2 Cronica 31
Ang Biblia, 2001
Binago ni Hezekias ang Buhay-relihiyon
31 Nang matapos na ang lahat ng ito, ang buong Israel na naroroon ay lumabas patungo sa mga lunsod ng Juda at pinagputul-putol ang mga haligi at ibinuwal ang mga sagradong poste[a] at giniba ang matataas na dako at ang mga dambana sa buong Juda at Benjamin, sa Efraim at sa Manases, hanggang sa mawasak nilang lahat. Pagkatapos ay bumalik ang lahat ng mga anak ni Israel sa kanilang mga lunsod, bawat isa'y sa kanyang ari-arian.
2 Hinirang ni Hezekias ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita, sa kanya-kanyang pangkat, bawat lalaki ay ayon sa kanyang katungkulan, ang mga pari at mga Levita, para sa mga handog na sinusunog at sa mga handog pangkapayapaan, upang maglingkod sa mga pintuan ng kampo ng Panginoon at magpasalamat at magpuri.
3 Ang(A) ambag ng hari mula sa kanyang sariling pag-aari ay para sa mga handog na sinusunog: ang mga handog na sinusunog sa umaga at sa hapon, mga handog na sinusunog para sa mga Sabbath, mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na gaya ng nakasulat sa kautusan ng Panginoon.
4 At(B) nag-utos siya sa mga taong naninirahan sa Jerusalem na ibigay ang bahaging nararapat sa mga pari at mga Levita, upang maiukol nila ang kanilang mga sarili sa kautusan ng Panginoon.
5 Nang maikalat na ang utos, ang mga anak ni Israel ay saganang nagbigay ng mga unang bunga ng trigo, alak, langis, pulot, at ng lahat na bunga ng bukid, at sila ay nagdala ng napakaraming ikasampung bahagi ng lahat ng bagay.
6 Ang mga anak ni Israel at ni Juda na naninirahan sa mga bayan ng Juda ay nagdala rin ng ikasampung bahagi ng mga baka at mga tupa, at ng ikasampung bahagi ng mga bagay na itinalaga sa Panginoon nilang Diyos, at ang mga iyon ay kanilang isinalansan.
7 Nang ikatlong buwan ay nagpasimula silang magsalansan at natapos ang mga iyon sa ikapitong buwan.
8 Nang si Hezekias at ang mga pinuno ay dumating at nakita ang mga salansan, kanilang pinuri ang Panginoon at ang kanyang bayang Israel.
9 At tinanong ni Hezekias ang mga pari at mga Levita tungkol sa mga salansan.
10 Si Azarias na punong pari, mula sa sambahayan ni Zadok, ay sumagot sa kanya, “Mula nang sila ay magdala ng mga kaloob sa bahay ng Panginoon, kami ay kumain at nagkaroon ng sapat at marami ang natira, sapagkat pinagpala ng Panginoon ang kanyang bayan, kaya't kami ay mayroong ganito karaming nalabi.”
11 Kaya't inutusan sila ni Hezekias na maghanda ng mga silid sa bahay ng Panginoon; at inihanda nila ang mga iyon.
12 At may katapatan nilang dinala ang mga kaloob, mga ikasampung bahagi at ang mga itinalagang bagay. Ang punong-tagapangasiwa sa kanila ay si Conanias na Levita, at ang pangalawa ay si Shimei na kanyang kapatid.
13 Samantala, sina Jeiel, Azazias, Nahat, Asahel, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismachias, Mahat, at Benaya ay mga tagapangasiwang tumutulong kina Conanias at Shimei na kanyang kapatid, ayon sa pagpili ni Haring Hezekias at ni Azarias na punong-tagapamahala sa bahay ng Diyos.
14 Si Korah na anak ni Imna na Levita, na tanod sa silangang pintuan ay katiwala sa mga kusang-loob na handog sa Diyos, upang magbahagi ng mga ambag na inilaan para sa Panginoon at sa mga kabanal-banalang bagay.
15 Sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amarias, at Shecanias ay tapat na tumutulong sa kanya sa mga bayan ng mga pari, upang ipamigay ang mga bahagi sa kanilang mga kapatid, maging matanda at bata, ayon sa mga pangkat,
16 maliban doon sa nakatala ayon sa talaan ng angkan, mga lalaki mula sa tatlong taong gulang pataas, lahat ng pumasok sa bahay ng Panginoon, ayon sa kailangan ng katungkulan sa bawat araw, para sa kanilang paglilingkod ayon sa kanilang mga katungkulan ayon sa mga pangkat.
17 Ang pagtatala sa mga pari ay ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno; ang mga Levita mula dalawampung taong gulang at pataas ay ayon sa kanilang mga katungkulan, ayon sa kanilang mga pangkat.
18 Ang mga pari ay itinala kasama ng lahat nilang mga anak, mga asawa, mga anak na lalaki at babae, ang buong kapulungan; sapagkat sila'y naging tapat sa pagpapanatiling banal sa kanilang mga sarili.
19 At para sa mga anak ni Aaron, ang mga pari na nasa kabukiran ng mga nayon ng kanilang mga bayan, may mga lalaki sa iba't ibang bayan na itinalaga sa pangalan upang mamigay ng mga bahagi sa bawat lalaki sa mga pari, at sa bawat isa sa mga Levita na nakatala.
20 Ganito ang ginawa ni Hezekias sa buong Juda; at ginawa niya ang mabuti, matuwid, at tapat sa harapan ng Panginoon niyang Diyos.
