1 Samuel 2
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Panalangin ni Ana
2 Ganito(A) ang naging panalangin ni Ana:
“Pinupuri kita, Yahweh,
dahil sa iyong kaloob sa akin.
Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan,
sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan.
2 “Si Yahweh lamang ang banal.
Wala siyang katulad,
walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos.
3 Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh,
walang maaaring maghambog,
sapagkat alam mo ang lahat ng bagay,
ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao.
4 Ginapi mo ang mga makapangyarihan,
at pinapalakas ninyo ang mahihina.
5 Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain.
Masagana ngayon ang dating maralita.
Nagsilang ng pito ang dating baog,
at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot.
6 Ikaw,(B) O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli.
7 Maaari mo kaming payamanin o paghirapin,
maaari ring ibaba o itaas.
8 Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba,
mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay mo sila sa mga maharlika,
mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa.
Hawak mo ang langit na nilikha,
at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa.
9 “Papatnubayan mo ang tapat sa iyo,
ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan.
Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas.
10 Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot;
kapag pinapadagundong mo ang mga kulog.
Hahatulan mo ang buong daigdig,
at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.”
11 Si Elkana at ang buo niyang sambahayan ay umuwi sa Rama. Ngunit iniwan nila si Samuel upang maglingkod kay Yahweh sa pangangasiwa ng paring si Eli.
Ang Kasalanan ng mga Anak ni Eli
12 Ang dalawang anak ni Eli ay parehong lapastangan at walang takot kay Yahweh. 13 Wala rin silang galang sa regulasyon ng pagkapari. Tuwing may maghahandog, pinapapunta nila ang kanilang mga katulong habang pinapakuluan pa lang ang karne. May dala silang malaking tinidor na may tatlong ngipin 14 at itinutusok sa loob ng malaking kaldero o palayok. Lahat ng matusok o sumama sa tinidor ay itinuturing na nilang para sa pari. Ginagawa nila ito tuwing maghahandog sa Shilo ang mga Israelita. 15 Hindi lamang iyon. Bago pa maihandog ang taba ng karne, nilalapitan na ng mga katulong ang mga naghahandog at sinasabi, “Hilaw na karne ang ibibigay ninyo sa pari. Hindi niya kukunin kapag luto na ang ibibigay ninyo. Hilaw ang gusto niya upang maiihaw niya ito.”
16 Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maialay ang taba bago sila kumuha hanggang gusto nila, ganito ang kanilang sinasabi: “Hindi maaari! Bigyan na ninyo kami. Kung hindi'y aagawin namin 'yan sa inyo.”
17 Malaking pagkakasala ang ginagawa nilang ito sapagkat ito'y paglapastangan sa handog para kay Yahweh.
Si Samuel sa Shilo
18 Nagpatuloy ng paglilingkod kay Yahweh ang batang si Samuel, na noo'y nakasuot ng efod. 19 Taun-taon, gumagawa ng balabal ang kanyang ina at ibinibigay ito sa kanya tuwing ang kanyang mga magulang ay naghahandog sa Shilo. 20 Ang mag-asawang Elkana at Ana naman ay laging binabasbasan ni Eli. Sinasabi niya, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh. Nawa'y bigyan pa niya kayo ng mga anak bilang kapalit ng inihandog ninyo sa kanya.” Matapos mabasbasan, umuuwi na sila.
21 Nagkatotoo ang sinabi sa kanila ni Eli. Si Ana'y pinagpala ni Yahweh, at paglipas ng ilang taon siya'y nanganak pa ng tatlong lalaki at dalawang babae. Samantala, lumaki naman si Samuel sa paglilingkod kay Yahweh.
Si Eli at ang Kanyang mga Anak
22 Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan. 23 Kaya, pinangaralan niya ang mga ito, “Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon? 24 Tigilan na ninyo iyan. Napakapangit ng usap-usapang kumakalat tungkol sa inyo. 25 Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?” Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat nais na silang parusahan ni Yahweh. 26 Si(C) Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at sa mga tao.
