Add parallel Print Page Options

Pinatay ang mga Pari sa Nob

22 Umalis(A) si David doon at tumakas patungo sa yungib ng Adullam. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kapatid at ng sambahayan ng kanyang ama, kanilang pinuntahan siya roon.

Bawat nagdadalamhati, bawat may utang, at bawat hindi nasisiyahan ay nagtipun-tipon sa kanya, at siya'y naging punong-kawal nila. At nagkaroon siya ng may apatnaraang tauhan.

Mula roon ay pumunta si David sa Mizpa ng Moab, at kanyang sinabi sa hari ng Moab: “Hinihiling ko sa iyo na ang aking ama at ina ay makalabas, at makipanirahan sa inyo, hanggang sa malaman ko kung ano ang gagawin ng Diyos para sa akin.”

At kanyang iniwan sila sa hari ng Moab at sila'y nanirahang kasama niya sa buong panahon na si David ay nasa muog.

Sinabi ni propeta Gad kay David, “Huwag kang manirahan sa muog; umalis ka at pumasok sa lupain ng Juda.” Nang magkagayo'y umalis si David at pumunta sa gubat ng Heret.

Nabalitaan ni Saul na si David at ang mga lalaking kasama niya ay natagpuan na. Si Saul ay nakaupo sa Gibea sa ilalim ng punong tamarisko sa Rama na hawak ang sibat sa kanyang kamay, at ang lahat ng kanyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya.

At sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya, “Pakinggan ninyo ngayon, mga Benjaminita. Mabibigyan ba ng anak ni Jesse ang bawat isa sa inyo ng mga bukirin at mga ubasan? Kayo bang lahat ay gagawin niyang mga punong-kawal ng libu-libo at mga punong-kawal ng daan-daan;

upang kayong lahat ay magsabwatan laban sa akin? Walang nagsabi sa akin nang makipagtipan ang aking anak sa anak ni Jesse. Walang sinuman sa inyo na nagdamdam dahil sa akin, o nagsabi sa akin na hinikayat ng aking anak ang aking lingkod laban sa akin upang mag-abang, gaya sa araw na ito.”

Nang(B) magkagayo'y sumagot si Doeg na Edomita na nakatayo sa tabi ng mga lingkod ni Saul, “Nakita ko ang anak ni Jesse na dumating sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitub.

10 At kanyang isinangguni siya sa Panginoon, at binigyan siya ng mga pagkain, at ibinigay sa kanya ang tabak ni Goliat na Filisteo.”

11 Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari si Ahimelec na pari na anak ni Ahitub, at ang buong sambahayan ng kanyang ama, na mga paring Nob, at sila'y pumuntang lahat sa hari.

12 Sinabi ni Saul, “Makinig ka ngayon, ikaw na anak ni Ahitub.” At siya'y sumagot, “Narito ako, panginoon ko.”

13 At sinabi ni Saul sa kanya, “Bakit kayo ay nagsabwatan laban sa akin, ikaw, at ang anak ni Jesse, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng tinapay at tabak, at isinangguni siya sa Diyos upang siya'y mag-alsa laban sa akin at ako'y tambangan gaya sa araw na ito?”

14 Nang magkagayo'y sumagot si Ahimelec sa hari at nagsabi, “Sino sa lahat ng iyong mga lingkod ang tapat na gaya ni David, na manugang ng hari, at pinuno ng iyong mga kawal at iginagalang sa iyong bahay?

15 Ngayon ba ang unang pagkakataon na ako'y sumangguni sa Diyos para sa kanya? Hindi! Huwag nawang ibintang ng hari ang anumang bagay sa kanyang lingkod, o sa buong sambahayan man ng aking ama; sapagkat walang nalalamang bagay ang iyong lingkod tungkol sa lahat ng ito, munti man o malaki.”

16 Sinabi ng hari, “Ikaw ay tiyak na mamamatay, Ahimelec, ikaw at ang buong sambahayan ng iyong ama.”

17 Sinabi ng hari sa bantay na nakatayo sa palibot niya, “Harapin ninyo at patayin ang mga pari ng Panginoon, sapagkat sila man ay panig din kay David.[a] Alam nila na siya'y tumakas, at hindi nila ipinaalam sa akin.” Ngunit ayaw itaas ng mga lingkod ng hari ang kanilang kamay upang patayin ang mga pari ng Panginoon.

18 At sinabi ng hari kay Doeg, “Harapin mo at iyong patayin ang mga pari.” Hinarap ni Doeg na Edomita at kanyang pinatay ang mga pari, at ang kanyang pinatay nang araw na iyon ay walumpu't limang lalaki na nagsusuot ng efod na lino.

19 At kanyang pinatay ng tabak ang taga-Nob, ang lunsod ng mga pari, ang mga lalaki at ang mga babae, mga bata, mga pasusuhin, mga baka, asno, at mga tupa.

20 Subalit isa sa mga anak ni Ahimelec na anak ni Ahitub, na ang pangalan ay Abiatar ang nakatakas at tumakbong patungo kay David.

21 At sinabi ni Abiatar kay David na pinatay ni Saul ang mga pari ng Panginoon.

22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nalalaman ko na nang araw na iyon na si Doeg na Edomita ay naroon, at kanyang tiyak na sasabihin kay Saul. Ako ang naging kadahilanan ng kamatayan ng lahat ng mga tao sa sambahayan ng iyong ama.

23 Dito ka sa akin, huwag kang matakot; sapagkat siya na tumutugis sa aking buhay ay tumutugis sa iyong buhay; ligtas ka sa piling ko.”

