Add parallel Print Page Options

Propesiya at Pagsasalita ng Iba't ibang Wika

14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at naisin ninyong magkaroon ng mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapagpahayag ng propesiya. Sapagkat ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa taong iyon, yamang sa Espiritu ay nagsasalita siya ng mga hiwaga. Ngunit ang nagpapahayag ng propesiya ay sa mga tao nagsasalita upang sila'y maging matatag, masigla at mabigyang-kaaliwan. Ang nagsasalita sa ibang wika ay nagpapatibay lamang ng sarili, ngunit ang nagpapahayag ng propesiya ay nagpapatibay ng iglesya. Nais ko rin naman sanang kayong lahat ay magsalita sa iba't ibang wika, ngunit mas nais ko na kayo ay magpahayag ng propesiya. Ang nagpapahayag ng propesiya ay higit kaysa nagsasalita ng iba't ibang wika, malibang may nagpapaliwanag nito upang mapatatag ang iglesya.

Subalit ngayon, mga kapatid, kung dumating ako sa inyo at nagsasalita sa iba't ibang wika, ano'ng pakinabang ninyo sa akin? Wala nga, malibang ako'y may dalang pahayag, o kaalaman, propesiya, o isang aral. Maging ang mga instrumentong walang buhay katulad ng plauta o alpa, kung hindi magbigay ng malinaw na tunog, di ba't hindi malalaman ng sinuman kung ano ang tinutugtog? Sapagkat kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda para sa digmaan? Gayundin naman sa inyo. Kung sa pagsasalita ninyo sa isang wika ay gumagamit kayo ng mga salitang hindi nauunawaan, paano malalaman ng mga tao ang ibig ninyong sabihin? Kung gayon, sa hangin lamang kayo magsasalita. 10 Sadyang napakaraming uri ng mga wika sa daigdig, at lahat ng mga ito ay may kahulugan. 11 Ngunit kung hindi ko alam ang kahulugan ng wikang ginagamit, ako ay magiging banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging banyaga sa akin. 12 Gayundin naman sa inyo. Yamang nagnanais kayong magkaroon ng mga espirituwal na kaloob, maging masagana sana kayo sa mga kaloob na makapagpapatatag sa iglesya. 13 Kaya't ang nakapagsasalita sa ibang wika ay dapat manalangin na magkaroon din siya ng kakayahang makapagpaliwanag. 14 Sapagkat kung ako'y nananalangin sa ibang wika, nananalangin ang aking espiritu, ngunit wala namang ibinabahagi ang aking pag-iisip. 15 Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at mananalangin din ako sa aking pag-iisip. Aawit ako sa espiritu, at aawit din ako sa aking pag-iisip. 16 Kung hindi gayon, kapag nagpupuri ka sa pamamagitan ng espiritu, paano makapagsasabi ng “Amen” sa iyong pagpapasalamat ang isang taong walang kaalaman, kung hindi naman niya nauunawaan ang sinasabi mo? 17 Maaaring ikaw ay lubos na nakapagpapasalamat, ngunit ang iba naman ay hindi napapalakas. 18 Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagsasalita ako sa mga wika nang higit kaysa inyong lahat. 19 Ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang bumigkas ng limang salita na nauunawaan, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika.

20 Mga kapatid, huwag kayong mag-isip na parang mga bata. Tungkol sa kasamaan ay maging musmos kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging tulad kayo ng mga taong nasa hustong gulang.

Read full chapter