Add parallel Print Page Options

Panimula

Mula (A) kina Pablo, Silas, at Timoteo; para sa iglesya ng mga taga-Tesalonica, na hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa ating Diyos.

Ang Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming dalangin. Sa mga dalangin nami'y ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang gawain ninyo na bunga ng pananampalataya, ang inyong pagsisikap dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiyaga dahil sa inyong matibay na pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Alam namin, mga kapatid na minamahal ng Diyos, na siya ang humirang sa inyo. Sapagkat nang ipinangaral namin sa inyo ang ebanghelyo, hindi ito sa pamamagitan ng salita lamang, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihang mula sa Banal na Espiritu kasama ang lubos naming pananalig sa aming ipinapahayag. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling alang-alang sa inyo. Nang (B) tinanggap ninyo ang aming ipinapangaral, tumulad kayo sa aming halimbawa at sa halimbawa ng Panginoon. Ginawa ninyo ito sa kabila ng matinding paghihirap, ngunit tinaglay pa rin ninyo ang kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. Kaya nga kayo'y naging huwaran ng lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaia. Hindi lamang ang Salita ng Diyos ang lumaganap sa mga lugar na iyon sa pamamagitan ninyo. Pati ang inyong pananampalataya'y nakilala na rin sa lahat ng dako, kaya't kami ay hindi na kailangang magsalita pa ng anuman. Sila na mismo ang nagbalita kung paano ninyo kami tinanggap at kung paano ninyo tinalikdan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos, 10 hintayin ang pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit, si Jesus na kanyang muling binuhay mula sa mga patay, ang ating tagapagligtas mula sa poot na darating.

Ang Gawain ni Pablo sa Tesalonica

Alam ninyong lahat mga kapatid na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam ninyong pinahirapan kami at hinamak sa Filipos, ngunit ang Diyos ang nagbigay ng lakas ng loob sa amin na ipahayag sa inyo ang kanyang ebanghelyo sa kabila ng maraming pagtutol. Ang pangangaral namin sa inyo ay hindi nagmumula sa masamang layunin at hangad na manlinlang o kaya nama'y nais namin kayong dalhin sa kamalian. Dahil minarapat ng Diyos na sa amin ay ipagkatiwala ang ebanghelyo, nangangaral kami hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na nakasisiyasat ng aming puso. Alam ng Diyos at alam din ninyo na hindi kami gumamit ng pakunwaring papuri sa aming pangangaral, o ginamit ang aming pangangaral bilang balatkayo ng anumang sakim na hangarin. Hindi kami naghangad ng papuri ng sinumang tao, kahit mula sa inyo, bagaman bilang mga apostol ni Cristo ay may katwiran kaming humingi ng tulong sa inyo. Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang anak. Dahil sa laki ng aming pananabik sa inyo, buong kagalakang ibinahagi namin sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming buhay, dahil napamahal na kayo sa amin. Tiyak na naaalala pa ninyo, mga kapatid, ang mga pagod at hirap namin; kung paano kami nagsikap araw at gabi upang hindi kami maging pasanin ninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos. 10 Kayo at ang Diyos ang aming saksi kung paano naging dalisay, matuwid, at walang-kapintasan ang aming pakikitungo sa inyong mga mananampalataya. 11 Alam ninyo kung paano kami naging tulad ng isang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas ang inyong loob at hinikayat na mamuhay na karapat-dapat sa Diyos na tumatawag sa inyong makibahagi sa kanyang paghahari at luwalhati.

13 Patuloy din ang aming pagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang ipinangaral namin sa inyo ang salita, tinanggap ninyo ito hindi bilang mula sa tao kundi bilang salita ng Diyos na nagbubunga sa inyong mga sumasampalataya. 14 Tinularan ninyo, mga kapatid, ang halimbawa ng mga iglesya ng Diyos sa Judea na nakay Cristo Jesus. Dumanas din kayo ng hirap mula sa kamay ng sarili ninyong mga kababayan, gaya rin ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Sila ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta; sila rin ang nagpalayas sa amin. Hindi sila kalugud-lugod sa Diyos, gayundin sa lahat ng tao! 16 Pilit silang humahadlang sa aming pangangaral sa mga Hentil upang maligtas ang mga ito. Sukdulan na ang kanilang kasamaan kaya naman bumagsak na sa kanila ang poot ng Diyos.

