Add parallel Print Page Options

Ang Paghahari ni Amazia sa Juda(A)

25 Si Amazia ay 25 taong gulang nang siya ay naging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. Matuwid ang ginawa ni Amazia sa paningin ng Panginoon, pero hindi lubos ang pagsunod niya sa Panginoon. Nang matatag na ang paghahari ni Amazia, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. Pero hindi niya ipinapatay ang kanilang mga anak, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Huwag papatayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Papatayin lang ang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.”

Tinipon ni Amazia ang kanyang mga sundalo na mula sa Juda at Benjamin. Binukod-bukod niya sila ayon sa kanilang pamilya at nilagyan ng mga kumander na mamamahala ng tig-100 at tig-1,000 sundalo. Pagkatapos, binilang niya ang kanyang mga sundalo na nasa 20 taong gulang pataas, at ang bilang ay 300,000. Silaʼy mahuhusay sa sibat at pananggalang. Kumuha rin siya ng 100,000 sundalo mula sa Israel. Nagbayad siya ng 3,500 kilong pilak bilang upa sa mga sundalo.

Pero may isang lingkod ng Dios na pumunta kay Amazia at nagsabi, “Mahal na Hari, huwag po kayong kumuha ng mga sundalong mula sa Israel, dahil ang bayang iyon ay hindi pinapatnubayan ng Panginoon. Ang mga mamamayan ng Efraim ay hindi na tinutulungan ng Panginoon. Kung pasasamahin nʼyo po sila sa labanan, matatalo kayo kahit makipaglaban pa kayo nang mabuti. Ang Dios lang ang makapagpapanalo o makapagpapatalo sa inyo.” Sinabi ni Amazia sa lingkod ng Dios, “Pero paano ang ibinayad kong 3,500 kilong pilak?” Sumagot ang lingkod ng Dios, “Higit pa po riyan ang ibibigay ng Panginoon sa inyo.” 10 Kaya pinauwi ni Amazia ang mga sundalo na taga-Efraim. Umuwi sila na galit na galit sa Juda.

11 Buong tapang na lumusob si Amazia at pinangunahan niya ang kanyang mga sundalo sa pagpunta sa Lambak ng Asin, kung saan nakapatay sila ng 10,000 Edomita.[a] 12 Nakadakip pa sila ng 10,000 sundalo, at dinala nila ito sa isang bangin at doon inihulog, kaya nagkabali-bali ang buto ng mga ito.

13 Samantala, ang mga sundalong pinauwi ni Amazia at hindi pinasama sa labanan ay lumusob sa mga bayan ng Judea, mula sa Samaria hanggang sa Bet Horon. Nakapatay sila ng 3,000 tao, at maraming ari-arian ang kanilang sinamsam.

14 Pagbalik ni Amazia mula sa pagpatay sa mga Edomita, dinala niya ang mga dios-diosan ng mga Edomita. Ginawa niya itong sariling dios, sinamba, at pinag-alayan ng mga handog. 15 Kaya labis ang galit ng Panginoon kay Amazia. Nagpadala siya ng propeta kay Amazia para sabihin, “Bakit dumudulog ka sa mga dios-diosan na hindi nakapagligtas ng kanilang mga mamamayan sa iyong mga kamay?”

16 Habang nagsasalita ang propeta, sumagot ang hari, “Bakit mo ako pinapayuhan? Ginawa ba kitang tagapayo? Tumahimik ka, dahil kung hindi, ipapapatay kita!” Kaya tumahimik ang propeta pagkatapos niyang sabihin, “Tiyak na lilipulin ka ng Dios dahil sinamba mo ang mga dios-diosan at hindi ka nakinig sa akin.”