Ang Pahayag tungkol sa Pamilya ni Eli
27 Minsan, si Eli ay nilapitan ng isang propeta ng Diyos. Sinabi sa kanya, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Nangusap ako sa ninuno mong si Aaron nang sila'y alipin pa ng Faraon, ang hari ng Egipto. 28 Sa(D) mga lipi ni Israel ay siya ang pinili kong maging pari. Siya ang mangangasiwa sa altar, magsusunog ng insenso, magsusuot ng linong efod, at maglilingkod sa akin bilang kinatawan ng Israel. At lahat ng handog sa akin ng mga Israelita'y ibinibigay ko sa kanyang sambahayan. 29 Bakit ninyo pinagnanasaang maangkin ang mga alay at handog sa akin? Mas iginagalang mo pa yata ang iyong mga anak kaysa sa akin? Bakit mo sila pinababayaang magpasasa sa pinakapiling bahagi ng mga handog para sa akin? 30 Ipinangako ko noon na tanging ang sambahayan mo lamang ang makakalapit sa akin habang panahon. Ngunit hindi na ngayon. Pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit pababayaan ko ang nagtatakwil sa akin. 31 Darating ang araw na papatayin ko ang mga kabataan sa iyong sambahayan at sa iyong angkan. Paiikliin ko ang inyong buhay at maaga kayong mamamatay. 32 Maghihirap kayo at di ninyo matitikman ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Paiikliin ko nga ang inyong buhay. 33 Hindi ko kayo aalising lahat sa paglilingkod sa altar, ngunit ang ititira ko'y daranas ng katakut-takot na paghihirap ng kalooban. Mamamatay sa tabak ang iyong buong pamilya. 34 Bilang(E) katunayan nito, sabay na mamamatay ang mga anak mong sina Hofni at Finehas. 35 Samantala, pipili ako ng isang paring magiging tapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng sambahayan na maglilingkod sa akin habang panahon sa harapan ng mga haring aking hihirangin. 36 Ngunit ang matitira sa iyong sambahayan ay mamamalimos sa kanya. Magmamakaawa siyang gawing katulong ng pari para lamang mabuhay.’”
1 Samuel 2
Ang Biblia, 2001
Nanalangin si Ana
2 Si(A) Ana ay nanalangin din at sinabi,
“Nagagalak ang aking puso sa Panginoon;
ang aking lakas ay itinataas sa Panginoon.
Tinutuya ng aking bibig ang aking mga kaaway;
sapagkat ako'y nagagalak sa iyong kaligtasan.
2 “Walang banal na gaya ng Panginoon;
sapagkat walang iba maliban sa iyo,
walang batong gaya ng aming Diyos.
3 Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan;
huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng kaalaman,
at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang.
4 Nabali ang mga pana ng mga makapangyarihan,
ngunit ang mahihina ay nagbigkis ng kalakasan.
5 Ang mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay;
subalit ang dating gutom, gutom nila'y naparam.
Ang baog ay pito ang isinilang,
ngunit ang may maraming anak ay namamanglaw.
6 Ang Panginoon ay pumapatay at bumubuhay;
siya ang nagbababa sa Sheol at nag-aahon.
7 Ang Panginoon ay nagpapadukha at nagpapayaman;
siya ang nagpapababa, at siya rin ay nagpaparangal.
8 Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok,
itinataas niya ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang sila'y paupuing kasama ng mga pinuno,
at magmana ng trono ng karangalan.
Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon,
at sa mga iyon ay ipinatong niya ang sanlibutan.
9 “Kanyang iingatan ang mga paa ng kanyang mga banal;
ngunit ang masama ay ihihiwalay sa kadiliman;
sapagkat hindi dahil sa lakas na ang tao'y nagtatagumpay.
10 Ang mga kaaway ng Panginoon ay madudurog;
laban sa kanila sa langit siya'y magpapakulog.
Hahatulan ng Panginoon ang mga dulo ng lupa;
bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari,
at itataas ang kapangyarihan ng kanyang hinirang.”
11 Pagkatapos si Elkana ay umuwi sa Rama. At ang batang lalaki ay naglingkod sa Panginoon sa harapan ni Eli na pari.
Ang mga Anak ni Eli
12 Ngayon, ang mga anak ni Eli ay mga lapastangan; wala silang pakundangan sa Panginoon,
13 o sa mga katungkulan ng mga pari sa mga taong-bayan. Kapag ang sinuma'y naghahandog ng alay, lumalapit ang lingkod ng pari habang ang laman ay pinakukuluan na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong pantusok.
14 Ilalagay niya ito sa kawali, o sa kawa, o sa kaldero, o sa palayok at lahat ng mahahango ng pantusok ay kukunin ng pari para sa kanyang sarili. Gayon ang ginagawa nila sa Shilo sa lahat ng mga Israelitang nagpupunta roon.
15 Bukod dito, bago nila sunugin ang taba, lalapit ang lingkod ng pari at sasabihin sa lalaking naghahandog, “Bigyan mo ng maiihaw na laman ang pari, sapagkat hindi siya tatanggap mula sa iyo ng lutong laman, kundi hilaw.”
16 Kung sabihin ng lalaki sa kanya, “Sunugin muna nila ang taba at saka ka kumuha ng gusto mo,” ay sasabihin niya, “Hindi, dapat mong ibigay na ngayon; at kung hindi, ay kukunin ko nang sapilitan.”
