1 Pedro 4
Ang Biblia, 2001
Mga Binagong Buhay
4 Kung paanong si Cristo ay nagdusa sa laman ay sandatahan din naman ninyo ang inyong sarili ng gayong pag-iisip, sapagkat ang nagdusa sa laman ay tapos na sa kasalanan,
2 upang hindi na kayo mamuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa masasamang pagnanasa ng mga tao, kundi sa kalooban ng Diyos.
3 Sapat na ang nakaraang panahon sa paggawa ninyo ng mga gustong gawin ng mga Hentil, na namumuhay sa kahalayan, masasamang pita, paglalasing, kalayawan, pag-iinuman, at sa kasuklamsuklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan.
4 Sila ay nagtataka na kayo ay hindi na nakikisama sa gayong labis na kaguluhan, kaya't kayo'y nilalait nila.
5 Ngunit sila'y magbibigay-sulit sa kanya na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay.
6 Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang ebanghelyo ay ipinangaral maging sa mga patay, upang bagaman sila'y nahatulan sa laman na gaya ng mga tao, ay mabubuhay sila sa espiritu tulad ng Diyos.
Mga Katiwala ng mga Kaloob ng Diyos
7 Ngunit ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na,[a] kaya kayo'y magpakatino at magpigil sa sarili alang-alang sa inyong mga panalangin.
8 Higit(A) sa lahat, magkaroon kayo ng maningas na pag-ibig sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.
9 Maging mapagpatulóy kayo sa isa't isa nang walang bulung-bulungan.
10 Kung paanong ang bawat isa ay tumanggap ng kaloob, ipaglingkod ito sa isa't isa bilang mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos.
11 Sinumang nagsasalita ay gawin iyon nang tulad sa nagsasalita ng mga aral ng Diyos; sinumang naglilingkod ay tulad sa naglilingkod mula sa kalakasang ibinibigay ng Diyos, upang ang Diyos ay maluwalhati sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
Pagdurusa Bilang Cristiano
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok na dumarating sa inyo upang kayo'y subukin, na waring may isang kataka-takang bagay na nangyayari sa inyo.
13 Kundi kayo'y magalak, yamang kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo, upang kayo man ay matuwa at sumigaw sa galak kapag ang kaluwalhatian niya ay nahayag.
14 Kung kayo'y inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo ay mapapalad kayo; sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo.
15 Ngunit huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamatay-tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama, o bilang isang mapanghimasok.
16 Ngunit kung ang isang tao ay nagdurusa bilang Cristiano, huwag niyang ikahiya ito, kundi luwalhatiin niya ang Diyos sa pangalang ito.
17 Sapagkat ito'y panahon upang simulan ang paghuhukom sa sambahayan ng Diyos; at kung magsimula sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?
18 At(B) kung ang matuwid ay bahagya nang makaligtas, ano kaya ang mangyayari sa masasama at makasalanan?
19 Kaya't ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay ipagkatiwala ang kanilang mga kaluluwa sa tapat na lumikha sa paggawa ng mabuti.
Footnotes
- 1 Pedro 4:7 o papalapit na .
1 Pedro 4
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mga Mabubuting Katiwala ng Biyaya
4 Dahil si Cristo mismo ay nagdusa noon sa katawan, dapat din kayong maging handa sa mga pagdurusa, sapagkat ang nagdurusa sa katawan ay tumigil na sa kasalanan, 2 upang ilaan ang nalalabing panahon ng inyong buhay sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at hindi sa makamundong hangarin sa buhay. 3 Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga di-sumasampalataya sa Diyos tulad ng: kahalayan, masasamang pagnanasa, paglalasing, malalaswang kasayahan, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4 Nagtataka ang mga dating kasama ninyo kung bakit hindi na kayo nakikisama sa gayunding magulo at walang pakundangang pamumuhay, kaya nilalait nila kayo. 5 Ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. 6 Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang Magandang Balita ay ipinangaral maging sa mga patay, upang kahit sila'y nahatulan sa laman tulad sa mga tao, sila'y mabuhay sa espiritu tulad sa Diyos.
