1 Corinto 3-11
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mga Kamanggagawa para sa Diyos
3 Ngunit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. 2 Pinainom ko kayo ng gatas at hindi ng pagkain para sa nasa hustong gulang, sapagkat hindi pa ninyo ito kaya. Hanggang ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya, 3 sapagkat kayo ay namumuhay pa ayon sa laman. Sapagkat habang sa inyo'y may mga pagseselos at mga pag-aaway, hindi ba kayo'y namumuhay ayon sa laman at lumalakad ayon sa kaugalian ng tao? 4 Sapagkat kapag may nagsasabi, “kay Pablo ako,” at ang isa naman, “kay Apolos ako,” hindi ba asal ng mga tao iyan? 5 Sino nga ba si Apolos? At sino si Pablo? Mga lingkod na kinasangkapan upang sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa. 6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago. 7 Kaya't hindi ang nagtatanim o ang nagdidilig ang mahalaga, kundi ang Diyos na nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay may iisang layunin, at ang bawat isa ay tatanggap ng kabayaran ayon sa kanyang pinagpaguran. 9 Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, at kayo ang bukid ng Diyos, at ang gusali ng Diyos.
10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang mahusay na punong-tagapagtayo, naglagay ako ng saligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Ang bawat isa ay mag-ingat sa kanyang pagtatayo. 11 Sapagkat walang maaaring maglagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, at ito ay si Jesu-Cristo. 12 At kung sa ibabaw ng saligang ito, ay may magtatayo ng gusali na yari sa ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, at pinaggapasan, 13 ang gawa ng bawat nagtayo ay mahahayag, sapagkat ibubunyag ito sa takdang araw. Ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy, at ang apoy ang magpapatunay kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang gawang itinayo ng sinuman sa ibabaw ng saligan ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay masunog, makararanas siya ng pagkalugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tulad sa dumaan sa apoy. 16 Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinisira ng sinuman ang templo ng Diyos, ang taong iyon ay sisirain din ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at kayo nga iyon.
18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang magpakahangal, upang siya ay maging marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa paningin ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Binibitag niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.” 20 At muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pag-iisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't hindi dapat ipagmalaki ng sinuman ang mga tao. Sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Pedro,[a] o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang bagay sa hinaharap, lahat ng ito ay sa inyo, 23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.
Ang Gawain ng mga Apostol
4 Kaya't dapat kaming ituring ng tao bilang mga tagapaglingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2 Bukod dito, inaasahan sa mga katiwala na sila'y matagpuang tapat. 3 Ngunit para sa akin ay napakaliit na bagay ang hatulan ninyo ako o ng hukuman ng tao. Ni hindi nga ako humahatol sa aking sarili. 4 Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, ngunit hindi ibig sabihin nito na ako'y walang sala. Ang humahatol sa akin ay ang Panginoon. 5 Kaya't huwag kayong humatol ng anuman nang wala pa sa takdang panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon, na siyang magdadala ng liwanag ng mga bagay na nakatago sa kadiliman, at magbubunyag sa mga hangarin ng mga puso. Pagkatapos, ang bawat isa ay magkakaroon ng papuri mula sa Diyos.
6 Ang mga bagay na ito, mga kapatid, ay ginamit kong halimbawa sa aking sarili at kay Apolos para sa inyo, upang sa pamamagitan namin ay matutuhan ninyo ito: Huwag lumampas sa mga bagay na nasusulat. Sa gayon, ang sinuman sa inyo ay hindi maging palalò laban sa iba. 7 Sapagkat sino ang nagsasabing naiiba ka? At ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo, bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo ito tinanggap? 8 Nasa inyo na ang lahat ng gusto ninyo! Mayayaman na kayo! Naging mga hari kayo kahit wala kami! Naging hari nga sana kayo upang kami ay naging hari ding kasama ninyo. 9 Sapagkat sa palagay ko, kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na pinakahuli sa lahat, tulad ng mga taong nahatulan ng kamatayan, sapagkat kami ay naging isang palabas na pinanonood ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal dahil kay Cristo! Ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas! Kayo ay pinararangalan ngunit kami ay hinahamak! 11 Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at mga pagala-gala, 12 at nagpapagod kami sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Kapag kami'y nilalait, gumaganti kami ng pagpapala, kapag pinahihirapan, kami'y nagtitiis; 13 at kapag inaalipusta, magalang kaming sumasagot. Hanggang ngayon ay para kaming mga basura ng daigdig, dumi ng lahat ng mga bagay.
