Add parallel Print Page Options

Paghahanda Upang Ilipat ang Kaban

15 Gumawa si David[a] ng mga bahay para sa kanya sa lunsod ni David; at ipinaghanda niya ng isang dako ang kaban ng Diyos, at nagtayo para roon ng isang tolda.

Nang(A) magkagayo'y sinabi ni David, “Walang dapat magdala ng kaban ng Diyos kundi ang mga Levita, sapagkat sila ang pinili ng Panginoon upang magdala ng kaban ng Diyos at maglingkod sa kanya magpakailanman.”

Tinipon ni David ang buong Israel sa Jerusalem upang iahon ang kaban ng Panginoon sa lugar nito na kanyang inihanda para rito.

At tinipon ni David ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita;

sa mga anak ni Kohat: si Uriel na pinuno at ang kanyang mga kapatid, isandaan at dalawampu;

sa mga anak ni Merari: si Asaya na pinuno at ang dalawandaan at dalawampu sa kanyang mga kapatid,

sa mga anak ni Gershon: si Joel na pinuno, at ang isandaan at tatlumpu sa kanyang mga kapatid,

sa mga anak ni Elisafan: si Shemaya na pinuno, at ang dalawandaan sa kanyang kapatid,

sa mga anak ni Hebron: si Eliel na pinuno, at ang kanyang walumpung mga kapatid,

10 sa mga anak ni Uziel: si Aminadab na pinuno, at ang kanyang isandaan at labindalawang mga kapatid.

11 Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel, at Aminadab,

12 at kanyang sinabi sa kanila, “Kayo ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga Levita. Magpakabanal kayo, kayo at ang inyong mga kapatid, upang inyong maiahon ang kaban ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, sa dakong aking inihanda para rito.

13 Sapagkat dahil sa hindi ninyo dinala ito nang una, ang Panginoon nating Diyos ay nagalit sa atin, sapagkat hindi natin siya hinanap ayon sa utos.”

14 Sa gayo'y ang mga pari at ang mga Levita ay nagpakabanal upang iahon ang kaban ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.

15 At(B) binuhat ng mga anak ng mga Levita ang kaban ng Diyos sa kanilang mga balikat sa pamamagitan ng mga pasanan, gaya ng iniutos ni Moises ayon sa salita ng Panginoon.

Ang Kaban ay Dinala ng mga Levita sa Jerusalem(C)

16 Inutusan rin ni David ang pinuno ng mga Levita na italaga ang kanilang mga kapatid bilang mga mang-aawit na tutugtog sa mga panugtog, mga alpa, mga lira at mga pompiyang, upang magpailanglang ng mga tunog na may kagalakan.

17 Kaya't hinirang ng mga Levita si Heman na anak ni Joel; at sa kanyang mga kapatid ay si Asaf na anak ni Berequias; at sa mga anak ni Merari na kanilang mga kapatid ay si Etan na anak ni Cusaias.

18 Kasama nila ang kanilang mga kapatid mula sa ikalawang pangkat: sina Zacarias, Ben, Jaaziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maasias, Matithias, Eliphelehu, Micnias, Obed-edom, at Jehiel, na mga bantay sa pinto.

19 Ang mga mang-aawit na sina Heman, Asaf, at Etan, ay tutugtog ng mga pompiyang na tanso,

20 sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias, at Benaya, ay tutugtog ng mga alpa ayon kay Alamot;

21 ngunit sina Matithias, Elifelehu, Micnias, Obed-edom, Jehiel, at si Azazias, ay mangunguna sa pagtugtog ng mga alpa ayon sa Sheminith.

22 Si Kenanias na pinuno ng mga Levita sa musika ay siyang mangangasiwa sa pag-awit sapagkat nauunawaan niya ito.

23 Sina Berequias, at Elkana ay mga bantay ng pintuan para sa kaban.

24 Sina Sebanias, Joshafat, Natanael, Amasai, Zacarias, Benaya at si Eliezer na mga pari, ang magsisihihip ng mga trumpeta sa harapan ng kaban ng Diyos. Sina Obed-edom at Jehias ay mga bantay rin sa pintuan para sa kaban.

