Add parallel Print Page Options

Ang Paghahari ni Manases sa Juda(A)

21 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Hefziba. Hindi(B) rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. Itinayo niyang muli ang mga dambana sa mga burol na ipinagiba ng ama niyang si Ezequias. Ipinagpagawa pa niya ng altar si Baal at ng rebulto si Ashera tulad ng ginawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba rin si Manases sa mga bituin sa langit. Nagpagawa(C) pa siya ng maraming altar sa Templo sa Jerusalem, ang lugar na pinili ni Yahweh na kung saan siya'y dapat sambahin. Sa dalawang bulwagan sa Templo, nagpagawa siya ng tig-isang altar para sa pagsamba sa mga bituin. Sinunog rin niya ang anak niyang lalaki bilang handog. Sumangguni siya sa iba't ibang espiritu, sa mga salamangkero, sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na at sa mga manghuhula. Napakalaki ng kasamaang ginawa niya laban kay Yahweh kaya ito'y nagalit sa kanya. Ang(D) ipinagawa niyang rebulto ni Ashera ay ipinasok niya sa Templong tinutukoy ni Yahweh nang sabihin nito kina David at Solomon: “Sa Templong ito at sa Jerusalem na aking pinili mula sa labindalawang lipi ng Israel, ang lugar na ito ay pinili ko upang ako'y sambahin magpakailanman. Pananatilihin ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno kung susundin nila ang mga utos na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng aking lingkod na si Moises.” Ngunit hindi sila nakinig, sa halip ay sumunod sila kay Manases sa paggawa ng mga bagay na higit na masama sa ginawa ng mga bansang ipinataboy sa kanila ni Yahweh.

10 Sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ni Yahweh ay sinabi niya, 11 “Dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Manases na hari ng Juda, na higit pa sa kasamaan ng mga Amoreo, at dahil sa pangunguna niya sa Juda upang sumamba sa mga diyus-diyosan, 12 paparusahan ko nang matindi ang Juda at ang Jerusalem. Mababalitaan ito ng mga iba at sila'y kikilabutan. 13 Paparusahan ko ang Jerusalem tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa sambahayan ni Ahab. Aalisin ko ang mga tao sa Jerusalem tulad ng paglilinis sa pinggan. Pupunasan ko ito at pagkatapos ay itataob. 14 Itatakwil ko ang matitirang buháy sa kanila at ipapasakop sa kanilang mga kaaway. 15 Gagawin ko ito dahil sa kanilang kasamaan mula pa nang iligtas ko ang kanilang mga ninuno sa kamay ng mga Egipcio.”

16 Bukod sa pangunguna sa Juda sa paggawa ng mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh, napakarami pang taong walang sala ang ipinapatay ni Manases at halos napuno ng dugo ang mga lansangan sa Jerusalem.

17 Ang iba pang ginawa ni Manases, pati ang kanyang kasamaan, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 18 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, ang hardin ni Uza. Ang anak niyang si Ammon ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ammon sa Juda(E)

19 Dalawampu't dalawang taóng gulang si Ammon nang maging hari ng Juda at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na anak ni Haruz, isang taga-Jotba. 20 Katulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin ni Ammon ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 21 Tulad ng kanyang ama, naglingkod at sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan, 22 tinalikuran niya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at sinuway ang mga utos nito.

23 Ang mga tauhan niya mismo ang nagkaisang pumaslang sa kanya sa loob ng palasyo. 24 Ngunit ang mga ito ay pinatay naman ng mga taong-bayan. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon.

25 Ang iba pang ginawa ni Ammon ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 26 Inilibing si Ammon sa halamanan ni Uza at ang anak niyang si Josias ang humalili sa kanya bilang hari.

'2 Mga Hari 21 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Si Manases at ang kaniyang kasamaan.

21 Si Manases ay (A)may labing dalawang taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limangpu't limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Hepsi-ba.