14 Hindi ko isinusulat ang mga ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay pagpayuhan bilang aking mga minamahal na anak. 15 Sapagkat kahit magkaroon pa kayo kay Cristo ng libu-libong mga tagapagturo ay hindi naman marami ang inyong ama; sapagkat kay Cristo Jesus ako ang naging ama ninyo sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16 Kaya't nakikiusap ako, tumulad kayo sa akin. 17 Dahil dito, pinapunta ko sa inyo si Timoteo na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siyang magpapaalala sa inyo ng aking pagtalima kay Cristo Jesus[b] katulad ng itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako. 18 Ngunit may mayayabang na para bang hindi na ako darating sa inyo. 19 Ngunit ako'y darating agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon, at malalaman ko, hindi lamang ang sinasabi ng mga taong nagyayabang diyan, kundi ang kanilang kapangyarihan. 20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi sa pananalita lamang, kundi sa kapangyarihan. 21 Ano'ng gusto ninyo? Pumunta ako riyan na may dalang pamalo, o may pagmamahal at may kaamuan?
Ang Hatol Laban sa Imoralidad
5 Sa katunayan ay may naiulat na may pakikiapid na nagaganap sa inyo, na ang isang lalaki ay nakikipisan sa asawa ng kanyang ama. Ang ganyang uri ng pakikiapid ay wala kahit sa mga pagano. 2 At nagyayabang pa kayo! Dapat sana'y nalungkot kayo, upang maitiwalag ninyo ang gumagawa nito? 3 Sapagkat kahit wala ako riyan sa katawan, ako'y kasama ninyo sa espiritu. Kaya't para na ring nasa harapan ninyo, humatol na ako sa gumawa ng bagay na ito. 4 Kapag kayo ay nagkakatipon kasama ang aking espiritu na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, sa pangalan ng ating Panginoong Jesus, 5 ibigay ninyo ang ganyang tao kay Satanas para sa ikawawasak ng laman, upang ang kanyang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus. 6 Hindi tama ang inyong pagmamalaki. Hindi ba ninyo alam na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa? 7 Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, upang kayo'y maging bagong masa, na talaga namang kayo'y walang pampaalsa. Sapagkat si Cristo na kordero ng ating paskuwa ay naialay na. 8 Kaya't magdiwang tayo ng pista, nang walang lumang pampaalsa, ni pampaalsa ng maruming pag-iisip at kasamaan. Sa halip, magdiwang tayo nang may tinapay ng kalinisan at katotohanan, isang tinapay na walang pampaalsa.
9 Sinabi ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga mapakiapid. 10 Hindi ko tinutukoy ang mga mapakiapid ng sanlibutang ito, o ang mga sakim at mga magnanakaw, o ang mga sumasamba sa diyus-diyosan; kung gayo'y kailangan ninyong lumabas ng daigdig. 11 Ngayon, isinusulat ko sa inyo na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o sakim, o sumasamba sa diyus-diyosan, o mapanlait, o lasenggo, o magnanakaw—ni huwag kayong makisalo sa pagkain sa ganyang uri ng tao. 12 Ano ang karapatan kong humatol sa mga nasa labas? Hindi ba dapat hinahatulan ninyo ang mga nasa loob? 13 At ang Diyos ang hahatol sa mga nasa labas. “Palayasin ninyo mula sa inyo ang masamang tao.”
