Add parallel Print Page Options

Mamuhay sa Pananampalataya

16 Kaya't hindi kami pinanghihinaan ng loob; bagaman ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, binibigyan naman ng panibagong lakas sa araw-araw ang aming panloob na pagkatao. 17 Sapagkat itong magaan at pansamantalang paghihirap ang naghahanda sa atin para sa walang hanggang kaluwalhatian na hindi maihahambing sa anuman. 18 Sapagkat hindi namin pinagmamasdan ang mga bagay na nakikita, kundi ang mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala lamang, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.

Sapagkat alam namin na kung mawasak ang ating tirahang tolda sa lupa, mayroon tayong gusali mula sa Diyos, isang bahay na hindi gawa ng kamay ng tao, walang hanggan sa sangkalangitan. Sa ngayon tayo ay dumaraing, nasasabik na mabihisan ng ating panlangit na tahanan, sapagkat kapag tayo ay nabihisan na,[a] hindi tayo madadatnang hubad. Sapagkat habang tayo ay nasa toldang ito, tayo ay dumaraing dahil sa pasanin, hindi sa nais naming matagpuang hubad, kundi ang mabihisan, upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay. Ang naghanda sa atin para sa layuning ito ay Diyos, na nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katibayan.

Kaya't kami'y laging may lakas ng loob, kahit nalalaman namin na habang kami ay naninirahan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon. Sapagkat lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng aming nakikita. Kaya't malakas ang aming loob, at mas nanaisin pa naming mapalayo sa katawan at mapunta sa tahanan sa piling ng Panginoon. Kaya't pinakamimithi namin na bigyan siya ng kasiyahan, kami man ay nasa tahanan o malayo sa tahanan. 10 Sapagkat (A) tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo, upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya habang nasa katawan, mabuti man o masama.

Footnotes

  1. 2 Corinto 5:3 Sa ibang manuskrito mahubaran.