Add parallel Print Page Options

12 Ngayong tungkol sa mga kaloob na ayon sa espiritu, mga kapatid, ay hindi ko ibig na hindi kayo makaalam.

Nalalaman ninyo na nang kayo'y mga Gentil pa, ay iniligaw kayo sa mga piping diosdiosan, sa alin mang paraang pagkahatid sa inyo.

Kaya't ipinatatalastas ko sa inyo, na wala sinomang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios ay nagsasabi, Si Jesus ay itinakwil; at wala sinoman ay makapagsasabi, Si Jesus ay Panginoon kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ngayo'y may iba't ibang mga kaloob, datapuwa't iisang Espiritu.

At may iba't ibang mga pangangasiwa, datapuwa't iisang Panginoon.

At may iba't ibang paggawa, datapuwa't iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.

Datapuwa't sa bawa't isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman.

Sapagka't sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon din sa Espiritu:

Sa iba'y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba'y ang mga kaloob na pagpapagaling, sa iisang Espiritu.

10 At sa iba'y ang mga paggawa ng mga himala; at sa iba'y hula; at sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu; at sa iba'y ang iba't ibang wika; at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.

11 Datapuwa't ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa't isa ayon sa kaniyang ibig.

12 Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.

13 Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

14 Sapagka't ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami.

15 Kung sasabihin ng paa, Sapagka't hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.

16 At kung sasabihin ng tainga, Sapagka't hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.

17 Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy.

18 Datapuwa't ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.

19 At kung ang lahat nga'y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan?

20 Datapuwa't maraming mga sangkap nga, nguni't iisa ang katawan.

21 At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan.

22 Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari'y lalong mahihina:

23 At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan;

24 Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa't hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan;

25 Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa.

26 At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.

27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya.

28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika.

29 Lahat baga'y mga apostol? lahat baga'y mga propeta? lahat baga'y mga guro? lahat baga'y mga manggagawa ng mga himala?

30 May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag?

31 Datapuwa't maningas ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob. At itinuturo ko sa inyo ang isang daang kagalinggalingan.

Mga Kaloob na Espirituwal

12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko ibig na kayo ay walang nalalaman patungkol sa mga kaloob na espirituwal.

Alam ninyo na kayong mga Gentil ay inakay patungo sa mga diyos-diyosang hindi nakakapagsalita. Kaya nga, nais kong malaman ninyo ito. Walang sinumang tao na nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ang nagsasabi: Sumpain si Jesus. Wala ring makakapagsabing si Jesus ay Panginoon maliban sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.

May iba’t ibang uri ng kaloob ngunit iisa ang Espiritu. May iba’t ibang uri ng paglilingkod ngunit iisa ang Pangi­noon. May iba’t ibang uri ng gawain ngunit iisa ang Diyos na sa lahat ay gumagawa sa lahat ng bagay.

Ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan. Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa isa ay ibinigay ang salita ng karunungan. Sa isa ay ibinigay ang salita ng kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu. Sa iba ay ibinigay ang pananampalataya at sa iba ay kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Sa isa naman ay ibinigay ang paggawa ng mga himala at sa isa ay ang pagpapahayag. Sa isa ay ibinigay ang pagkilala sa mga espiritu at sa iba naman ay iba’t ibang uri ng wika. Sa iba naman ay ang pagpapaliwanag sa mga wika. 11 Gayunman, ang isa at siya ring Espiritu ang gumagawa sa lahat ng mga bagay na ito. Ibinabahaginiya ito sa bawat isa ayon sa kaniyang kalooban.

Isang Katawan, Maraming Bahagi

12 Ang katawan ay iisa ngunit maraming bahagi. Ang lahat ng bahagi ng isang katawan bagamat marami ay iisang katawan. Si Cristo ay gayundin.

13 Ito ay sapagkat sa pamama­gitan ng iisang Espiritu, tayo rin ngang lahat ay binawtismuhan sa iisang katawan kahit tayo ay Judio o Griyego, alipin o malaya. At tayo rin ay pinainom sa iisang Espiritu.

14 Ito ay sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi kundi marami. 15 Ang paa ba ay hindi bahagi ng katawan kapag sinabi niya: Dahil hindi ako kamay, hindi ako kasama sa katawan. 16 Ang tainga ba ay hindi bahagi ng katawan kapag sinabi niya: Dahil hindi ako mata, hindi ako kasama sa katawan. 17 Kung ang buong katawan ay mata, paano ito makakarinig? Kung ang buong katawan ay pandinig, paano ito makakaamoy? 18 Ngunit ngayon, inilagay ng Diyos sa katawan ang bawat isang bahagi ayon sa kalooban niya. 19 Kapag ang lahat ng bahagi ay iisa lang, nasaan ang katawan? 20 Ngunit ngayon, marami ang bahagi ngunit iisa ang katawan.