Tungkol sa Pagsasakdal Laban sa Kapatid
6 Kapag sinuman sa inyo na may usapin laban sa isang kapatid, nangangahas ba siya na magsakdal sa harapan ng mga di-matuwid at hindi sa harapan ng mga hinirang ng Diyos? 2 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan sa pamamagitan ninyo, hindi ba ninyo kayang humatol sa napakaliliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo nalalaman na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay tungkol sa buhay na ito? 4 Kung kayo'y may mga usaping may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay na ito, itinatalaga ba ninyong hukom ang mga taong hindi naman kinikilala ng iglesya? 5 Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Wala ba ni isang marunong diyan sa inyo na maaaring magpasya sa usapin ng mga magkakapatid? 6 Sa halip, may kapatid na nagsasakdal laban sa kapatid, at sa harapan pa ng mga hindi mananampalataya! 7 Sa katunayan, ang magkaroon kayo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi na lamang ninyo tanggapin na kayo'y apihin? Bakit hindi na lamang kayo magparaya? 8 Ngunit kayo mismo ang nang-aapi at nandaraya at ito'y sa mga kapatid pa naman ninyo! 9 Hindi ba ninyo alam na ang masasamang tao ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga nakikiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki o sa kapwa babae, 10 ang mga magnanakaw, mga sakim, mga lasenggo, mga mapanlait, mga magdaraya ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayo; ginawa na kayong banal, at itinuring na matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at ng Espiritu ng Diyos.
Ang Katawan at ang Pagluwalhati sa Diyos
12 “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay;” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi ako magpapasakop sa kapangyarihan ng anuman. 13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ang mga ito'y kapwa wawasakin ng Diyos. Subalit ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos ang Panginoon at muli rin niya tayong bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kaya't kukuha ba ako ng mga bahagi ni Cristo at gagawin kong mga bahagi ng isang bayarang babae? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang lalaking nakikisama sa isang bayarang babae ay nagiging kaisang katawan nito? Sapagkat nasasaad, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17 Ngunit ang taong nakikisama sa Panginoon ay nagiging kaisa ng Panginoon sa espiritu. 18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang nagagawa ng isang tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan. 19 O hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu na taglay ninyo mula sa Diyos? At hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili, 20 sapagkat mahal ang pagkabili sa inyo. Kaya't luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.
Mga Tagubilin tungkol sa Pag-aasawa
7 Tungkol naman sa mga bagay na isinulat ninyo: “Mabuti para sa isang lalaki na huwag gumalaw ng babae.” 2 Subalit dahil sa laganap na pakikiapid, ang bawat lalaki ay dapat magkaroon ng sarili niyang asawa, at gayundin ang bawat babae. 3 Dapat ibigay ng lalaki sa kanyang asawa ang karapatan nito bilang asawa, at gayundin ang babae sa kanyang asawa. 4 Sapagkat hindi na ang babae ang nagpapasya tungkol sa kanyang katawan, kundi ang kanyang asawa, at hindi na rin ang lalaki ang nagpapasya tungkol sa kanyang sariling katawan, kundi ang kanyang asawa. 5 Huwag ninyong ipagkait ang inyong mga sarili sa isa't isa, malibang may kasunduan kayo sa loob ng maikling panahon upang mailaan ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos nito ay magsiping kayong muli, upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kakulangan ninyo ng pagpipigil sa sarili. 6 Ngunit sinasabi ko ito bilang panukala at hindi bilang utos. 7 Nais ko sanang ang lahat ay maging katulad ko. Subalit ang bawat isa'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos, ang isa'y ganito at ang iba naman ay ganoon.
