Add parallel Print Page Options

Napatay si Absalom

18 Pinaggrupo-grupo ni David ang mga tauhan niya sa tig-1,000 at tig-100 at pumili siya ng mga pinuno na mamumuno sa kanila. Pinalakad niya sila sa tatlong grupo. Si Joab ang pinuno ng isang grupo, si Abishai na kapatid ni Joab ang sa isang grupo, at si Itai naman na taga-Gat ang sa isa pang grupo. Sinabi ni Haring David sa kanila, “Ako mismo ang mamumuno sa inyo sa pakikipaglaban.” Pero sinabi ng mga tauhan niya, “Hindi po kayo dapat sumama sa amin. Wala pong halaga sa mga kalaban kung tatakas kami, o kung mapatay ang kalahati sa amin. Mas gusto nilang mapatay kayo kaysa sa 10,000 sa amin. Kaya mabuti pang maiwan na lang kayo rito sa lungsod at magpadala sa amin ng tulong kung kinakailangan.” Sumagot si Haring David, “Gagawin ko kung ano ang mabuti sa tingin ninyo.” Tumayo si Haring David sa gilid ng pintuan ng lungsod habang lumalabas ang lahat ng tauhan niya na nakagrupo sa tig-1,000 at tig-100. Nag-utos si Haring David kina Joab, Abishai at Itai, “Alang-alang sa akin, huwag nʼyong sasaktan ang binatang si Absalom.” Narinig ng lahat ng grupo ang utos na ito ni David sa mga kumander ng mga sundalo niya.

Lumakad na ang mga sundalo ni David para makipaglaban sa mga sundalo ng Israel, at sa kagubatan ng Efraim sila naglaban. Natalo ng mga sundalo ni David ang mga Israelita. Maraming namatay nang araw na iyon – 20,000 tao. Lumaganap ang labanan sa buong kagubatan, at mas maraming namatay sa panganib sa kagubatan kaysa sa mga namatay sa espada.

Sa panahon ng labanan, nasalubong ni Absalom ang mga tauhan ni David, at tumakas siya sakay ng mola[a] niya. At habang nagpapasuot-suot siya sa ilalim ng malalagong sanga ng malaking puno ng ensina, sumabit ang ulo niya sa sanga. Dumiretso ng takbo ang mola at naiwan siyang nakabitin sa puno. 10 Nang makita ito ng isang tauhan ni David, pinuntahan niya si Joab at sinabi, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa puno ng ensina.” 11 Sinabi sa kanya ni Joab, “Ano? Nakita mo siya? Bakit hindi mo siya pinatay? Binigyan sana kita ng gantimpalang sampung pirasong pilak at espesyal na sinturon para sa isang opisyal.” 12 Pero sumagot ang tauhan, “Kahit na bigyan mo pa ako ng 1,000 pirasong pilak, hindi ko papatayin ang anak ng hari. Narinig namin ang iniutos ng hari sa iyo, kay Abishai at kay Itai, na huwag ninyong sasaktan ang binatang si Absalom alang-alang sa kanya. 13 At kahit na suwayin ko pa ang hari sa pamamagitan ng pagpatay kay Absalom, malalaman din ito ng hari, at hindi mo naman ako ipagtatanggol.” 14 Sinabi ni Joab, “Nagsasayang lang ako ng oras sa iyo!” Pagkatapos, kumuha siya ng tatlong sibat at pinuntahan si Absalom na buhay pang nakasabit sa puno ng ensina. Pagkatapos, sinibat niya sa dibdib si Absalom. 15 Pinalibutan pa ng sampung tagadala ng armas ni Joab si Absalom at tinuluyan siyang patayin. 16 Pinatunog ni Joab ang trumpeta para itigil na ang labanan, at upang tumigil na ang mga tauhan niya sa paghabol sa mga sundalo ng Israel. 17 Kinuha nila ang bangkay ni Absalom at inihulog sa malalim na hukay sa kagubatan, at tinabunan ito ng napakaraming malalaking tipak ng bato. Samantala, tumakas pauwi ang lahat ng sundalo ng Israel.