25 Kaya't si David at ang matatanda sa Israel at ang mga punong-kawal sa mga libu-libo, ay umalis upang iahon na may kagalakan ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bahay ni Obed-edom:

26 Sapagkat tinulungan ng Diyos ang mga Levita na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, sila'y naghandog ng pitong baka at pitong tupa.

27 Si David ay may suot na isang balabal na pinong lino, gayundin ang lahat ng Levita na nagpapasan ng kaban, at ang mga mang-aawit, si Kenanias na tagapamahala sa awit ng mga mang-aawit; at si David ay may suot na efod na lino.

28 Sa gayon iniahon ng buong Israel ang kaban ng tipan ng Panginoon na may mga sigawan, may mga tunog ng tambuli, mga trumpeta at may mga pompiyang, at tumugtog nang malakas sa mga alpa at mga lira.

29 Nangyari nga, samantalang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumarating sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay tumanaw sa bintana, at nakita niya si Haring David na sumasayaw at nagsasaya; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.

Footnotes

  1. 1 Cronica 15:1 Sa Hebreo ay siya .

15 At gumawa si David ng mga bahay sa bayan ni David; at ipinaghanda niya ng isang dako ang kaban ng Dios, at ipinaglagay roon ng isang tolda.

Nang magkagayo'y sinabi ni David, Walang makapagdadala ng kaban ng Dios kundi ang mga Levita: sapagka't sila ang pinili ng Panginoon upang magsipagdala ng kaban ng Dios, at upang mangasiwa sa kaniya magpakailan man.

At pinisan ni David ang buong Israel sa Jerusalem, upang iahon ang kaban ng Panginoon sa dakong pinaghandaan.

At pinisan ni David ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita:

Sa mga anak ni Coath: si Uriel na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, isang daan at dalawangpu;

Sa mga anak ni Merari: si Asaias na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, dalawang daan at dalawangpu;

Sa mga anak ni Gersom: si Joel na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, isang daan at tatlongpu;

Sa mga anak ni Elisaphan: si Semeias na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, dalawang daan:

Sa mga anak ni Hebron: si Eliel na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, walongpu;

10 Sa mga anak ni Uzziel: si Aminadab na pinuno, at ang kaniyang mga kapatid, isang daan at labing dalawa.

11 At ipinatawag ni David si Sadoc at si Abiathar na mga saserdote, at ang mga Levita, si Uriel, si Asaias, at si Joel, si Semeias, at si Eliel, at si Aminadab,

12 At sinabi sa kanila, Kayo ang mga pinuno sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita: magpakabanal kayo, at gayon din ang inyong mga kapatid, upang inyong maiahon ang kaban ng Panginoon, ng Dios ng Israel, hanggang sa dakong aking pinaghandaan.

13 Sapagka't dahil sa hindi ninyo dinala nang una, ang Panginoon nating Dios ay nagalit sa atin, sapagka't hindi natin hinanap siya ayon sa utos.

14 Sa gayo'y ang mga saserdote at ang mga Levita ay nagpakabanal, upang iahon ang kaban ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

15 At pinisan ng mga anak ng mga Levita ang kaban ng Dios sa kanilang mga balikat sa pamamagitan ng mga pingga niyaon, gaya ng iniutos ni Moises ayon sa salita ng Panginoon.

16 At si David ay nagsalita sa pinuno ng mga Levita, na ihalal ang kanilang mga kapatid na mangaawit, na may mga panugtog ng tugtugin, mga salterio, at mga alpa, at mga simbalo, upang magsitugtog ng malakas, at maglakas ng tinig na may kagalakan.