17 Matapos makipag-usap ni Haring Amazia sa kanyang mga tagapayo, nagpadala siya ng mensahe sa hari ng Israel na si Jehoash na anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoash na maglaban sila. 18 Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang iyong anak na babae sa aking anak na lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik. 19 Amazia, totoong natalo mo ang Edom, at ipinagyabang mo ito. Pero mabuti pang huwag ka na lang makipaglaban sa amin, manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gustong-gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”

20 Pero hindi nakinig si Amazia, dahil kumikilos ang Dios para wasakin siya ni Jehoash dahil sa kanyang pagsamba sa mga dios ng Edom. 21 Kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda. 22 Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay. 23 Nadakip ni Haring Jehoash si Haring Amazia roon sa Bet Shemesh, at dinala niya siya sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoash ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga 600 talampakan ang haba. 24 Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa templo ng Dios na iniingatan noon ni Obed Edom. Kinuha rin niya ang mga kayamanan sa palasyo. Dinala niya ito at ang mga bihag pagbalik sa Samaria.

25 Nabuhay pa si Haring Amazia ng Juda ng 15 taon matapos mamatay si Haring Jehoash ng Israel. 26 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazia, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel.

27 Matapos tumalikod ni Amazia sa Panginoon, may mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin siya. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Lakish pero nagpadala sila ng tao para sundan siya roon at patayin. 28 Ikinarga sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.[b]

Ang Paghahari ni Uzia sa Juda(B)

26 Ang ipinalit ng mga mamamayan ng Juda kay Amazia bilang hari ay ang anak nitong si Uzia[c] na 16 na taong gulang. Siya ang bumawi ng Elat[d] at ang muling nagpatayo nito matapos mamatay ang ama niyang si Amazia. Si Uzia ay 16 na taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 52 taon. Ang ina niya ay si Jecolia na taga-Jerusalem. Matuwid ang ginawa ni Uzia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazia. Dumulog siya sa Dios nang panahon ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa paggalang sa Dios. Hanggaʼt dumudulog siya sa Panginoon, binibigyan siya nito ng katagumpayan.

Nakipaglaban siya sa mga Filisteo at winasak niya ang mga pader sa mga lungsod ng Gat, Jabne at Ashdod. Pagkatapos, nagpatayo siya ng bagong mga bayan malapit sa Ashdod at sa iba pang mga bayan ng Filisteo. Tinulungan siya ng Dios sa kanyang pakikipaglaban sa mga Filisteo, Meuneo at sa mga Arabo na nakatira sa Gur Baal. Nagbabayad ng buwis ang mga Ammonita sa kanya, at naging tanyag siya hanggang sa Egipto, dahil naging makapangyarihan siya.

Pinatatag pa ni Uzia ang Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga tore sa Sulok na Pintuan, sa Pintuan na Nakaharap sa Lambak, at sa likuan ng pader. 10 Nagpatayo rin siya ng mga tore sa ilang at nagpahukay ng mga balon na imbakan ng mga tubig, dahil marami ang kanyang mga hayop sa mga kaburulan sa kanluran at sa kapatagan. May mga tauhan siya na nag-aalaga sa kanyang bukirin at ubasan sa kabundukan at sa kapatagan, dahil mahilig siyang magtanim.

11 May mahuhusay na sundalo si Uzia na laging handa sa labanan. Silaʼy binuo nina Jeyel na kalihim at Maaseya na opisyal, sa ilalim ng pamamahala ni Hanania na isa sa mga opisyal ng hari. 12 Ang mga kumander ng matatapang na sundalo ay ang mga pinuno ng mga pamilya na 2,600 lahat. 13 Ang kabuuang bilang ng mga sundalo ay 307,500. Silaʼy mahuhusay sa labanan at handa sa pagtulong sa hari laban sa mga kaaway niya. 14 Binigyan sila ni Uzia ng mga pananggalang, sibat, helmet, kasuotang panangga ng katawan, pana at tirador. 15 Nagpagawa rin si Uzia sa mahuhusay na manggagawa ng makina para gamitin sa pamamana at sa paghahagis ng malalaking bato mula sa mga tore at sa mga sulok ng mga pader. Naging tanyag si Uzia kahit saan, dahil tinulungan siya ng Panginoon hanggang sa naging makapangyarihan siya.