18 Noong buhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng monumento para sa sarili niya sa Lambak ng Hari, dahil wala siyang anak na lalaki na magdadala ng pangalan niya. Tinawag niya itong “Monumento ni Absalom”, at hanggang ngayon, ito pa rin ang tawag dito.

Ipinagluksa ni David ang Pagkamatay ni Absalom

19 Sinabi ng anak ni Zadok na si Ahimaaz, kay Joab, “Payagan mo akong pumunta kay David para ibalita sa kanya na iniligtas siya ng Panginoon sa mga kalaban niya.” 20 Sinabi ni Joab, “Hindi ka magbabalita sa hari sa araw na ito. Pwede sa ibang araw, pero hindi ngayon, dahil namatay ang anak ng hari.” 21 Sinabi ni Joab sa isang tao na galing sa Etiopia,[b] “Puntahan mo si Haring David at sabihin mo ang nakita mo.” Yumukod muna ito kay Joab bago patakbong umalis. 22 Muling sinabi ni Ahimaaz kay Joab, “Kahit ano pa ang mangyari, payagan mo akong sumunod sa taong taga-Etiopia.” Sinabi ni Joab, “Anak, bakit gusto mong gawin ito? Wala ka namang makukuhang gantimpala sa pagbabalita mo.” 23 Sinabi ni Ahimaaz, “Kahit anong mangyari, aalis ako.” Kaya sinabi ni Joab sa kanya, “Sige, umalis ka!” Kaya tumakbo si Ahimaaz at tinahak ang daan papuntang kapatagan ng Jordan, at naunahan pa niya ang taong taga-Etiopia.

24 Habang nakaupo si David sa pagitan ng pintuan ng unang pader at pintuan ng ikalawang pader ng lungsod, umakyat sa pader ang tagapagbantay ng lungsod at tumayo sa bubong ng pintuan. Habang tumitingin-tingin siya roon, may nakita siyang isang taong tumatakbo. 25 Sumigaw siya kay David na may dumarating na tao, nang mga panahong iyon ay nasa ilalim ng bubong ang hari. Sinabi ni David, “Kung mag-isa lang siya, may dala siguro siyang balita.” Habang papalapit nang papalapit ang tao, 26 may nakita pa siyang isang taong tumatakbo rin. Sumigaw siya sa ibaba na may isa pang taong paparating. Sinabi ng hari, “May dala rin siguro siyang balita.” 27 Sinabi ng tagapagbantay, “Para pong si Ahimaaz na anak ni Zadok ang unang paparating.” Sinabi ng hari, “Mabuti siyang tao. Magandang balita siguro ang dala niya.” 28 Pagdating ni Ahimaaz, kinamusta niya ang hari at yumukod siya rito bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon na inyong Dios, Mahal na Hari! Pinagtagumpay niya po kayo laban sa mga taong naghimagsik sa inyo.” 29 Nagtanong ang hari, “Kumusta ang binatang si Absalom? Ayos lang ba siya?” Sumagot si Ahimaaz, “Nang ipinatawag ako ni Joab na lingkod nʼyo, nakita ko pong nagkakagulo ang mga tao pero hindi ko alam kung ano iyon.” 30 Sinabi ng hari, “Diyan ka lang.” Kaya tumayo siya sa tabi. 31 Maya-maya pa, dumating ang taong taga-Etiopia at sinabi, “Mahal na Hari, may maganda po akong balita. Iniligtas po kayo ng Panginoon sa araw na ito sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.” 32 Nagtanong sa kanya ang hari, “Kumusta ang binata kong si Absalom? Hindi ba siya nasaktan?” Sumagot ang tao, “Ang nangyari po sana sa kanya ay mangyari sa lahat ng kalaban nʼyo, Mahal na Hari.”

33 Nanginig si David. Umakyat siya sa kwarto sa itaas ng pintuan ng lungsod at umiyak. Habang umaakyat siya, sinasabi niya, “O Absalom, anak ko, ako na lang sana ang namatay sa halip na ikaw. O Absalom, anak ko, anak ko!”

Footnotes

  1. 18:9 mola: sa Ingles, “mule.” Hayop na parang kabayo.
  2. 18:21 na galing sa Etiopia: sa Hebreo, na galing sa Cush.
'2 Samuel 18 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Nagtagumpay si David laban kay Absalom.