17 Sa gayo'y inihalal ng mga Levita si Heman na anak ni Joel; at sa kaniyang mga kapatid ay si Asaph na anak ni Berechias; at sa mga anak ni Merari na kanilang mga kapatid ay si Ethan na anak ni Cusaias;

18 At kasama nila, ang kanilang mga kapatid sa ikalawang hanay, si Zacharias, si Ben, at si Jaaziel, at si Semiramoth, at si Jehiel, at si Unni, si Eliab, at si Benaias, at si Maasias, at si Mathithias, at si Eliphelehu, at si Micnias, at si Obed-edom, at si Jehiel, na mga tagatanod-pinto.

19 Sa gayo'y ang mga mangaawit, si Heman, si Asaph, at si Ethan, ay nangahalal na may mga simbalong tanso upang patunuging malakas;

20 At si Zacharias, at si Jaaziel, at si Semiramoth, at si Jehiel, at si Unni, at si Eliab, at si Maasias, at si Benaias, na may mga salterio na itinugma sa Alamoth;

21 At si Mathithias, at si Eliphelehu, at si Micnias, at si Obed-edom, at si Jehiel, at si Azazias, na may mga alpa na itinugma sa Seminit, upang magayos sa pagawit.

22 At si Chenanias, na pinuno ng mga Levita, nasa pamamahala sa awitan: siya ang nagtuturo tungkol sa pagawit, sapagka't siya'y bihasa.

23 At si Berechias, at si Elcana ay mga tagatanod sa kaban.

24 At si Sebanias, at si Josaphat, at si Nathanael, at si Amasai, at si Zacharias, at si Benaias at si Eliezer na mga saserdote, ay nagsihihip ng mga pakakak sa harap ng Dios: at si Obed-edom, at si Jehias ay mga tagatanod sa kaban.

25 Sa gayo'y si David, at ang mga matanda sa Israel, at ang mga punong kawal sa mga lilibuhin, ay nagsiyaon upang iahong may sayahan ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bahay ni Obed-edom:

26 At nangyari, na pagka tinulungan ng Dios ang mga Levita na nangagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, na sila'y naghahain ng pitong baka at pitong tupa.

27 At si David ay nababalot ng isang balabal na mainam na kayong lino, at ang lahat na Levita na nagsisipasan ng kaban, at ang mga mangaawit, at si Chenanias na tagapagturo ng awit na kasama ng mga mangaawit: at si David ay mayroong isang epod na lino.

28 Gayon iniahon ng buong Israel ang kaban ng tipan ng Panginoon na may mga hiyawan, at may mga tunog ng korneta, at mga pakakak, at may mga simbalo, na tumutunog ng malakas na may mga salterio at mga alpa.

29 At nangyari, samantalang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumarating sa bayan ni David, na si Michal na anak ni Saul ay tumanaw sa dungawan, at nakita niya ang haring David na sumasayaw at tumutugtog; at kaniyang niwalang kabuluhan siya sa kaniyang puso.

Ang Paghahanda sa Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan

15 Nagpatayo si David ng mga gusali sa kanyang lungsod[a] para sa sarili niya. Nagpagawa rin siya ng tolda para sa Kahon ng Dios, at inilagay niya ito nang maayos sa lugar na kanyang inihanda para rito. Pagkatapos, sinabi ni David, “Walang ibang tagabuhat ng Kahon ng Dios maliban sa mga Levita, dahil sila ang pinili ng Panginoon na magbuhat ng Kahon ng Panginoon at maglingkod sa presensya niya magpakailanman.” Tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita sa Jerusalem na magdadala ng Kahon ng Panginoon sa lugar na inihanda niya para rito. Ipinatawag din niya ang mga pari[b] at mga Levita, na ang mga bilang ay ito:

Mula sa mga angkan ni Kohat, 120, at pinamumunuan sila ni Uriel.

Mula sa mga angkan ni Merari, 220, at pinamumunuan sila ni Asaya.

Mula sa mga angkan ni Gershon,[c] 130, at pinamumunuan sila ni Joel.