At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

Sapagka't kaniyang itinayo uli (B)ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama; at kaniyang ipinagtayo ng mga dambana si Baal, at gumawa ng Asera, gaya ng ginawa ni (C)Achab na hari sa Israel, at (D)sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa kanila.

At siya'y (E)nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, (F)Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan.

At kaniyang ipinagtayo ng mga dambana ang lahat na natatanaw sa langit sa (G)dalawang looban ng bahay ng Panginoon.

(H)At kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, at (I)nagpamahiin, at (J)nagsanay ng panghuhula, at (K)nakipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit.

At siya'y naglagay ng larawang inanyuan na Asera, na kaniyang ginawa, sa bahay na pinagsabihan ng Panginoon kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, (L)Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat na lipi ng Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man.

(M)At hindi ko na pagagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang, kung kanila lamang tutuparing gawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises.

Nguni't hindi nila dininig: at hinikayat sila ni Manases na gumawa ng lalong masama kay sa ginawa ng mga bansa, na pinaglipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

10 At ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta, na nagsasabi,

11 (N)Sapagka't ginawa ni Manases na hari sa Juda ang mga karumaldumal na ito, (O)at gumawa ng kasamaan na higit kay sa lahat na ginawa ng mga Amorrheo, na una sa kaniya, at ipinapagkasala sa Juda naman sa pamamagitan ng kaniyang mga diosdiosan:

12 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, aking dadalhin ang ganiyang kasamaan sa Jerusalem at sa Juda, na sinomang makabalita ay (P)magpapanting ang dalawang tainga.

13 At aking paaabutin sa Jerusalem ang (Q)pising panukat ng Samaria, at ang pabato ng bahay ni Achab: at aking lilinisin ang Jerusalem gaya ng paglilinis ng isang tao ng isang pinggan, na nililinis at itinataob.

14 At aking ihihiwalay ang nalabi sa aking mana, at aking ibibigay sa kamay ng kanilang mga kaaway: at sila'y magiging bihag at samsam sa lahat nilang kaaway.

15 Sapagka't gumawa sila ng masama sa aking paningin at minungkahi nila ako sa galit, mula nang araw na ang kanilang mga magulang ay magsilabas sa Egipto, hanggang nga sa araw na ito.

16 (R)Bukod dito'y nagbubong mainam si Manases ng dugong walang sala, hanggang sa kaniyang napuno ang Jerusalem mula sa isang dulo hanggang sa kabila; bukod sa kaniyang sala na kaniyang ipinapagkasala sa Juda, sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon.

17 (S)Ang iba nga sa mga gawa ni Manases, at ang lahat niyang ginawa, at ang sala na kaniyang ipinagkasala, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

18 At si Manases ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa halamanan ng kaniyang sariling bahay, sa halamanan ng (T)Uzza: at si Amon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

Ang paghahari ni Amon sa Juda.

19 (U)Si Amon ay may dalawang pu't dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Mesalemeth na anak ni Harus na taga Jotba.

20 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon gaya ng ginawa ni Manases na kaniyang ama.

21 At siya'y lumakad ng buong lakad na inilakad ng kaniyang ama, at naglingkod sa mga diosdiosan na pinaglingkuran ng kaniyang ama, at sinamba niya ang mga yaon:

22 At binayaan ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang, at hindi lumakad sa daan ng Panginoon.

23 At ang mga lingkod ni Amon ay nagsipagbanta laban sa kaniya, at pinatay ang hari sa kaniyang sariling bahay.

24 Nguni't pinatay ng bayan ng lupain ang lahat na nagsipagbanta laban sa haring Amon; at ginawang hari ng bayan ng lupain si Josias na kaniyang anak na kahalili niya.

25 Ang iba nga sa mga gawa ni Amon na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

26 At siya'y nalibing sa kaniyang libingan sa (V)halamanan ng Uzza; at si Josias na kaniyang anak ay (W)naghari na kahalili niya.