1 Samuel 6
Magandang Balita Biblia
Ibinalik ang Kaban ng Tipan
6 Makalipas ang pitong buwan mula nang dalhin sa lupain ng mga Filisteo ang Kaban ni Yahweh, 2 sumangguni ang mga ito sa kanilang mga pari at mga salamangkero. Itinanong nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Tipan at kung ano ang kailangang isama sa pagsasauli niyon.
3 Ang sagot ng mga pari at mga salamangkero, “Kung ibabalik ninyo ang Kaban ng Diyos ng Israel, samahan ninyo ng handog na pambayad sa kasalanan. Sa ganitong paraan, patatawarin kayo ng Diyos at hindi na paparusahan.”
4 Itinanong nila, “Anong handog na pambayad sa kasalanan ang kailangan?”
Sumagot sila, “Sampung pirasong ginto—limang hugis bukol at limang hugis daga—isa para sa bawat haring Filisteo, sapagkat pare-pareho ang bukol na ipinadala sa inyo, hari man o hindi. 5 Ang mga bukol at dagang ginto ay gawin nga ninyong kamukha ng mga bukol at dagang nagpahirap sa inyo. Parangalan ninyo ang Diyos ng Israel at baka sakaling tigilan na niya ang pagpaparusa sa inyo, sa inyong mga diyos at sa buong bayan. 6 Huwag na ninyong gayahin ang pagmamatigas ng Faraon at ng mga Egipcio. Hindi ba't pinayagan na rin nilang umalis ang mga Israelita nang sila'y pahirapan ng Diyos ng Israel? 7 Kaya't maghanda kayo ng isang bagong kariton, at dalawang gatasang baka na may bisiro at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ikulong ninyo ang mga guya, at ipahila ang kariton sa dalawang baka. 8 Isakay ninyo sa kariton ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at itabi ninyo rito ang kahon ng mga bukol at dagang ginto. Pagkatapos, palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay. 9 Tingnan ninyo kung saan pupunta. Kapag dumiretso sa Beth-semes, si Yahweh nga ang nagparusa sa inyo. Kapag hindi nagtuloy sa Beth-semes, hindi siya ang may kagagawan ng nangyari sa atin, kundi nagkataon lamang.”
10 Kumuha nga sila ng dalawang babaing baka na may guya, ipinahila sa mga ito ang kariton, at ikinulong ang mga guya nito. 11 Isinakay nila sa kariton ang Kaban ng Tipan at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. 12 Lumakad ang mga baka tuluy-tuloy sa Beth-semes, umuunga pa ang mga ito habang daan. Ang mga ito'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa. Ang mga pinunong Filisteo naman ay sumunod hanggang sa hangganan ng Beth-semes.
13 Nag-aani noon ng trigo ang mga taga-Beth-semes at napasigaw sila sa tuwa nang makita ang Kaban. 14 Ang kariton ay itinigil sa tabi ng isang malaking bato sa bukid ni Josue na taga-Beth-semes. Nilansag ng mga tagaroon ang kariton at sinindihan. Pagkatapos, pinatay nila ang dalawang baka at inialay bilang handog kay Yahweh. 15 Kinuha ng mga Levita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. Ipinatong nila ito sa malaking batong naroon. Nang araw ring iyon, ang mga taga-Beth-semes ay naghandog kay Yahweh. 16 Nang makita ng limang haring Filisteo ang nangyari, nagbalik na ang mga ito sa Ekron.
17 Ito ang mga bayang pinag-ukulan ng mga gintong bukol na inihandog ng mga Filisteo kay Yahweh bilang handog na pambayad sa kasalanan: Asdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron. 18 Ang limang dagang ginto naman ay para rin sa limang bayang ito at sa mga lupaing sakop ng limang haring Filisteo. At hanggang ngayon, naroroon pa sa bukid ni Josue sa Beth-semes ang malaking batong pinagpatungan ng Kaban ng Tipan ni Yahweh bilang saksi sa lahat ng nangyari.
19 May pitumpung[a] taga-Beth-semes na nangahas na sumilip sa Kaban ng Tipan, kaya't sila'y pinatay ni Yahweh. Nagluksa ang mga taga-Beth-semes nang makita nila ang malagim na kamatayan ng kanilang mga kababayan.