Mula sa angkan ni Elizafan, 200, at pinamumunuan sila ni Shemaya.

Mula sa mga angkan ni Hebron, 80, at pinamumunuan sila ni Eliel.

10 Mula sa mga angkan ni Uziel, 112, at pinamumunuan sila ni Aminadab.

11 Pagkatapos, ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar at ang mga Levitang sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng mga pamilyang Levita. Linisin nʼyo ang inyong mga sarili[d] at ganoon din ang mga kapwa nʼyo Levita, para madala ninyo ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa lugar na inihanda ko para rito. 13 Dahil noong una hindi kayo ang nagdala ng Kahon ng Kasunduan. Pinarusahan tayo ng Panginoon na ating Dios dahil hindi tayo nagtanong sa kanya kung paano ito dadalhin sa tamang paraan.”

14 Kaya nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para madala nila ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 15 Pinagtulungang pasanin ng mga Levita ang Kahon ng Dios sa pamamagitan ng tukod, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

16 Inutusan ni David ang mga pinuno ng mga Levita na pumili ng mang-aawit mula sa kapwa nila Levita, sa pag-awit ng masasayang awitin na tinugtugan ng mga lira, alpa at pompyang. 17 Kaya pinili ng mga Levita si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berekia, at si Etan na anak ni Kusaya na mula sa angkan ni Merari. 18 Ang piniling tutulong sa kanila ay ang mga kamag-anak nilang sina Zacarias, Jaaziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maaseya, Matitia, Elifelehu, Mikneya, at ang mga guwardya ng pintuan ng Tolda na sina Obed Edom at Jeyel. 19 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga tansong pompyang ay sina Heman, Asaf at Etan. 20 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga lira sa mataas na tono ay sina Zacarias, Aziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maaseya at Benaya. 21 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga alpa sa mababang tono ay sina Matitia, Elifelehu, Mikneya, Obed Edom, Jeyel at Azazia. 22 Ang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit ay ang pinuno ng mga Levita na si Kenania, dahil mahusay siyang umawit. 23 Ang pinagkatiwalaang magbantay ng Kahon ng Kasunduan ay sina Berekia at Elkana. 24 Ang pinagkatiwalaang magpatunog ng trumpeta sa harapan ng Kahon ng Dios ay ang mga pari na sina Shebania, Joshafat, Netanel, Amasai, Zacarias, Benaya at Eliezer. Sina Obed Edom at Jehia ay mga tagapagbantay din sa Kahon ng Kasunduan.

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(A)

25 Kaya masayang pumunta si David, ang mga tagapamahala ng Israel, at ang mga pinuno ng libu-libong sundalo sa bahay ni Obed Edom para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 26 At dahil tinulungan ng Dios ang mga Levita nang dalhin nila ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, naghandog sila ng pitong batang toro at pitong tupa. 27 Nagsuot si David ng damit na gawa sa telang linen pati ang lahat ng Levitang bumubuhat ng Kahon ng Kasunduan, ang mga mang-aawit, at si Kenania na siyang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit. Nagsuot din si David ng espesyal na damit[e] na gawa sa telang linen. 28 At dinala ng lahat ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon nang may kagalakan. Pinatunog nila ang mga tambuli, trumpeta at pompyang; at pinatugtog ang mga lira at mga alpa.

29 Nang papasok na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa Lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. At nang makita niya si Haring David na sumasayaw sa tuwa, kinamuhian niya siya.

Footnotes

  1. 15:1 kanyang lungsod: sa Hebreo, Lungsod ni David.
  2. 15:4 mga pari: sa literal, mga angkan ni Aaron.
  3. 15:7 Gershon: o, Gershom.
  4. 15:12 Linisin … sarili: Ang ibig sabihin, sundin nʼyo ang seremonya ng paglilinis. Ganito rin sa talatang 14.
  5. 15:27 espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
'1 Paralipomeno 15 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.