8 Ngunit sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo: mabuti para sa kanila kung sila'y mananatiling kagaya ko. 9 Ngunit kung sila'y hindi makapagpigil, ay magsipag-asawa sila, sapagkat mas mabuti pang mag-asawa kaysa mag-apoy sa pagnanasa. 10 At sa mga may asawa ay nagtatagubilin ako, hindi ako, kundi ang Panginoon, na huwag hiwalayan ng babae ang kanyang asawa. 11 Ngunit kung siya'y humiwalay, manatili siyang walang asawa, kung hindi naman ay makipagkasundo siya sa kanyang asawa. At hindi dapat iwan ng lalaki ang kanyang asawa. 12 Ngunit sa iba ay ako mismo ang nagsasabi at hindi ang Panginoon, na kung sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-mananampalataya, at pumapayag itong mamuhay na kasama niya, huwag niya itong hiwalayan. 13 At kung ang babae ay may asawang di-mananampalataya, at pumapayag ang lalaking ito na mamuhay na kasama niya, huwag niyang hiwalayan ang kanyang asawa. 14 Sapagkat ang lalaking di-mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang asawa, at ang babaing di-mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang asawa. Kung hindi gayon, ang mga anak ninyo ay marurumi, ngunit ngayon sila'y mga banal. 15 Ngunit kung humiwalay ang di-mananampalataya, hayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalaki o ang kapatid na babae ay hindi dapat paalipin sa gayong kalagayan, sapagkat tayo ay tinawag ng Diyos tungo sa kapayapaan. 16 Hindi mo ba nalalaman, babae, na baka ikaw ang magliligtas sa iyong asawa? At hindi mo ba nalalaman, lalaki, na baka ikaw ang magliligtas sa iyong asawa?
Mamuhay ayon sa Pagkatawag ng Diyos
17 Hayaang mamuhay ang bawat isa ayon sa itinakda sa kanya ng Panginoon, at sa kalagayan niya noong tawagin siya ng Diyos. Ganito ang itinatagubilin ko sa lahat ng mga iglesya. 18 Natuli na ba ang sinuman nang siya'y tawagin? Huwag niyang alisin ang mga tanda ng pagtutuli. Hindi pa ba natuli ang sinuman nang siya'y tawagin? Huwag na siyang magpatuli. 19 Walang kabuluhan ang pagiging tuli o hindi tuli; ang mahalaga ay ang pagtupad sa mga utos ng Diyos. 20 Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin. 21 Isa ka bang alipin nang ikaw ay tawagin? Wala kang dapat alalahanin. Subalit kung magagawa mong maging malaya ay gamitin mo ang pagkakataon. 22 Sapagkat ang tinawag na maging kaisa ng Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, at ang tinawag naman nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo. 23 Mahal ang pagkabili sa inyo, kaya huwag kayong maging mga alipin ng mga tao. 24 Mga kapatid, hayaang manatili ang bawat isa sa kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos.
Sa mga Walang Asawa at mga Balo
25 At tungkol naman sa mga walang asawa[c] ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit nagbibigay ako ng kuru-kuro bilang isang taong mapagkakatiwalaan dahil sa habag ng Panginoon. 26 Sa palagay ko, dahil sa kagipitang kinakaharap ngayon, makabubuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. 27 Nakatali ka ba sa asawang-babae? Huwag mong sikaping makalaya. Nakalaya ka ba mula sa asawa? Huwag kang nang humanap ng asawa. 28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga may asawa ay daranas ng kahirapan sa buhay[d] at iniiwas ko lamang kayo sa mga iyon. 29 Ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ay maikli na ang panahon. Mula ngayon, ang mga may asawa ay mamuhay tulad sa walang asawa; 30 at ang mga umiiyak ay maging katulad ng mga hindi umiiyak, at ang mga natutuwa ay maging katulad ng mga hindi natutuwa; at ang mga bumibili ay maging katulad ng mga walang pag-aari, 31 at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan ay maging katulad ng mga hindi lubos na gumagamit nito. Sapagkat lumilipas ang anyo ng sanlibutang ito. 32 At nais kong mawalan kayo ng mga alalahanin. Ang lalaking walang asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon. 33 Ngunit ang lalaking may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa, 34 at nahahati ang kanyang pag-iisip. Ang babaing walang asawa at ang birhen ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano magiging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa. 35 Sinasabi ko ito para sa inyong kapakanan, hindi upang paghigpitan kayo, kundi upang magkaroon kayo ng kaayusan at makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.
36 Ngunit kung iniisip ng sinuman na hindi tama ang kanyang inaasal sa kanyang dalaga[e] na nasa hustong gulang na, hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—walang masama rito. 37 Subalit sinumang may matibay na paninindigan sa kanyang puso, at hindi nakakaramdam ng pangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling kagustuhan at nagpasya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang dalaga, mabuti ang kanyang ginagawa. 38 Kaya't ang nagpapakasal sa kanyang kasintahan ay gumagawa ng mabuti at ang hindi naman nagpapakasal ay gumagawa ng mas mabuti.
