Add parallel Print Page Options

Ang Pagtawag ng Dios kay Samuel

Noong mga panahong naglilingkod si Samuel sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ni Eli, madalang nang makipag-usap ang Panginoon, at kakaunti na rin ang mga pangitain. Isang gabi, natutulog si Eli sa kanyang kwarto. Hindi na siya gaanong nakakakita. Si Samuel naman ay doon natutulog sa bahay ng Panginoon kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. At habang nakasindi pa ang ilawan ng Dios, tinawag ng Panginoon si Samuel. Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?” Tumakbo siya kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” Sumagot si Eli, “Hindi kita tinawag. Bumalik ka na at matulog ulit.” Kaya bumalik siya at muling natulog.

Muli siyang tinawag ng Panginoon, “Samuel!” Bumangon si Samuel, pumunta kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” Sumagot si Eli, “Anak, hindi kita tinawag, bumalik ka na at matulog ulit.” Hindi pa nakikilala noon ni Samuel ang Panginoon dahil hindi pa nakikipag-usap sa kanya ang Panginoon.

Tinawag ng Panginoon si Samuel sa ikatlong pagkakataon. Bumangon siya at pumunta kay Eli, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” At naunawaan ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya kay Samuel, “Bumalik ka na ulit at matulog, kung tatawagin ka ulit, sabihin mo, ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig ang lingkod ninyo.’ ” Kaya bumalik si Samuel sa higaan at muling natulog.

10 Lumapit kay Samuel ang Panginoon at gaya ng dati, tinawag siya, “Samuel! Samuel!” Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, Panginoon, sapagkat nakikinig ang lingkod ninyo.” 11 Sinabi ng Panginoon, “Tandaan mo ito, hindi magtatagal at may gagawin ako sa bayan ng Israel. Paghaharian ng matinding takot ang lahat ng makakarinig nito. 12 Pagdating ng takdang panahon, gagawin ko ang mga sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli. 13 Sinabi ko sa kanya na parurusahan ko habang panahon ang sambahayan niya, dahil pinabayaan niya ang mga anak niya sa mga ginagawa nilang paglapastangan sa akin kahit alam na niya ang tungkol dito. 14 Kaya isinumpa ko, na ang kasalanan nilaʼy hindi mapapatawad ng anumang handog kahit kailan.”

15 Natulog si Samuel hanggang umaga, at binuksan niya ang pintuan ng sambahan para sa Panginoon. Natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. 16 Ngunit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.” Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?” 17 Nagtanong si Eli, “Ano ba ang sinabi ng Panginoon sa iyo? Huwag kang maglilihim sa akin. Parurusahan ka ng Dios ng matindi kung hindi mo sasabihin sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” 18 Ipinagtapat nga ni Samuel ang lahat sa kanya. Wala siyang itinago. At sinabi ni Eli, “Siya ang Panginoon. Gagawin niya kung ano sa tingin niya ang mabuti.”

19 Patuloy na pinapatnubayan ng Panginoon si Samuel habang siyaʼy lumalaki. Niloob ng Panginoon na matupad ang lahat ng sinabi ni Samuel. 20 Kaya kinilala si Samuel na propeta ng Panginoon mula Dan hanggang sa Beersheba.[a] 21 Patuloy na nagpapakita ang Panginoon kay Samuel doon sa Shilo, at doon ay ipinakikilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanya.

Footnotes

  1. 3:20 mula Dan … sa Beersheba: Ang ibig sabihin, sa buong Israel.

At ang batang si Samuel ay nangangasiwa sa Panginoon sa harap ni Eli. At ang salita ng Panginoon ay mahalaga noong mga araw na yaon; walang hayag na pangitain.

At nangyari nang panahon na yaon, nang si Eli ay mahiga sa kaniyang dako, (ang kaniya ngang mata'y nagpasimulang lumabo, na siya'y hindi nakakita,)

At ang ilawan ng Dios ay hindi pa namamatay, at si Samuel ay nakahiga upang matulog, sa templo ng Panginoon, na kinaroroonan ng kaban ng Dios;

Na tinawag ng Panginoon si Samuel: at kaniyang sinabi, Narito ako.

At siya'y tumakbo kay Eli, at nagsabi, Narito ako; sapagka't tinawag mo ako. At kaniyang sinabi, Hindi ako tumawag; mahiga ka uli. At siya'y yumaon at nahiga.

At tumawag pa uli ang Panginoon, Samuel. At bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at nagsabi, Narito ako: sapagka't ako'y tinawag mo. At siya'y sumagot, Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli.

Hindi pa nga nakikilala ni Samuel ang Panginoon, o ang salita man ng Panginoon ay nahahayag pa sa kaniya.

At tinawag uli ng Panginoon na ikaitlo. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at nagsabi, Narito ako; sapagka't ako'y iyong tinawag. At nahalata ni Eli na tinatawag ng Panginoon ang bata.

Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, Yumaon ka, mahiga ka: at mangyayari, na kung tatawagin ka niya, ay iyong sasabihin, Magsalita ka, Panginoon; sapagka't dinirinig ng iyong lingkod. Sa gayo'y yumaon si Samuel at nahiga sa kaniyang dako.

10 At ang Panginoon ay naparoon, at tumayo, at tumawag na gaya ng una, Samuel, Samuel. Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, Magsalita ka; sapagka't dinirinig ng iyong lingkod.

11 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Narito, gagawa ako ng isang bagay sa Israel, na ang dalawang tainga ng bawa't isa na nakikinig ay magpapanting.

12 Sa araw na yaon ay aking tutuparin kay Eli ang lahat na aking sinalita tungkol sa kaniyang sangbahayan, mula sa pasimula hanggang sa wakas.

13 Sapagka't aking isinaysay sa kaniya na aking huhukuman ang kaniyang sangbahayan magpakailan man, dahil sa kasamaan na kaniyang nalalaman, sapagka't ang kaniyang mga anak ay nagdala ng sumpa sa kanilang sarili, at hindi niya sinangsala sila.

14 At kaya't ako'y sumumpa sa sangbahayan ni Eli, na ang kasamaan ng sangbahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng hain, o handog man magpakailan man.

15 At nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at ibinukas ang mga pinto ng bahay ng Panginoon. At natakot si Samuel na saysayin kay Eli ang panaginip.

16 Nang magkagayo'y tinawag ni Eli si Samuel, at nagsabi, Samuel, anak ko. At kaniyang sinabi, Narito ako.

17 At kaniyang sinabi, Ano ang bagay na sinalita sa iyo? isinasamo ko sa iyo na huwag mong ilihim sa akin: hatulan ka ng Dios, at lalo na, kung iyong ililihim sa akin ang anomang bagay sa lahat ng mga bagay na kaniyang sinalita sa iyo.

18 At isinaysay sa kaniya ni Samuel ang buong sinalita, at hindi naglihim ng anoman sa kaniya. At kaniyang sinabi, Panginoon nga: gawin niya ang inaakala niyang mabuti.

19 At si Samuel ay lumalaki at ang Panginoon ay sumasakaniya, at walang di pinapangyari sa kaniyang mga salita.

20 At nakilala ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag na maging propeta ng Panginoon.

21 At napakilala uli ang Panginoon sa Silo, sapagka't ang Panginoo'y napakilala kay Samuel sa Silo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

'1 Samuel 3 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.