1 Timoteo 4
Ang Dating Biblia (1905)
4 Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio,
2 Sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsisipagsalita ng mga kasinungalingan, na hinerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga;
3 Na ipinagbabawal ang pagaasawa, at ipinaguutos na lumayo sa mga lamangkati, na nilalang ng Dios upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nagsisisampalataya at nangakakaalam ng katotohanan.
4 Sapagka't ang bawa't nilalang ng Dios ay mabuti, at walang anomang nararapat na itakuwil, kung tinatanggap na may pagpapasalamat:
5 Sapagka't pinakababanal sa pamamagitan ng salita ng Dios at ng pananalangin.
6 Kung ipaalaala mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting ministro ni Cristo Jesus, na kinandili sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na sinusunod mo hanggang ngayon:
7 Datapuwa't itakuwil mo ang mga kathang masasama at walang kabuluhan. At magsanay ka sa kabanalan:
8 Sapagka't sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni't ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating.
9 Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat.
10 Sapagka't dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka't may pagasa kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya.
11 Ang mga bagay na ito'y iyong iutos at ituro.
12 Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.
13 Hanggang ako'y pumariyan ay magsikap ka sa pagbasa, sa pangangaral, sa pagtuturo.
14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng mga presbitero.
15 Magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito; upang ang iyong pagkasulong ay mahayag sa lahat.
16 Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka't sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.
1 Timoteo 4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Huwad at Sinungaling na Guro
4 Malinaw ang sinasabi ng Banal na Espiritu na sa mga huling araw tatalikod ang iba sa pananampalataya nila sa Dios. Susunod sila sa mga mapanlinlang na mga espiritu at itinuturo ng mga demonyo. 2 Ang mga aral na itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya, sinungaling at walang konsensya. 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, kahit na ginawa ng Dios ang mga pagkaing ito para tanggapin nang may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaalam sa katotohanan. 4 Lahat ng nilikha ng Dios ay mabuti, at dapat walang ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat, 5 dahil nilinis ito ng salita ng Dios at ng panalangin.
Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus
6 Magiging mabuti kang lingkod ni Cristo Jesus kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito. At sa pagtuturo mo sa kanila, lalago ka rin sa pamamagitan ng mga katotohanan ng pananampalataya natin at sa tunay na aral na sinusunod mo. 7 Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat na sabi-sabi lang ng matatanda. Sa halip, sanayin mo sa kabanalan ang sarili mo. 8 Sapagkat kung may mabuting naidudulot ang pagsasanay natin sa katawan, may mas mabuting maidudulot ang pagsasanay sa kabanalan sa lahat ng bagay, hindi lang sa buhay na ito kundi maging sa buhay na darating. 9 Totoo ang kasabihang ito, at dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat. 10 At ito ang dahilan kung bakit nagsisikap at nagtitiyaga tayo sa pagtuturo sa mga tao, dahil umaasa tayo sa Dios na buhay na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga mananampalataya. 11 Ituro at ipatupad mo ang mga bagay na ito.
12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga mananampalataya sa iyong pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, gamitin mo ang panahon mo sa pagbabasa ng Kasulatan sa mga tao, sa pangangaral at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob sa iyo ng Banal na Espiritu ayon sa inihayag ng mga namumuno sa iglesya nang ipatong nila ang kamay nila sa iyo. 15 Gawin mo ang mga tungkuling ito at lubos mong italaga ang sarili mo sa mga ito para makita ng lahat ang paglago mo. 16 Maging maingat ka sa pamumuhay at pagtuturo mo. Patuloy mong gawin ang mga bagay na ito para maligtas ka at ang mga nakikinig sa iyo.
1 Timoteo 4
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Babala tungkol sa Pagtalikod
4 Maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay iiwan ng iba ang pananampalataya at susunod sa mga mapanlinlang na espiritu at mga turo ng mga demonyo. 2 Ang mga katuruang ito ay pinalalaganap ng mga taong mapagkunwari, sinungaling at may manhid na budhi. 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa, gayundin ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang tanggaping may pasasalamat ng mga sumasampalataya at nakauunawa ng katotohanan. 4 Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat tanggihan, sa halip ay dapat tanggapin na may pasasalamat, 5 dahil ito ay nagiging malinis sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin.
Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus
6 Kung ituturo mo nang malinaw ang mga ito sa mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting tagapaglingkod ni Cristo Jesus, isang tagapaglingkod na patuloy na sinasanay sa katuruan ng pananampalataya at mabuting aral na iyong sinusunod. 7 Huwag mong bigyang pansin ang mga walang kabuluhang alamat at mga sabi-sabi, sa halip, magsanay ka sa banal na pamumuhay. 8 Mahalaga ang pagpapalakas ng katawan, ngunit higit ang pakinabang sa banal na pamumuhay. Mapapakinabangan ito sa lahat ng bagay sapagkat may pangako ito hindi lamang sa buhay ngayon, kundi maging sa panahong darating. 9 Mapagkakatiwalaan ang salitang ito at nararapat tanggapin ng lahat. 10 Dahil dito, tayo'y nagsisikap at nagpupunyagi, at umaasa sa buháy na Diyos, ang tagapagligtas ng lahat, lalo na ng mga sumasampalataya.
11 Iutos mo at ituro mo ang mga bagay na ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka ng lahat ng mga mananampalataya sa iyong salita, ugali, pag-ibig, pananampalataya at dalisay na pamumuhay. 13 Habang hindi pa ako dumarating, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa madla, sa pangangaral[a] at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob ng Espiritu na nasa iyo, na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang mga kamay. 15 Pag-ukulan mo ng panahon ang pagsasagawa ng mga ito upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Bantayan mong mabuti ang iyong pamumuhay at pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga ito sapagkat sa paggawa mo nito, ililigtas mo ang iyong sarili gayundin ang mga nakikinig sa iyo.
Footnotes
- 1 Timoteo 4:13 nangangahulugang “panghihikayat ng mga tao upang siya ay lumakas ang loob”.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