39 Ang asawang babae ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung namayapa na ang kanyang asawa, malaya na siyang mag-asawa sa kanino mang nais niya, basta sa kapwa nasa Panginoon. 40 Ngunit sa aking palagay, mas maligaya siya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. Iniisip ko rin naman na taglay ko ang Espiritu ng Diyos.
Tungkol sa mga Pagkaing Inialay sa Diyus-diyosan
8 Tungkol naman sa mga pagkaing inialay sa mga diyus-diyosan, alam nating tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapayabang, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay. 2 Sinumang nag-aakala na mayroon siyang alam ay hindi pa niya alam ang dapat niyang malaman. 3 Ngunit sinumang umiibig sa Diyos, ang taong ito ay kinikilala ng Diyos. 4 Kaya't tungkol sa pagkain ng mga inialay sa mga diyus-diyosan, alam natin na walang totoong diyos na inilalarawan ng mga diyus-diyosan sa sanlibutan, at walang Diyos maliban sa isa. 5 Sapagkat kahit may tinatawag na mga diyos, sa langit man o sa lupa, gaya ng pagkakaroon ng maraming “mga diyos” at maraming “mga panginoon,” 6 ngunit para sa atin ay may iisang Diyos, ang Ama, na siyang pinagmulan ng lahat ng mga bagay, at para sa kanya tayo'y nabubuhay, at may iisang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya, tayo'y nabubuhay.
7 Subalit hindi lahat ng mga tao ay may ganitong kaalaman. At may ibang nasanay na sa mga diyus-diyosan hanggang ngayon ay kumakain na para bang totoong inialay sa diyus-diyosan ang pagkain, at dahil mahina ang kanilang budhi, inaakala nilang sila'y nadungisan. 8 Ngunit “hindi tayo napapalapit sa Diyos dahil sa pagkain.” Walang nawawala sa atin kung hindi tayo kumain, at wala rin naman tayong napapala kung tayo'y kumain. 9 Ngunit mag-ingat kayo, baka ang kalayaan ninyong ito ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina. 10 Sapagkat kapag may nakakita sa iyo, ikaw na mayroong alam, na nakikisalo ka sa pagkain sa loob ng templo ng diyus-diyosan, hindi kaya ang kanyang mahinang budhi ay mahikayat na kumain ng mga bagay na inialay sa mga diyus-diyosan? 11 Kaya't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napapahamak ang mahina; alang-alang sa kapatid na ito ay namatay si Cristo. 12 Sa gayong paraan, dahil sa pagkakasala sa mga kapatid at pagsugat sa kanilang mahinang budhi, ay nagkakasala kayo laban kay Cristo. 13 Kaya't kung ang pagkain ay nagtutulak sa aking kapatid upang magkasala, hinding-hindi na ako kakain ng karne kahit kailan, upang hindi ko maitulak sa pagkakasala ang aking kapatid.
Mga Karapatan ng Apostol
9 Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ko ba nakita si Jesus na Panginoon natin? Hindi ba bunga kayo ng aking gawain sa Panginoon? 2 Kung sa iba'y hindi ako apostol, ngunit sa inyo nama'y apostol ako, sapagkat kayo ang tatak ng aking pagkaapostol sa Panginoon.
3 Ito ang aking pagtatanggol sa mga tumutuligsa sa akin. 4 Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawa sa aming paglalakbay gaya ng ibang mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Pedro?[f] 6 O kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanap-buhay? 7 Mayroon bang kawal na naglilingkod sa sarili niyang gastos? Mayroon bang nagtatrabaho sa ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? Mayroon bang nag-aalaga ng mga hayop sa kawan, at hindi umiinom ng gatas ng mga iyon? 8 Sinasabi ko ang mga bagay na ito hindi ayon sa pamantayan ng tao. Hindi ba't ito rin ang sinasabi ng Kautusan? 9 Sapagkat (A) nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka kapag gumigiik.” Ang mga baka lang ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos? 10 Hindi ba't siya ay nagsasalita para sa atin? Ito ay nasulat para sa atin, sapagkat ang nag-aararo ay dapat mag-araro nang may pag-asa, at ang gumigiik ay dapat gumiik nang may pag-asa, at sila'y kapwa tatanggap ng bahagi. 11 Kung (B) kami ay nakapaghasik sa inyo ng mga bagay na espirituwal, kalabisan bang umani kami sa inyo ng mga bagay na materyal? 12 Kung ang iba ay may ganitong karapatan sa inyo, di ba lalong mas may karapatan kami?
Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito, kundi tinitiis namin ang lahat, upang hindi kami makapaglagay ng balakid sa ebanghelyo ni Cristo. 13 Hindi (C) ba ninyo nalalaman na ang mga naglilingkod sa mga gawain sa templo ay kumakain ng mga bagay mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay nakikibahagi sa mga handog sa dambana? 14 Sa gayunding paraan, (D) itinakda ng Panginoon na ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay dapat kumuha ng ikabubuhay mula sa ebanghelyo. 15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ako sumusulat nito ngayon upang ganito ang gawin sa akin. Sapagkat mas nanaisin ko pang mamatay, kaysa maagaw ng sinuman ang batayan ng aking pagmamalaki! 16 Kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo ay wala akong maipagmamalaki sapagkat ito ay tungkuling iniatang sa akin. Kaysaklap ng sasapitin ko kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo! 17 Sapagkat kung kusang-loob ko itong ginagawa, ako ay may gantimpala. Ngunit kung hindi kusang-loob, isang pangangasiwa ang ipinagkatiwala sa akin. 18 Ano naman ang gantimpala ko? Iyon ay ang maipangaral ko ang ebanghelyo nang walang bayad, upang hindi ko magamit nang lubusan ang aking karapatan sa ebanghelyo.
19 Bagaman malaya ako, at hindi alipin ng sinuman, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat. 20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng Kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng Kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng Kautusan, upang mahikayat ko ang mga nasa ilalim ng Kautusan. 21 Sa mga nasa labas ng Kautusan, ako ay naging tulad sa walang Kautusan, ngunit hindi ibig sabihing hindi ako saklaw ng Kautusan ng Diyos, sa halip ako nga'y napapasakop sa Kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng Kautusan. 22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng bagay ay nakibagay ako sa lahat ng tao, upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng ilan. 23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa ebanghelyo, upang ako'y maging kabahagi sa mga biyaya nito.
24 Hindi ba ninyo nalalaman na tumatakbong lahat ang mga kasali sa isang takbuhan, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa paraang kayo'y magkakamit niyon. 25 Ang mga nakikipagpaligsahan sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila iyon upang sila ay magkamit ng isang koronang nasisira, ngunit tayo'y para sa hindi nasisira. 26 Kaya't ako'y tumatakbo hindi gaya ng walang patutunguhan; hindi ako sumusuntok na parang sumusuntok sa hangin. 27 Sa halip ay sinusupil ko ang aking katawan, at inaalipin ko ito, baka pagkatapos na mangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi makapasa sa pagsubok.
Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
10 Mga (E) kapatid, nais kong malaman ninyo na ang ating mga ninuno ay napasailalim ng ulap, at silang lahat ay tumawid sa dagat, 2 at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat. 3 Silang (F) lahat ay kumain ng parehong pagkaing espirituwal; 4 at (G) lahat ay uminom ng parehong inuming espirituwal. Sapagkat sila'y uminom mula sa batong espirituwal na sumunod sa kanila, at ang Batong iyon ay si Cristo. 5 Ngunit (H) hindi nasiyahan ang Diyos sa karamihan sa kanila, at sila'y pinuksa sa ilang. 6 Ang (I) mga bagay na ito'y nagsisilbing halimbawa sa atin, upang huwag tayong magnasa ng masasamang bagay katulad nila. 7 Huwag (J) kayong sumamba sa mga diyus-diyosan, tulad ng iba sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Naupo ang taong-bayan upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw.” 8 Huwag (K) tayong makiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't sa loob ng isang araw ay may dalawampu't tatlong libo ang namatay.[g] 9 Huwag (L) nating subukin si Cristo na gaya ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila, kaya't sila'y nilipol ng mga ahas. 10 Huwag (M) din tayong magreklamo, gaya ng iba na nagreklamo, at sila'y pinuksa ng taga puksa. 11 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at isinulat bilang babala sa atin na inabutan ng katapusan ng mga panahon. 12 Kaya't ang nag-aakalang siya'y nakatayo ay mag-ingat na baka siya'y mabuwal. 13 Ang bawat tuksong nararanasan ninyo ay pawang karaniwan sa tao. Ngunit mapagkakatiwalaan ang Diyos, at hindi niya hahayaang kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip ng tukso ay magbibigay siya ng paraan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayanan.
