1 Cronica 20
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Inagaw ni David ang Rabba(A)
20 Nang panahong pumupunta ang mga hari sa digmaan para makipaglaban, hindi sumama si David at nagpaiwan siya sa Jerusalem. Si Joab ang nanguna sa mga sundalo sa pakikipaglaban. Winasak nila ang lupain ng mga Ammonita at pinalibutan ang Rabba hanggang sa malipol ito. 2 Pumunta si David sa Rabba at kinuha ang gintong korona sa ulo ng hari ng mga Ammonita,[a] at inilagay niya ito sa kanyang ulo. Ang bigat ng korona na may mamahaling bato ay 35 kilo. Marami pang bagay ang nasamsam ni David sa lungsod na iyon. 3 Ginawa niyang alipin ang mga mamamayan doon at pinagtrabaho, gamit ang lagare, piko, at palakol. Ito ang ginawa ni David sa mga naninirahan sa lahat ng bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, umuwi si David at ang lahat ng sundalo niya sa Jerusalem.
Ang Digmaan Laban sa mga Filisteo(B)
4 Makalipas ang ilang panahon, muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gezer. Sa labanang ito, pinatay ni Sibecai na taga-Husha si Sipai,[b] na isa sa mga angkan ng Rafa.[c] At natalo ang mga Filisteo. 5 Sa isa pa nilang labanan, pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na taga-Gat. Ang sibat ni Lami ay makapal at mabigat.[d]
6 Muli pang naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gat. Sa labanang ito, may isang tao na sobrang laki, may tig-aanim na daliri sa mga kamay at paa niya. Isa rin siya sa mga angkan ng mga Rafa. 7 Nang kutyain niya ang mga Israelita, pinatay siya ni Jonatan na anak ng kapatid ni David na si Shimea. 8 Ang mga Filisteong iyon ay mula sa mga angkan ng Rafa na taga-Gat. Pinatay sila ni David at ng mga tauhan niya.
Footnotes
- 20:2 hari ng mga Ammonita: o, Milcom. Si Milcom ay dios ng mga Ammonita.
- 20:4 Sipai: o, Saf.
- 20:4 Rafa: o, Refaimeo. Maaaring ang matatangkad na tao na naninirahan sa Canaan bago dumating ang mga Israelita. Tingnan sa Deu. 2:10-11.
- 20:5 makapal at mabigat: sa literal, gaya ng panghabi ng manghahabi. Sa Ingles, weaverʼs rod.
1 Cronica 20
Ang Biblia (1978)
Kinubkob ang Rabba.
20 At nangyari (A)sa panahon ng pagpihit ng taon, sa panahong ang mga hari ay nagsisilabas sa pakikipagbaka, na pinatnubayan ni Joab ang hukbo, at sinira ang lupain ng mga anak ni Ammon, at naparoon at kinubkob ang Rabba. Nguni't si David ay naghintay sa Jerusalem. At sinaktan ni Joab ang Rabba, at sinira.
2 At kinuha ni David (B)ang putong ng kanilang hari sa ibabaw ng kaniyang ulo, at nasumpungang may timbang na isang talentong ginto, at may mga mahalagang bato roon: at naputong sa ulo ni David: at kaniyang inilabas ang samsam sa bayan, na totoong marami.
3 At kaniyang inilabas ang bayan na (C)nandoon, at (D)pinutol sila ng mga lagari, at ng mga suyod na bakal, at ng mga palakol. At ganito ang ginawa ni David sa lahat ng mga bayan ng mga anak ni Ammon. At si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.
Sinaktan ang Filisteo.
4 At nangyari, pagkatapos nito, (E)na nagkaroon ng pagdidigma sa (F)Gezer laban sa mga Filisteo: nang magkagayo'y pinatay ni Sibbecai na Husathita si (G)Sippai, sa mga anak ng mga higante; at sila'y sumuko.
5 At nagkaroon uli ng pakikipagdigma laban sa mga Filisteo; at pinatay ni Elhanan na anak ni (H)Jair si Lahmi na kapatid ni Goliath na Getheo, na ang puluhan ng sibat niya ay gaya ng panghabi ng manghahabi.
6 At nagkaroon uli ng pagdidigma sa Gath, na doo'y may isang lalaking may malaking bulas, na ang mga daliri ng kamay at paa ay dalawangpu't apat, anim sa bawa't kamay at anim sa bawa't paa; at siya rin nama'y ipinanganak sa higante.
7 At nang kaniyang hamunin ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni (I)Sima na kapatid ni David.
8 Ang mga ito ang ipinanganak sa higante sa Gath, at sila'y nangabuwal sa pamamagitan ng kamay ni David, at sa pamamagitan ng kamay ng mga lingkod niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.