18 At binilang ni David ang bayan na kasama niya, at naglagay ng mga puno ng mga libolibo, at puno ng mga daandaan sa kanila.

At pinayaon ni David ang bayan, ang isang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Joab, (A)at ang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Abisai na anak ni Sarvia, na kapatid ni Joab, at ang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Ittai na Getheo. At sinabi ng hari sa bayan, (B)Walang pagsalang ako'y lalabas na kasama ninyo.

Nguni't sinabi (C)ng bayan, Huwag kang lalabas: sapagka't kung kami man ay tumakas, ay hindi nila kami aalumanahin, o kung ang kalahati man namin ay mamatay, ay hindi nila kami aalumanahin: nguni't ikaw ay may halagang sangpung libo sa amin: kaya't ngayo'y lalong maigi na ikaw ay maghanda na iyong saklolohan kami mula sa bayan.

At sinabi ng hari sa kanila, Kung ano ang inaakala ninyong mabuti ay aking gagawin. At ang hari ay tumayo sa tabi ng pintuang-bayan, at ang buong bayan ay lumabas na daan daan at libolibo.

At ang hari ay nagutos kay Joab at kay Abisai, at kay Ittai, na nagsasabi, Inyong gamitan ng kaawaan, alangalang sa akin, ang binata, sa makatuwid baga'y si Absalom. At narinig ng buong bayan nang ipagbilin ng hari sa lahat ng punong kawal ang tungkol kay Absalom.

Sa gayo'y lumabas ang bayan sa parang laban sa Israel; at ang pagbabaka ay nasa (D)gubat ng Ephraim.

At ang bayan ng Israel ay nasaktan doon sa harap ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na yaon, na may dalawang pung libong lalake.

Sapagka't doon ang pagbabaka ay nakalat sa ibabaw ng buong lupain: at ang gubat ay lumamon ng higit na bayan sa araw na yaon kay sa nilamon ng tabak.

At nakasagupa ni Absalom ang mga lingkod ni David. At si Absalom ay nakasakay sa kaniyang mula, at ang mula ay nagdaan sa ilalim ng mayabong na mga sanga ng isang malaking ensina, at ang kaniyang ulo ay nasabit sa ensina, at siya'y nabitin; at ang mula na nasa ilalim niya ay nagpatuloy.

10 At nakita siya ng isang lalake at isinaysay kay Joab, at sinabi, Narito, aking nakita si Absalom na nakabitin sa isang ensina.

11 At sinabi ni Joab sa lalaking nagsaysay sa kaniya, At, narito, iyong nakita, at bakit hindi mo sinaktan doon sa lupa? at nabigyan sana kita ng sangpung putol na pilak, at isang (E)pamigkis.

12 At sinabi ng lalake kay Joab, Bagaman ako'y tatanggap ng isang libong putol na pilak sa aking kamay, gayon ma'y hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa anak ng hari: (F)sapagka't sa aming pakinig ay ibinilin ng hari sa iyo, at kay Abisai, at kay Ittai, na sinabi, Ingatan ninyo na huwag galawin ninoman ang binatang si Absalom.

13 Sa ibang paraan, kung ako'y gumawa ng paglililo laban sa kaniyang buhay (at walang bagay na makukubli sa hari,) ikaw man sa iyong sarili ay mananayong laban sa akin.

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab, Hindi ako makatitigil ng ganito sa iyo. At siya'y kumuha ng tatlong pana sa kaniyang kamay at pinalagpas sa puso ni Absalom, samantalang siya'y buhay pa sa gitna ng ensina.

15 At sangpung bataan na tagadala ng sandata ni Joab ay kumubkob at sinaktan si Absalom, at pinatay siya.

16 At hinipan ni Joab ang pakakak, at ang bayan ay bumalik na mula sa paghabol sa Israel: sapagka't pinigil ni Joab ang bayan.

17 At kanilang kinuha si Absalom at inihagis nila siya sa malaking hukay sa gubat, at (G)tinabunan siya ng isang malaking bunton ng bato: at ang buong Israel ay (H)tumakas bawa't isa sa kaniyang tolda.

