1 Tesalonica 4:13-5:10
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Pagbabalik ng Panginoon
13 Hindi namin nais, mga kapatid, na kayo'y manatiling walang alam tungkol sa mga namayapa upang huwag kayong maghinagpis tulad ng ibang walang pag-asa. 14 Sumasampalataya tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, kaya naniniwala rin tayong bubuhayin ng Diyos na kasama ni Jesus ang lahat ng namatay na nananalig sa kanya.
15 Ito ang sinasabi namin sa inyo na aral ng Panginoon: tayong mga buháy pa at nananatili sa pagdating ng Panginoon ay hindi mauunang makipagtagpo sa Panginoon kaysa mga namayapa. 16 Kasabay ng malakas na utos at ng tinig ng arkanghel at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, babalik ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Cristo. 17 Pagkatapos nito, tayo na nanatiling buháy ay titipunin sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Pagkatapos noon ay makakapiling na natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya nga palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.
5 Mga kapatid, hindi na namin kayo kailangang sulatan kung kailan mangyayari ang lahat ng ito. 2 Alam ninyo na tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi ang pagdating ng Araw ng Panginoon. 3 Habang sinasabi ng mga taong “Tiwasay at mapayapa ang lahat,” biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Walang makaiiwas sapagkat ang pagdating nito'y gaya ng pagsakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. 4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya hindi na kayo mabibigla sa pagdating ng araw na iyon na darating ngang tulad ng magnanakaw. 5 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi tayo pag-aari ng gabi o ng dilim. 6 Kaya huwag tayong tumulad sa ibang mga natutulog. Sa halip, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa at malinaw ang pag-iisip. 7 Karaniwang natutulog ang tao sa gabi, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit dahil tayo'y nasa panig ng araw, dapat maging malinaw ang ating isip, suot ang pananampalataya at pag-ibig bilang panangga sa dibdib, pati na rin ang helmet ng pag-asa sa kaligtasan. 9 Hindi tayo itinakda ng Diyos sa parusa, kundi upang tumanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang kung buháy man tayo o patay ay mabuhay tayong kasama niya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.