17 Kaya't ang kasalanan ng mga kabataang iyon ay napakalaki sa harap ng Panginoon; sapagkat winalang kabuluhan ng mga tao ang handog sa Panginoon.
Si Samuel sa Shilo
18 Si Samuel ay naglilingkod sa harap ng Panginoon, isang batang may bigkis na linong efod.
19 At iginagawa siya noon ng kanyang ina ng isang munting balabal at dinadala sa kanya taun-taon, kapag siya'y umaahong kasama ng kanyang asawa upang maghandog ng taunang alay.
20 Binabasbasan naman ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa at sinasabi, “Bigyan ka nawa ng Panginoon ng binhi sa babaing ito para sa kahilingan na kanyang hiniling sa Panginoon.”[a] Pagkatapos sila'y umuuwi sa kanilang sariling bahay.
21 Dinalaw ng Panginoon si Ana at siya'y naglihi, at nagkaanak ng tatlong lalaki at dalawang babae. At ang batang si Samuel ay lumaki sa harapan ng Panginoon.
Si Eli at ang Kanyang mga Anak
22 Ngayon si Eli ay napakatanda na. Kanyang nabalitaan ang lahat ng ginagawa ng kanyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila'y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng toldang tipanan.
23 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginagawa ang mga gayong bagay? Sapagkat nababalitaan ko sa buong bayan ang inyong masasamang gawain.
24 Huwag, mga anak ko; sapagkat hindi mabuting balita ang naririnig ko na ikinakalat ng bayan ng Panginoon.
25 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa isang tao, ang Diyos ay mamamagitan para sa kanya; ngunit kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan para sa kanya?” Subalit ayaw nilang pakinggan ang tinig ng kanilang ama, sapagkat kalooban ng Panginoon na patayin sila.
26 Ang(B) batang si Samuel ay patuloy na lumaki sa pangangatawan at gayundin sa pagbibigay-lugod sa Panginoon at sa mga tao.
Ang Propesiya Laban sa Sambahayan ni Eli
27 Dumating kay Eli ang isang tao ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ipinahayag ko ang aking sarili sa sambahayan ng iyong ama nang sila'y nasa Ehipto, nang sila'y mga alipin sa sambahayan ni Faraon.
28 Pinili(C) ko siya mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging pari ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng insenso, at magsuot ng efod sa harap ko. Ibinigay ko sa sambahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy.
29 Bakit niyuyurakan ninyo ang aking mga alay at ang aking handog na aking iniutos, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak nang higit kaysa akin, upang kayo'y magpakataba sa mga pinakapiling bahagi sa bawat handog ng Israel na aking bayan?’
30 Kaya't ipinahahayag ng Panginoong Diyos ng Israel, ‘Aking ipinangako na ang iyong sambahayan, at ang sambahayan ng iyong ama ay lalakad sa harapan ko magpakailanman.’ Ngunit ipinahahayag ngayon ng Panginoon, ‘Malayo sa akin; sapagkat ang mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalan, at ang mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.
31 Tingnan mo, ang mga araw ay dumating na aking puputulin ang iyong bisig at ang bisig ng sambahayan ng iyong ama, upang huwag magkaroon ng matanda sa iyong sambahayan.
32 At sa kapighatian ay iyong mamasdan na may pagkainggit ang buong kasaganaan na ibibigay ng Diyos sa Israel; at hindi na magkakaroon ng matanda sa iyong sambahayan magpakailanman.
33 Ang lalaki mula sa iyo na hindi ko ihihiwalay sa aking dambana ay maliligtas sa pagluha ng kanyang mga mata at pamamanglaw ng kanyang puso; at ang lahat ng naparagdag sa iyong sambahayan ay mamamatay sa kanilang kabataan.
34 Ang(D) mangyayari sa iyong dalawang anak na sina Hofni at Finehas ay magiging tanda sa iyo. Sila'y kapwa mamamatay sa iisang araw.
35 Ako'y magbabangon para sa akin ng isang tapat na pari, na gagawa nang ayon sa nilalaman ng aking puso at pag-iisip. Ipagtatayo ko siya ng panatag na sambahayan; at siya'y maglalabas-masok sa harap ng aking binuhusan ng langis magpakailanman.
36 Bawat isang naiwan sa iyong sambahayan ay lalapit at magmamakaawa sa kanya para sa isang pirasong pilak at sa isang pirasong tinapay, at magsasabi, Hinihiling ko sa iyo na ilagay mo ako sa isa sa mga katungkulang pagkapari, upang makakain ako ng isang subong tinapay.’”
Footnotes
- 1 Samuel 2:20 o ang pahiram na kanyang ipinahiram sa Panginoon .
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.