18 Si Absalom nga sa kaniyang kabuhayan ay nagpasiya at nagtayo sa ganang kaniya ng (I)haligi, na pinaka alaala, na nasa (J)libis ng hari: sapagka't kaniyang sinasabi, (K)Wala akong anak na magiingat ng alaala ng aking pangalan: at kaniyang tinawag ang haligi ng ayon sa kaniyang sariling pangalan: at tinawag na monumento ni Absalom, hanggang sa araw na ito.

Nagpadala ng sugo kay David.

19 Nang magkagayo'y sinabi ni (L)Ahimaas na anak ni Sadoc, Patakbuhin mo ako ngayon, at magdala ng balita sa hari, kung paanong iginanti siya ng Panginoon sa kaniyang kaaway.

20 At sinabi ni Joab sa kaniya, Hindi ka magiging tagapagdala ng balita sa araw na ito: kundi magdadala ka ng balita sa ibang araw: nguni't sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagka't ang anak ng hari ay namatay.

21 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, Yumaon ka na saysayin mo sa hari kung ano ang iyong nakita. At ang Cusita ay yumukod kay Joab, at tumakbo.

22 Nang magkagayo'y nagsabi pa uli si Ahimaas na anak ni Sadoc kay Joab, Nguni't sa anomang kahinatnan, isinasamo ko sa iyo, na ako naman ay iyong patakbuhin na kasunod ng Cusita. At sinabi ni Joab, Bakit tatakbo ka, anak ko, dangang wala kang mapapala ng dahil sa balita?

23 Nguni't sa anomang kahinatnan, ako'y tatakbo. At sinabi niya sa kaniya, Tumakbo ka. Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaas sa daan (M)ng kapatagan, at inunahan ang Cusita.

24 Si David nga ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-bayan: (N)at ang bantay ay sumampa sa ibabaw ng pintuang-bayan, sa kuta, at itinanaw ang kaniyang mga mata, at tumingin, at narito, isang lalake ay tumatakbong nagiisa.

25 At sumigaw ang bantay, at isinaysay sa hari. At sinabi ng hari, Kung siya'y nagiisa, may balita sa kaniyang bibig. At siya'y nagpatuloy at lumapit.

26 At ang bantay ay nakakita ng ibang lalake na tumatakbo at tinawag ng bantay ang tanod-pinto, at sinabi, Narito, may ibang lalake na tumatakbong nagiisa. At sinabi ng hari, Siya'y may dala ring balita.

27 At sinabi ng bantay, Inaakala ko na ang takbo ng una ay (O)gaya ng takbo ni Ahimaas na anak ni Sadoc. At sinabi ng hari, Siya'y mabuting (P)lalake at napariritong may mabuting balita.

Ang kamatayan ni Absalom ay sinaysay kay David.

28 At tumawag si Ahimaas at nagsabi sa hari, Lahat ay mabuti. At siya'y nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari, at nagsabi, Purihin ang Panginoon mong Dios, na (Q)nagbigay ng mga lalaking nagsipagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoon na hari.

29 At sinabi ng hari, Ligtas ba ang binatang si Absalom? At sumagot si Ahimaas. Nang suguin ni Joab, ang lingkod ng hari, sa makatuwid baga'y ako na iyong lingkod, ako'y nakakita ng isang malaking pagkakagulo, nguni't hindi ko nalalaman kung ano.

30 At sinabi ng hari, Pumihit ka, at tumayo ka rito. At siya'y pumihit at tumayo.

31 At, narito, ang Cusita ay dumating; at sinabi ng Cusita, Balita sa aking panginoon na hari: sapagka't iginanti ka ng Panginoon sa araw na ito doon sa lahat na nagsibangon laban sa iyo.

32 At sinabi ng hari sa Cusita, Ligtas ba ang binatang si Absalom? At sumagot ang Cusita, Ang mga (R)kaaway ng aking panginoon na hari, at yaong lahat na nagsibangon laban sa iyo upang gawan ka ng masama ay maging gaya nawa ng binatang yaon.

33 At ang hari ay nagulumihanan, at sumampa sa silid na nasa ibabaw ng pintuang bayan, at umiyak: at habang siya'y yumayaon, ganito ang sinasabi niya, (S)Oh anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Mano nawa'y ako ang namatay na kahalili mo, Oh Absalom, anak ko, anak ko!