21 Ang mata ay hindi makakapagsabi sa kamay: Hindi kita kailangan. Maging ang ulo ay hindi makakapagsabi sa paa: Hindi kita kailangan. 22 Subalit ang mga bahagi pa nga ng katawan na inaakalang mahihina ay siyang kinakailangan. 23 Binibigyan natin ng malaking karangalan ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong marangal. Ang mga hindi magagandang bahagi ay higit nating pinagaganda. 24 Ngunit ang magagandang bahagi ay hindi na kinakailangang pagandahin. Subalit maayos na pinagsama-sama ng Diyos ang katawan. Ang mga bahaging may kakulangan ay binigyan niya ng higit na karangalan. 25 Ito ay upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan at sa halip ay magmalasakitan sa isa’t isa ang lahat na bahagi. 26 Kaya nga, kung ang isang bahagi ay maghihirap, kasama niyang maghihirap ang lahat ng bahagi. Kung ang isang bahagi ay pararangalan, kasama niyang magagalak ang lahat ng bahagi.

27 Kayo nga ang katawan ni Cristo at ang bawat isa ay bahagi nito. 28 At itinalaga ng Diyos ang ilan sa iglesiya. Una ay ang mga apostol, pangalawaang mga propeta at pangatlo ang mga guro. Kasunod nito ang mga gumagawa ng himala, pagkatapos ay ang mga kaloob ng pagpapagaling at saka ang pagtulong. Inilagay din ang pamamahala at iba’t ibang uri ng wika. 29 Ang lahat ba ay mga apostol? Lahat ba ay mga propeta? Lahat ba ay mga guro? Ang lahat ba ay gumagawa ng mga himala? 30 Lahat ba ay may kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba ay nagsasalita ng mga wika? Lahat ba ay nagpapa­liwanag ng mga wika? 31 Ngunit higit ninyong hangarin ang pinakamabuting kaloob.

Ipakikita ko sa inyo ang lalo pang higit na paraan.

Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal

12 Ngayon naman, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang tungkol sa mga kaloob na espirituwal. Alam ninyo na noong mga pagano pa kayo, iniligaw kayo sa mga piping diyus-diyosan. Nais ko ngang maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa patnubay ng Banal na Espiritu.

May (A) iba't ibang uri ng mga kaloob, ngunit mula sa iisang Espiritu. At may iba't ibang uri ng paglilingkod, ngunit mula sa iisang Panginoon. May iba't ibang uri ng gawain, ngunit mula sa iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay sa lahat. Ngunit ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan ng lahat. May binigyan ng salita ng karunungan sa pamamagitan ng Espiritu, at ang iba nama'y binigyan ng salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu; ang iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at ang iba'y mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Ang iba'y binigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, ang iba'y propesiya, ang iba'y kakayahang kumilala ng mga espiritu, ang iba'y kakayahang magsalita ng iba't ibang wika, at ang iba nama'y pagpapaliwanag ng mga wika. 11 Ngunit ang lahat ng ito ay pinakikilos ng iisa at parehong Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa ninanais ng Espiritu.

Iisang Katawan, Maraming Bahagi

12 Sapagkat (B) kung paanong iisa ang katawan at marami ang mga bahagi, at ang lahat ng bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin naman kay Cristo. 13 Sapagkat sa pamamagitan ng iisang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa iisang katawan, maging Judio o Griyego, alipin o malaya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. 14 Sapagkat ang katawan ay hindi binubuo ng iisang bahagi, kundi ng marami. 15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy? 18 Inilagay ng Diyos ang mga bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang kagustuhan. 19 At kung ang lahat ay isang bahagi, nasaan pa ang katawan? 20 Maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan. 21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay mahihina ay silang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay walang karangalan, ay pinag-uukulan natin ng ibayong karangalan, at ang mga kahiya-hiyang bahagi natin ang lalong pinararangalan— 24 na hindi naman kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit ang Diyos ang bumuo ng katawan sa paraang mabibigyan ng ibayong kapurihan ang bahaging may kakulangan. 25 Ito'y upang huwag magkaroon ng pagkakahati-hati sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng parehong pagmamalasakit sa isa't isa. 26 Kapag naghihirap ang isang bahagi, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang natutuwa ang mga bahagi.

27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at ang bawat isa'y bahagi nito. 28 At (C) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una, ng mga apostol, ikalawa, ng mga propeta, ikatlo, ng mga guro, at ng mga himala, at mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga kakayahan sa pamumuno, at iba't ibang uri ng wika. 29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala? 30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng iba't ibang wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag? 31 Ngunit pakamithiin ninyo ang mga mas dakilang kaloob.

At ngayon ay ipapakita ko sa inyo ang walang kapantay na daan.