14 Kaya, mga minamahal ko, layuan ninyo ang pagsamba sa diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang matitinong tao; kayo na ang humatol sa sinasabi ko. 16 Ang (N) kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikibahagi sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikibahagi sa katawan ni Cristo? 17 Sapagkat may isang tinapay at tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa iisang tinapay. 18 Tingnan (O) ninyo ang Israel ayon sa laman, hindi ba't ang mga kumakain ng mga alay ay kabahagi sa dambana? 19 Ano nga ang ibig kong sabihin? Na ang alay sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? O ang diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi! (P) Sa halip, ang mga bagay na iniaalay ng mga pagano ay iniaalay nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos, at ayaw kong kayo'y maging kabahagi ng mga demonyo. 21 Hindi ninyo maaaring inuman ang kopa ng Panginoon at pati ang kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. 22 (Q) Ibubunsod ba natin sa panibugho ang Panginoon? Mas malakas ba tayo kaysa kanya?
Gawin ang Lahat sa Ikaluluwalhati ng Diyos
23 “Maaaring gawin (R) ang lahat ng bagay,” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaaring gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi lahat ay makapagpapatibay. 24 Huwag maghangad ang sinuman para sa kanyang sariling kapakanan kundi para sa kapakanan ng iba. 25 Kainin ninyo ang lahat ng ipinagbibili sa pamilihan nang walang pagtatanong dahil sa budhi, 26 sapagkat (S) “ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng naririto.” 27 Kung anyayahan kayo ng isa sa mga hindi sumasampalataya at nais ninyong pumunta, anumang ihain sa inyo ay kainin ninyo nang walang pagtatanong dahil sa budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Inialay ito bilang handog sa templo,” ay huwag ninyong kainin, alang-alang sa taong nagsabi, at dahil sa budhi. 29 Ang tinutukoy ko ay ang budhi niya, hindi ang sa iyo. Sapagkat bakit ang aking kalayaan ay hahatulan ng budhi ng iba? 30 Kung ako'y nakikisalo nang may pasasalamat sa Diyos, bakit ako'y pipintasan dahil sa bagay na aking ipinagpapasalamat? 31 Kaya kung kayo man ay kumakain o umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng gulo para sa mga Judio, o sa mga Griyego, o sa iglesya ng Diyos, 33 katulad ng pagsisikap kong bigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa lahat ng bagay, at hindi ko hinahangad ang sarili kong kapakanan, kundi ang kapakanan ng marami, upang sila'y maligtas.