Ang Pagnanais ni Pablo na Dalawin ang Iglesya

17 Mga kapatid, sa maikling panahon na tayo'y nagkahiwalay—sa katawan ngunit hindi sa damdamin—lalo kaming nasasabik na magkasama tayong muli. 18 Talagang gusto naming bumalik sa inyo—lalung-lalo na ako—ngunit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sino ba ang aming pag-asa, kaligayahan, o koronang maipagmamalaki namin sa harap ng ating Panginoong Jesus sa kanyang pagdating? Hindi ba kayo? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.

Kaya't nang hindi na namin iyon matagalan, nagpasya kaming magpaiwan sa Atenas at isugo sa inyo si Timoteo, isang kapatid at kamanggagawa ng Diyos sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ni Cristo. Sinugo namin siya upang palakasin at pasiglahin kayo sa inyong pananampalataya, upang walang sinuman sa inyo ang manghina dahil sa mga pagsubok na ito. Kayo mismo ang nakababatid na ang pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. Sinabi na namin ito sa inyo noong magkasama pa tayo na tayo'y uusigin, at alam ninyong ganito nga ang nangyayari ngayon. Kaya't nang hindi na ako makatiis, nagpadala na ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala akong baka nalinlang na kayo ng diyablo at mawalan ng saysay ang aming mga paghihirap.

Ngunit ngayo'y nakabalik na dito si Timoteo at dala ang Magandang Balita tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya sa amin na laging maganda ang inyong alaala sa amin at nasasabik na kami'y makitang muli, gaya ng pananabik naming makita kayo. Kaya nga, mga kapatid, sumigla ang aming kalooban sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo. Mabubuhayan kami ng loob kung mananatiling matatag ang inyong paninindigan sa Panginoon. Paano kami makakapagpasalamat nang lubusan sa Diyos sa kaligayahang nararanasan namin sa harap ng Diyos dahil sa inyo? 10 Mataimtim ang dalangin namin araw at gabi na makita namin kayong muli at lalo pa kayong matulungan sa anumang pagkukulang sa inyong pananampalataya.

11 Nawa ang Diyos mismo at ating Ama at ang ating Panginoong Jesus ang maghanda ng daan namin patungo sa inyo. 12 Nawa palaguin at pasaganain ng Diyos ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, gaya ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Nawa'y patatagin niya ang inyong kalooban upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus kasama ang kanyang mga banal.

Ang Buhay na Kinalulugdan ng Diyos

Bilang pangwakas, mga kapatid, hinihiling namin at ipinapayo sa inyo alang-alang sa Panginoong Jesus na lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay, gaya ng natutuhan ninyo sa amin, upang maging kalugud-lugod kayo sa Diyos. Ito naman ang ginagawa ninyo. Natatandaan ninyo kung ano ang mga tagubiling ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at kayo'y umiwas sa lahat ng uri ng pakikiapid. Bawat isa sa inyo'y matutong makipagrelasyon sa kanyang asawa sa paraang banal at marangal, hindi gaya ng mga paganong nagpapaalipin sa masamang pagnanasa, palibhasa'y hindi nakakakilala sa Diyos. Sinuman ay huwag nang gagawa ng masama at magsasamantala sa kanyang kapwa tungkol sa bagay na ito. Tulad ng sinabi namin at ibinabala sa inyo noon pa man, parurusahan ng Diyos ang gumagawa ng ganitong kasamaan. Sapagkat tinawag tayo ng Diyos hindi para sa kahalayan kundi sa malinis na pamumuhay. Dahil dito, ang taong tumatanggi sa aral na ito ay tumatanggi hindi sa tao kundi sa Diyos na nagkakaloob sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.