16 Pero nang naging makapangyarihan siya, naging mayabang siya. At ito ang nagpabagsak sa kanya. Hindi siya sumunod sa Panginoon na kanyang Dios, dahil pumasok siya sa templo ng Panginoon at personal na nagsunog ng insenso sa altar. 17 Sinundan siya ni Azaria na punong pari at ng 80 pang matatapang na mga pari ng Panginoon, 18 at sinaway. Sinabi nila, “Uzia, hindi ka dapat magsunog ng insenso para sa Panginoon. Ang gawaing iyan ay para lang sa mga pari na mula sa angkan ni Aaron. Sila ang pinili ng Panginoon para magsunog ng insenso. Lumabas ka sa templo dahil hindi ka sumunod sa Panginoon. Hindi ka pagpapalain ng Panginoong Dios.”

19 Labis na nagalit si Uzia sa mga pari. At habang hawak niya ang sisidlan ng insenso sa may altar sa templo ng Panginoon, tinubuan ng malubhang sakit sa balat[e] ang kanyang noo. 20 Nang makita ni Azaria at ng mga kasama niyang pari na tinubuan ng malubhang sakit sa balat ang noo ni Uzia, nagmadali silang ilabas ito. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siyaʼy pinarusahan ng Panginoon.

21 May malubhang sakit sa balat si Haring Uzia hanggang sa araw na namatay siya. Nakatira siya sa isang bukod na bahay, at hindi pinayagang makapasok sa templo. Si Jotam na anak niya ang siyang namahala sa palasyo at sa mga mamamayan ng Juda. 22 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Uzia, mula sa simula hanggang sa katapusan ay isinulat ni Propeta Isaias na anak ni Amoz. 23 Nang mamatay si Uzia, inilibing siya malapit sa libingan ng mga ninuno niyang hari. Hindi siya isinama sa kanila, dahil may malubhang sakit siya sa balat. At ang anak niyang si Jotam ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Jotam sa Juda(C)

27 Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Ang ina niya ay si Jerusha na anak ni Zadok. Matuwid ang ginawa ni Jotam sa paningin ng Panginoon, gaya ng ama niyang si Uzia. At mas matuwid pa siya dahil hindi niya ginaya ang kasalanang ginawa ng kanyang ama sa pamamagitan ng labag na pagpasok sa templo ng Panginoon. Sa kabila ng mga kabutihang ginawa ni Jotam, patuloy pa rin ang mga tao sa masasama nilang gawain. Si Jotam ang nagpatayo ng Hilagang Pintuan ng templo ng Panginoon, at nagpaayos ng pader sa bulubundukin ng Ofel. Siya rin ang nagpatayo ng mga bayan sa bulubundukin ng Judea, at nagpatayo ng mga pader at mga tore sa mga kagubatan.

Nakipaglaban si Jotam sa mga Ammonita at sa kanilang hari, at tinalo niya sila. Sa taon ding iyon, nagbigay sa kanila ang mga Ammonita ng 3,500 kilo ng pilak, 30,000 sako ng trigo, at 30,000 sako ng sebada. Ginawa nila ito hanggang sa ikatlong taon.

Naging mas makapangyarihan pa si Jotam dahil matapat siyang sumunod sa Panginoon na kanyang Dios. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jotam, pati ang lahat ng kanyang pakikipaglaban at mga ginawa ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Nang mamatay si Jotam, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahaz ang pumalit sa kanya bilang hari.

Footnotes

  1. 25:11 Edomita: sa Hebreo, angkan ni Seir. Ganito rin sa talatang 14.
  2. 25:28 Lungsod ni David: sa ibang mga tekstong Hebreo, Lungsod ng Juda.
  3. 26:1 Uzia: o, Azaria.
  4. 26:2 Elat: o, Elot.
  5. 26:19 malubhang sakit sa balat: Sa ibang salin ng Biblia, ketong. Ang salitang Hebreo nito ay ginamit sa ibaʼt ibang klase ng sakit sa balat na itinuturing na marumi ayon sa Lev. 13.