21 At ang bawat gawain na kanyang ginawa sa paglilingkod sa bahay ng Diyos at ayon sa kautusan at sa mga tuntunin upang hanapin ang kanyang Diyos, ay kanyang ginawa ng buong puso, at siya'y umunlad.
Footnotes
- 2 Cronica 31:1 Sa Hebreo ay Ashera .
2 Cronica 31
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Pagbabagong Ginawa ni Hezekia
31 Pagkatapos ng pista, ang mga Israelita na nagsidalo roon ay nagpunta sa mga bayan ng Juda, at pinagdudurog nila ang mga alaalang bato at pinagputol-putol ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Giniba nila ang mga sambahan sa matataas na lugar[a] sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manase. Pagkatapos nilang gibain ang lahat ng ito, umuwi silang lahat sa kanilang mga bayan at lupain.
2 Ipinagbukod-bukod ni Hezekia ang mga pari at ang mga Levita ayon sa kani-kanilang gawain sa templo ng Panginoon – para mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon, para magpasalamat at umawit ng mga papuri sa mga pintuan ng templo. 3 Nagbigay si Hezekia ng sarili niyang mga hayop para sa mga handog na sinusunog sa umaga at sa gabi, at para rin sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[b] at sa iba pang mga pista, ayon sa nakasulat sa Kautusan ng Panginoon. 4 Inutusan din niya ang mga tao na nakatira sa Jerusalem na ibigay sa mga pari at mga Levita ang kanilang bahagi para makapaglingkod sila nang lubusan sa Kautusan ng Panginoon. 5 Nang maipaalam na ito sa mga tao, bukas palad na nagbigay ang mga Israelita ng unang ani ng kanilang trigo, bagong katas ng ubas, langis, pulot at ng iba pang produkto ng lupa. Ibinigay nila ang ikapu ng lahat nilang produkto. 6 Ang mga taga-Israel na lumipat sa Juda, at ang mga taga-Juda ay nagbigay din ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at ng mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon na kanilang Dios, at tinipon nila ito. 7 Sinimulan nila ang pag-iipon nito nang ikatlong buwan, at natapos sa ikapitong buwan. 8 Nang makita ni Hezekia at ng kanyang mga opisyal ang mga nakatumpok na handog, pinuri nila ang Panginoon at ang mga mamamayan niyang Israelita.
9 Tinanong ni Hezekia ang mga pari at ang mga Levita tungkol sa mga nakatumpok. 10 Sumagot si Azaria, ang punong pari na mula sa angkan ni Zadok, “Mula nang nagsimulang magdala ang mga tao ng kanilang mga handog sa templo ng Panginoon, nagkaroon na kami ng sapat na pagkain at marami pang sumobra, dahil pinagpala ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan.”
11 Nag-utos si Hezekia na gumawa ng mga bodega sa templo ng Panginoon, at nangyari nga ito. 12 At matapat na dinala roon ng mga tao ang kanilang mga handog, mga ikapu at ang mga bagay na itinalaga nila sa Panginoon. Si Conania na isang Levita ang siyang pinagkatiwalaan ng mga bagay na ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na lalaki na si Shimei. 13 Sina Jehiel, Azazia, Nahat, Azael, Jerimot, Jozabad, Eliel, Ismakia, Mahat, at Benaya ang mga tagapangasiwa sa ilalim ng pamamahala nina Conania at Shimei. Pinili sila nina Haring Hezekia at Azaria na punong opisyal ng templo ng Dios.
14 Si Kore na anak ni Imna na Levita, na tagapagbantay sa silangang pintuan ng templo, ang pinagkatiwalaan sa pamamahagi ng mga handog na kusang-loob na ibinibigay sa Dios, at sa mga bagay na itinalaga sa Panginoon at ng mga banal na handog. 15 Ang matatapat niyang katulong ay sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amaria, at Secanias. Pumunta sila sa mga bayan na tinitirhan ng mga pari na kanilang kadugo at ipinamahagi sa kanila ang kanilang bahagi sa mga handog, ayon sa kanilang grupo at tungkulin, bata man o matanda. 16 Binigyan ang lahat ng mga lalaki na nasa tatlong taong gulang pataas ang edad, na pumupunta sa templo para gawin ang kanilang araw-araw na gawain ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. Kasama na rin ang mga paring hindi nakalista sa talaan ng mga angkan ng mga pari. 17 Sila at ang mga pari na nakalista sa talaan ng mga angkan ay binigyan ng kanilang bahagi, at ganoon din ang mga Levita na nasa 20 taong gulang pataas, na naglilingkod ayon sa tungkulin ng kani-kanilang grupo. 18 Binigyan din ang mga pamilya ng mga Levita – ang kanilang mga asawa, mga anak, pati ang maliliit nilang anak. Ginawa ito sa lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan. Sapagkat matapat din sila sa paglilinis ng kanilang sarili. 19 Tungkol naman sa mga pari na angkan ni Aaron, na nakatira sa mga bukirin sa palibot ng mga bayan at sa ibang mga bayan, may mga taong pinagkatiwalaan na mamigay ng kanilang bahagi at sa bahagi ng lahat ng Levita na nakalista sa talaan ng kanilang angkan.
20 Ganoon ang ginawa ni Hezekia sa buong Juda. Ginawa niya ang mabuti at ang tama, at naging tapat siya sa harapan ng Panginoon na kanyang Dios. 21 Naging matagumpay siya, dahil sa lahat ng ginawa niya sa templo ng Dios at sa pagsunod niya sa kautusan, dumulog siya sa kanyang Dios nang buong puso.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