11 Tularan (T) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
Tungkol sa Pagtatalukbong
2 Ipinagmamalaki ko kayo, sapagkat sa lahat ng bagay ay naaalala ninyo ako, at nananatili kayong matibay sa mga tradisyon gaya ng ibinigay ko sa inyo. 3 Ngunit ibig kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos. 4 Ang bawat lalaking nananalangin o nagpapahayag ng propesiya nang may takip ang ulo ay naglalagay sa kanyang ulo sa kahihiyan. 5 Subalit ang bawat babaing nananalangin o nagpapahayag ng propesiya nang walang talukbong sa ulo ay naglalagay sa kanyang ulo sa kahihiyan; sapagkat wala siyang ipinag-iba sa babaing inahitan ang ulo. 6 Sapagkat kung ang babae ay hindi nagtatalukbong, magpagupit na lang siya ng kanyang buhok. Ngunit kung kahiya-hiya sa babae ang magpagupit o magpaahit, dapat siyang magtalukbong. 7 Sapagkat (U) hindi nararapat sa lalaki ang magtalukbong ng kanyang ulo, sapagkat siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalaki. 8 Sapagkat (V) ang lalaki ay hindi mula sa babae, kundi ang babae ay mula sa lalaki, 9 at hindi rin nilikha ang lalaki dahil sa babae kundi ang babae dahil sa lalaki. 10 Kaya nga, nararapat na ang babae ay magkaroon sa kanyang ulo ng tanda ng awtoridad, dahil sa mga anghel. 11 Gayunman, sa Panginoon, ang babae ay hindi hiwalay sa lalaki at ang lalaki ay hindi hiwalay sa babae. 12 Sapagkat kung paanong ang babae ay nagmula sa lalaki, ang lalaki naman ay isinisilang sa pamamagitan ng babae; ngunit ang lahat ng mga bagay ay mula sa Diyos. 13 Kayo na ang humatol: angkop ba sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang talukbong? 14 Hindi ba't ang kalikasan mismo ang nagtuturo sa inyo na kahihiyan para sa isang lalaki ang magkaroon ng mahabang buhok, 15 ngunit karangalan naman para sa babae kung siya'y may mahabang buhok? Sapagkat ang kanyang buhok ay ibinigay sa kanya bilang pantalukbong. 16 Ngunit kung nagbabalak ang sinuman na makipagtalo, wala kaming gayong kaugalian, ni ang mga iglesya ng Diyos.
Mga Maling Gawain sa Banal na Hapunan
17 Sa mga sumusunod na tagubilin naman ay hindi ko kayo mapupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti, kundi sa ikasasama pa. 18 Sapagkat una sa lahat, sa pagpupulong ninyo sa iglesya, ay nababalitaan ko na may mga pagkakampi-kampi sa inyo, at parang pinaniniwalaan ko na ito. 19 Sa isang dako, kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagbubukud-bukod upang lubusang makilala kung sino sa inyo ang tunay. 20 Sa pagkakatipon ninyo ay hindi ang hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat sa inyong pagkain, mayroon sa inyong nauunang kumain ng sarili niyang hapunan, kaya may nagugutom, at ang iba nama'y lasing. 22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ba ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Pupurihin ko ba kayo? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo mapupuri.
Pagganap ng Hapunan ng Panginoon(W)
23 Sapagkat ang tinanggap ko mula sa Panginoon ang siyang itinatagubilin ko sa inyo: na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay kumuha ng tinapay; 24 at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 25 Sa (X) gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito, tuwing kayo'y iinom nito, bilang pag-alaala sa akin.” 26 Sapagkat sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopa, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagdating.
Ang Di-Nararapat na Pagganap ng Banal na Hapunan
27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat ay mananagot sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Suriin nga ng bawat tao ang kanyang sarili, bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili kung hindi niya kinikilala ang katawan.[h] 30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at maysakit, at ang ilan ay yumao na.[i] 31 Ngunit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan. 32 At kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, dinidisiplina niya tayo upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan. 33 Kaya nga, mga kapatid, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang hindi kayo mahatulan kapag kayo ay nagtitipon. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.
Footnotes
- 1 Corinto 3:22 Pedro: sa tekstong Griyego, Cefas, na ang kahulugan ay bato.
- 1 Corinto 4:17 Sa ibang manuskrito Cristo; sa iba, Panginoong Jesus.
- 1 Corinto 7:25 Sa Griyego, birhen.
- 1 Corinto 7:28 Sa Griyego, sa laman.
- 1 Corinto 7:36 ++ 36, 37 Sa Griyego, birhen.
- 1 Corinto 9:5 Pedro: sa tekstong Griyego, Cefas, na ang kahulugan ay bato.
- 1 Corinto 10:8 Sa Griyego, nabuwal.
- 1 Corinto 11:29 Sa ibang manuskrito katawan ng Panginoon.
- 1 Corinto 11:30 Sa Griyego, natutulog.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.