1 Mga Hari 9
Magandang Balita Biblia
Muling Nagpakita kay Solomon si Yahweh(A)
9 Nang maipagawa na ni Solomon ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng binalak niyang ipatayo, 2 nagpakita(B) muli sa kanya si Yahweh, tulad ng nangyari sa Gibeon. 3 Sinabi sa kanya, “Ibinigay ko ang lahat ng hiniling mo sa iyong panalangin. Itinatakda kong sa Templong ito na inyong ipinatayo, dito mo ako sasambahin magpakailanman. Babantayan ko at iingatan ang Templong ito habang panahon. 4 Kung ikaw naman ay mananatiling tapat sa akin, gaya ng iyong amang si David, kung gagawin mong lahat ang mga ipinagagawa ko sa iyo, at susundin mo ang aking mga utos at tuntunin, 5 pananatilihin(C) ko sa trono ng Israel ang iyong angkan. Iyan ang aking ipinangako sa iyong amang si David. 6 Ngunit kung ikaw, o ang iyong mga anak, ay tatalikod sa akin at hindi susunod sa aking mga kautusan at batas; kapag kayo'y sumamba at naglingkod sa ibang diyos, 7 palalayasin ko ang bayang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila. Itatakwil ko ang Templong ito na aking itinuring na banal at itinakdang lugar na kung saan ako ay sasambahin. Ang Israel ay pagtatawanan at hahamakin ng lahat ng bansa. 8 Magigiba(D) ang Templong ito, at sinumang mapadaan dito'y mangingilabot at magtataka. Sasabihin nila, ‘Bakit ginawa ito ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ 9 At ganito ang isasagot ng mga tao: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang kanilang Diyos na nagligtas sa kanilang mga ninuno mula sa pagkaalipin sa Egipto. Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga diyos kaya pinabayaan sila ni Yahweh na mapahamak.’”
Iba pang mga Ipinagawa ni Solomon(E)
10 Dalawampung taon ang nagugol ni Solomon sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. 11 Si Hiram, hari ng Tiro, ang nagpadala ng mga kahoy na sedar at sipres at ginto na ginamit para doon. Dahil dito, siya'y binigyan ni Solomon ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea bilang kapalit. 12 Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na bigay sa kanya ni Solomon, hindi siya lubos na nasiyahan. 13 Kaya nasabi niya, “Kapatid, bakit naman ganito ang mga lunsod na ibinigay mo sa akin?” Kaya't tinawag na Lupa ng Cabul[a] ang mga lunsod na iyon hanggang ngayon. 14 Nagpadala si Hiram kay Solomon ng 4,200 kilong ginto.
15 Gumamit si Haring Solomon ng sapilitang pagtatrabaho upang maipatayo ang Templo ni Yahweh at ang kanyang palasyo, at upang patatagin ang Millo at ang mga pader ng Jerusalem, Hazor, Megido at Gezer. 16 Ang Gezer ay dating lunsod ng mga Cananeo na sinalakay at sinakop ng Faraon, hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinatay ang mga tagaroon. Pagkatapos, ibinigay ng Faraon ang lunsod na ito kay Solomon bilang dote ng kanyang anak na naging reyna ni Solomon. 17 Ngunit ito'y muling ipinatayo ni Solomon. Ipinagawa rin niya ang Beth-horon sa Timog, 18 ang Baalat, ang Tadmor sa ilang 19 at ang mga lunsod at bayang himpilan ng kanyang mga kabayo at karwahe. Ipinagpatuloy niya ang lahat niyang binalak ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing kanyang sakop. 20 Sapilitang pinapagtrabaho ni Solomon ang mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo na nakatira pa sa lupain. 21 Ito ang mga anak at apo ng mga nakaligtas nang iutos ni Yahweh sa mga Israelita na lipulin ang lahat ng lahi na daratnan nila sa lupain ng Canaan. 22 Hindi niya isinama sa sapilitang paggawa ang mga Israelita. Sa halip ang mga ito'y ginawa niyang mandirigma, mga kawal at pinuno ng hukbo, ng kanyang kabayuhan, at ng kanyang mga karwahe.
23 Ang bilang ng mga tagapangasiwa ni Solomon na pinamahala niya sa mga manggagawa ay 550 katao.
24 Nang mayari na ang palasyong ipinagawa niya para sa reyna na anak ng Faraon, pinalipat niya ito mula sa Lunsod ni David. Pagkatapos, ipinagawa niya ang Millo.
25 Taun-taon,(F) tatlong beses na naghahandog si Solomon sa altar na itinayo niya para kay Yahweh. Nag-aalay siya ng mga handog na susunugin at mga handog na pinagsasaluhan, at nagsusunog din siya ng insenso para kay Yahweh. At natapos niya ang pagtatayo ng Templo.
26 Nagpagawa rin si Solomon ng maraming barko sa Ezion-geber. Ang lunsod na ito ay nasa baybayin ng Dagat na Pula,[b] sa lupain ng Edom, malapit sa Elat. 27 Upang tulungan ang mga tauhan ni Solomon, pinadalhan siya ni Hiram ng sarili niyang mga tauhan na parang mga sanay na mandaragat. 28 Pumunta sila sa Ofir, at pagbalik ay nag-uwi sila ng 14,700 kilong ginto at dinala nila kay Solomon.
Footnotes
- 1 Mga Hari 9:13 CABUL: Sa wikang Hebreo, ang salitang ito'y kasintunog ng salitang “walang halaga”.
- 1 Mga Hari 9:26 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
1 Mga Hari 9
Ang Biblia (1978)
Ang tipan ng Panginoon kay Salomon.
9 At nangyari, nang matapos ni (A)Salomon ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon, at ng bahay ng hari, (B)at ang lahat na nasa ni Salomon na kaniyang kinalulugurang gawin.
2 Na ang Panginoo'y napakita kay Salomon na ikalawa, gaya ng siya'y pakita sa kaniya sa (C)Gabaon.
3 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Aking dininig ang iyong panalangin at ang iyong pamanhik na iyong ipinagbadya sa harap ko: aking pinapaging banal ang bahay na ito na iyong itinayo, upang ilagay ang aking pangalan (D)doon magpakailan man; at ang aking mga mata (E)at ang aking puso ay doroong palagi.
4 At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David, na iyong ama (F)sa pagtatapat ng puso at sa katuwiran na gagawa ka ng ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iingatan mo ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan:
5 Ay akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian sa Israel magpakailan man, ayon sa aking ipinangako kay David na iyong ama, (G)na sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa luklukan ng Israel.
6 Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay sa pagsunod (H)sa akin, kayo o ang inyong mga anak, at hindi ingatan ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan, na aking inilagay sa harap ninyo, kundi kayo'y magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:
7 Akin ngang ihihiwalay ang Israel (I)sa lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking pinapaging banal sa aking pangalan, (J)ay aking iwawaksi sa aking paningin; at ang Israel ay magiging kawikaan at kakutyaan sa gitna ng (K)lahat ng bayan:
8 At bagaman ang bahay na ito ay totoong mataas, gayon ma'y ang bawa't magdaan sa kaniya ay magtataka at susutsot at kanilang sasabihin, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa (L)bahay na ito?
9 At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon nilang Dios na naglabas sa kanilang mga magulang sa lupain ng Egipto, at nagsipanghawak sa ibang mga dios, at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: at kaya't pinarating ng Panginoon sa kanila ang lahat na kasamaang ito.
Mga bayan na ibinigay kay Hiram.
10 At nangyari (M)sa katapusan ng dalawang pung taon, (N)nang si Salomon ay makapagtayo ng dalawang bahay, ng bahay ng Panginoon at ng bahay ng hari
11 (Si Hiram nga na hari sa Tiro ay nagpadala kay Salomon ng mga kahoy na sedro, at mga kahoy na abeto, at ng ginto, ayon sa buo niyang nasa,) na binigyan nga ng haring Salomon si Hiram ng dalawang pung bayan sa lupain ng Galilea.
12 At lumabas si Hiram sa Tiro upang tingnan ang mga bayan na ibinigay ni Salomon sa kaniya; at hindi niya kinalugdan.
13 At kaniyang sinabi, Anong mga bayan itong iyong ipinagbibigay sa akin, kapatid ko? At tinawag niya: lupain ng (O)Cabul, hanggang sa araw na ito.
14 At nagpadala si Hiram sa hari ng isang daan at dalawang pung talentong ginto.
15 At ito ang kadahilanan ng atang (P)na iniatang ng haring Salomon, upang itayo ang bahay ng Panginoon at ang kaniyang bahay, at ang Millo (Q)at ang kuta sa Jerusalem at ang Hasor, (R)at ang Megiddo, (S)at ang (T)Gezer.
16 Si Faraong hari sa Egipto ay umahon, at sinakop ang Gezer, at sinunog ng apoy, at pinatay ang mga Cananeo (U)na nagsisitahan sa bayan, at ibinigay na pinakabahagi sa kaniyang anak na babae, na (V)asawa ni Salomon.
17 At itinayo ni Salomon ang Gezer, at ang Beth-horon sa ibaba,
18 At ang Baalath, (W)at ang Tamar sa ilang, sa lupain,
19 At ang lahat na (X)bayan na imbakan na tinatangkilik ni Salomon, at ang mga bayan sa kaniyang mga (Y)karo, at ang mga bayan sa kaniyang mga mangangabayo, at yaong pinagnasaang pagtayuan ni Salomon sa kalulugdan niya sa Jerusalem, at sa Libano, at sa lahat ng lupain na kaniyang sakop.
20 Tungkol sa lahat na tao na naiwan, sa mga Amorrheo, mga Hetheo, mga Pherezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo, na hindi sa mga anak ni Israel;
21 Sa kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain, (Z)na hindi nalipol na lubos ng mga anak ni Israel, ay sa kanila (AA)nagtindig si Salomon ng pulutong (AB)ng alipin, hanggang sa araw na ito.
22 Nguni't hinggil sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Salomon; (AC)kundi sila'y mga lalaking mangdidigma, at kaniyang mga lingkod, at kaniyang mga prinsipe, at kaniyang mga punong kawal, at mga pinuno sa kaniyang mga karo, at sa kaniyang mga mangangabayo.
23 Ito ang mga punong kapatas na nangasa gawain ni Salomon, limangdaan at limangpu, (AD)na nagsisipagpuno sa bayan na nagsisigawa sa gawain.
24 Nguni't ang (AE)anak na babae ni Faraon ay umahon mula sa bayan ni David sa kaniyang bahay (AF)na itinayo ni Salomon na ukol sa kaniya: saka itinayo niya ang (AG)Millo.
25 At makaitlo sa (AH)isang taon na naghahandog si Salomon ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan sa ibabaw ng dambana na kaniyang itinayo sa Panginoon, na pinagsusunugan niya ng kamangyan sa harap ng Panginoon. Ganoon niya niyari ang bahay.
Sasakyang dagat ni Salomon.
26 At nagpagawa ang haring Salomon ng mga sasakyang dagat sa Ezion-geber (AI)na nasa siping ng Elath, sa baybayin ng Dagat na Mapula, sa lupain ng Edom.
27 At sinugo ni Hiram (AJ)sa mga sasakyan ang kaniyang mga bataan, mga magdadagat na bihasa sa dagat, na kasama ng mga bataan ni Salomon.
28 At sila'y nagsiparoon sa Ophir (AK)at nagsikuha mula roon ng ginto, na apat na raan at dalawang pung talento, (AL)at dinala sa haring Salomon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978