Add parallel Print Page Options

Pagbati

Mula kay Simon[a] Pedro, lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.

Para sa mga tulad naming tumanggap ng mahalagang pananampalataya sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo: Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.

Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos

Ipinagkaloob niya sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na kailangan natin sa buhay at sa pamumuhay nang tapat sa kanya. Ito'y sa pamamagitan ng ating pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin ayon sa kanyang karangalan at kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng mga ito'y ibinigay niya sa atin ang kanyang mga mahahalaga at dakilang pangako upang kayo'y maging kabahagi sa kanyang kalikasan bilang Diyos, yamang nakaiwas na kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa. At dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa kabutihan ang kaalaman; sa kaalaman ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili ang katatagan; sa katatagan ang banal na pamumuhay; sa banal na pamumuhay ang pagmamahalan bilang magkakapatid; at sa pagmamahalan bilang magkakapatid ang pag-ibig. Sapagkat kung taglay ninyo at pinagyayaman ang mga katangiang ito, tutulungan kayo ng mga ito na hindi maging inutil at hindi mawawalan ng silbi sa inyong pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Sinumang wala ng mga katangiang ito ay sa malapitan lamang nakakakita at mistulang bulag. Nakalimutan niyang nilinis na siya sa kanyang naunang mga kasalanan. 10 Kaya nga, mga kapatid, lalo ninyong pagsikapan na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo. Kung gawin ninyo ang mga ito, hindi kayo madarapa. 11 Sa ganitong paraan, buong luwalhati kayong papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

12 Kaya nga lagi ko kayong pinaaalalahanan tungkol sa mga ito, kahit alam na ninyo ang tungkol dito at matatag na kayo sa mga katotohanang tinanggap ninyo. 13 Katunaya'y iniisip kong lagi kayong paalalahanan hangga't nabubuhay ako. 14 At alam kong hindi na magtatagal at paaalisin na ako sa katawang ito, gaya ng sinabi sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't ginagawa ko ang lahat upang matiyak ko na kahit nasa kabilang buhay na ako ay maalala pa ninyo ang mga bagay na ito.

Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo

16 Nang ipaalam namin sa inyo ang tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, hindi kami gumawa ng mga alamat na katha lamang ng tao. Kami mismo ay saksi sa kanyang kadakilaan. 17 Sapagkat (A) tinanggap niya mula sa Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.” 18 At kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na mula sa langit sapagkat kasama niya kami sa banal na bundok. 19 Ang mga ito ang lalong nagpatibay ng aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta, at makabubuti kung ito'y pag-uukulan ninyo ng pansin, sapagkat ito'y tulad ng isang ilawang tumatanglaw sa dakong madilim hanggang dumating ang bukang-liwayway at sumilang ang tala sa umaga sa inyong mga kalooban. 20 Higit sa lahat, dapat ninyong malaman na walang propesiya ng Kasulatan na nahayag dahil sa pansariling pagpapakahulugan ng sinuman. 21 Sapagkat walang propesiyang dumating kailanman na nagbuhat sa kalooban ng tao; sa halip, nagsalita ang mga tao ng mga bagay na galing sa Diyos nang sila'y magpahayag sa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Footnotes

  1. 2 Pedro 1:1 Sa ibang manuskrito Simeon.