Add parallel Print Page Options

Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapangasiwa ng Iglesya

Mapagkakatiwalaan ang salitang ito: “Ang nagnanais maging tagapangasiwa[a] ay naghahangad ng marangal na gawain.” Kaya nga, dapat walang maipipintas sa isang tagapangasiwa, asawa ng iisang babae, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, may magandang loob sa panauhin, at may kakayahang magturo. Hindi siya dapat naglalasing, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi. Dapat ay mahusay siyang mamahala sa kanyang sariling sambahayan, tinitiyak niyang sinusunod at iginagalang siya ng kanyang mga anak. Kung hindi siya marunong mamahala sa kanyang sariling sambahayan, paano niya mapapangasiwaan nang maayos ang iglesya ng Diyos? Dapat ay hindi siya baguhang mananampalataya; sapagkat baka siya'y yumabang at mapahamak gaya ng sinapit ng diyablo. Kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi mananampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.

Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapaglingkod ng Iglesya

Ang mga tagapaglingkod[b] naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat sa kanyang salita, hindi naglalasing at hindi sakim sa salapi. Kailangang matibay ang kanilang paninindigan sa pananampalataya nang may malinis na budhi.

Read full chapter

Footnotes

  1. 1 Timoteo 3:1 o obispo, nangangahulugang “tagapangasiwa ng iglesya”.
  2. 1 Timoteo 3:8 Sa Griyego, “diakono” nangangahulugang, “tagapaglingkod” o “tagasilbi ng iglesya”.