Dinala ang Kaban sa Lunsod ng Jearim
20 Sinabi ng mga taga-Beth-semes, “Sino ang makakaharap kay Yahweh, sa banal na Diyos? Saan kaya mabuting ipadala ang kanyang Kaban para mapalayo sa atin?” 21 Nagpadala sila ng mga sugo sa Lunsod ng Jearim. Ipinasabi nilang kunin doon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh sapagkat ibinalik na ito ng mga Filisteo.
Footnotes
- 1 Samuel 6:19 pitumpung: Sa ibang manuskrito'y 50,070 .
1 Samuel 7
Magandang Balita Biblia
7 Kinuha(A) ng mga taga-Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at dinala sa bahay ni Abinadab na nasa isang burol. At si Eleazar na anak ni Abinadab ang inatasan nilang tagapag-ingat ng Kaban.
Ang Pamamahala ni Samuel sa Israel
2 Pagkalipas ng dalawampung taon mula nang dalhin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban, nalungkot ang buong Israel at humingi ng tulong kay Yahweh.
3 Sinabi sa kanila ni Samuel, “Kung talagang buong pusong nanunumbalik na kayo kay Yahweh, alisin ninyong lahat ang mga diyus-diyosan at ang imahen ni Astarte. Italaga ninyo kay Yahweh ang inyong sarili at siya lamang ang inyong paglingkuran. Kapag ginawa ninyo ito, ililigtas niya kayo sa kapangyarihan ng mga Filisteo.” 4 Kaya, itinapon ng mga Israelita ang kanilang mga imahen nina Baal at Astarte, at si Yahweh na lamang ang kanilang sinamba.
5 Sinabi pa ni Samuel, “Tipunin ninyo sa Mizpa ang buong Israel at doo'y ipapanalangin ko kayo kay Yahweh.”
6 Nang matipon sila sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harapan ni Yahweh bilang handog. Maghapon silang nag-ayuno at nanangis ng ganito: “Nagkasala kami kay Yahweh.” Doon sa Mizpa ay nanungkulan si Samuel bilang hukom sa sambayanang Israel.
7 Nabalitaan ng mga Filisteo ang pagkakatipon ng mga Israelita, kaya't humanda sila upang digmain ang Israel. Natakot ang mga Israelita nang mabalitaan nilang sasalakayin sila ng mga Filisteo. 8 Sinabi nila kay Samuel, “Huwag kang titigil sa pagtawag kay Yahweh upang iligtas kami sa mga Filisteo.” 9 Nagpatay(B) si Samuel ng isang pasusuhing tupa at sinunog niya ito nang buo bilang handog kay Yahweh. Nanalangin siya na tulungan ang Israel, at dininig naman ni Yahweh ang kanyang panalangin. 10 Samantalang naghahandog si Samuel, palapit naman nang palapit ang mga Filisteo. Ngunit ginulo sila ni Yahweh sa pamamagitan ng malalakas na kulog at nagapi sila ng mga Israelita. 11 Mula sa Mizpa, hinabol ng mga Israelita ang mga Filisteo hanggang sa Beth-car, at pinapatay nila ang bawat mahuling kalaban.
12 Pagkatapos, naglagay si Samuel ng isang malaking bato sa pagitan ng Mizpa at ng Sen bilang alaala. Tinawag niya itong Ebenezer na ang ibig sabihi'y, “Tinulungan kami ni Yahweh hanggang dito.” 13 Natalo nila ang mga Filisteo at hindi na nangahas pang magbalik ang mga ito sa lupaing sakop ng Israel. 14 Nabawi ng Israel ang mga lunsod at lahat nilang lupain na nasakop ng mga Filisteo, mula sa Ekron hanggang sa Gat. Nakipagkasundo rin sa mga Israelita ang mga Amoreo.
15 Habang buhay na nanungkulan si Samuel bilang hukom sa Israel. 16 Taun-taon, nagpapalipat-lipat siya sa Bethel, Gilgal at Mizpa upang lutasin ang mga usapin ng mga Israelita. 17 Pagkatapos, umuuwi siya sa Rama at doon ipinagpapatuloy ang kanyang pamamahala bilang hukom. At doo'y nagtayo siya ng altar para kay Yahweh.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