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't panatilihin ninyong malinaw ang inyong pag-iisip at maging mapagtimpi upang kayo'y makapanalangin. 8 Higit (A) sa lahat, patuloy kayong magmahalan, sapagkat ang pag-ibig ang pumapawi ng maraming kasalanan. 9 Patuluyin ninyo nang maluwag sa inyong kalooban ang inyong mga kapatid sa inyong tahanan. 10 Bilang mabubuting katiwala ng mga kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang mga kakayahang inyong tinanggap sa paglilingkod sa isa't isa. 11 Kung nagsasalita ang sinuman, magsalita siya bilang nagpapahayag ng mga salita ng Diyos. Kung siya'y naglilingkod, maglingkod siya sa pamamagitan ng lakas na ibinigay sa kanya ng Diyos. Sa gayon, sa lahat ng bagay ay papupurihan ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanpaman. Amen.
Pagdurusa Bilang Cristiano
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka na dumaraan kayo sa mabibigat na pagsubok na para bang hindi ito pangkaraniwang pangyayari. 13 Sa halip, dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo upang lubos kayong magalak kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kapag kayo'y nilalait dahil sa pangalan ni Cristo sapagkat ang maluwalhating Espiritu ng Diyos ay lulukob sa inyo. 15 Huwag sanang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil sa pagiging mamamatay-tao, magnanakaw, o sa paggawa ng anumang kasamaan o pakikialam sa buhay ng iba. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito, sa halip ay magpuri kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo. 17 Panahon na upang simulan ang paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito nagsisimula, ano pa kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?
18 At (B) kung ang matuwid ay mahirap nang makaligtas,
ano kaya ang sasapitin ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?
19 Kaya nga ang mga nagdurusa dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ay dapat ipagkatiwala ang kanilang sarili sa tapat na lumikha at magpatuloy sa paggawa ng mabuti.
1 Pedro 4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Bagong Buhay
4 Dahil naghirap si Cristo sa katawang-tao niya, dapat ay handa rin kayong maghirap. Sapagkat hindi na gumagawa ng kasalanan ang taong nagtitiis ng hirap. 2 Hindi na siya sumusunod sa masasama niyang ugali kundi sumusunod na siya sa kalooban ng Dios. 3 Kaya huwag na ninyong gawin ang mga ginagawa nʼyo noon, ang mga bagay na gustong gawin ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Puno ng kahalayan ang buhay nʼyo noon at sinunod nʼyo ang nasa ng inyong laman. Palagi kayong nagtitipon-tipon para mag-inuman at gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya. At sa pagsamba ninyo sa inyong mga dios-diosan, kung anu-ano pang masasamang bagay ang ginagawa ninyo. 4 Pero nagtataka ngayon sa inyo ang mga taong hindi kumikilala sa Dios kung bakit hindi na kayo nakikisama sa magulo at maluho nilang pamumuhay. Kaya nagsasalita sila ng masama sa inyo. 5 Ngunit mananagot sila sa Dios sa ginagawa nila, dahil hahatulan ng Dios ang lahat ng tao, buhay man o patay. 6 Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ang Magandang Balita sa mga taong patay na. Nang sa ganoon, kahit patay na sila sa laman, at mahatulan tulad ng lahat ng tao, mabubuhay pa rin sila sa espiritu gaya ng Dios.
Gamitin Ninyo ang Kaloob na Ibinigay ng Dios
7 Malapit na ang katapusan ng mundo. Kaya pigilan ninyo ang sarili nʼyo para hindi kayo makagawa ng masama at nang walang maging hadlang sa mga panalangin ninyo. 8 Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat. Sapagkat kung mahal mo ang kapwa mo, mapapatawad mo siya kahit gaano pa karami ang nagawa niyang kasalanan. 9 Tanggapin ninyo sa inyong tahanan ang isaʼt isa nang maluwag sa puso. 10 Binigyan ng Dios ang bawat isa sa atin ng kaloob. Gamitin natin ito para sa ikabubuti ng lahat bilang mabubuting katiwala ng ibaʼt ibang kaloob ng Dios. 11 Ang binigyan ng kaloob sa pangangaral ay dapat mangaral ng salita ng Dios. At ang binigyan ng kaloob para maglingkod ay dapat maglingkod ayon sa kakayahang ibinigay sa kanya ng Dios, upang mapapurihan ang Dios sa lahat ng ginagawa natin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Makapangyarihan siya at karapat-dapat purihin magpakailanman! Amen.