Tungkol naman sa pag-iibigan ng magkakapatid sa pananampalataya, hindi na ito kailangang isulat sa inyo sapagkat kayo mismo ay tinuruan ng Diyos na magmahalan sa bawat isa. 10 Katunayan, ginagawa na ninyo ito sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, mga kapatid, ipinakikiusap pa rin namin sa inyong pag-ibayuhin pa ang inyong pag-ibig. 11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik; harapin ninyo ang sarili ninyong gawain, at magpagal para sa sarili ninyong ikabubuhay, gaya ng bilin namin sa inyo. 12 Sa ganitong paraan ay igagalang kayo ng mga di-mananampalataya, at hindi kayo aasa kaninuman.

Ang Pagbabalik ng Panginoon

13 Hindi namin nais, mga kapatid, na kayo'y manatiling walang alam tungkol sa mga namayapa upang huwag kayong maghinagpis tulad ng ibang walang pag-asa. 14 Sumasampalataya tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, kaya naniniwala rin tayong bubuhayin ng Diyos na kasama ni Jesus ang lahat ng namatay na nananalig sa kanya.

15 Ito ang sinasabi namin sa inyo na aral ng Panginoon: tayong mga buháy pa at nananatili sa pagdating ng Panginoon ay hindi mauunang makipagtagpo sa Panginoon kaysa mga namayapa. 16 Kasabay ng malakas na utos at ng tinig ng arkanghel at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, babalik ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Cristo. 17 Pagkatapos nito, tayo na nanatiling buháy ay titipunin sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Pagkatapos noon ay makakapiling na natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya nga palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.

Mga kapatid, hindi na namin kayo kailangang sulatan kung kailan mangyayari ang lahat ng ito. Alam ninyo na tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi ang pagdating ng Araw ng Panginoon. Habang sinasabi ng mga taong “Tiwasay at mapayapa ang lahat,” biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Walang makaiiwas sapagkat ang pagdating nito'y gaya ng pagsakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya hindi na kayo mabibigla sa pagdating ng araw na iyon na darating ngang tulad ng magnanakaw. Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi tayo pag-aari ng gabi o ng dilim. Kaya huwag tayong tumulad sa ibang mga natutulog. Sa halip, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa at malinaw ang pag-iisip. Karaniwang natutulog ang tao sa gabi, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. Ngunit dahil tayo'y nasa panig ng araw, dapat maging malinaw ang ating isip, suot ang pananampalataya at pag-ibig bilang panangga sa dibdib, pati na rin ang helmet ng pag-asa sa kaligtasan. Hindi tayo itinakda ng Diyos sa parusa, kundi upang tumanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang kung buháy man tayo o patay ay mabuhay tayong kasama niya. 11 Kaya nga patatagin ninyo at palakasin ang loob ng bawat isa tulad ng ginagawa na ninyo.

Mga Huling Tagubilin at Pagbati

12 Hinihiling namin, mga kapatid, na igalang ninyo ang mga pinuno ninyong nagpapakahirap sa pamamahala at pangangaral sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng angkop na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Mamuhay kayo nang mapayapa sa bawat isa. 14 Pinapakiusapan din namin kayo, mga kapatid, na paalalahanan ang mga tamad, palakasin ang mga mahihinang-loob, tulungan ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Tiyakin ninyo na walang sinuman ang naghihiganti sa gumawa sa inyo ng masama; sa halip, gawin ninyo ang para sa kabutihan ng bawat isa at ng lahat. 16 Magalak kayong lagi. 17 Lagi kayong manalangin. 18 Ipagpasalamat ninyo sa Diyos ang lahat ng pangyayari, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus. 19 Huwag ninyong patayin ang alab ng Espiritu. 20 Huwag ninyong hamakin ang mga propesiya. 21 Suriin ninyong mabuti ang lahat ng bagay; panghawakan ninyo ang mabubuti. 22 Layuan ninyo ang lahat ng anyo ng kasamaan.

23 Nawa ang Diyos ng kapayapaan ang siyang magpabanal sa lahat sa inyo. Nawa'y manatiling walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang inyong espiritu, kaluluwa, at katawan, hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumatawag sa inyo, at gagawin niya ang mga ito.

25 Ipanalangin din ninyo kami, mga kapatid.

26 Batiin ninyo ang mga kapatid na may banal na halik. 27 Ipangako ninyo sa pangalan ng Panginoon na babasahin ninyo ang sulat na ito sa lahat ng kapatid.

28 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus.