1 Juan 4:7-5:21
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, ibigin natin ang isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sinumang umiibig ay anak na ng Diyos at nakikilala niya ang Diyos. 8 Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakikilala ang Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9 Sa ganitong paraan, nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin: isinugo ng Diyos sa sanlibutan ang kanyang kaisa-isang Anak upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ganito ipinamalas ang pag-ibig: hindi dahil inibig natin ang Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at isinugo niya ang kanyang Anak bilang alay para sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, yamang lubos tayong iniibig ng Diyos, dapat din nating ibigin ang isa't isa. 12 Walang (A) sinumang nakakita sa Diyos, ngunit kung iniibig natin ang isa't isa, nananatili ang Diyos sa atin, at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
13 Sa ganito natin nalalaman na tayo nga'y nananatili sa kanya at siya'y sa atin, na ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at kami'y nagpapatotoo na isinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kanya at siya ay nananatili sa Diyos. 16 Tayo ang nakaalam at sumampalataya sa pag-ibig na iniuukol ng Diyos para sa atin.
Ang Diyos ay pag-ibig, at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. 17 Sa ganitong paraan naging ganap sa atin ang pag-ibig, upang tayo'y magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom, sapagkat kung ano siya ay gayon din tayo sa sanlibutang ito. 18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Sa halip, ang ganap na pag-ibig ay nag-aalis ng takot, sapagkat ang takot ay mayroong kaparusahan. Ang sinumang natatakot ay hindi pa lubusang umiibig. 19 Tayo ay umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin. 20 Ang sinumang nagsasabing iniibig niya ang Diyos ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakikita. 21 Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: dapat ding umibig sa kanyang kapatid ang umiibig sa Diyos.
Ang Pagtatagumpay sa Sanlibutan
5 Ang sinumang sumasampalatayang si Jesus ang Cristo ay anak na ng Diyos, at ang sinumang nagmamahal sa nagsilang ay nagmamahal din sa isinilang. 2 Ganito natin nalalaman na minamahal natin ang mga anak ng Diyos: kung minamahal natin ang Diyos at sinusunod ang kanyang mga utos. 3 Sapagkat ganito ang pagmamahal sa Diyos, na sundin natin ang kanyang mga utos, at hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos. 4 Sapagkat ang sinumang anak na ng Diyos ay nagtatagumpay sa sanlibutan. At ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya. 5 At sino ang nagtatagumpay sa sanlibutan? Hindi ba siya na sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?
Ang Patotoo tungkol sa Anak ng Diyos
6 Si Jesu-Cristo ang siyang pumarito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo; hindi lamang sa pamamagitan ng tubig kundi ng tubig at ng dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. 7 Sapagkat may tatlong nagpapatotoo:[a] 8 ang Espiritu, ang tubig at ang dugo, at ang tatlong ito ay nagkakaisa. 9 Kung tumatanggap tayo ng patotoo ng mga tao, mas higit pa ang patotoo ng Diyos, sapagkat ito ang patotoo ng Diyos, na kanyang ibinigay tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay sa kanyang sarili ng patotoong ito. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo: binigyan tayo ng Diyos ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak. 12 Ang sinumang kinaroroonan ng Anak ay may buhay; ang sinumang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay walang buhay.
13 Isinulat ko ang mga ito sa inyo na sumasampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos, upang malaman ninyo na kayo'y may buhay na walang hanggan. 14 At ito ang katiyakang taglay natin sa kanya: kung anuman ang hihilingin natin ayon sa kanyang kalooban, pinakikinggan niya tayo. 15 At kung alam nating pinakikinggan niya tayo sa anumang hinihiling natin, nakatitiyak na tayo na tatanggapin natin ang hiniling natin mula sa kanya.
16 Kung makita ng sinuman ang kanyang kapatid na gumagawa ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan, ipanalangin niya ito, at ito ay bibigyan ng Diyos ng buhay, at ganoon din sa mga gumagawa ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan. May kasalanang tungo sa kamatayan; hindi tungkol dito ang sinasabi ko na ipanalangin ninyo. 17 Lahat ng kasamaan ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi tungo sa kamatayan.
18 Alam na nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa kasalanan, sapagkat iniingatan siya ng Anak ng Diyos at hindi siya nagagawang saktan ng Masama. 19 Alam na natin na tayo ay sa Diyos, at ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Masama. 20 At alam na nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan tayo ng pagkaunawa upang makilala natin siya na totoo; at tayo ay nasa kanya na totoo. Samakatuwid, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan. 21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.
Footnotes
- 1 Juan 5:7 Sa ilang manuskrito ay may dagdag na, sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu; at ang tatlong ito'y iisa. At mayroong tatlong nagpapatotoo sa lupa.
2 Juan
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Panimula
1 Mula sa matanda para sa hinirang na ginang at kanyang mga anak, na tunay kong iniibig, at hindi lamang ako, kundi lahat ng nakaaalam ng katotohanan, 2 sapagkat ang katotohanan ay nananatili sa atin, at sasaatin magpakailanman. 3 Sumaatin nawa ang biyaya, habag at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula kay Jesu-Cristo, na Anak ng Ama sa katotohanan at pag-ibig.
Katotohanan at Pag-ibig
4 Labis akong nagalak nang malaman kong ilan sa iyong mga anak ay namumuhay sa katotohanan, tulad ng utos na tinanggap natin mula sa Ama. 5 At ngayon, ginang, ako'y humihiling sa iyo; hindi tulad ng isang bagong utos ang isinusulat ko sa iyo, kundi iyon ding tinanggap natin mula nang simula, na ibigin natin ang isa't isa. 6 At ito ang pag-ibig: tayo'y mamuhay ayon sa kanyang mga utos. At ito ang utos, tulad ng inyong narinig mula pa noong una: mamuhay tayo ayon dito. 7 Sapagkat maraming mandaraya ang kumalat sa sanlibutan. Hindi nila kinikilala na dumating si Jesu-Cristo bilang tao. Ang mga ito ang mandaraya at ang anti-Cristo! 8 Ingatan ninyo ang inyong mga sarili, upang hindi masira ang aming pinagpaguran, kundi tumanggap kayo ng lubos na gantimpala. 9 Ang sinumang lumalampas at hindi nananatili sa katuruan ni Cristo, wala sa kanya ang Diyos. Subalit ang sinumang nananatili sa katuruan, nasa kanya ang Ama at ang Anak. 10 Ang sinumang dumating sa inyo na hindi taglay ang katuruang ito ay huwag tanggapin sa inyong tahanan, at huwag din ninyo siyang batiin. 11 Sapagkat ang tumatanggap sa taong ito ay nakikibahagi sa kanyang masasamang gawa.
Pangwakas na Pagbati
12 Marami pa sana akong isusulat sa inyo, subalit hindi ko nais gawin ito sa papel at tinta, kundi ako'y umaasa na makarating sa inyo at makapag-usap tayo nang harapan, upang malubos ang ating kagalakan.
13 Binabati ka ng mga anak ng hinirang na kapatid mong babae.
3 Juan
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Panimula
1 Mula sa matanda, para sa minamahal kong Gayo, na aking minamahal ayon sa katotohanan.
2 Mahal kong kapatid, dalangin ko nawa'y nasa mabuti kang kalagayan at malusog ang iyong pangangatawan, kung paanong mabuti rin ang kalagayan ng iyong kaluluwa. 3 Galak na galak ako nang dumating ang ilan sa mga kapatid at nagpatotoo sa iyong katapatan sa katotohanan, tulad ng iyong pamumuhay ayon sa katotohanan. 4 Wala nang hihigit pa sa kagalakan kong ito, na mabalitaang ang mga anak ko ay namumuhay sa katotohanan.
Mga Katuwang at mga Kalaban
5 Minamahal, tapat ang anumang ginagawa mo para sa iyong mga kapatid, maging sa mga dayuhan. 6 Nagpatotoo sa iglesya ang mga kapatid tungkol sa iyong pag-ibig. Makabubuti kung matutulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, na siya namang kalugud-lugod sa Diyos. 7 Sapagkat sila ay nagsimula nang maglakbay alang-alang kay Cristo.[a] Ginawa nila ito nang hindi tumatanggap ng anumang tulong mula sa mga di-mananampalataya. 8 Kaya nga, nararapat nating tulungan ang mga taong tulad nila, upang tayo'y maging kamanggagawa para sa katotohanan.
9 Sumulat ako ng ilang bagay sa iglesya, subalit hindi kami tinanggap ni Diotrefes, na naghahangad na maging pangunahin. 10 Dahil dito, pagdating ko riyan ay ilalantad ko ang kanyang mga gawa, at ang mga paninirang sinabi niya laban sa amin. At hindi pa siya nasiyahan sa mga iyon; ayaw pa niyang tanggapin ang mga kapatid, at pinipigilan pa niya ang mga nagnanais tumanggap sa mga ito at pinapalayas sa iglesya.
11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama kundi ang mabuti. Ang sinumang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos; ang sinumang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos. 12 Nagpatotoo ang lahat tungkol kay Demetrio, pati na rin ang katotohanan. Kami rin ay nagpapatotoo tungkol sa kanya, at alam mong totoo ang aming patotoo.
Mga Huling Pagbati
13 Marami pa akong isusulat sa iyo, subalit hindi ko nais gawin ito gamit ang panulat at tinta; 14 sa halip, hangad kong makita ka agad, at makapag-usap tayo nang harapan. 15 Sumaiyo ang kapayapaan. Binabati ka ng mga kaibigan. Ipaabot mo ang aking pagbati sa bawat isang[b] kaibigan natin diyan.
Footnotes
- 3 Juan 1:7 Cristo: Sa Griyego, Pangalan.
- 3 Juan 1:15 bawat isa: Sa Griyego, ayon sa pangalan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.