Ang Pagtitiis Bilang Cristiano
12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo. Kapag sinusubok ang inyong pananampalataya, huwag ninyong isipin kung ano na ang mangyayari sa inyo. 13 Sa halip, magalak kayo dahil nakikibahagi kayo sa mga hirap ni Cristo. At magiging lubos ang kagalakan nʼyo kapag naipakita na niya ang kapangyarihan niya sa lahat. 14 Kaya kung iniinsulto kayo dahil mga tagasunod kayo ni Cristo, mapalad kayo dahil nasa inyo ang makapangyarihang Espiritu, ang Espiritu ng Dios. 15 Kung pinarusahan man kayo, sanaʼy hindi dahil nakapatay kayo ng tao, o nagnakaw, o nakagawa ng masama, o kayaʼy nakialam sa ginagawa ng iba. 16 Ngunit kung pinarusahan kayo dahil Cristiano kayo, huwag kayong mahiya; sa halip ay magpasalamat kayo sa Dios dahil tinatawag kayo sa pangalang ito. 17 Dumating na ang panahong magsisimula na ang Dios sa paghatol sa mga anak niya. At kung itoʼy magsisimula sa atin na mga anak niya, ano kaya ang sasapitin ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Dios? 18 Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,
“Kung ang mga matuwid ay halos hindi maligtas, ano pa kaya ang mangyayari sa mga makasalanan at hindi kumikilala sa Dios?”[a]
19 Kaya kayong nagtitiis ngayon, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo, ay magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ipagkatiwala ninyo ang sarili nʼyo sa Dios na lumikha sa inyo, dahil hinding-hindi niya kayo pababayaan.
Footnotes
- 4:18 Kaw. 11:31.
1 Peter 4
New International Version
Living for God
4 Therefore, since Christ suffered in his body,(A) arm yourselves also with the same attitude, because whoever suffers in the body is done with sin.(B) 2 As a result, they do not live the rest of their earthly lives for evil human desires,(C) but rather for the will of God. 3 For you have spent enough time in the past(D) doing what pagans choose to do—living in debauchery, lust, drunkenness, orgies, carousing and detestable idolatry.(E) 4 They are surprised that you do not join them in their reckless, wild living, and they heap abuse on you.(F) 5 But they will have to give account to him who is ready to judge the living and the dead.(G) 6 For this is the reason the gospel was preached even to those who are now dead,(H) so that they might be judged according to human standards in regard to the body, but live according to God in regard to the spirit.
7 The end of all things is near.(I) Therefore be alert and of sober mind(J) so that you may pray. 8 Above all, love each other deeply,(K) because love covers over a multitude of sins.(L) 9 Offer hospitality(M) to one another without grumbling.(N) 10 Each of you should use whatever gift you have received to serve others,(O) as faithful(P) stewards of God’s grace in its various forms. 11 If anyone speaks, they should do so as one who speaks the very words of God.(Q) If anyone serves, they should do so with the strength God provides,(R) so that in all things God may be praised(S) through Jesus Christ. To him be the glory and the power for ever and ever. Amen.(T)
Suffering for Being a Christian
12 Dear friends, do not be surprised at the fiery ordeal that has come on you(U) to test you, as though something strange were happening to you. 13 But rejoice(V) inasmuch as you participate in the sufferings of Christ,(W) so that you may be overjoyed when his glory is revealed.(X) 14 If you are insulted because of the name of Christ,(Y) you are blessed,(Z) for the Spirit of glory and of God rests on you. 15 If you suffer, it should not be as a murderer or thief or any other kind of criminal, or even as a meddler. 16 However, if you suffer as a Christian, do not be ashamed, but praise God that you bear that name.(AA) 17 For it is time for judgment to begin with God’s household;(AB) and if it begins with us, what will the outcome be for those who do not obey the gospel of God?(AC) 18 And,
“If it is hard for the righteous to be saved,
what will become of the ungodly and the sinner?”[a](AD)
19 So then, those who suffer according to God’s will(AE) should commit themselves to their faithful Creator and continue to do good.
Footnotes
- 1 Peter 4:18 Prov. 11:31 (see Septuagint)
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Holy Bible, New International Version®, NIV® Copyright ©1973, 1978, 1984, 2011 by Biblica, Inc.® Used by permission. All rights reserved worldwide.
NIV Reverse Interlinear Bible: English to Hebrew and English to Greek. Copyright © 2019 by Zondervan.

