sa kweba o kung saang lugar. Kung sa unang paglalaban nʼyo ay mapatay ang iba sa mga sundalo nʼyo, sasabihin ng makakarinig nito na natalo na ang mga sundalo ninyo. 10 Kahit ang pinakamagigiting nʼyong sundalo na kasintapang ng leon ay matatakot. Sapagkat nalalaman ng lahat ng Israelita na ang ama ninyoʼy bihasang mandirigma at matatapang ang tauhan niya. 11 Ang payo ko, tipunin nʼyo ang buong hukbo ng mga Israelita mula sa Dan hanggang Beersheba,[c] na kasindami ng buhangin sa tabing dagat. At kayo mismo ang mamuno sa kanila sa pakikipaglaban. 12 Hahanapin natin si David saanman siya naroon. Susugod tayo sa kanya na gaya ng pagpatak ng hamog sa lupa at walang makakaligtas isa man sa kanila. 13 Kung tatakas siya sa isang bayan doon, ang buong Israel ay nandoon naghihintay sa iyong iuutos. Pagkatapos, maaari naming talian ang pader nito at hilahin papunta sa kapatagan hanggang sa magiba ito, at hanggang sa wala ng batong matitira roon.” 14 Sinabi ni Absalom at ng lahat ng namumuno sa Israel, “Mas mabuti ang payo ni Hushai na Arkeo kaysa kay Ahitofel.” Ang totoo, mas mabuti ang payo ni Ahitofel, pero niloob ng Panginoon na hindi ito sundin ni Absalom para ibagsak siya.

15 Sinabi ni Hushai sa mga paring sina Zadok at Abiatar ang payo ni Ahitofel kay Absalom at sa mga tagapamahala ng Israel, at pati na rin ang ibinigay niyang payo. 16 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ipaalam nʼyo agad kay David na huwag siyang magpaiwan sa tawiran ng Ilog ng Jordan sa disyerto ngayong gabi, tumawid sila agad sa ilog para hindi sila mamatay.”

17 Nang mga panahong iyon, naghihintay sina Jonatan na anak ni Abiatar at Ahimaaz na anak ni Zadok sa En Rogel, dahil ayaw nilang makitang labas-masok sila ng Jerusalem. Pinapapunta na lang nila ang isang aliping babae para sabihin sa kanila ang nangyayari, at saka nila ito sasabihin kay David. 18 Pero isang araw, nakita sila ng isang binatilyo, kaya sinabi niya ito kay Absalom. Kaya nagmamadaling umalis ang dalawa, at pumunta sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim. Mayroong balon ang lalaking ito na malapit sa bahay niya, at doon, bumaba sina Jonatan at Ahimaaz para magtago. 19 Kumuha ng takip ang asawa ng lalaki, tinakpan ang balon, at nagbilad siya ng butil sa ibabaw nito para walang maghinalang may nagtatago roon. 20 Nang makarating ang mga tauhan ni Absalom sa bahay ng lalaki, tinanong nila ang asawa nito, “Nakita nʼyo ba sina Ahimaaz at Jonatan?” Sumagot ang asawa, “Tumawid sila sa ilog.” Hinanap sila ng mga tauhan pero hindi sila nakita, kaya bumalik sila sa Jerusalem.

21 Nang makaalis ang mga tauhan ni Absalom, lumabas sina Jonatan at Ahimaaz sa balon, at pumunta sila kay David. Sinabi nila sa kanya “Tumawid po kayo agad sa ilog dahil nagpayo si Ahitofel na patayin kayo.” 22 Kaya tumawid si David at ang mga tauhan niya sa Ilog ng Jordan, at kinaumagahan, nakatawid na sila sa kabila.

23 Nang malaman ni Ahitofel na hindi sinunod ang payo niya, sumakay siya sa asno niya at umuwi sa bayan niya. Pagkatapos niyang magbigay ng mga habilin sa sambahayan niya, nagbigti siya. Inilibing siya sa pinaglibingan ng kanyang ama. 24 Nakarating na si David at ang mga tauhan niya sa Mahanaim. Nakatawid na noon si Absalom at ang mga tauhan nito sa Ilog ng Jordan. 25 Pinili ni Absalom si Amasa na kapalit ni Joab bilang kumander ng mga sundalo. Si Amasa ay anak ni Jeter na Ishmaelita.[d] Ang ina niya ay si Abigail na anak ni Nahash at kapatid ng ina ni Joab na si Zeruya. 26 Nagkampo si Absalom at ang mga Israelita sa Gilead.

27 Nang dumating sina David sa Mahanaim, binati sila nina Shobi na anak ni Nahash na Ammonitang taga-Rabba, Makir na anak ni Amiel na taga-Lo Debar, at Barzilai na Gileaditang taga-Rogelim. 28 May dala silang mga higaan, mangkok, palayok, trigo, sebada, harina, binusang butil, buto ng mga gulay, 29 pulot, mantika, keso at tupa. Ibinigay nila ito kay David at sa mga tauhan niya, dahil alam nilang gutom, pagod, at uhaw na ang mga ito sa paglalakbay nila sa ilang.

Footnotes

  1. 17:1 Payagan … pumili: o, Pipili ako.
  2. 17:3 gaya … kabiyak nito: Itoʼy batay sa Septuagint.
  3. 17:11 mula sa Dan hanggang Beersheba: Ang ibig sabihin, ang buong Israel.
  4. 17:25 Ishmaelita: Itoʼy batay sa ibang tekstong Septuagint; sa Hebreo, Israelita.