Add parallel Print Page Options

Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol

11 Pagtiisan muna sana ninyo itong aking kaunting kahangalan. At pinagtitiisan nga naman ninyo ako! Nakadarama ako para sa inyo ng isang maka-Diyos na pagseselos, sapagkat kayo'y itinakda kong maging asawa ng isang lalaki, si Cristo, at maiharap ko kayo sa kanya bilang isang malinis na birhen. Ngunit (A) natatakot ako na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip din ay mailigaw mula sa tapat at malinis na pakikitungo kay Cristo. Sapagkat kung may dumating at nangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, pinagtitiisan ninyo itong mabuti. Masasabi kong hindi ako páhuhulí sa magagaling na mga apostol na ito. Hindi man ako mahusay sa pananalita, mayroon din naman akong nalalaman. Nilinaw naming mabuti sa inyo ang bagay na ito.

Kasalanan ko ba kung ibinaba ko ang aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos? Ninakawan ko ang ibang mga iglesya, sa pagtanggap ko ng tustos mula sa kanila upang maglingkod sa inyo. Nang (B) kasama pa ninyo ako at ako'y may pangangailangan, hindi ako naging pabigat sa kaninuman, sapagkat ang mga pangangailangan ko ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Iniwasan ko nga na maging pabigat sa inyo sa lahat ng bagay, at patuloy ko itong gagawin. 10 Habang nananatili sa akin ang katotohanan ni Cristo, walang sinuman sa mga nasasakupan ng Acaia na makapipigil sa akin sa pagmamalaking ito. 11 At bakit? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo!

12 At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisan ng pagkakataon ang mga naghahangad ng pagkakataong kilalanin bilang kapantay namin tungkol sa mga bagay na ipinagmamalaki nila. 13 Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 At hindi kataka-taka! Sapagkat si Satanas man ay nagpapanggap na isang anghel ng liwanag. 15 Kaya't hindi malayong mangyari na ang kanyang mga lingkod ay magpanggap na mga lingkod ng katwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.

Mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol

16 Inuulit ko, huwag isipin ng sinuman na ako'y hangal, ngunit kung gayon ang iniisip ninyo, tanggapin ninyo ako bilang isang hangal upang makapagmalaki naman ako nang kaunti. 17 Ang pagsasalita ko ngayon sa ganitong pagmamalaking may kapalaluan ay hindi mula sa Panginoon, kundi tulad sa isang hangal. 18 Yamang marami ang nagmamalaki sa mga bagay na ipinagmamalaki ng tao, ako man ay magmamalaki. 19 At tuwang-tuwa pa kayo na nagtitiis sa mga hangal, palibhasa'y marurunong kayo! 20 Sa katunayan, natitiis ninyo kapag inaalipin kayo ng sinuman, o kahit kinakatay na kayo, o pinagsasamantalahan, o pinagyayabangan, o kaya'y sinasampal. 21 Kahiya-hiya, ngunit inaamin kong napakahina namin sa ganito! Ngunit anumang buong tapang na maaaring ipagmalaki ng iba—nagsasalita akong tulad ng hangal—may tapang din akong maipagmamalaki iyon. 22 Mga Hebreo ba sila? Ako man. Mga Israelita ba sila? Ako man. Mula ba sila sa binhi ni Abraham? Ako man. 23 Sila (C) ba'y mga lingkod ni Cristo? Lalo na ako, na mas maraming pagod sa pagtatrabaho, mas maraming ulit na nabilanggo, hindi mabilang kung ilang ulit nang nabugbog, at paulit-ulit na nabingit sa kamatayan. Para na akong baliw sa pagsasalita ng ganito. 24 Limang ulit akong nakatanggap sa mga Judio(D) ng apatnapung hagupit, binawasan ng isa. 25 Tatlong (E) ulit akong hinampas ng mga pamalo, minsan ako'y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nakaranas ng pagkawasak ng barkong sinasakyan, isang araw at isang gabing ako'y nasa gitna ng dagat. 26 Madalas (F) akong naglalakbay. Nasuong ako sa panganib sa mga ilog, panganib sa mga tulisan, panganib sa aking mga kababayan, panganib sa mga Hentil, panganib sa lungsod, panganib sa ilang, panganib sa dagat, panganib sa kamay ng mga huwad na kapatid. 27 Nagtiis ako ng pagod at hirap, at madalas na walang tulog. Naranasan kong magutom at mauhaw, madalas na walang makain, giniginaw at hubad. 28 Bukod sa iba pang mga bagay, araw-araw ko pang pinapasan ang alalahanin para sa mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, di ba't ako'y nanghihina rin? Kapag may nabuwal dahil sa kasalanan, di ba't ako'y nag-iinit sa galit?

30 Kung kailangan kong magmalaki, ipagmamalaki ko ang mga bagay na magpapakita ng aking kahinaan. 31 Ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesus, na siyang karapat-dapat sa papuri magpakailanman, ang nakaaalam na hindi ako nagsisinungaling. 32 Sa (G) Damasco, binantayan ng tagapamahala na nasa ilalim ni Haring Aretas ang lungsod ng mga taga-Damasco upang ako'y dakpin, 33 ngunit ako'y ibinaba sa pamamagitan ng isang tiklis mula sa isang bintana sa pader at ako'y nakatakas sa mga kamay niya.