Footnotes

  1. 1 Samuel 22:17 Sa Hebreo ay ang kanila ring kamay ay na kay David .
'1 Samuel 22 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

22 Umalis nga si David doon, at tumakas sa yungib ng Adullam: at nang mabalitaan ng kaniyang mga kapatid at ng sangbahayan ng kaniyang ama, kanilang nilusong siya roon.

At bawa't isa na napipighati, at bawa't isa na may utang, at bawa't isa na may kalumbayan ay nakipisan sa kaniya; at siya'y naging punong kawal nila: at nagkaroon siya ng may apat na raang tao.

At naparoon si David mula roon sa Mizpa ng Moab, at kaniyang sinabi sa hari sa Moab: Isinasamo ko sa iyo na ang aking ama at aking ina ay makalabas, at mapasama sa inyo, hanggang sa aking maalaman kung ano ang gagawin ng Dios sa akin.

At kaniyang dinala sila sa harap ng hari sa Moab: at sila'y tumahan na kasama niya buong panahon na si David ay nasa moog.

At sinabi ng propetang si Gad kay David, Huwag kang tumahan sa moog; ikaw ay yumaon at pumasok sa lupain ng Juda. Nang magkagayo'y yumaon si David, at pumasok sa gubat ng Hareth.

At nabalitaan ni Saul na si David ay nasumpungan, at ang mga lalake na kasama niya: si Saul nga'y nauupo sa Gabaa sa ilalim ng punong tamarisko sa Rama, na tangan ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay, at ang lahat ng kaniyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya.

At sinabi ni Saul sa kaniyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya, Dinggin ninyo ngayon, mga Benjamita; bibigyan ba ng anak ni Isai ang bawa't isa sa inyo ng mga bukiran at mga ubasan, gagawin ba niya kayong lahat na mga punong kawal ng lilibuhin at mga punong kawal ng dadaanin;

Upang kayong lahat ay magsipagsuwail laban sa akin, at walang nagpakilala sa akin nang gawin ng aking anak ang isang pakikipagtipan sa anak ni Isai, at wala sinoman sa inyo na nagdamdam dahil sa akin, o nagpakilala sa akin na ang aking anak ay humihikayat sa aking lingkod laban sa akin upang bumakay, gaya sa araw na ito?

Nang magkagayo'y sumagot si Doeg na Idumeo na nakatayo sa siping ng mga lingkod ni Saul, at nagsabi, Aking nakita ang anak ni Isai na naparoroon sa Nob, kay Ahimelech na anak ni Ahitob.

10 At isinangguni niya siya sa Panginoon, at binigyan siya ng mga pagkain, at ibinigay sa kaniya ang tabak ni Goliath na Filisteo.

11 Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari si Ahimelech na saserdote na anak ni Ahitob, at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, na mga saserdote na nasa Nob, at sila'y naparoong lahat sa hari.

12 At sinabi ni Saul, Iyong dinggin ngayon, ikaw na anak ni Ahitob. At siya'y sumagot. Narito ako, panginoon ko.

13 At sinabi ni Saul sa kaniya, Bakit kayo ay nagsipagsuwail laban sa akin, ikaw, at ang anak ni Isai, na iyong binigyan siya ng tinapay, at ng tabak, at isinangguni siya sa Dios upang siya'y bumangon laban sa akin na bumakay, gaya sa araw na ito?

14 Nang magkagayo'y sumagot si Ahimelech sa hari, at nagsabi, At sino sa gitna ng lahat ng iyong mga lingkod ang tapat na gaya ni David, na manugang ng hari, at tinatanggap sa iyong pulong, at karangaldangal sa iyong bahay?

15 Pinasimulan ko bang isangguni siya ngayon sa Dios? malayo sa akin: huwag ibintang ng hari ang anomang bagay sa kaniyang lingkod, o sa buong sangbahayan man ng aking ama: sapagka't walang nalalamang bagay ang iyong lingkod tungkol sa lahat na ito, munti o malaki.

16 At sinabi ng hari, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay, Ahimelech, ikaw at ang buong sangbahayan ng iyong ama.

17 At sinabi ng hari sa bantay na nangakatayo sa palibot niya, Pumihit kayo at patayin ninyo ang mga saserdote ng Panginoon; sapagka't ang kanilang kamay man ay sumasa kay David, at sapagka't kanilang nalaman na siya'y tumakas, at hindi nila ipinakilala sa akin. Nguni't hindi inibig ng mga lingkod ng hari na iunat ang kanilang kamay upang daluhungin ang mga saserdote ng Panginoon.

18 At sinabi ng hari kay Doeg: Pumihit ka, at iyong daluhungin ang mga saserdote. At pumihit si Doeg na Idumeo, at kaniyang dinaluhong ang mga saserdote, at kaniyang pinatay nang araw na yaon ay walong pu't limang lalake na nagsusuot ng epod na lino.

19 At sinugatan ng talim ng tabak ang Nob, ang bayan ng mga saserdote, ang mga lalake at gayon din ang mga babae, ang mga bata at ang mga pasusuhin, at ang mga baka at mga asno at mga tupa, ng talim ng tabak.

20 At isa sa mga anak ni Ahimelech na anak ni Ahitob na nagngangalang Abiathar ay tumanan, at tumakas na sumunod kay David.

21 At isinaysay ni Abiathar kay David na pinatay na ni Saul ang mga saserdote ng Panginoon.

22 At sinabi ni David kay Abiathar, Talastas ko nang araw na yaon na si Doeg na Idumeo ay naroon, na kaniyang tunay na sasaysayin kay Saul: ako'y naging kadahilanan ng kamatayan ng lahat ng mga tao sa sangbahayan ng iyong ama.

23 Matira kang kasama ko, huwag kang matakot; sapagka't siya na umuusig ng aking buhay ay umuusig ng iyong buhay: sapagka't kasama kita ay maliligtas ka.